Kung Bakit Pinayagan ng Diyos ang Paghihirap
“Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang. Ituwid mo ako, Oh Jehova.”—Jeremias 10:23, 24.
ANG mga salitang iyon ay isinulat libu-libong taon pagkatapos lalangin ang tao. Natanto ni Jeremias na hanggang noong panahon niya, ang kasaysayan ng tao ay isang malaking sakuna kung ihahambing sa magandang pasimula na ibinigay ng Diyos sa ating unang mga magulang.
Ang obserbasyon ni Jeremias ay pinagtibay ng rekord ng mahigit na 2,500 karagdagang taon ng kasaysayan mula noong panahon niya. Ang malaking sakuna ay lalo pang lumala. Ano ang nagkamali?
Maling Gamit sa Kalayaang Magpasiya
Nakaligtaan ng ating unang mga magulang ang bagay na sila’y hindi nilalang upang magtagumpay na hiwalay sa Diyos at sa kaniyang mga batas. Sila’y nagpasiyang maging hiwalay sa Diyos, inaakalang mapasusulong niyan ang kanilang buhay. Subalit ito’y isang pagmamalabis sa kanilang kalayaan. Lumabas sila sa mga hangganang itinakda ng Diyos sa kalayaang magpasiya.—Genesis, kabanata 3.
Bakit hindi na lang basta pinuksa ng Diyos sina Adan at Eva at nagsimula naman ng ibang pares ng tao? Sapagkat ang kaniyang pansansinukob na pagkasoberanya at ang kaniyang paraan ng pamamahala ay tinutulan. Ang kaniyang pagiging Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat at Maylikha ng lahat ng nilalang ay nagbibigay sa kaniya ng karapatan na mamahala sa kanila. Yamang siya ang Matalino-sa-Lahat, ang kaniyang pamamahala ang pinakamabuti para sa lahat ng nilalang. Subalit ang pamamahala-ng-Diyos ay hinahamon.
Ang mga tao kaya ay makagagawa ng mas mabuti kaysa kung sila’y pamahalaan ng Diyos? Tiyak na alam ng Maylikha ang sagot sa tanong na iyan. Ang tiyak na paraan upang malaman ng mga tao ang sagot ay pahintulutan sila ng walang-takdang kalayaan na ninanais nila. Kaya, ang isang dahilan, kabilang sa iba pa, kung bakit pinayagan ng Diyos ang kabalakyutan at paghihirap ay upang ipakita nang walang kaduda-duda kung baga ang pamamahala ng tao na hiwalay sa kaniya ay magtatagumpay.a
Sina Adan at Eva ang nagdala ng paghihirap sa kanilang sarili at sa kanilang mga supling. Kanilang ‘inani kung ano ang kaniyang inihasik.’ (Galacia 6:7) “Sila’y nagpakasama sa ganang kanilang sarili; sila’y hindi mga anak [ng Diyos], ang kasiraan ay sa kanilang sarili.”—Deuteronomio 32:5.
Ang ating unang mga magulang ay binabalaan na ang paghiwalay sa pamamahala ng Diyos ay magbubunga ng kanilang kamatayan. (Genesis 2:17) Iyan ang katotohanan. Palibhasa’y iniwan nila ang Diyos, iniwan nila ang pinagmumulan ng kanilang kalusugan at buhay. Sila’y nanghina hanggang sa sila’y namatay.—Genesis 3:19.
Mula noon, ang Diyos ay nagpahintulot ng sapat na panahon sa sambahayan ng tao upang lubusang ipakita kung baga ang anumang sistema sa pulitika, lipunan, o ekonomiya na kanilang ginawa na hiwalay sa pamamahala niya ay mapatutunayang lubusang kasiya-siya. Magdala kaya ang alinman sa mga sistemang ito ng isang maligaya, mapayapang daigdig na malaya sa krimen o digmaan? Makagawa kaya ang alinman dito ng materyal na kasaganaan para sa lahat? Madaig kaya ng alinman dito ang sakit, pagtanda, at kamatayan? Ang pamamahala ng Diyos ay idinisenyo upang gawin ang lahat ng mga bagay na iyon.—Genesis 1:26-31.
Kung Ano ang Itinuturo ng Paglipas ng Panahon
Hindi nagtagal ipinakita ng kasaysayan ang katotohanan ng Roma 5:12: “Ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng tao.” Ipinaliliwanag ng talatang ito na “sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamataya’y sa pamamagitan ng kasalanan.” Nang maghimagsik ang ating unang mga magulang laban sa pamamahala ng Diyos, sila’y naging depektibo, di-sakdal. Ang pagiging may depektong ito ang tanging maipapasa nila sa kanilang mga anak. Bunga nito, lahat tayo ay isinilang na may depekto, madaling kapitan ng sakit at kamatayan.
Ipinakita rin ng paglipas ng panahon kung gaano kakila-kilabot na gumawi ang makasalanang tao sa isa’t isa. Nagkaroon ng di mabilang sa dami na imbing mga digmaan, etniko at relihiyosong pagkapoot, mga inkisisyon, katakut-takot na mga krimen ng lahat ng uri, at mga gawa ng kasakiman at kaimbutan. Gayundin, ang karalitaan at gutom ay bumibiktima ng di mabilang na angaw-angaw katao.
Sa nakalipas na libu-libong taon, sinubok na ng tao ang lahat ng maiisip na uri ng gobyerno. Gayunman, isa-isa itong nabigo upang sapatan ang mga pangangailangan ng tao. Kamakailan, ang mga gobyernong Komunista ay tinanggihan sa maraming bansa. Sa mga bansang demokratiko ay mayroon ding palasak na krimen, karalitaan, mabuway na ekonomiya, at katiwalian. Oo, lahat ng uri ng gobyerno ng tao ay napatunayang kulang.
Isa pa, ipinahintulot ng Diyos ang panahon upang marating ng mga tao ang rurok ng kanilang siyentipiko at materyal na tagumpay. Subalit tunay bang pagsulong kung ang busog at palaso at hinalinhan ng nuklear na mga missile? kung ang mga tao’y nakapaglalakbay sa kalawakan subalit hindi naman makapamuhay nang mapayapa sa lupa? kung ang angaw-angaw na mga tao ay natatakot lumabas sa gabi dahil sa krimen?
Ipinakikita ng pagsubok ng panahon na hindi posible para sa mga tao na matagumpay na ‘ituwid ng kanila mismong hakbang’ kung paanong hindi posibleng mabuhay nang walang pagkain, tubig, at hangin. Tayo’y idinisenyo upang umasa sa patnubay ng ating Maylikha kung paanong tayo’y nilikha upang umasa sa pagkain, tubig, at hangin.—Mateo 4:4.
Sa pagpapahintulot sa kabalakyutan at paghihirap, ipinakita ng Diyos minsan at magpakailanman ang malungkot na mga resulta ng maling paggamit ng kalayaang magpasiya. Ito’y isang mahalagang kaloob anupa’t sa halip na alisin ang kalayaang magpasiya sa mga tao, pinayagan ng Diyos na makita nila kung ano ang kahulugan ng maling gamit nito.
Kung tungkol sa kalayaang magpasiya, ang publikasyong “Statement of Principles of Conservative Judaism” ay nagsasabi: “Kung walang tunay na posibilidad na ang mga tao’y gumawa ng maling pagpili kapag nakakaharap ang mabuti at masama, ang buong ideya ng pagpili ay walang saysay. . . . Ang karamihan ng mga paghihirap sa daigdig ay tuwirang bunga ng ating maling gamit sa kalayaang magpasiya na ipinagkaloob sa atin.”
Tiyak, na tama si Jeremias nang sabihin niya: “Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” At tama rin si Solomon nang sabihin niya: “Dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.”—Eclesiastes 8:9.
Maliwanag, ipinakikita niyan ang kawalang kakayahan ng tao na alisin ang paghihirap. Kahit na si Solomon, taglay ang lahat niyang karunungan, kayamanan, at kapangyarihan ay hindi nalunasan ang kahirapan na mula sa pamamahala ng tao.
Kung gayon, paano wawakasan ng Diyos ang paghihirap? Tutubusin ba niya ang mga tao mula sa kanilang dating mga paghihirap?
[Talababa]
a Para sa ganap na pagtalakay sa lahat ng isyung nasasangkot, tingnan ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, mga kabanata 11 at 12, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 9]
Binigyan ng Diyos ang tao ng sakdal na pasimula, subalit ipinakikita ng kasaysayan na hiwalay sa Diyos hindi matagumpay na ‘maitutuwid [ng mga tao] ang kanilang hakbang’