Mula sa Aming mga Mambabasa
Meykap Ako’y nagtatrabaho bilang isang makeup artist at nasumpungan ko ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Magagamit Nang Wasto ang Meykap?” (Hunyo 22, 1990) na totoong tumpak at nakapagtuturo. Tungkol sa panganib na mahawahan ng baktirya sa mga sampol o tester sa tindahan, ang isang matalinong pag-iingat ay mamili sa isang kagalang-galang na tindahan. Ang mga tindahang iyon ay karaniwang may sanay na mga kawaning pinananatiling malinis at kaakit-akit sa mga parokyano ang kanilang mga sampol. Dapat mo ring igiit na isang-gamit-tapon na mga pamahid, gaya ng cotton swabs o mga bolang bulak, ang gamitin. Ang mga lipstick ay dapat linisin ng alkohol bago gamitin. Ang mga brush ng meykap ay dapat munang linisin ng panlinis. Ang mga lapis na gamit sa mata ay dapat tasahan bago gamitin. Maipakikita mo rin ang konsiderasyon sa susunod na parokyano sa pamamagitan ng hindi paglalagay ng iyong mga daliri sa alinmang produkto.
C. H., Estados Unidos
Baril Sumamâ ang loob ko sa inyong pilipit na paglalarawan ng mga baril sa labas ng Mayo 22, 1990. Ang gayong isahang-panig, negatibong paglalarawan sa walang-buhay na mga bagay ay katawa-tawa. Ang mga baril ay hindi naman likas na mabuti o masama; ni ang mga gumagawa, nagbibili, o nagmamay-ari nito.
J. P., Estados Unidos
Nabalo ang aking tiyo nang ang kaniyang asawa ay mamatay sa isang aksidente ng kotse at ginugol niya ang tatlong buwan sa kaiinom. Sa wakas siya’y nagkulong sa banyo at nagbaril sa sarili. Inaasahan kong ang mga taong nakabasa sa artikulo ay hihinto at mag-iisip kung baga sulit nga ang pagmamay-ari ng isang baril.
M. C. A., Brazil
Bagaman inaanim ko na sa tuwina’y nais ko ng isang baril, nang mabasa ko ang mga pahinang iyon, tinanong ko ang aking sarili kung baga sulit pa kaya para sa akin na mag-ipon upang makabili ng baril.
D. M., Inglatera
Pagkakabaha-bahagi sa Katoliko Nasindak ako sa inyong labas ng Hunyo 22, 1990! Kailangan bang ipakita ang aming nakapako sa krus na Tagapagligtas na nahahati sa dalawa?
D. L. A., Estados Unidos
Wala kaming layon na hindi igalang si Kristo. Ang krus ay karaniwang ginagamit bilang isang sagisag ng Iglesya Katolika mismo. Ang larawan sa gayon ay nagsilbi upang isadula ang kahina-hinayang na pagkakabaha-bahagi sa loob ng Katolisismo. Kapuna-puna, nang hatulan ni apostol Pablo ang pagkakabaha-bahagi sa gitna ng mga Kristiyano sa Corinto, ginamit niya ang malinaw na ilustrasyong ito: “Ang Kristo ay nababahagi.” (1 Corinto 1:13)—ED.
Binabati ko kayo. Ang pagkakasulat ay mahusay ang pagkakasaliksik, kawili-wiling isinulat, at hindi humahatol. Hinding-hindi ninyo ako makukumberte sa inyong relihiyon, subalit inyo akong naliwanagan at nabigyan ng impormasyon.
V. O., Estados Unidos
Epilepsiya Nais kong ipahayag ang aking taimtim na pasasalamat sa artikulo tungkol sa epilepsiya! (Hunyo 22, 1990) Anong laking ginhawang malaman na hindi lamang ako ang dumaranas ng epilepsiya. Lubha akong nanlumo anupa’t nais kong wakasan ang lahat ng ito. Tamang-tama ang dating ng artikulo. Binuksan nito ang pag-asa sa isang hinaharap na wala nang sakit.
N. P., Pederal na Republika ng Alemanya
Pag-eeksperimento sa Hayop Labis kong pinahahalagahan ang inyong artikulo. (Hulyo 8, 1990) Alam kong ang mga eksperimento ay isinagawa sa mga hayop, subalit hindi ko naisip na ang mga ito ay ginamit sa paggawa ng mga kosmetiks, shampoo, at detergent! Buong pananabik na hihintayin ko ang panahon kapag ang gayong mga pagmamalabis ay titigil na.
R. M., Italya