Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 10/22 p. 3-7
  • Ang Pagbibili ng Dugo ay Malaking Negosyo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagbibili ng Dugo ay Malaking Negosyo
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paano Nanatiling Matubo ang Dugo
  • Tubò mula sa Walang Patubuan
  • Ang Pangglobong Kalakalan
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Medisina ng Pagsasalin ng Dugo—Magtatagal Kaya Ito?
    Gumising!—2006
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Dugo
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 10/22 p. 3-7

Ang Pagbibili ng Dugo ay Malaking Negosyo

GINTONG PULA! Gaya ng ipinahihiwatig ng palayaw, ito ay isa sa lubhang pinahahalagahang sustansiya. Ito ay isang mahalagang likido, isang napakahalagang likas na yaman na inihambing hindi lamang sa ginto kundi sa langis at karbón din naman. Gayunman, ang gintong pula ay hindi minimina sa mga ugat sa bato na ginagamitan ng barena at dinamita. Ito’y minimina sa mga ugat ng tao sa pamamagitan ng mas tusong paraan.

“Pakisuyo, ang aking munting anak na babae ay nangangailangan ng dugo,” samo ng isang paskil na nanganganinag sa abalang lansangan ng Lungsod ng New York. Ang ibang anunsiyo ay humihimok: “Kung ikaw ay tagapagkaloob, ikaw ang uri ng tao na kailangan ng mundong ito.” “Mahalaga ang iyong dugo. Makipagtulungan ka.”

Maliwanag na nasasakyan ng mga taong nais tumulong sa iba ang mensahe. Sila’y pulu-pulutong na nagsisipila, sa buong daigdig. Walang alinlangan ang karamihan sa kanila, gayundin ang mga taong kumukuha ng dugo at ang mga taong nagsasalin ng dugo, ay taimtim na nagnanais na tulungan ang naghihirap at naniniwalang gayon nga ang kanilang ginagawa.

Subalit pagkaraang maipagkaloob ang dugo at bago ito isalin, ito ay dumaraan sa marami pang kamay at napasasailalim ng higit pang mga pamamaraan kaysa inaakala natin. Tulad ng ginto, ang dugo ay pumupukaw rin ng kasakiman. Ito’y maaaring ipagbili nang may tubò at saka muling ipagbili sa mas malaking tubò. Ang ibang tao ay nag-aaway dahil sa karapatang kumuha ng dugo, ipinagbibili nila ito sa pagkalalaking halaga, kumikita sila nang husto mula rito, at ipinupuslit pa nga nila ito mula sa isang bansa tungo sa ibang bansa. Sa buong daigdig, malaking negosyo ang pagbibili ng dugo.

Sa Estados Unidos, ang mga tagapagkaloob ay dating hayagang binabayaran dahil sa kanilang dugo. Subalit noong 1971 ang Britanong autor na si Richard Titmuss ay nagparatang na dahil sa pagtukso sa mahihirap at maysakit na magkaloob ng dugo alang-alang sa ilang dolyar, sinasabing ang sistema sa Amerika ay hindi ligtas. Ikinatuwiran din niya na hindi magandang asal para sa mga tao na makinabang mula sa pagbibigay ng kanilang dugo upang tulungan ang iba. Ang kaniyang pag-atake ay nagwakas sa pagbabayad sa mga nagkakaloob ng dugo sa Estados Unidos (bagaman ang paraang ito ay umuunlad pa rin sa ibang bansa). Gayunman, matubo pa rin ang kalakalan ng dugo. Bakit?

Kung Paano Nanatiling Matubo ang Dugo

Noong 1940’s, sinimulang ihiwalay ng mga siyentipiko ang mga sangkap ng dugo. Ang proseso, ngayo’y tinatawag na fractionation, ay ginagawang lalo pang matubo ang negosyo ng dugo. Papaano? Bueno, isaalang-alang: Kapag pinaghiwa-hiwalay at ang mga bahagi nito ay ipagbili, ang isang lumang-modelong kotse ay maaaring maging limang ulit ang halaga kaysa halaga nito kung buo. Sa gayunding paraan, ang halaga ng dugo ay lalo pang lumalaki kapag ito’y binaha-bahagi at ang mga bahagi nito ay ipagbili nang bukod.

Ang plasma, na bumubuo ng halos kalahati ng dami ng dugo, ay isang totoong kapaki-pakinabang na sangkap ng dugo. Yamang ang plasma ay walang mga bahaging selula ng dugo​—pulang selula, puting selula, at platelets—​ito’y maaaring patuyuin at iimbak. Isa pa, ang tagapagkaloob ay pinapayagang magbigay ng buong dugo limang beses lamang sa isang taon, subalit siya ay maaaring magbigay ng plasma hanggang dalawang beses isang linggo sa pamamagitan ng plasmapheresis. Sa prosesong ito, ang buong dugo ay kinukuha, ihihiwalay ang plasma, at pagkatapos ang mga bahaging selula ay ipapasok na muli sa nagkaloob.

Ipinahihintulot pa rin ng Estados Unidos na bayaran ang mga nagkaloob ng kanilang plasma. Gayumpaman, ang bansang iyon ay pumapayag na ang mga tagapagkaloob nito ay magbigay ng halos apat na ulit na mas maraming plasma sa bawat taon kaysa inirerekomenda ng World Health Organization! Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang Estados Unidos ay kumukuha ng mahigit 60 porsiyento ng panustos na plasma ng daigdig. Ang lahat ng plasmang iyon sa ganang sarili ay nagkakahalaga ng halos $450 milyon, subalit mas malaki pa ang halaga nito sa pamilihan sapagkat ang plasma ay maaari ring ihiwalay tungo sa iba’t ibang sangkap. Sa buong daigdig, ang plasma ang pinagmumulan ng $2,000,000,000-isang-taon na industriya!

Ang Hapón, sang-ayon sa pahayagang Mainichi Shimbun, ay kumukunsumo ng halos sangkatlo ng plasma ng daigdig. Inaangkat ng bansang iyon ang 96 na porsiyento ng sangkap na ito ng dugo, karamihan dito ay mula sa Estados Unidos. Tinawag ng mga kritiko sa Hapón ang bansang iyon na “ang bampira ng daigdig,” at sinikap ng Japanese Health and Welfare Ministry na ipagbawal ang negosyong iyon, sinasabing hindi makatuwirang tumubo mula sa dugo. Sa katunayan, sinasabi ng Ministri na ang mga institusyon ng medisina sa Hapón ay kumikita ng $200,000,000 taun-taon mula sa isa lamang sangkap ng plasma, ang albumin.

Ang Pederal na Republika ng Alemanya ay kumukunsumo ng higit na mga produkto ng dugo kaysa iba pa sa Europa na pinagsama, mas marami sa bawat tao kaysa anumang bansa sa daigdig. Ang aklat na Zum Beispiel Blut (Halimbawa, Dugo) ay nagsasabi tungkol sa mga produkto ng dugo: “Mahigit na kalahati ay inaangkat, pangunahin na buhat sa E.U.A., gayundin sa Third World. Sa anumang kaso buhat sa mahihirap, na nais dagdagan ang kanilang kita sa pamamagitan ng pagkakaloob ng plasma.” Ang iba sa mahihirap na ito ay nagbebenta ng napakaraming dugo anupa’t sila’y namamatay dahil sa kawalan ng dugo.

Maraming komersiyal na mga sentro-ng-plasma ay estratehikong matatagpuan sa mga dakong mababa-ang-kita at sa mga hangganan ng mas mahihirap na bansa. Inaakit nito ang mahihirap at mga pinabayaan, na handang magbili ng plasma dahil sa pera at may sapat na dahilan upang magbigay ng higit kaysa kinakailangang ibigay nila at itago ang anumang sakit na maaaring mayroon sila. Ang gayong kalakalan ng plasma ay bumangon sa 25 bansa sa buong daigdig. Kapag pinahinto ito sa isang bansa, susulpot naman ito sa ibang bansa. Ang pagsuhol sa mga opisyal gayundin ang pagpupuslit ay karaniwan.

Tubò mula sa Walang Patubuan

Subalit ang walang patubuang mga bangko ng dugo ay sumailalim din ng masakit na pagbatikos kamakailan. Noong 1986 ang reporter na si Andrea Rock ay sumulat sa magasing Money na ang isang yunit ng dugo ay binibili ng mga bangko ng dugo sa mga tagapagkaloob sa halagang $57.50, na binibili naman ng ospital mula sa mga bangko ng dugo sa halagang $88.00, at na binabayaran naman ng mga pasyente ng mula $375 hanggang $600 upang isalin sa kaniya.

Nagbago na ba ang kalagayan mula noon? Noong Setyembre 1989 ang reporter na si Gilbert M. Gaul ng The Philadelphia Inquirer ay sumulat ng isang serye ng mga artikulo sa pahayagan tungkol sa sistema ng pagbabangko ng dugo sa E. U.a Pagkatapos ng isang-taóng imbestigasyon, iniulat niya na ang ilang bangko ng dugo ay sumasamo sa mga tao na magkaloob ng dugo at pagkatapos ay ipinagbibili ang halos kalahati ng dugong iyon sa iba pang mga sentro ng dugo, na may malaking tubò. Tinataya ni Gaul na ang mga bangko ng dugo ay nagkakalakal ng halos kalahating milyong litro ng dugo taun-taon sa ganitong paraan, sa isang mapandayang $50,000,000-isang-taon na bentahan na kumikilos na parang isang aksiyon o stock exchange.

Gayunman, ang paliwanag sa pagkakaiba: Ang negosyong ito ng dugo ay hindi sinusubaybayan ng gobyerno. Hindi masukat ng sinuman ang eksaktong lawak nito, ano pa kaya ang pagkontrol sa presyo nito. At walang nalalaman tungkol dito ang mga tagapagkaloob ng dugo. “Ang mga tao’y nililinlang,” sabi ng isang nagretirong tagapagbangko ng dugo sa The Philadelphia Inquirer. “Walang nagsasabi sa kanila na ang kanilang dugo ay napupunta sa amin. Magagalit sila nang husto kung malalaman nila ang tungkol dito.” Sa maikli ganito ang sabi ng isang opisyal ng Red Cross: “Mga taon nang dinadaya ng mga tagapagbangko ng dugo ang mga mamamayang Amerikano.”

Sa Estados Unidos lamang, ang mga bangko ng dugo ay nakakakuha ng mga 6.5 milyong litro ng dugo taun-taon, at sila’y nagbibili ng mahigit na 30 milyong yunit na mga produkto ng dugo sa halagang halos isang libong milyong dolyar. Pagkalaki-laking halaga ng pera ito. Hindi ginagamit ng mga bangko ng dugo ang katagang “tubò.” Mas gusto nila ang pariralang “labis sa mga gastos.” Ang Red Cross, halimbawa, ay gumawa ng $300 milyong “labis sa mga gastos” mula noong 1980 hanggang 1987.

Ang mga bangko ng dugo ay nagprotesta na sila ay mga organisasyong walang patubuan. Sinasabi nilang di-gaya ng malalaking korporasyon sa Wall Street, ang kanilang pera ay hindi nagtutungo sa mga aksiyonista (stockholder). Ngunit kung ang Red Cross ay may mga aksiyonista, mapapabilang ito sa pinakamatubong korporasyon sa Estados Unidos, gaya ng General Motors. At ang mga opisyal ng bangko ng dugo ay may malalaking suweldo. Tungkol sa mga opisyal sa 62 mga bangko ng dugo na sinurbey ng The Philadelphia Inquirer, 25 porsiyento ang kumikita ng mahigit $100,000 isang taon. Ang iba ay doble pa niyan ang kinikita.

Sinasabi ng mga tagapagbangko ng dugo na hindi sila “nagbibili” ng dugong kanilang nakukuha​—sinisingil lamang nila ang bayad sa pagpuproseso. Ganito ang matalasik na sagot ng isang tagapagbangko ng dugo sa pahayag na iyon: “Nasisiraan ako ng bait kapag sinasabi ng Red Cross na hindi ito nagbibili ng dugo. Para iyang supermarket na nagsasabing pinababayaran lamang nila sa inyo ang karton, hindi ang gatas.”

Ang Pangglobong Kalakalan

Tulad ng kalakalan ng plasma, ang kalakalan ng buong dugo ay sumasakop sa buong globo. Gayundin ang pagbatikos dito. Halimbawa, ang Japanese Red Cross ay pumukaw ng kaguluhan noong Oktubre 1989 nang sikapin nitong pasukin ang pamilihang Hapones sa pamamagitan ng pagbibigay ng malalaking diskuwento sa mga produkto na galing sa ipinagkaloob na dugo. Ang mga ospital ay umani ng pakalaki-laking mga tubò sa pagsasabi sa kani-kanilang porma sa seguro na binili nila ang dugo sa pamantayang mga presyo.

Sang-ayon sa pahayagan ng Thailand na The Nation, kailangang isara ng ilang bansa sa Asia ang kanilang kalakalan ng gintong pula dahil sa hindi pagpapabayad sa mga donasyon. Sa India kasindami ng 500,000 ang nagbibili ng kanila mismong dugo upang kumita. Ang ilan, nangangalumata at nanghihina, ay nagbabalatkayo upang makapagkaloob sila ng higit na dugo kaysa ipinahihintulot. Ang iba naman ay sadyang labis-labis ang kinukuhang dugo ng mga bangko ng dugo.

Sa kaniyang aklat na Blood: Gift or Merchandise, sinabi ni Piet J. Hagen na ang kahina-hinalang mga gawain ng mga bangko ng dugo ay pinakamalala sa Brazil. Ang daan-daang komersiyal na mga bangko ng dugo sa Brazil ang nagpapatakbo ng $70 milyong kalakalan na nakaaakit sa mga walang prinsipyo. Sang-ayon sa aklat na Bluternte (Ani ng Dugo), ang mahihirap at walang trabaho ay nagtutungo sa di-mabilang na mga bangko ng dugo sa Bogotá, Colombia. Ipinagbibili nila ang kalahating litro ng kanilang dugo sa maliit na halaga na 350 hanggang 500 piso. Ang mga pasyente ay maaaring magbayad ng mula 4,000 hanggang 6,000 piso para sa kalahating litro ng dugo!

Maliwanag, sa paano man isang pangglobong katotohanan ang lumilitaw: Malaking negosyo ang pagbibili ng dugo. ‘Eh ano ngayon? Bakit hindi dapat maging malaking negosyo ang dugo?’ maaaring itanong ng iba.

Bueno, ano ba ang nakaaasiwa sa maraming tao tungkol sa malaking negosyo sa pangkalahatan? Ito’y ang kasakiman. Halimbawa, ang kasakiman ay nakikita kapag hinimok ng malaking negosyo ang mga tao na bumili ng mga bagay na hindi naman nila kailangan; o masahol pa, kapag patuloy nitong pinalulusot sa publiko ang ilang nalalamang mapanganib na mga produkto, o kapag ito’y tumatangging gumasta ng salapi upang gawing mas ligtas ang mga produkto nito.

Kung ang negosyo ng dugo ay nababahiran ng gayong uri ng kasakiman, ang buhay ng angaw-angaw na mga tao sa daigdig ay lubhang nanganganib. Pinasamâ na ba ng kasakiman ang negosyo ng dugo?

[Talababa]

a Noong Abril 1990, ang pagbubunyag ni Gaul ay nagwagi ng Gantimpalang Pulitzer para sa Paglilingkod Bayan. Sinimulan din nito ang malaking pagsisiyasat ng kongreso sa industriya ng dugo noong dakong huli ng 1989.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Negosyo ng Inunan

Marahil iilang babaing kapapanganak lamang ang nagtatanong kung ano ang nangyayari sa inunan (placenta), ang kimpal ng himaymay na nagpapakain sa sanggol samantalang ito ay nasa bahay-bata. Sang-ayon sa The Philadelphia Inquirer, maraming ospital ang itinatabi, pinagyeyelo, at ipinagbibili ito. Noong 1987 lamang, ang Estados Unidos ay naglulan ng 0.8 milyong kilo ng inunan sa ibang bansa. Isang kompaniyang malapit sa Paris, Pransiya, ang bumibili ng 15 toneladang inunan araw-araw! Ang mga inunan ay isang handang pinagmumulan ng plasma ng dugo ng ina, na ginagawang sarisaring medisina ng kompaniya at saka ipinagbibili sa mga isang daang bansa.

[Graph/Larawan sa pahina 4]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang Pangunahing mga Sangkap ng Dugo

Plasma: halos 55 porsiyento ng dugo. Ito ay 92 porsiyentong tubig; ang iba pa ay binubuo ng masalimuot na mga protina, gaya ng globulins, fibrinogens, at albumin

Platelets: halos 0.17 porsiyento ng dugo

Puting Selula: halos 0.1 porsiyento

Pulang Selula: halos 45 porsiyento

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share