Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Makakayanan ang Paghihiwalay ng Aking mga Magulang?
“Pagkatapos maghiwalay ang aking mga magulang, kami’y kailangang lumipat. Wala na kaming kotse, kaya si Inay ay kailangang sumakay ng bus at kami naman ay iniiwan niya sa isang yaya. Saka nakikita namin ang mga pagbabago sa bahay. Dapat sana’y ibinibigay ni Itay ang pansuporta sa bata, subalit kadalasa’y hindi niya ibinibigay, kaya si Inay na ang kailangang magpunô. Sa dakong huli ay hindi na siya nagbibigay ng anumang suporta.”—Anne.a
PAGKATAPOS ng 14 na taon, ang mga magulang ni Anne ay hiwalay pa rin subalit hindi nagdiborsiyo. Kung naranasan mo na ang malungkot na karanasan na masdan ang paghihiwalay ng iyong mga magulang, marahil ay nalalaman mo kung ano ang nararamdaman niya. Sapat na mga linggo, buwan, o mga taon ang marahil ay kailangang lumipas bago mawala ang unang pagkasindak. Subalit kung minsan maaaring mag-isip ka kung paano mo makakayanang mabuhay nang ganito. Wala pa ring diborsiyo o pagkakasundo; wala pa ring katiyakan ang iyong buhay.
Maaari ring umiral ang kalumbayan. Pagkatapos maghiwalay ang mga magulang ni Brad, ang kaniyang ina ay kumuha ng dalawang trabaho at pumasok sa eskuwela upang matuto ng isang hanapbuhay. Hindi na siya gaanong nakikita ni Brad. Gunita ni Brad: “Isang gabi ako’y pumasok nang palihim sa kotse upang sumama sa kaniya sa trabaho. Ngunit minsang ako’y naroon, ako’y isang pabigat. Kailangang may mag-uwi sa akin.” Oo, inaakala ng maraming anak ng hiwalay na mga magulang na para bang naiwala nila ang dalawang magulang, hindi lamang ang isa, sa paghihiwalay. Gaya ng sabi ng isa pang kabataan, si Mike: “Kinuha sa amin si Itay ng ibang babae, at pagkatapos ay kinuha naman sa amin si Inay ng kaniyang trabaho.”
Ang kalumbayan, kawalang katiyakan, isang nagbagong katayuan sa kabuhayan—kung naghiwalay ang iyong mga magulang, kailangan mong paglabanan ang mga problemang iyon. Paano ka makakukuha ng isang positibong paglapit?
Baguhin ang Iyong Isipan
Gaya ng karamihan, ang labanang ito ay nagsisimula sa iyo mismong isip at puso. Maaaring lagi mong iniisip ang paghihiwalay ng iyong mga magulang, labis-labis na nag-aalala rito, at nahuhulog pa nga sa siklo ng pagkahabag-sa-sarili kung saan napakahirap umalpas. Gayunman, mapangangalagaan mo ang iyong sarili na madaig ng pagkabalisa.
Sa aming naunang artikulo sa seryeng ito, itinulad namin ang paghihiwalay ng iyong mga magulang sa pagsalunga sa unos sa iyong buhay.b Kapansin-pansin, binabanggit ng Bibliya kung paanong naranasan ni apostol Pedro minsan na maabutan ng isang literal na bagyo sa dagat. Sa kalakasan ng unos, nakita niya si Jesu-Kristo na walang pinsalang lumalakad sa ibabaw ng tubig! Niyaya pa nga ni Jesus si Pedro na lumakad patungo sa kaniya sa dagat. Subalit hindi pa nakakalayo si Pedro ay nagsimula siyang lumubog. Bakit?
Ang Mateo 14:30 ay nagsasabi: “Datapuwat pagkakita niyang malakas ang hangin, [si Pedro] ay natakot at . . . nagsimulang lumubog.” Ang kailangan ni Pedro ay pananampalataya, hindi takot. Subalit nang inisip niya ang bagyo, na may humahagupit na hangin, sumasalpok na alon, siya’y natakot. Nawala niya sa kaniyang isipan si Jesus, ang isa na mag-iingat sa kaniya na huwag lumubog. Maaaring totoo rin iyan sa iyo. Mientras pinag-iisipan mo ang iyong mga problema, ang mga ito’y lalong nagmumukhang nakatatakot. Sa halip ay pag-isipan ang mga lunas.
Ganito ang sabi ni Meg, na ang mga magulang ay naghiwalay: “Huwag mong masyadong pag-isipan ang kagyat na kalagayan. Tutal hindi mo ito mababago.” Gayundin ang palagay ni Randy: “Kapag ikaw ay nag-iisip nang negatibo, napapasok ka sa lusak na ito, paulit-ulit na pinag-iisipan ang iyo’t iyunding bagay, parang isang trak na nalubog sa putik.” Paano ka makaaahon sa putik?
Makipag-ugnayan sa Iba
Sabi ni Meg: “Ipakipag-usap mo ito sa isa na talagang sanay at maygulang sa espirituwal, isa na makatutulong sa iyo na makita nang malinaw ang mga bagay.” Ang ganiyang uri ng kaibigan ay makatutulong sa iyo na ipokus ang iyong kaisipan sa mas positibong direksiyon. Gaya ng sabi ng Kawikaan 17:17: “Ipinakikita ng mga magkaibigan ang kanilang pag-ibig sa lahat ng panahon. Ano pa nga ba ang mga magkapatid kung hindi magdadamayan?” (Today’s English Version) Kaya habang nagpupunyagi sa paghihiwalay ng iyong mga magulang, at lalo na ang kasunod nitong kalumbayan, marahil ay kakailanganin mong makipag-ugnayan sa iyong mga kaibigan at umasa higit kailanman sa kanila.
Gayunman, isang babala. Hindi lahat ng kaibigan ay tutulong sa iyo na makayanan mo ito. Ang iba ay lilikha lamang ng higit na problema sa iyo. Gunita ni Mike: “Pagkatapos maghiwalay ang aking mga magulang, nagkaroon ako ng halos ay di-natural na debosyon sa aking mga kaibigan. Magkasama kami sa mga kasayahan, ngunit kadalasan rin kaming napapasangkot sa gulo na magkakasama—tulad ng droga at away. Naisip ko noon na kung mawala ko ang aking mga kaibigan, mawawala ko ang lahat. Nasumpungan ko nang dakong huli na iyan ay isang ilusyon, sapagkat sila’y hindi talaga matapat. Inatake nila ako. Ang isa sa kanila ay nagpanggap pa ngang ako nang mahuli siya ng pulis na sinisira ang gusali ng paaralan.”
Hindi, hindi lahat ng kaibigan ay tunay na mga kaibigan. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 18:24: “May mga kaibigan na umaakay sa isa sa kapahamakan, may iba naman na mahigit kaysa isang kapatid.” (The Jerusalem Bible) Mabuti naman, nang dakong huli ay nasumpungan ni Mike ang tamang uri ng mga kaibigan. Natatandaan niya lalo na ang isa: “Para ko siyang matandang kapatid. Tinuruan niya ako sa Bibliya, at tinulungan din niya ako sa paggawa ng iba pang bagay. Isinama pa nga niya akong magtrabaho na kasama niya. At kailanman ay hindi niya ipinadama sa akin na ito ay nakayayamot na trabaho para sa kaniya. Hanggang ngayon alam kong naapektuhan niyan ang aking buhay. Kung hindi ko siya nakilala, ewan ko kung ano ako ngayon.”
Saan mo masusumpungan ang ganiyang uri ng kaibigan? Si Jesus ay nangako na ang kongregasyong Kristiyano ay makapaglalaan ng maraming “kapatid na lalaki at babae at mga ina at mga anak” para roon sa mga wala. (Marcos 10:30) Kaya, si Mike ay nakasumpong ng mga kaibigan sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova.
Gayundin si Tom. Gunita niya: “Isang kapatid na lalaki sa kongregasyon ang itinuring ako na para bang ako’y isa sa kaniyang nakatatandang anak. At isang may edad nang sister ang naging parang lola sa amin. Sa tuwina’y talagang mahal kami ng kongregasyon, at kagila-gilalas kung ano ang nagagawa niyan sa iyo.” Kaya sabi ni Tom: “Kung wala kang ama, humanap ka ng isa sa kongregasyon. Samantala, sagipin mo ang mga kaugnayang pampamilyang mayroon ka, at maging malapit kayo sa isa’t isa.” Ang mga kapatid na lalaki, babae, mga nuno, at iba pang kamag-anak ay maaaring maging tapat na mga kaibigan sa iyo.—Kawikaan 13:20.
Subalit ang pinakadakilang pakikipagkaibigan na magagawa mo ay ang pakikipagkaibigan sa iyong Maylikha, si Jehova. Kapag naghiwalay ang mga magulang, ang pangako sa Santiago 4:8 ay totoong nakaaaliw: “Magsilapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo.”
Sundin ang Isang Espirituwal na Rutina
Ang regular na pagtungo sa mga pulong Kristiyano ay tutulong sa iyo na gawin iyan—lumapit sa Diyos, sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol sa kaniya. Tutulungan ka rin ng mga pulong na makasumpong ng tunay na mga kaibigan. (Hebreo 10:24, 25) Subalit ang mga pulong at iba pang gawaing Kristiyano ay maaari ring magbigay sa iyong buhay ng katatagan at rutina. Lalo nang mahalaga iyan kung ang paghihiwalay ay nakasira sa rutina ng inyong pamilya, pinupuno ang iyong mga araw ng kawalang katiyakan.
Totoo, maaaring makadama ka ng isang mapanganib na hilig na maghimagsik laban sa lahat ng tatag na rutina ngayon. Ang eskuwela lalo na ay maaaring magtinging mahirap. Gunita ni Mike: “Sinunod ko ang saloobing ‘Wala akong pakialam.’ Bumaba ang mga marka ko sa klase, at sa isip ko, ‘Kung ang tatay at nanay ko ay hindi gaanong nababahalang magkasama-sama ang aming pamilya, kung gayon ay wala rin akong pakialam.’ Ginawa kong dahilan ang paghihiwalay nila upang huwag magsikap.”
Subalit huwag kang magkamaling gawing dahilan ang paghihiwalay upang pabayaan mo ang mismong bagay na tutulong sa iyo nang husto. Ang aklat na Surviving the Breakup ay nagsasabi na para sa mga anak ng mga nagdiborsiyo “ang paaralan ay nakatutulong sapagkat ito’y naglalaan ng katatagan . . . Maliwanag na maraming bata ang sinuportahan ng paaralan sa ganitong paraan, anuman ang kalidad ng kanilang akademiko at sosyal na katayuan sa loob ng klase.”
Ang paaralan ay makatutulong rin sa iyo sa paggawa ng mga katangian at mga kasanayan at mga disiplina na makatutulong sa iyo sa buong buhay mo—gagawin ka pa nga nitong madaling matanggap sa trabaho. Kung ang iyong pamilya ay hirap sa pinansiyal dahil sa paghihiwalay, kung paanong hirap ang marami, marahil ay makikita mo ang bentaha ng paghahanda ng iyong sarili ngayon sa paghanap ng trabaho na tutulong sa iyo na matugunan ang iyong mga pangangailangan sa hinaharap.
Tutal, ang iyong kinabukasan ay maaaring kontrolin. Makakayanan mo ang paghihiwalay ng iyong mga magulang. Ikaw ay nasasangkapan na gawin ito. Napansin ng mga mananaliksik sa diborsiyo na nakayanan ng maraming kabataan ang paghihiwalay ng kanilang mga magulang. Ang marami ay natuto pa nga sa pagkakamali ng kanilang mga magulang kaya sa ibang paraan sila ay dinalisay ng karanasan.c
Ang iyong kinabukasan ay hindi kinakailangang maging walang katiyakan. Hindi ito kailangang maging malumbay. Kung makikipag-ugnayan ka sa tamang uri ng mga kaibigan, mananatili ka sa isang matatag na espirituwal na rutina, at huwag pag-iisipan nang husto ang iyong problema, ang iyong kinabukasan ay maaring maging tiyak. Walang alinlangan, maaari itong maging mahaba at maligaya.—Kawikaan 3:1, 2.
[Mga talababa]
a Ang ibang pangalan ay pinalitan.
b Tinatalakay ng artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Naghihiwalay ang Aking mga Magulang—Ano ang Gagawin Ko?” sa Agosto 22, 1990, na labas ng Gumising! ang ilan sa mga patibong na dapat iwasan, gaya ng pagpapadaig sa isang galít, mapaghiganting espiritu.
c Ipinakikita ng artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Sirain kaya ng Diborsiyo ng Aking mga Magulang ang Aking Buhay?” sa Disyembre 22, 1987 na labas ng Gumising! na ikaw ay hindi hinahatulang uulitin ang mga pagkakamali ng iyong mga magulang.
[Larawan sa pahina 18]
Kung maghiwalay ang iyong mga magulang, baka kailanganin mo higit kailanman ang iyong mga kaibigan. Saan ka makasusumpong ng tamang uri ng mga kaibigan?