Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Pakikitunguhan ang Aking Humiwalay na Magulang?
“Sa mga araw na nangako si Itay na darating at susunduin kami para sa isang pagdalaw, bibihisan na ni Inay kami ng kapatid kong babae. Pagkatapos kami ay mauupo at maghihintay sa kaniya. At maghihintay. Lilipas ang mga oras. Sa wakas, sasabihin ni Inay, ‘Oras na para matulog.’ Mag-iiiyak na kami at sasabihin namin, ‘Darating siya, darating siya!’ Kahit na kinabukasan, maghihintay pa rin kami sa kaniya, subalit wala pa rin si Itay. Kung minsan para bang iyan ang kuwento ng aming buhay.”—Anne.a
KUNG, gaya ni Anne, nakita mong naghiwalay ang iyong mga magulang, marahil ay mauunawaan mo kung bakit si Jehova, ang Nagdisenyo ng pag-aasawa, ay lubhang tutol sa diborsiyo. (Ihambing ang Malakias 2:16.) Ang diborsiyo ay nakasasakit sa lahat ng apektado nito—kahit na kung ang agrabiadong magulang ay may maka-Kasulatang dahilan upang idiborsiyo ang isa.b
Subalit kapag ang mga magulang sa wakas ay naghiwalay, marahil sa pamamagitan ng legal na diborsiyo, hindi niyan tinatapos ang lahat ng problema na maaaring dalhin sa iyo ng kanilang paghihiwalay. Sa katunayan, maaaring makaharap mo ngayon ang isang mahirap na hamon: pagpapasiya kung baga pananatilihin mo ang kaugnayan sa humiwalay na magulang. Nagugunita ni Meg kung gaano kahirap iyon: “Manhid na manhid ako anupa’t basta inihinto ko ang anumang damdamin. Kaya sa loob ng ilang panahon, wala akong damdamin. Para bang namatay ang aking tatay.” At nagugunita ni Mike: “Kinamuhian ko ang aking ama, at ang damdaming iyon ay tumagal nang mahabang panahon. Kapag iniisip ko kung paano niya nagawang iwan ang isang babae na may apat na anak, binibigyan siya ng pinakakaunting suportang magagawa niya—bueno, nakagalit ito sa akin.”
Makipag-ugnayan, Huwag Putulin ang Ugnayan
Sa maligalig at magulong panahong ito ng iyong buhay, napakadaling mawalan ng damdamin sa isa sa iyong mga magulang at hayaang mapunô ka ng galit at kapaitan. Subalit ang pagtatanim ng gayong uri ng sama ng loob ay maaaring lumason sa iyong pangmalas sa buhay. Ang gayong galit ay maaaring umakay sa iyo na putulin ang iyong kaugnayan sa iyong magulang, sinisira ang iyong kaugnayan sa isang magulang hanggang sa sukdulang hindi na ito muling maitatag pa.
Hindi tayo binibigyan ng Bibliya ng karapatang huwag igalang ang ating mga magulang. (Ihambing ang Lucas 18:20.) Ang mga dalubhasa ay sumasang-ayon na sa karamihan ng mga kaso dapat mong panatilihin ang kaugnayan sa kapuwa mga magulang pagkatapos na sila’y maghiwalay. Ang propesor sa saykayatri na si Dr. Robert E. Gould ay sumulat sa magasing Seventeen na ang regular na pakikipagkita sa kapuwa mga magulang ay maaari pa ngang makatulong sa iyong pakikibagay sa diborsiyo. Nasumpungan ng mga mananaliksik na sina Wallerstein at Kelly na ang mga kabataang matagumpay na nakayanan ang diborsiyo ng kanilang mga magulang ay pangkalahatang may malapit na kaugnayan sa kapuwa mga magulang. Subalit paano ka ba magiging malapit sa isang humiwalay na magulang o sa isa na nagtalusira sa pagtitiwala?c
Matalinong Unawa—Ang Susi sa Kapayapaan
Ang iyong likas na galit ay maaaring mangibabaw sa umpisa. Subalit kung gagawin mong tunguhin na higit na unawain ang iyong magulang, ang resultang matalinong unawa ay makababawas sa iyong galit. Gaya ng sabi ng Kawikaan 19:11: “Ang unawa ng isang tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit, at isang kagandahan ang paraanin niya ang pagsalansang.” Tiyak na mas madali ito kung ang nagkasala ay nagpapakita ng kalungkutan o pagsisisi. Tandaan, ang pagkakaroon ng matalinong unawa sa pangmalas, personalidad, at mga kahinaan ng humiwalay na magulang ay hindi naman nangangahulugan na iyong pinapawalang-sala ang nagkasalang magulang o na kinakampihan mo ang magulang na iyon sa pagtatalo tungkol sa diborsiyo; ni nangangahulugan man ito na ipinagkakanulo mo ang magulang na kapisan mo. Nangangahulugan lamang ito ng pagkakaroon ng mas makatotohanang pangmalas sa iyong magulang.
Halimbawa, ipinalalagay ng maraming kabataan na ang magulang na humiwalay ay napopoot sa kanila—kung hindi ay bakit siya aalis? Subalit sa katunayan, ang paghihiwalay ay dahilan sa ilang problemang pangmag-asawa, hindi dahil sa iyo. Marahil hindi naman ibig sabihin na tinatanggihan ka ng humihiwalay na magulang sa pamamagitan ng pag-alis—kahit na gayon ang palagay mo. Gaya ng pagkakasabi rito ni Dr. Gould: “Sa paano man, ang mga magulang na nagmamahal sa iyo bago ang diborsiyo ay mamahalin ka pang lalo pagkatapos ng diborsiyo.”
‘Kung gayon bakit bihira siyang dumalaw?’ maitatanong mo. Kung ang isang magulang ay paulit-ulit na hindi sumisipot sa isinaayos na mga pagdalaw, o paminsan-minsan lamang siya nakikipagkita sa iyo, wari bang ayaw niyang makita ka. Subalit baka hindi naman ganiyan ang kalagayan. Kung minsan alam ng isang magulang na ang kaniyang paggawi bago ang paghihiwalay ay lubhang nakasakit sa damdamin ng pamilya. Kung nasaktan mo ang damdamin ng isang kaibigan, alam mo kung gaano kahirap na harapin siya pagkatapos! Gaya ng sabi ng Kawikaan 18:19: “Ang kapatid na nasaktan ang kalooban ay masahol pa sa isang nakukutaang bayan.”—The Interlinear Hebrew-Aramaic Old Testament.
Dahil sa nakokonsensiya, maaaring natatakot din ang iyong magulang na humarap sa pamilya. Ang pagmamataas ay isa ring salik. Maaari ring ang humiwalay na magulang ay basta hindi makaharap sa dating asawa, lalo kung nag-asawang muli ang isa sa kanila; ang dating “tahanan” ay maaaring tila kakaiba. Ito at ang iba pang mga salik ay maaaring gumagawa ritong mahirap para sa iyong magulang na dalawin ka. Ano ang magagawa mo upang gawing mas mabuti ang mga bagay? Sa Roma 12:18 ay mababasa natin: “Kung maaari, ayon sa iyong makakaya, mamuhay ka nang mapayapa sa lahat ng tao.” (New International Version) Paano mo magagawa iyan?
Sa isang bagay, baka kailangan mong babaan nang kaunti ang iyong mga inaasahan. Lalo lamang mabibigo at sasama ng loob mo sa pag-asam nang higit na panahon at atensiyon ng iyong magulang kaysa nakukuha mo ngayon. Sa halip ay sikaping masiyahan sa limitadong panahon na magkasama kayong dalawa.
‘Subalit ano naman ang aming pag-uusapan?’ maitatanong mo. Totoo, ang mga pagdalaw na ito ay maaaring nakaaasiwa sa simula. Subalit malamang na maraming gustong malaman ang magulang mo—tungkol sa iyong mga kaibigan, sa iyong pagsulong sa paaralan, at sa iyong mga interes sa labas ng paaralan. At marami ka ring maaaring itanong. Walang alinlangan na ang diborsiyo ay nag-iwan ng puwang sa buhay ng iyong magulang, gaya ng nagawa nito sa iyo. Kaya maging “taong may pang-unawa,” na binabanggit sa Kawikaan 20:5, na ‘sinasalok’ ang ‘malalim na tubig’ ng payo sa isa. Magtanong. Alamin ang tungkol sa bagong bahay o trabaho ng iyong magulang, o mga interes sa libangan, isports, at mga kaibigan. At kung hindi mo pa rin malimot ang kirot na dulot sa iyo ng iyong magulang, marahil balang araw ay makasusumpong ka rin ng paraan upang ipakipag-usap ito nang mapayapa.
Pananatiling Timbang
Gayunman, may panganib sa pag-uulirán sa humiwalay na magulang. Paulit-ulit na iniwan ng ama ni Randy, isang alkoholiko at babaero, ang pamilya at sa wakas ay idiniborsiyo ang ina ni Randy. Gayunman, gunita ni Randy: “Sa ilang kadahilanan, talagang halos sinamba ko ang taong iyon.”
Karaniwan na ang gayong maling pagsamba. Sa Estados Unidos, mga 90 porsiyento ng mga anak ng nagdiborsiyong mga magulang ay nakatirang kasama ng ina at dinadalaw ang ama. Kaya, ang ina ang kadalasang may pananagutan sa pang-araw-araw na pangangalaga sa kaniyang mga anak—pati na ang pagdisiplina. At sa kabila ng mga sustento, ang kalagayan sa kabuhayan ng ina ay karaniwang bumababa pagkatapos ng diborsiyo; ang sa ama ay maaaring tumaas pa nga. Ang bunga: Ang pagdalaw ni Itay ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng mga regalo at katuwaan! Ang buhay na kasama ni Inay ay nangangahulungan ng pagtitipid at pagsabihan kung ano ang dapat at hindi dapat gawin. Nakalulungkot sabihin, iniwan pa nga ng ilang kabataan ang isang Kristiyanong magulang upang mamuhay na kasama ng isang mas mayaman at mas maluwag sa disiplinang di-sumasampalatayang magulang.—Ihambing ang Kawikaan 19:4.
Kung ikaw ay matuksong gumawa ng gayong pagpili, suriin mo ang iyong mga pinahahalagahan. Tandaang lubhang pinahahalagahan ng iyong Maylikha kung ano ang talagang kailangan mo—moral na patnubay at disiplina. Wala nang iba pang maibibigay ang isang magulang na lubhang makaaapekto sa iyong pagkatao at sa kalidad ng iyong buhay. Ang disiplina ay isang tanda ng tunay na pag-ibig.—Tingnan ang Kawikaan 4:13; 13:24.
Tandaan din, na ang iyong Maylikha ay mayroon lamang isang pamantayan ng tama at mali, anuman ang ipinahihintulot ng isang magulang na gawin mo. Sabi ni Tom: “Hindi kami pinipigilan ng aking nanay na dumalaw kay Itay. Ngunit tuwing Biyernes kapag kami’y dumadalaw kay Itay, sasabihin niya, ‘Basta tandaan ninyo na kayo’y Kristiyano at na nakikita ni Jehova ang ginagawa ninyo.’ Nakatulong iyan sa akin upang manindigan sa aking pananampalataya kapag dinadalaw namin ang tatay ko.”
Gayunman, gaano man ang iyong pagsisikap, hindi mo laging makakamit ang pagsang-ayon ng isang magulang. Ang mga mungkahi sa artikulong ito ay maaaring makatulong upang makipag-ugnayan ka sa iyong magulang. Subalit kahit na kung ang iyong mga pagsisikap ay mabigo, huwag mawalan ng pag-asa. Ang mga tao ay nagbabago. At sa paano man ay magkakaroon ka ng kasiyahan sa pagkaalam na ‘ayon sa makakaya mo,’ ang kapayapaan ay napanatili. Higit pa riyan, tinatamasa mo pa ang ngiti ng pagsang-ayon ng magulang. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 27:11: “Magpakadunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” Kapag ikaw ay mamamalaging masunurin sa mga pamantayan ng Diyos at magpapakita ng maawaing pag-unawa sa iyong kaugnayan sa iyong mga magulang, siya ay nalulugod. At siya ang isang Kaibigan at Magulang na kailanma’y hindi ka makadarama na ikaw ay malayo.
[Mga talababa]
a Ang ilan sa mga pangalan ay pinalitan.
b Tingnan ang kabanatang “Bakit Naghiwalay si Itay at si Inay?” sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
c Hindi natin pinag-uusapan dito ang mga magulang na nagkasala ng seksuwal o malupit na pisikal na pag-abuso sa kanilang mga anak. Sa gayong mga kaso, ang malapit na kaugnayan ng magulang-sa-anak ay baka hindi posible o hindi dapat.
[Larawan sa pahina 23]
Kung minsan isang pagsubok na iwan ang isang magulang upang sumama sa isang magulang