Ang mga Selulang T at Selulang B ay Nag-aaral sa Kolehiyo
ANG mga selulang T at mga selulang B ay hindi maaaring basta lumabas na lamang sa utak ng buto at makipagdigma. Ang kanilang sandata ay lubhang makabago. Ang makabagong-teknolohiyang pagsasanay ay sapilitan bago sila magtungo sa larangan. Ang mga selulang T ay masasangkot sa biyolohikal na pakikipagbaka. Ang mga selulang B ay magpapakadalubhasa sa mga guided missiles. Kinukuha nila ang kanilang pagsasanay rito sa teknikal na mga kolehiyo ng sistema ng imyunidad.
Kaya, kalahati sa milyun-milyong lymphocyte na ginagawa sa bawat minuto sa utak ng buto ang nagtutungo sa thymus gland—isang maliit na glandula na nasa likod ng buto sa dibdib—para sa kanilang pagsasanay bilang mga selulang T. Tungkol dito, ang aklat na The Body Victorious ay nagsasabi: “Ang mga lymphocyte na nag-aaral sa teknikal na kolehiyo ng thymus ay ang katulong, tagapigil, at pumapatay na selula na tinatawag na T-lymphocytes (o mga selulang-T). Kabilang ito sa kailangang-kailangang hukbong sandatahan ng sistema ng imyunidad.”
Mga Antibody—10,000 sa Bawat Selula sa Bawat Segundo!
Ang The Body Victorius ay nagsasabi sa atin, “kalahati ng hindi nag-aral na mga lymphocyte” ay mga selulang B na nagtutungo sa mga kulani (lymph nodes) at kaugnay na mga himaymay para sa kanilang pagsasanay upang makagawa at makapaglunsad ng mga guided missile, na tinatawag na mga antibody. Kapag ang mga selulang B ay “nagtipun-tipon sa mga himaymay na ito, ang mga ito ay parang blangkong mga pahina: wala silang nalalaman, at dapat matuto mula sa simula” upang “magkamit ng kakayahang espisipikong kumilos laban sa mga bagay na di-kilala ng katawan.” Sa mga kulani, ang isang maygulang na selulang B, na pinakikilos ng katulong na selulang T at ang nauugnay na antigen, “ay nagpaparami at nag-iiba upang mag-anyong mga selulang plasma na naglalabas ng magkahawig na mga antibody na may iisang natatanging katangian sa bilis na halos 10,000 molekula sa bawat selula sa bawat segundo.”—Immunology.
Upang maunawaan natin ang lawak ng kung ano ang ginagawa ng sistema ng imyunidad, detalyadong inilalahad ng isang artikulo sa National Geographic, ng Hunyo 1986, ang problemang nakakaharap ng glandulang thymus: “Sa paano man, habang nagiging maygulang ang mga selulang T sa thymus, natututuhan ng isa na makilala ang mga antigen ng, halimbawa, virus ng hepatitis, kikilalanin naman ng isa ang mga antigen ng isang uri ng trangkaso, mamatyagan naman ng ikatlo ang rhinovirus 14 [isang virus ng sipon], at iba pa.” Pagkatapos magkomento tungkol sa “nakalilitong gawaing nakakaharap ng thymus,” ang artikulo ay nagsasabi na sa kalikasan may “daan-daang milyong antigen na iba’t iba ang hugis. Ang thymus ay dapat na maglabas ng isang pangkat ng mga selulang T na nakikilala ang bawat isa nito . . . Ang thymus ay nagbobomba ng sampu-sampung milyong mga selulang T. Bagaman ilan lamang sa kanila ang maaaring makakilala ng alinmang antigen, ang sama-samang puwersa ay napakarami upang makilala ang halos walang takdang pagkasarisari ng mga antigen na ginagawa ng kalikasan.”
Samantalang pinasisigla ng ibang katulong na mga selulang T ang mga macrophage na magparami, ang iba pa na nasa mga kulani ay sumasama sa mga selulang B na naroroon, nagpapangyari sa kanila na magparami. Marami sa kanila ang nagiging mga selulang plasma. Muli, dapat ay may tamang mga receptor sa katulong na selulang T upang makasama sa mga selulang B at pangyarihin silang gumawa ng mga selulang plasma. Ang mga selulang plasma na ito ang gumagawa ng libu-libong antibody sa isang segundo.
Yamang ang bawat selulang plasma ay gumagawa ng isa lamang uri ng antibody, na may espisipikong receptor para sa isa lamang antigen ng sakit, hindi magluluwat bilyun-bilyon na nasa harap na hanay ang nagtutungo sa mga antigen ng isang espisipikong sakit. Kumakapit sila sa mga mananalakay, pinababagal ang mga ito, pinapangyari ang mga ito na magkumpulan, ginagawa itong mas katakam-takam na piraso para kainin ng mga phagocyte. Ito, pati na ang paglalabas ng ilang kemikal ng mga selulang T, ang nagpapagana sa mga macrophage, pinangyayari silang kanin ang milyun-milyong sumasalakay na pagkaliliit na mga organismo.
Isa pa, ang mga antibody mismo ay maaaring umakay sa kamatayan ng mga pagkaliliit na mga organismong ito. Minsang ito’y makulong sa ibabaw ng mga antigen nito, ang pantanging mga mulekula ng protina, tinatawag na complement factors, ay nagdadagsaan sa mikrobyo. Kapag ang kinakailangang dami ng mga complement factor ay nakapuwesto na, pinapasok nila ang lamad ng pagkaliit-liit na organismo, dadaloy ang likido, at ang selula ay sasabog at mamamatay.
Mangyari pa, dapat na may tamang mga receptor ang mga antibody na ito upang kulungin ang mga pumapasok nang walang pahintulot. Sa puntong ito ang 1989 Medical and Health Annual ng Encyclopædia Britannica, pahina 278, ay nagsasabi na ang mga selulang B ay may kakayahang “gumawa sa pagitan ng 100 milyon at isang bilyong iba’t ibang mga antibody.”
Ang Pumapatay na Selulang T ay Nakikipagbaka ng Biyolohikal na Digmaan
Sa ngayon ang katulong na selulang T ay nakakalap na ng angaw-angaw na basurerong mga macrophage upang kainin ang kaaway at pinasigla na nito ang mga selulang B pati na ang kani-kanilang mga antibody na sumama sa digmaan laban sa mga mananalakay, subalit may iba pang puwersa na tinatawag ng katulong na selulang T sa labanan. Kanilang isinasaayos ang angaw-angaw sa pinakamabagsik na mga kawal na sumama sa labanan—ang pumapatay na mga selulang T.
Ang tunguhin ng mga virus, baktirya, at mga parasito ay makapasok sa mga selula ng katawan sapagkat minsang naroon sila, ligtas na sila mula sa mga macrophage at sa mga selulang B at ang kanilang mga antibody—subalit hindi mula sa pumapatay na mga selulang T! Masagi lamang ng isa sa nahawang selulang ito ang isang pumapatay na selulang T at patatamaan nito ang nahawaang selula na punô ng butas, sisirain ang mga DNA nito, at ibubuhos ang laman nito sa kamatayan. Sa ganitong paraan ang pumapatay na selulang T ay maaaring sumalakay at sirain kahit na ang mutant cells at ang mga selulang nakakakanser.
Karagdagan pa sa pumapatay na mga selulang T, may iba pang pumapatay na selula sa sandatahan ng sistema ng imyunidad, yaon ay, ang likas na pumapatay na selula. Di-gaya ng mga selulang T at B, ang likas na pumapatay na mga selulang ito ay hindi kailangang pakilusin ng isang espisipikong antigen. Ang mga selula ng kanser at ang mga selulang sinalakay ng iba pang virus ay madaling tablan ng kanilang pagsalakay. Subalit ang kanilang kakayahan ay hindi limitado sa mga virus. Ang Scientific American, ng Enero 1988, ay nagsasabi na ang kanilang “pangunahing target ay ipinalalagay na ang mga selula ng tumor, at marahil ang mga selulang nahawaan ng mga elemento maliban sa mga virus.”
Paano hinaharap ng tagalipol ng sakit ang sumasalakay na pagkaliliit na mga organismo? Ito ba’y ala-suwerte? Hindi. Lahat ay segurado. Ang mga antigen ng sakit at mga selulang T, selulang B, mga phagocyte, at mga antibody ay umiikot sa buong katawan sa pamamagitan ng daluyan ng dugo at ng lymphatic system. Ang pangalawang lymphoid na mga sangkap, gaya ng mga kulani (lymph nodes), lapay, tonsil, adenoids, at mga patse ng pantanging himaymay sa maliit na bituka, at apendiks, ang mga lugar kung saan nagsisimula ang pagtugon ng imyunidad. Ang mga kulani ay gumaganap ng mahalagang bahagi. Ang lymph ay likido na naghuhugas sa mga selula sa ating mga himaymay. Nagmumula ito sa mga himaymay na iyon, nagtitipon sa maninipis-sapin na mga ugat at dumadaloy sa mga kulani, nagpapatuloy sa natitirang bahagi ng lymphatic system, at sa wakas ay kinukompleto ang sirkulasyon nito sa pagbubuhos ng laman nito sa malalaking ugat na patungo sa puso.
Samantalang ang mga antigen ng sakit ay nagdaraan sa mga kulani, ito ay sinasala at sinisilo. Ang mga tagalipol ng sakit ng sistema ng imyunidad ay nangangailangan ng 24 oras upang kompletuhin ang buong lymphatic circuit, ngunit 6 na oras ng panahong iyan ang ginugugol sa mga kulani. Nasasalubong nila roon ang nasilong sumasalakay na mga antigen, at nagsisimula na ang malaking labanan. Sa gayunding paraan, ang mga antigen ng kaaway na naglalakbay sa daluyan ng dugo ay hindi nakakaligtas. Ang mga ito’y dinadala sa lapay, kung saan ang mga tagalipol ng sakit ay naghihintay upang harapin sila.
Ngayon ang digmaan sa loob natin ay tapos na. Ang mga hukbong sumalakay ay natalo. Ang sistema ng imyunidad taglay ang trilyon o higit pang puting mga selula ng dugo ay nagwagi. Panahon na para mangasiwa ang isa pang uri ng mga selulang T, yaon ay, ang tagapigil na mga selulang T. Kapag nakita nilang panalo na ang laban, inihihinto nila ang labanan at winawakasan ang mga hukbong lumalaban ng sistema ng imyunidad.
Mga Selula ng Memorya at Imyunidad, Taglay ang mga Komplikasyon
Gayunman, sa panahong ito, ang mga selulang B at selulang T ay nakagawa na ng isa pang mahalagang paglilingkod: Nakagawa sila ng mga selula ng memorya na umiikot sa daluyan ng dugo at sa mga lymph vessel sa loob ng maraming taon—sa ilang kaso ay sa buong buhay. Kung ikaw ay mahawaan ng parehong uri ng virus ng trangkaso o virus ng sipon, o ng anumang iba pang di-kilalang bagay na dati nang nasasagupa, agad itong makikita ng mga selula ng memorya at titipunin ang sistema ng imyunidad para sa mabilis at puspusang pagsalakay. Ang mga selula ng memorya ay mabilis na gagawa ng maraming espisipikong uri ng mga selulang B at selulang T na lumaban sa unang pagsalakay ng partikular na mananalakay na ito. Ang bagong pagsalakay na ito ay nilulupig bago pa man ito makaabante. Kung ano ang dati-rati’y kumuha ng tatlong linggo upang daigin ay natalo na bago pa man ito magsimula. Ang dati mong impeksiyon sa pamamagitan ng partikular na mananalakay na iyon ay gumawa sa iyo na hindi na tinatablan nito.
Gayunman, ang larawan ay masalimuot sa pag-iral ng iba’t ibang uri ng mga virus ng trangkaso, kadalasa’y nagmumula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Isa pa, may mga 200 uri ng virus ng sipon, at ang bawat uri ay may kani-kaniyang partikular na antigen. Kaya mayroon ding 200 iba’t ibang uri ng katulong na selulang T, bawat isa’y may receptor na katugma ng antigen ng isa sa 200 virus ng sipon. Subalit hindi lang iyan. Ang mga virus ng sipon at trangkaso ay laging gumagawa ng isang bagong uri, at tuwing mangyayari iyan, may bagong antigen ng sipon o trangkaso na nangangailangan ng isang bagong receptor ng katulong na selulang-T na angkop dito. Ang virus ng sipon ay patuloy na nagbabago ng kandado, kaya ang selulang T ay dapat na patuloy na magbago ng mga susi.
Bago mo pagtawanan ang mga doktor na hindi magamot ang karaniwang sipon, unawain mo ang problema. Ang partikular na sipon mo ay maaaring gamutin at maaaring hindi na sumalakay muli, subalit isang bago’t naiibang virus ng sipon ang dumarating, at ang iyong sistema ng imyunidad ay kailangang gumawa ng isang ganap na bagong katulong na selulang T upang tipunin ang mga hukbo ng imyunidad na labanan ito. Kapag nadaig mo ang isang labanan, di magtatagal ay may isa na naman na magsisimula. Ang pakikipagbaka ay walang katapusan.
Ang Utak at ang Sistema ng Imyunidad ay Nag-uusap
Hindi kataka-taka ang sistema ng imyunidad ay inihahambing na mainam sa utak. Patuloy na ipinakikita ng pananaliksik na ito at ang utak ay nag-uusap sa isa’t isa tungkol sa ating kalusugan at na iniimpluwensiyahan ng isip ang katawan, pati na ang sistema ng imyunidad. Ang sumusunod na sinipi ay nagpapakita ng isang kaugnayan sa pagitan ng utak at ng sistema ng imyunidad. Ito’y isang kaso ng pangangasiwa ng isip sa katawan at ng katawan sa isip.
“Natutuklasan ng mga imyunologo ang higit tungkol sa mga kaugnayan sa pagitan ng isip at ng katawan, ang mga mekanismo ng saykosomatikong sakit.”—National Geographic, Hunyo 1986, pahina 733.
Nakikilala subalit bahagyang nauunawaan ang kaugnayan sa pagitan ng sistema ng imyunidad at ng utak. Apektado ng kaigtingan sa isip, pangungulila, kalungkutan, at panlulumo ang gawain ng puting mga selula ng dugo, o lymphocytes, at binabawasan nito ang gawain ng selulang-T. “Ang biyolohikal na saligan ng mga kaugnayang ito ay nananatiling isang hiwaga. Gayunman, maliwanag na ang mga sistema ng nerbiyos at imyunidad ay hindi maiiwasang magkaugnay, sa kayarian at kemikal na paraan.”—The Incredible Machine, pahina 217, 219.
“Ang sistema ng imyunidad . . . ay nakikipagpaligsahan sa sentrong sistema ng nerbiyos sa pakiramdam, pagiging espisipiko, at kasalimuutan.”—Immunology, pahina 283.
Iniulat ng magasing Science ang kaugnayan sa pagitan ng utak at ng sistema ng imyunidad: “Ipinakikita ng maraming katibayan na ang dalawang sistema ay di-maiiwasang magkaugnay. . . . Lumilitaw na ang mga sistema ng imyunidad at ng nerbiyos ay lubhang nagkakaisa, nag-uusap upang pagtugmain ang kanilang mga pagkilos.”—Marso 8, 1985, pahina 1190-1192.
Lahat ng ito ay nagpapabanaag sa walang hanggang karunungan ng Maylikha kapuwa ng sistema ng imyunidad at ng utak. At ito, naman, ay nagpapangyari sa atin na magtanong kung baga ang ating Maylikha, pagkatapos tayong gawan ng gayong kahanga-hangang kababalaghan na gaya ng utak at ng sistema ng imyunidad, ay saka ipuprograma tayo na mamatay. Sa katunayan, hindi gayon ang ginawa niya; ang mga siyentipiko ang nagsabi na gayon ang pagkakagawa sa atin. Tayo’y sinasabihan na ang ating mga selula ay naghahati—mahigit na 200 milyon ang ginagawa sa ating mga katawan sa bawat minuto—upang palitan ang napinsala at nasirang mga selula. Subalit ang ating mga selula, sabi ng mga siyentipiko, ay maghahati nang hindi hihigit sa 50 ulit. Hindi magtatagal higit pang selula ang naiwawala natin kaysa naihahalili natin, pumapasok na ang pagtanda, at sumusunod na ang kamatayan.
Ngunit hindi ganito ang pagkakalikha sa tao; ang tao ang nagdala nito sa kaniyang sarili. Siya ay nilikha upang mabuhay, maging mabunga, magpakarami, punuin ang lupa, at pangalagaan ang lupa—habang siya ay masunurin sa kaniyang Maylikha. Subalit siya ay binabalaan: Sumuway ka, at “ikaw ay tiyak na mamamatay.” Ang unang tao ay sumuway, nakadama ng pagkakasala, at nagtago. Mula noon, dinanas na ng tao ang kamatayan.—Genesis 1:26-28; 2:15-17, Reference Bible, talababa; Gen 3:8-10.
Sa paglipas ng panahon, ang matinding negatibong mga damdamin ay naging “kabulukan ng mga buto,” at “ang bagbag na diwa ay tumutuyo ng mga buto.” Ang resulta ay isang sistema ng imyunidad na nabawasan ng kakayahan, yamang ang malusog, mamasa-masang utak ng buto ay kinakailangan upang gumawa ng saganang lumalaban-sakit na puting mga selula ng dugo.—Kawikaan 14:30; 17:22.
Subalit ang proseso ng kamatayan ay papalitan ng pagkabuhay, at ang isang sistema ng imyunidad na sakdal na kumikilos ay magiging isang mahalagang salik sa paggawa niyaon. Ang layunin ni Jehova na magkaroon ng isang paraisong lupa na punô ng katuwiran, masunuring tao ay magagawa sa pamamagitan ng haing pantubos ni Kristo Jesus. Sa panahong iyon wala nang magkakasakit, ang kamatayan ay lilipulin, at lahat ng laman ay “magiging sariwa kaysa laman ng isang bata.” (Job 33:25; Isaias 33:24; Mateo 20:28; Juan 17:3; Apocalipsis 21:4) Sa panahong iyon ang kagila-gilalas na sistema ng imyunidad na idinisenyo ni Jehova ay hindi na matatalo sa labanan sa anumang sumasalakay na mga elemento.
Kahit na ngayon, ang ating sistema ng imyunidad, taglay ang mga depekto nito, ay isang himala ng paglalang. Mientras mas marami ang nalalaman natin tungkol dito, lalo tayong nagpipitagan sa Dakilang Maylikha nito, ang Diyos na Jehova. Nakikisama tayo sa salmistang si David sa kaniyang kinasihang pananalita: “Ako’y pupuri sa iyo sapagkat nilalang ako na kakila-kilabot at kagila-gilalas. Kagila-gilalas ang iyong mga gawa, at nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.”—Awit 139:14.
[Kahon/Mga dayagram sa pahina 8, 9]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Mga Tagapagtanggol sa Sistema ng Imyunidad
1. Phagocytes Mga selulang kumakain, na may dalawang uri: neutrophils at macrophages. Ito kapuwa ay mga basurero na kinakain ang walang buhay na mga basura, patay na selula at iba pang basura, at marami sa sumasalakay na mga mikrobyo. Ang mga macrophage ay mas malaki, mas mabagsik, mas malakas kaysa mga neutrophil, nabubuhay nang mas matagal at kumakain ng mas maraming pagkaliliit na mga organismo. Higit pa sa mga yunit na tagapagbasura, ang mga ito ay gumagawa ng iba’t iba enzyme at mga elementong laban sa pagkaliliit na mikrobyo, at ang mga ito’y kumikilos bilang kawing ng komunikasyon sa pagitan ng iba pang mga selula ng sistema ng imyunidad at maging ng utak.
2. MHC (major histocompatibility complex) Mga molekula sa ibabaw ng mga selula na kumikilala sa mga selula bilang isang bahagi ng katawan. Sa mga macrophage, ang MHC ay nagpapakita ng kaunting antigen ng mga biktima na kinain ng macrophage, na nagpapasigla kapuwa sa katulong na selulang T at macrophage na magparami nang sagana upang paramihin ang kanilang bilang upang makipaglaban sa impeksiyon.
3. Katulong na mga selulang T Ito ang mga pinuno ng pagkilos ng sistema ng imyunidad, kinikilala ang mga kaaway at pinasisigla ang paggawa ng iba pang mandirigma ng sistema ng imyunidad, tinitipon sila upang makisama sa pakikipaglaban sa mga mananalakay. Tumatawag sila ng karagdagang mga hukbo sa mga macrophage, at iba pang selulang T at ang selulang B, at pinasisigla ang paggawa ng mga selulang plasma.
4. Lymphokines Tulad-hormone na mga protina, kasama na ang mga interleukin at gamma interferon, na sa pamamagitan nito ang mga selula ng imyunidad ay nakikipag-usap sa isa’t isa. Pinasisigla nila ang maraming mahalagang reaksiyon ng sistema ng imyunidad, sa gayo’y pinalalakas ang pagtugon nito sa mga mikrobyo ng sakit.
5. Pumapatay na mga selulang T Sinisira ng mga selulang T ang mga selula na pinagtataguan ng mga virus at mga mikrobyo. Pinatatamaan nila ng nakamamatay na mga protina ang mga selulang ito, binubutas ang mga lamad nito at pinangyayaring pumutok ang mga selula. Inaalis din nila ang mga selula na nakakakanser.
6. Mga selulang B Sa ilalim ng pag-udyok ng katulong na mga selulang T, ang mga selulang B ay dumarami, at ang ilan ay naghahati at gumugulang tungo sa mga selulang plasma.
7. Mga selulang plasma Ang mga selulang ito ay gumagawa ng mga antibody nang milyun-milyon, na, gaya ng guided missiles, saka lumilibot sa buong katawan.
8. Mga antibody Kapag nakatagpo ng mga antibody ang mga antigen na mahuhuli ng kanilang mga receptor, kanilang sinusunggaban ito, pinababagal ito, pinagkukumpol ito upang maging katakam-takam na pagkain para kainin ng mga phagocyte. O sila mismo ang gumagawa nito, sa tulong ng complement factors.
9. Complement proteins Minsang ang mga antibody ay nakakabit na sa ibabaw ng pagkaliit-liit na organismo, ang mga protinang tinatawag na complement ay dumadagsa rito at ito ay pinapasukan ng likido, pinangyayari itong sumabog at mamatay.
10. Tagapigil na selulang T Kung ang impeksiyon ay napigil at ang sistema ng imyunidad ay nagwagi, ang tagapigil na mga selulang T ay kumikilos at ginagamit ang kemikal na mga hudyat upang ihinto ang lahat ng pagtugon sa imyunidad. Panalo na.
11. Mga selula ng memorya Sa panahong ito ang mga selulang T at selulang B ay nakagawa na at nag-iwan na ng mga selula ng memorya na umiikot sa daluyan ng dugo at sa lymphatic system sa loob ng mga taon, sa buong buhay pa nga. Kung magkaroon muli ng pagsalakay ng parehong uri ng organismo na dati nang natalo, isang puspusang pagsalakay ang gagawin ng mga selulang ito ng memorya, at ang bagong pagsalakay na ito ay agad na nasusugpo. Ang katawan ay hindi na tinatablan ng partikular na pagkaliit na organismong iyon. Ito ang mekanismo na gumagawang mabisa sa mga bakuna sa paglipol sa mga sakit na dati’y nagpapahirap—tigdas, bulutong, tipus, diphtheria, at iba pa.
[Kahon sa pahina 10]
Lubhang Pagdami ng Kaalaman, Subalit Nananatili ang Hiwaga
Mula nang humampas ang virus ng AIDS at tinamaan at napabagsak ang sistema ng imyunidad, ang pananaliksik ay naging puspusan. Ang kaalaman ay lubhang dumami. Gayumpaman, ang sistema ng imyunidad ay kamangha-manghang masalimuot anupa’t marami pa rito ang nananatiling isang hiwaga, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na sinipi mula sa mga imyunologo.
Ang imyunologong si John Kappler ay nagsasabi: “Ang larangan ng imyunolohiya ay napakabilis na sumusulong anupa’t ang mga babasahin ay nagiging lipas na sa panahon na ang mga ito ay mailathala.”—Time, Mayo 23, 1988, pahina 56.
Ang imyunologong si Leroy Hood, ng California Institute of Technology, ay nagsasabi: “Nauunawaan natin ang kayarian ng sistema ng imyunidad, subalit halos wala tayong nalalaman tungkol sa programa na nagpapatakbo sa sistema—ang mga gene na nagsasabi sa ating mga selula kung ano ang gagawin.” Tungkol sa tulad-hormone na kemikal na mga hudyat na nagpapangyari sa mga reaksiyon, ang lymphokines, na natuklasan sabi ni Hood ay “ganggakalingkingan lamang.”—National Geographic, Hunyo 1986, pahina 732; Time, Mayo 23, 1988, pahina 64.
Mananaliksik na si Edward Bradley: “Malamang na kaunti lamang ang nalalaman natin tungkol sa sistema ng imyunidad ngayon na gaya ng nalalaman ni Columbus tungkol sa Amerikas pagkatapos ng kaniyang unang paglalayag.”—National Geographic, Hunyo 1986, pahina 732.
[Kahon sa pahina 11]
Ang paghitit ng marijuana “ay gumaganap ng malaking bahagi sa panghihina ng sistema ng imyunidad sa pamamagitan ng pagtatakda sa paggawa ng ilang puting selula ng dugo.”—Industrial Chemist, Nobyembre 1987, pahina 14.
[Kahon sa pahina 11]
Kapag ang Digmaan ay Naging Gera Sibil
“Ang kakayahang makilala ang kaibhan sa pagitan ng sarili at ng hindi sarili ay isang palatandaan ng sistema ng imyunidad.” (Immunology, pahina 368) Subalit kapag nasira ang sistema—gaya ng nangyayari kung minsan—hindi nito nakikilala ang kaibhan sa pagitan ng sarili at hindi sarili at nauuwi sa isang gera sibil, nilalabanan ang sarili. Sa gayon ang sakit na nagpapahirap sa atin ay tinatawag na autoimmune diseases. Ipinalalagay na kabilang dito ang rheumatic fever, rheumatoid arthritis, multiple sclerosis, Type 1 diabetes, myasthenia gravis, at systemic lupus erythematosus.
Isa pa, ang sistema ng imyunidad kung minsan ay nagkakamali kapag minamalas nito ang hindi nakapipinsalang mananalakay bilang mapanganib na mga kaaway. Maaaring ito’y isang butil ng pollen, isang maliit na butil ng alikabok, balakubak ng hayop, o kaunting alimasag na nagiging dahilan ng alerdyi. Sobrang dami ng matapang na mga kemikal, gaya ng histamines, ay ginagawa upang labanan ang mga bagay na hindi naman nakapipinsala sa ganang sarili. Ang mga sintomas ng mga reaksiyong ito sa alerdyi ay nakapanlulumo—pag-agahas, pagbahin, pagsinghut-singhot, matinding sipon, nagluluhang mga mata. Kung labis, ang mga reaksiyong ito ay maaaring humantong sa kalagayang parang nasindak na tinatawag na anaphylaxis at maaari pa ngang makamatay.
[Kahon sa pahina 12]
Dumarami ang katibayan na ang mga pagsasalin ng dugo ay nakapipinsala sa sistema ng imyunidad. Iniuugnay ng daan-daang siyentipikong mga papeles sa nakalipas na mga taon ang mga pagsasalin ng dugo sa pagsupil sa imyunidad. “Ang isang yunit ng buong dugo ay sapat na upang makita ang pagsupil sa imyunidad,” sabi ng isang report.—Medical World News, Disyembre 11, 1989, pahina 28.