Pagkakaroon ng Mabuting Ugnayan sa Pagitan ng mga Doktor at mga Pasyenteng Saksi
NALALAMAN ng mga doktor sa buong daigdig ang isang pangunahing bagay tungkol sa mga Saksi ni Jehova: Sila’y tumatanggi sa pagsasalin ng dugo. Gayunman, kaunti lamang ang nalalaman ng maraming doktor tungkol sa mga Saksi. Kaya kung nais nilang salinan ng dugo ang isang pasyenteng Saksi, ang pagtanggi ay maaaring magtinging lubhang di-makatuwiran sa kanila. Sa gayon, maaaring magkaroon ng hindi mabuting ugnayan ang manggagamot at ang pasyente.
Iilang doktor din ang nakababatid na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi laban sa medikal na paggamot at na ang kanilang paninindigan sa dugo ay hindi na mababago at matibay na nag-uugat sa kautusan ng Kasulatan. Samantala, ang pagiging makatuwiran ng paninindigang ito ng Kasulatan ay pinatutunayan ng napakaraming bagong tuklas ng siyensiya tungkol sa mga panganib ng homologous transfusions o pagsasalin ng kauring dugo at ng ligtas na mga kahalili ng pagsasalin. Subalit paano ba maipararating ng mga Saksi ni Jehova ang impormasyong ito sa pamayanan ng medisina?
Mga “Hospital Liaison Committee”
Sa layuning iyan, pinangasiwaan ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang pagtatatag ng mga hospital liaison committee sa malalaking lungsod na may malalaking medikal na mga institusyon. Sa Estados Unidos, mga isang daang komite, na may katamtamang limang ministro sa bawat komite, ang nagtatatag na ng mabuting ugnayan sa pagitan ng daigdig ng medisina at ng mga Saksi. Maaga sa taóng ito ang kaayusan ay pinarating sa ibang bansa. Mula Pebrero 19 hanggang Marso 27, tatlong miyembro ng Hospital Information Services sa Brooklyn ang dumalaw sa walong tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Pasipiko.
Ang layunin ay may tatlong bahagi: magdaos ng apat na seminar upang sanayin ang piniling mga ministrong Saksi para sa gawain ng hospital liaison committee, sanayin ang kawani ng sangay na pangasiwaan ang isang Hospital Information Services desk sa bawat sangay, at dalawin ang mga ospital at mga doktor upang pasiglahin ang patuloy at pinaunlad na paggamot sa mga Saksi ni Jehova nang hindi gumagamit ng dugo. Apat na seminar ay idinaos: isa sa Sydney para sa Australia at New Zealand; isa sa Manila para sa Pilipinas, Hong Kong, at Taiwan; isa sa Ebina City para sa Hapón at Korea; at ang huli ay sa Honolulu para sa Hawaii.
Ginamit ng programa kapuwa ang mga slide at video upang ipaliwanag ang gawain at nilalaman ng dugo at ang dumaraming listahan ng mga kahaliling medisina sa kauring dugo. Sinaklaw ng mga pagtalakay ang mga paraan upang tulungan ang mga Saksi ni Jehova kapag sila’y napapaharap sa mga problemang may kaugnayan sa dugo. Idiniin din ng seminar ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa mga doktor at mga ospital, sa gayo’y ginagawa itong mas madali para sa kanila na igalang ang paninindigan ng mga Saksi. Isang miyembro ng komite sa Hapón ay nagsabi: “Ang programa ay talagang nagsangkap sa amin na simulan ang gawain ng paglinang sa pag-unawa.” Mahigit na 350 Saksi mula sa lahat ng katayuan sa buhay ang sinanay sa apat na mga seminar.
Bago ang mga pagdalaw, ang mga tanggapang sangay ay nakipagtipan sa kilalang mga seruhano at sa mga senior staff member sa malalaking ospital upang ipakipag-usap ang walang-dugong paggamot sa mga Saksi ni Jehova. Tatlong pangkat sa bawat sangay ang inatasang dumalaw, bawat isa’y pinamumunuan ng isa sa tatlong kinatawan mula sa Brooklyn. Hindi lamang ito nagbigay ng on-the-spot na pagsasanay sa mga naatasang maging miyembro ng hospital committee kundi ginawa rin sila nitong maging palagay ang loob kapag nakikipag-usap sa mga doktor at sa mga propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan. Mahigit na 55 gayong mga pagdalaw ang nagawa sa yugtong ito ng anim na linggo.
Mga Tulay ng Pagtutulungan
Ang mga resulta ay nakasisiya. Sa Australia isang dumadalaw na pangkat ang nakipagkita sa pangalawa sa ministro ng kalusugan para sa estado ng New South Wales. Ipinakipag-usap nila sa kaniya ang pagsasagawa ng mga operasyon nang walang dugo sa maraming sentro ng pangangalaga-sa-kalusugan, iminumungkahi na ang Australia ay maaaring maging isang sentro para sa gayong pag-oopera sa mga Saksi ni Jehova sa Timog Pasipiko. Wala siyang makitang dahilan kung bakit hindi maaaring itatag ang mga pangkat ng mga doktor na gagawa ng gayong pag-oopera. Dalawampu’t dalawang pagdalaw ang nagawa sa Australia. Isang direktor ng ospital ang nagsabi: “Mas marami pa kayong nalalaman tungkol sa dugo at sa kahaliling paggamot kaysa nalalaman namin.” Ang chief executive ng isang pangkat ng pitong ospital ay nagbigay ng katiyakan na siya ay hihirang ng isang propesor sa pag-oopera upang ipagpatuloy ang ideya ng pagtatatag ng isang pangkat ng mga seruhano sa isa sa kanilang mga ospital na gagamot sa mga Saksi ni Jehova nang walang dugo.
Sa heart center ng Manila—ipinalalagay ng ilan na siyang pinakamahusay sa Silangan—binanggit sa medical director ang tungkol sa halos isang daang mga Saksi ni Jehova na naghihintay ng operasyon sa puso ang inilagay sa dulo ng listahan sapagkat ayaw nilang pasalin ng dugo. Sinabi niyang ihihinto niya ang gawaing ito. Ipinakita sa medical director ng isa sa kilalang ospital sa Pilipinas, ang St. Luke’s, kung ano ang sinasabi ngayon ng literatura sa medisina tungkol sa pag-oopera nang walang dugo, at siya ay sumang-ayon na ito ay mas ligtas. “Ito ang bagong bagay,” inamin niya. “Ito lamang ang paraan na maiiwasan natin ang AIDS at ang hepatitis.” Ipinahiwatig niya na handa niyang bigyan ng pagkakataon ang mga Saksi na pagamot na walang dugo sa kaniyang ospital; siya rin ang presidente ng bangko ng dugo ng ospital.
Sa tatlong-araw na seminar sa Hapón, ang Korea ay kinatawan nang husto, na may delegasyon ng 44 na mga Saksi ni Jehova, 5 sa kanila ay mga doktor. Mula sa Hapón ay dumating ang 255 ministrong Saksi, kabilang dito ang 41 mga doktor, ang ilan sa kanila ay mga neurosurgeon at mga anesthesiologist, at 2 abugado. Dalawampung komite ang naitatag sa Hapón, at pito sa Korea.
Pagkatapos ng seminar, ang mga instruktor ay sumama sa lokal na mga miyembro ng hospital committee upang dalawin ang mga doktor at mga ospital sa Tokyo upang paunlarin ang pagtutulungan. “Dinalaw namin ang isang pangalawang propesor ng obstetrics sa isang ospital ng unibersidad,” ulat ng isang ministrong Hapón. “Siya’y nagpaanak na sa di-kukulangin sampung babae na mga Saksi ni Jehova. Ang isa sa kanila ay nawalan ng 2,800 centimetro cubiko ng dugo, at ang antas ng kaniyang hemoglobin ay bumaba sa 3.5 gramo/decilitro. (Ang katamtaman para sa mga babae ay 14 na gramo/decilitro.) Gayunman ay naisagawa ng doktor ang pagpapaanak nang walang pagsasalin ng dugo. Bagaman isang Budista, ang kaniyang patakaran ay igalang ang paniniwala ng kaniyang mga pasyente. Sumang-ayon siyang patuloy na gagamutin ang mga pasyenteng Saksi ni Jehova.”
Isang medical director sa Yokohama ang sumang-ayon na isama ang kaniyang ospital sa talaan ng mga ospital na handang makipagtulungan sa mga Saksi at nagsabi na malugod nilang tatanggapin ang mga pasyenteng Saksi na tinanggihan ng ibang ospital. “Ang gamutin ang mga Saksi ni Jehova nang walang pagsasalin ng dugo,” sabi ng doktor, “ay isa ngang hamon, subalit pinahahalagahan ko ang mga Saksi sapagkat binigyan nila ako ng pagkakataon na pagbutihin ang aking kasanayan bilang isang doktor.” Sa Yokohama rin na isang gynecologist ang nagsabi: “Ipaglalaban ko ang karapatan ng mga pasyente sa hukuman kung ako’y idedemanda dahil sa paggalang sa kagustuhan ng pasyente at dahil sa hindi pagsasalin ng dugo.”
Ang mga komite na itinatag sa Korea ay nag-uulat ng tagumpay. Noong Mayo 26 isang pagdalaw ang ginawa sa Yonsei University Hospital. Kilalang-kilala ito sa buong Korea at may tatlong sangay. Ang mga miyembro sa tatlong ospital na ito ay dumalo, gumagawa ng kabuuang bilang na 62. Isang propesor ng anestesyolohiya ang nagsalita tungkol sa “Anesthetic Management of Jehovah’s Witness Patients.” Ang impormasyong ibinigay niya ay isusulat sa isang babasahin tungkol sa anestesyolohiya sa Korea. Yamang isa ito kilalang ospital sa Korea, tiyak na ito’y magkakaroon ng mabuting impluwensiya sa iba pang ospital at mga doktor. Walang tanong na ibinangon na hindi lubusang nasaklaw sa seminar sa Hapón.
Limang liaison committee ang itinatag para sa Hawaii, at silang lahat ay nagtungo sa Honolulu para sa seminar. Karamihan sa kanila ay isinama sa mga pagdalaw sa ospital. Sa Hawaii Healthcare Center, ang direktor ay nagsabi na siya ay susulat ng isang artikulo tungkol sa amin sa kanilang babasahin upang ipadala sa lahat ng mga ospital sa Hawaii.
Sa pinakamalaking health-care center, ang Queen’s sa Honolulu, ipinakita ng komite na ang consent form na ginagamit ng center ay naglalaman ng di-wastong pananalita na may kamaliang kumakatawan sa mga Saksi ni Jehova. Ipinahihiwatig nito na nanaisin pa ng mga Saksi ang mamatay kaysa pasalin ng “nagliligtas-buhay” na dugo. Ipinaliwanag na hindi ito ang ating katayuan, na tayo ay nagtutungo sa ospital upang pangalagaan ang ating kalusugan at buhay. Ipinalilitaw ng kanilang pananalita na ang dugo ay pawang mabuti at na ang hindi pagsasalin ng dugo ay nangangahulugan ng kamatayan. Hindi inaamin ng kanilang pananalita ang posibilidad ng kamatayan dahil sa mga pagsasalin ng dugo, kaya hindi nila binibigyan ang pasyente ng mapagpipilian sa kung aling panganib ang kusa niyang kukunin. Ganito ang sabi ng abugado ng ospital: “Tingnan ko nga iyan!” Habang binabasa niya ito, sabi niya: “Hindi ko isinulat ito!” Habang papaalis ang abugado at ang administrador, sinabi ng administrador sa abugado: ‘Sa palagay ko dapat nating repasuhin ang dokumentong ito na magkasama.’
Tinutupad ng Bagong Komite ang Layunin Nito
Sa loob ng ilang araw pagkatapos ng sesyon ng pagsasanay sa Hawaii, isang Saksi ang isinugod sa ospital na lubhang anemik, napakababa ng kaniyang blood count. Walang masumpungang pagdurugo; kailangan ang exploratory surgery. Ang mga doktor ay ayaw mag-opera nang hindi gumagamit ng dugo. Siya ay inilipat sa ibang ospital kung saan isa pang doktor ang tumanggi ring mag-opera. Ang bagong katatatag na liaison committee ay humarap, nakipag-usap sa medical director at sa manggagamot na oopera, at kanilang ipinaliwanag na, sa katunayan, ang pasyente ay pinabayaan. Ang doktor ay tumanggi pa ring mag-opera at inalis sa kaso. Dalawang ibang seruhano ang tinawag. Isinagawa nila ang operasyon, nasumpungan nila ang pinagmumulan ng pagdurugo, at iniwasto ang problema. Ang ating kapatid ay nakaligtas. Kung hindi namagitan ang liaison committee, maaari siyang namatay, at ilalarawan na naman ito ng media na isa pang kaso ng isang Saksing ‘namatay dahil sa kakulangan ng kinakailangang dugo.’ Sa katunayan, sa gayong mga kaso ang mga Saksi ay namatay dahil sa hindi sila inoopera ng may kakayahang mga seruhano na maaari sanang nagligtas sa kanila.
Sa gayon, sa isang internasyonal na lawak ang mga hospital liaison committee ay gumagawa upang magkaroon ng mabuting ugnayan sa pagitan ng pamayanan ng medisina at ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng makahulugang pag-uusap at pag-unawa sa isa’t isa. Ang mga resulta ay kasiya-siya. Parami nang paraming doktor ang nakakakita na maaaring pagbigyan ng mahusay na medikal na gawain at ng may kasanayang pag-oopera ang paniwala ng mga Saksi ni Jehova. Sa Estados Unidos, mahigit na 6,500 doktor ang handang gawin iyon.
Sa kanilang bahagi, dapat patuloy na gawin ng mga Saksi ang lahat ng magagawa nila upang maging matulungin at makatuwirang mga pasyente. Sa gayong paraan, maaari pa ngang igalang ng mga doktor ang mga Saksi sa kanilang pagsunod sa matataas na simulain. Gaya ng sabi ng isang pangalawang propesor sa urolohiya sa isang medikal na kolehiyo sa Tokyo: “Iginagalang ko ang mga pasyenteng Saksi ni Jehova. Mayroon silang espisipikong mga pamantayan sa isang daigdig na walang pamantayan.”
Ang panlahat na tunguhin ng mga seminar at mga pagdalaw na ito ay upang itaguyod ang mas magalang na pakikipagtulungan at sa gayo’y maiwasan ang komprontasyon. Lahat ng kasangkot sa pagsisikap na ito ay nag-aakalang ang tunguhing ito ay naabot nang may kasiya-siyang tagumpay. Kami’y nagtitiwalang patuloy na pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap na ito at palakasin yaong mga sumusunod sa utos ni Jehova na umiwas sa dugo, gaya ng iniuutos ng kaniyang Salita na gawin nila.
[Kahon sa pahina 24]
“Bawat gumagalaw na hayop na buháy ay maaaring maging pagkain ninyo. Gaya ng mga sariwang pananim, ibinibigay kong lahat iyan sa inyo. Tanging ang laman na may kaluluwa—ang dugo nito—ang huwag ninyong kakainin.”
“At sinumang tao sa sambahayan ni Israel o sa mga tagaibang bayan na nakikipamayan sa kanila na kumain ng anumang uri ng dugo, tiyak na aking itititig ang aking mukha laban sa taong yaon na kumain ng dugo, at ihihiwalay ko sa kaniyang bayan. Sapagkat ang kaluluwa ng laman ay nasa dugo, at ako mismo ang naglagay nito sa ibabaw ng dambana upang inyong itubos sa inyong mga kaluluwa, sapagkat ang dugo ay siyang tumutubos dahil sa kaluluwang naroroon. Kaya’t aking sinabi sa mga anak ni Israel: ‘Sinumang kaluluwa sa inyo ay huwag kakain ng dugo ni ang tagaibang bayan na nakikipamayan sa inyo ay huwag kakain ng dugo.’ ”
“Sapagkat ang banal na espiritu at kami na rin ay sumang-ayong huwag nang dagdagan pa ang pasanin ninyo, maliban sa mga bagay na ito na kailangan, na patuloy na layuan ninyo ang mga bagay na inihain sa mga idolo at ang dugo at ang mga binigti at ang pakikiapid. Kung maingat na lalayuan ninyo ang mga bagay na ito, kayo’y uunlad. Maging malusog nawa kayo!”
[Larawan sa pahina 23]
Hospital Committee Seminar—March 12, 1990