Pagmamasid sa Daigdig
PAGNANAKAW NG EMPLEADO
Ang krimen ay nagkakahalaga sa industriya sa Britaniya ng mahigit na $9,000,000,000 isang taon, sabi ni John Banham, panlahat na direktor ng Confederation of British Industry. Mula rito, dalawa hanggang tatlong bilyong dolyar ang dahil sa pagnanakaw ng empleado. Isinisiwalat ng Daily Telegraph ng London na 85 porsiyento niyaong nakausap ay ayaw isumbong sa kanilang superbisor ang isang kasama na nagnanakaw sa kompaniya. Tungkol sa ibang di-tapat na mga gawain, napansin ng surbey na ang mga saloobin ay iba-iba ayon sa edad. Mahigit na kalahati ng mga empleado na mahigit na 45 anyos ay hindi sang-ayon na gamitin ang mga telepono ng kompaniya para sa personal na mga tawag, wala pang isa sa apat ng mga 16 hanggang 24 anyos ang hindi sang-ayon. Itinuturing ng 19 porsiyento ng mga grupong ito ng kabataan ang paggamit ng panahon sa trabaho upang ipakipag-usap ang mga bagay na walang kaugnayan sa gawain ng kompaniya na “pagnanakaw ng oras.”
DAMI NG NAMAMATAY NA SANGGOL
Ang Estados Unidos na ngayon ang halos nangunguna sa listahan ng mayayamang bansa na may mataas na bilang ng namamatay na sanggol, sabi ni Dr. Regina Lederman, kasamang dekano at propesor sa school of Nursing ng Medikal na Sangay ng The University of Texas. Dalawampung taon ang nakalipas ang Estados Unidos ang nasa ika-5 puwesto sa internasyonal na listahan sa pagkakaroon ng malulusog na sanggol, subalit noong 1987 ito ay bumaba sa ika-20 puwesto. Ang Amerika ay napaliligiran ng pag-abuso sa droga at alkohol, AIDS, hindi mabuting pagkain, kawalan ng tahanan, kaigtingan, isang epidemya ng nagbubuntis na mga tinedyer, at ng mga epekto ng paninigarilyo. Ito ang dahilan ng mababang timbang sa pagsilang, malaking banta sa buhay ng bagong silang at sanhi ng panghabang-buhay na mga kapansanan. Sang-ayon kay Lederman, sa pagitan ng 1950 at 1987, itinaas ng isang pambansang pangako sa kalusugan at pangangalaga ng mga babae at mga bata ang Hapón mula sa ika-17 puwesto tungo sa unang puwesto, sa pagkakaroon ng pinakamababang bilang ng namamatay na sanggol sa daigdig. “Ipinakikita ng lahat ng mga pag-aaral na pinalalaki ng prenatal na pangangalaga ang tsansa ng normal na pagsilang at malusog na sanggol,” sabi ni Lederman. “Para sa pinakamabuting resulta, simulan ang pangangalaga bago ang paglilihi.”
PAG-UNTI NG BAKULAW
Ang malalaki’t walang-buntot na mga unggoy ng Rock of Gibraltar na kilala bilang Barbary macaques ay umuunti ang bilang, ulat ng The Times ng London. Ang mga bakulaw ay malayang kumakain sa Rock sa pangangalaga ng garison ng hukbong Britano. Subalit marami sa tatlo-at-kalahating milyong turista na dumadalaw taun-taon ay pinakakain ang mga unggoy ng mga tsokolate at iba pang kendi. Bunga nito, ang pagtaba at pagkasugapa sa matamis ay gumawa sa ilang Barbary macaque na “mawalan ng interes sa pag-aasawa at nag-aaway dahil sa pagkain.” Ito ang dahilan ng pagbaba ng bilang ng ipinanganganak na hayop, at ang populasyon nito ay bumaba mula sa 130 tungo sa 70. Upang hadlangan ito, ang pamahalaan ng Gibraltar ay nagtatag ngayon ng isang parkeng may warden kung saan ang isang pangkat ng mga unggoy ay pangangalagaan at ilalagay sa pangkat na bibigyan ng hindi gaanong matamis na pagkain na pangunahin nang binubuo ng mga food pellet. Inaasahan na ito ay magbubunga ng normal na paggawi at ingatan ang nanganganib malipol na mga uring ito.
MAS NAGUGUSTUHANG EUROPEONG MAMAMAYAN
“Dapat pagtagumpayan ng mga manedyer ng dekadang Nobenta,” ulat ng The European, “hindi lamang ang mga hadlang sa wika” upang makapagtrabaho sa ibang bansa. Ipinakikita ng mga pag-aaral na isinagawa sa Europa na may “tiyak na nagugustuhang mamamayan” pagdating sa pag-upa sa mga dayuhan. Sa 700 kompaniyang Britano, nasumpungang mahigit sa sangkatlo ng mga Aleman at Olandes ang kabagang, ang mga Italyano at Kastila ay hindi gaanong nagugustuhan. Ang mga Pranses at taga-Belgium ay tinatanggap bilang dayuhang mga empleado, subalit ang mga Suiso ay sinasabing napakamahal at mapaghanap. Sa mga kompaniyang Kastila, ang pinakamagaling na mapagpipilian ay mga Pranses. Ang mga Britano at Olandes ay mahilig magsugo, ang mga Pranses at Italyano ay hindi. “Iba-iba ang tao,” sabi ng pahayagan, “at dapat na may kahusayang hatulan nang magkakaiba.”
KUNG BAKIT NAGLALAYÁS ANG MGA BATA
Sinuri ng Canberra Times ng Australia ang mga dahilan kung bakit naglalayás ang mga bata sa bahay. Para sa ilan, ito’y biglaang disisyon. Ang iba ay naglalayás para sa abentura. Hindi magtatagal karamihan sa mga ito ay magugutom at malulungkot at babalik pagkaraan ng ilang araw. Ang iba ay mayroong mas malalim na dahilan, problema sa paaralan, alkoholikong mga magulang, pisikal o seksuwal na pag-abuso, at paghihiwalay ng mga magulang. Yaong mga lumalayas sa mga kadahilanang ito ay mas matagal bumalik, ang iba ay hindi na bumabalik. Sila ay maaaring bumaling sa prostitusyon at maliliit na krimen upang magkapera nang may ikabuhay. Ang nagbababalang mga tanda ay: madalas na mga pagtatalo sa bahay, madalas na pag-uwi ng gabi na, at paulit-ulit na hindi pagpasok sa eskuwela. Upang bawasan ang tsansa ng isang lalayas, itinatala ng artikulo ang mga mungkahing ito para sa mga magulang: ‘Maglaan ng masigla, maibiging kapaligiran sa tahanan; maging timbang sa pagpapalayaw at paghihigpit; bigyan ang mga bata ng autonomiya at pananagutan; magkaroon ng mabisang mga kasanayan sa komunikasyon, lalo na ang kakayahang makinig; maglaan ng makatuwiran at hindi pabagu-bagong disiplina.’
MGA BUDDHA UPANG INGATAN ANG YAMAN
Ang mga mag-aalahas sa Hapón ay nag-ulat na ang mga istatuwang ginto ni Buddha ay biglang-biglang naging ang kanilang pinakamabiling bagay. Bakit? Ang gintong mga bagay ay naging mura buhat nang ipakilala ang isang bagong sistema ng pagbubuwis. Isa pa, may popular na paniwala na ang relihiyosong mga bagay na ito ay hindi saklaw ng buwis sa pamana. Gayunman, ang Ahensiya sa Pagbubuwis ay nagbabantang patawan ng buwis ang mga istatuwa ni Buddha na binili upang daigin ang batas sa halip na para sa relihiyosong kahalagahan at gamit. Sabi rin ng mga mag-aalahas na ang trabahong nasasangkot sa paghuhulma ng isang Buddha ay nagpapataas sa presyo nang hanggang 75 porsiyento ng halaga ng ginto, ginagawa itong hindi mabuting puhunan.
MGA MAMAMATAY-TAO SA HAYWEY
◻ “Maraming tao na napapatay sa mga haywey ay gumagamit ng cocaine,” sabi ni Dr. Peter Marzuk, kasamang autor ng isang pag-aaral na inilathala sa The Journal of the American Medical Association. Ipinakikita ng pag-aaral, na ginawa sapagkat dumami ang mga kamatayan sa daan sa New York City, na 56 porsiyento niyaong napatay ay may mga labí ng cocaine o alkohol, o pareho, sa kanilang katawan sa pagkamatay. Inaakala ni Marzuk na mas marami pang tsuper ang gumagamit ng cocaine kaysa ipinakikita ng pag-aaral. Ang iba ay hindi napapatay, at ang iba na napatay ay hindi gumamit ng sapat na dami upang ito’y mapansin.
◻ “Ang pagkatulog samantalang nagmamaneho ang dahilan ng halos 6,500 kamatayan sa daan sa bawat taon at maaari pang maging sanhi ng 400,000 mga aksidente sa isang taon” sa Estados Unidos, sabi ng magasing Science, na nag-uulat tungkol sa mga tuklas ng neurologong si Michael Aldrich, isang mananaliksik tungkol sa pagtulog sa University of Michigan. Hanggang 25 porsiyento ng populasyon ang may diperensiya sa pagtulog, sabi ni Aldrich, at siyang mas malamang na makatulog samantalang nagmamaneho. Ang sleep apnea, kung saan humihinto ang paghinga kadalasan na sa gabi, ang pinakakaraniwan, at nagpapangyari sa isa na makadama na patang-pata kinabukasan. Ang pinakamaraming aksidente ay nangyayari sa mga may sakit na narcolepsy, isang kalagayan na nangpapangyari ng biglang “mga atake” ng pagtulog.
PAGSAWATA SA IPIS
“Matitiis ng mga ipis ang mas matinding dosis ng radyasyon kaysa matitiis ng mga tao,” sabi ni Richard Brenner ng U.S. Agricultural Research Service, “subalit ang mainit na temperatura, gaya ang init na nakakaya natin—sapagkat tayo’y nagpapawis upang lumamig ang temperatura ng ating katawan—ay papatay sa kanila.” Ngayon ginagamit ng isang kompaniya sa California na pumapatay ng peste ang bagay na iyon upang alisin ang mga ipis at iba pang mga peste sa mga bahay. Ang isang bahay na may peste ay binabalot sa toldang lona. Mga porpane burner at bentilador ang iniinstala upang initin ang loob ng 66° C. “Pagkaraan ng apat na oras sa temperaturang iyon, naabot na ng bawat bahagi ng gusali ang temperaturang 50° C na sapat na upang patayin ang mga ipis, langgam, langaw, garapata, gamúgamô at anay pa nga,” sabi ng New Scientist.
“SA HIRAP O GINHAWA”
“Sinasabing, ang pag-aasawa’y pinagbubuklod sa langit,” sabi ng India Today. “Ngunit para sa dalawang mag-asawa sa nayon ng Patan, ang pag-aasawa’y waring kinakalas sa lupa.” Nangyari ito nang dalawang magkaibang partido ng kasalan ay dumating nang magkasabay para sa kanilang kasal. Ang dalawang partido ay kapuwa nagmamadali, at ang mga seremonya ay mabilis na isinagawa. Ang sindak ay dumating nang ang mahahabang lambong na nakatakip sa mga mukha ng nobya ay alisin, at natuklasan ang pagkakapalitan ng mga nobya. “Bagaman ikinatakot ng mga nobya ang pagkakapalitan, iginiit ng mga kamag-anak na ang nangyari ay nangyari na,” sabi ng India Today. “Kaya, sa hirap o ginhawa, ang mga mag-asawa ay dapat magsama hanggang kamatayan.”
“TIME BOMB” NG EHIPSIYONG SINING
“Ang mga pintor sa Sinaunang Ehipto ay nakagawa ng makulay na mga gawa ng sining, frescoes, may kulay na mga istatuwa, mga kabaong at libingan. Sila’y samahan ng mga dalubhasa at natuklasan nila ang unang sintetikong kulay, isang matingkad na ‘Ehipsiyong asul,’ mas maganda kaysa lahat ng natural na mga kulay ng asul na magagawa nila,” sabi ng The German Tribune. Subalit “hindi nila natalos na dahil sa kanilang Ehipsiyong asul ay sisirain nito ang kanilang mga gawa ng sining. Ito’y naglalaman ng isang kemikal na virus na makasisira rito.” Ito ang atacamite, isang mineral na hindi sadyang idinagdag dito subalit, ito ay lumitaw nang dakong huli sa pamamagitan ng kemikal na reaksiyon, unti-unting binabago ang asul tungo sa kulay berde. Ang proseso ay nagpapatuloy sa ilalim ng maumidong mga kalagayan, niluluwagan ang kulay at pinangyayari itong gumuho. Karamihan ng pamamasa nito ay galing sa mga pagdalaw ng mga turista, binibigyan ng problema ang mga autoridad sa Ehipto: isara ang mga lugar na ito sa turismo, kung saan pinansiyal na dumidepende ang bansa, o isapanganib na mawala ang lahat ng mga kulay asul at berde sa loob ng isang dantaon.