Mula sa Aming mga Mambabasa
Pag-eeksperimento sa Hayop Atubili akong basahin ang labas tungkol sa pag-eeksperimento sa hayop (Hulyo 8, 1990) sapagkat alam kong ito’y isang emosyonal na paksa. Subalit iniharap ninyo ito sa mataktika at timbang na paraan.
N. V., Estados Unidos
Yamang pananaliksik ang linya ng trabaho ko, sabik na sabik akong basahin kung ano ang sinasabi ng Gumising! Maliwanag na hindi hinahatulan ng Bibliya ang pag-eeksperimento sa hayop, gayunman hindi nito binibigyan-matuwid ang kalupitan sa mga hayop. Kung ang aking gawain ay mangangailangan ng paggamit ng mga hayop sa hinaharap, ako’y magiging maingat na huwag sayangin ang mga ito o maging malupit sa kanila.
O. O., Estados Unidos
Ang inyong artikulo ay nakapanghihinang-loob. Kayo’y naglaan ng limang parapo sa karahasan ng mga aktibista (na hindi naman malaganap). Ang “nakasisindak na mga kuwento,” gayunman, ay binuod sa isang subtitulo. Paano nga mapananatili ng isang tao ang timbang na saloobin dahil sa gayong kalupitan? Oo, ang pag-eeksperimento sa hayop ay nakatulong sa pagsulong ng medisina. Subalit hindi ba natin maaaring ihinto ito ngayon?
S. F., Pederal na Republika ng Alemanya
Waring kinakampihan ng inyong artikulo ang pag-eeksperimento sa hayop kung hindi ito nagsasangkot ng matinding paghihirap. Ano nga ang halaga kung may natatamong tagumpay sa pamamagitan ng paghihirap at kamatayan ng walang malay na mga hayop?
M. B., Estados Unidos
Ang pag-eeksperimento sa hayop ay isang usapin na punô ng damdamin, at ang aming mga artikulo ay nakakuha ng isang pambihirang dami ng pagtugon buhat sa mga mambabasa. Ang Bibliya ay hindi humahatol sa paggamit ng mga hayop sa pakinabang ng mga tao. Ngunit, mauunawaan naman, marami ang tutol sa anumang uri ng paghihirap ng hayop, at tiyak na iginagalang namin ang kanilang mga damdamin sa bagay na ito.—ED.
Pagkasugapa sa Shabu Ako’y sumulat upang ipaalam sa inyo na ang inyong mga artikulo tungkol sa pagkasugapa sa shabu (Hulyo 22, 1990) ay lubhang nakapagtuturo. Bilang isang dating sugapa sa shabu, ako’y nakaalpas mula sa shabu noon lamang ako’y magsimulang mag-aral ng Bibliya at makisama sa mga Saksi ni Jehova. Dati-rati’y ginagamit ko ang perang pambayad ko sa upa ng bahay, perang pambayad-kotse, at nakaw na pera upang makuha ng shabu. Pumayat ako nang husto anupa’t ako’y mukhang kalansay. Subalit sa tulong at patnubay ng mga Saksi ni Jehova, nasumpungan ko ang lunas.
C. H., Estados Unidos
Mga Pelikula Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Mahalaga ba kung Anong Pelikula ang Pinanonood Ko?” (Hulyo 22, 1990) ay nakatulong sa akin na matanto ang kapangyarihan ng mga pelikula sa mga tao. Hindi na ako manonood ng mga pelikulang R-rated.
W. R., Estados Unidos
Hindi ako madalas manood ng sine, kaya sinimulan kong magbasa ng mga aklat tungkol sa mga hayop, gawang-kamay, at kasaysayan. Napakaraming kahanga-hangang mga aklat na mahuhusay at nakapagtuturo at na hindi gumagamit ng lapastangang pananalita.
L. H., Estados Unidos
Talagang nagustuhan ko ang inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Makapipili ng Isang Desenteng Pelikula?” (Agosto 8, 1990) Isang bagay ang nakalilito pa sa akin. OK ba para sa isang Kristiyano na manood ng isang pelikulang rated PG-13?
R. J., Estados Unidos
Sa Estados Unidos, ang isang pelikulang rated PG-13 ay bukas para sa lahat ng gulang, “subalit ang mga magulang ay lubhang pinaaalalahanang bigyan ng pantanging patnubay ang mga batang wala pang 13 anyos.” (“World Book Encyclopedia”) Ang isang Kristiyano ay natural na magiging maingat kung ang isang pelikula ay may gayong rating. Gayunman, ang mga rating ng pelikula ay nagpapabanaag ng makasanlibutang mga pamantayan, hindi ng mga simulain ng Bibliya, at ang mga pamantayang iyon ay kadalasang pabagu-bago. Kaya sa mga bansa kung saan umiiral ang isang movie-rating na sistema, ang mga indibiduwal ay dapat magpasiya kung sa anong lawak sila gagabayan nito. Ang mga kabataan ay dapat na sumunod sa tagubilin ng kanilang mga magulang. Kung, sa kabila ng wari’y mahusay na rating, ang isang pelikula ay naging hindi kaaya-aya, ang isa ay maaaring lumabas ng sinihan o patayin ang telebisyon.—ED.