Ang Pangmalas ng Bibliya
Hanukkah—Ito ba ang “Pasko ng Judio”?
HABANG angaw-angaw sa buong daigdig ay naghahanda upang ipagdiwang ang Pasko, ang mga Judio ay karaniwang naghahanda ng kakaibang kapistahan, ang Kapistahan ng Hanukkah (Chanukah). Ano ba ang Hanukkah? Kalimitang ipinalalagay ng mga di-Judio na ito ay parang “Pasko ng Judio,” subalit malayo iyan sa katotohanan.
Halimbawa, ang Pasko ay ipinalalagay na nagpapagunita sa kapanganakan ni Jesu-Kristo, subalit ang pagdiriwang ay aktuwal na nakasentro sa mga bagay na gaya ng Santa Claus at nagagayakang mga puno ng pino, mga bagay na walang kaugnayan sa Diyos, kay Jesus, o sa Bibliya. Kahit na ang araw, na Disyembre 25, ay kapanganakan hindi ni Jesus kundi ng makaalamat na diyos-ng-araw na si Mithra! Sa kabilang dako, ang Hanukkah ay anibersaryo ng isang makasaysayang pangyayari na mahalaga sa sinaunang bayan ng Diyos.
Sa katunayan, kapansin-pansin na ang Hanukkah ay binabanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Mababasa natin sa Juan 10:22, 23: “Noong panahong iyon ang kapistahan ng pagtatalaga [Hebreo, chanuk·kahʹ] ay naganap sa Jerusalem. Noo’y taglamig, at naglalakad si Jesus sa templo sa portiko ni Solomon.” Maliwanag kung gayon, ang kapistahang ito ay ipinagdiriwang na noong panahon ni Jesus at sa wari ay ni Jesus mismo.
Ano ang umakay sa pagdiriwang na ito? Upang sagutin ang tanong na ito, dapat nating isaalang-alang ang ilang kasaysayan.
Nilapastangan ang Templo ni Jehova
Gaya ng inihula mga dantaon patiuna ni propeta Daniel, sa isang bahagi ng kanilang kasaysayan, ang mga Judio ay sunud-sunod na pinangibabawan ng Gresya at, pagkatapos mabuwag ang imperyong iyon, ng Ehipto at ng Siria. (Daniel 11:2-16) Bagaman pinahintulutan ng maraming pinunong di-Judio ang pagsamba ng mga Judio kay Jehova, ang isa na hindi nagpahintulot ay si Antiochus IV ng Siria.
Noong 175 B.C.E., si Antiochus ay naghari sa isang napakalawak na imperyo ng mga taong may iba’t ibang kaugalian. Umaasang pagkaisahin ang kaniyang mga tao, gumawa siya ng isang relihiyon para sa lahat, na siya mismo ang “ipinahayag na diyos.” Gayunman, si Jehova ay humihingi ng bukod tanging pagsamba, kaya ang mga Judio ay tumangging sumamba kay Antiochus. (Exodo 20:4-6) Kaya si Antiochus ay nagpasiya na alisin ang hindi sumasang-ayong relihiyong ito ng mga Judio. Di-nagtagal ay ipinagbawal niya ang kanilang mga haing hayop, ang pangingilin ng Sabbath, ang pagtutuli, at pati na ang pagbasa ng Hebreong Kasulatan, lahat ay sa ilalim ng parusang kamatayan. Sa katunayan, ang mga kopya ng Hebreong Kasulatan ay hinanap at sinunog!
Hindi naglulubay sa kaniyang pagnanais na alisin ang pagsamba kay Jehova, sinalakay ng mga hukbo ni Antiochus ang Jerusalem at pumasok sa templo ni Jehova, dinambong ang Kabanal-banalang dako. Noong Chislev 15, 168 B.C.E., si Antiochus ay nagtayo ng isang dambana para sa Griegong diyos na si Zeus sa ibabaw ng dambana ni Jehova sa looban ng templo. Pagkalipas ng sampung araw, noong Chislev 25, isinagawa niya ang pangwakas na paghamak, na ginagamit ang dambanang iyon upang maghain ng mga baboy (na marumi ayon sa Batas ni Jehova). Sa katunayan, itinalaga nito ang templo ni Jehova kay Zeus.
Ang Paghihimagsik ng mga Macabeo
Ano ang reaksiyon ng mga Judio sa lahat ng ito? Sang-ayon sa hindi kinasihang rekord ng kasaysayan na ngayo’y kilala bilang 1 Macabeo, maraming Judio ang nakipagtulungan sa kanilang mga mananalakay, tinalikdan ang pagsamba kay Jehova. Ang iba naman ay pinanatili ang kanilang katapatan, na naging dahilan ng pagpatay sa kanila dahil sa kanilang mga paniwala.
Noong taon ding iyon (168 B.C.E.) nilabanan ng ilang Judio ang mga taga-Siria, umaasang makakamit nila ang kalayaan ng pagsamba kay Jehova. Noong 167 B.C.E., si Judas Macabeo (Judah Maccabee), isang saserdoteng Levita, ay naging lider ng kilusang ito ng paglaban. Naniniwalang ang tagumpay ay darating lamang kung sila’y magtitiwala kay Jehova, tinipon ni Judas ang kaniyang mga tauhan upang basahin ang Hebreong Kasulatan at manalangin kay Jehova.
Sa loob ng tatlong taon si Judas at ang kaniyang mga tauhan ay nakipagdigma sa mga taga-Siria, sa kabila ng malaking diperensiya sa bilang. Kataka-taka, noong 166 B.C.E., muling nabihag ni Judas ang Jerusalem. Nalinis ng mga saserdote ni Jehova ang templo at nagtayo ng isang bagong dambana. Sa wakas, noong Chislev 25, 165 B.C.E., tatlong taon pagkatapos marungisan ang templo, ito ay muling itinalaga kay Jehova.
Pagdiriwang ng Muling Pagtatalaga
Bagaman kinakailangan pang ipagpatuloy ni Judas ang pakikipagbaka laban sa mga taga-Siria sa Galilea, ang kagalakan sa muling pagtatalaga ng templo ay napakalaki anupa’t isang taunang walong-araw na pagdiriwang sa anibersaryo nito ang itinatag. Ito ay nakilala bilang ang Kapistahan ng Pagtatalaga (Hanukkah).a
Bagaman ang kapistahang ito ay hindi bahagi ng orihinal na tipan ng Diyos sa Israel, ang Hanukkah ay naging tinatanggap na bahagi ng pagsambang Judio, gaya ng pagtanggap sa Kapistahan ng Purim nitong nakalipas na mga taon. (Esther 9:26, 27) Tulad ng Purim, ang Hanukkah ay ipinagdiriwang na may mga awit at panalangin sa mga sinagoga, di-tulad ng tatlong pangunahing mga kapistahang ipinag-uutos ng tipan (Paskua, Kapistahan ng mga Sanlinggo, o Pentecostes; at ang Kapistahan ng mga Tabernakulo) na humihiling ng paglalakbay patungo sa templo sa Jerusalem.—Deuteronomio 16:16.
Sa paglipas ng mga taon nagkaroon ng kaugalian na pagdiriwang ng Hanukkah na may mga ilaw. Sa gayon, iniuulat ng mananalaysay na si Josephus na noong unang siglo C.E., ang Hanukkah ay kilala rin bilang ang Kapistahan ng mga Ilaw. Gayumpaman, ang pinagmulan ng kaugaliang ito ay malabo. Sinasabi ng isang kuwento na ipinaaalala nito ang isang himala na nangyari nang ang templo ay muling itinalaga. Sang-ayon sa kuwentong ito, nang dumating na ang panahon upang muling ilawan ang kandelero sa templo ni Jehova, bagaman sapat lamang ang malinis na langis para sa seremonya sa isang araw, ito ay makahimalang tumagal ng walong araw.b
Tama kaya ang kuwentong ito tungkol sa makahimalang langis o isa lamang walang saligang alamat? Sa bagay na iyan, itinataguyod ba ng Diyos ang paghihimagsik ni Judas Macabeo laban sa Siria?
Mayroon bang Pagtaguyod Buhat sa Diyos?
Walang tuwirang pangungusap sa kinasihang Hebreong Kasulatan na ibinigay ni Jehova kay Judas ang tagumpay o pinatnubayan ang pagkukumpuni at muling pagtatalaga ng templo. Mangyari pa, ang mga pangyayaring ito ay naganap pagkatapos magwakas ang pagsulat ng Hebreong Kasulatan, kaya naman walang komentong posibleng makuha sa Hebreong Kasulatan.
Kumusta naman ang Kristiyanong Griegong Kasulatan? Si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay hindi nagkomento tungkol sa mga pangyayaring ito, kaya hindi rin nila ipinahiwatig kung baga itinaguyod ng Diyos si Judas o hindi.
Gayumpaman, itinatala ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang katuparan ng Mesianikong mga hula sa Hebreong Kasulatan sa ministeryo ni Jesu-Kristo. Ang ilan sa mga hulang ito ay humihiling na ang kaayusan sa templo ay dapat na kumikilos sa panahon ng paglitaw ng Mesiyas. (Daniel 9:27; Hagai 2:9; ihambing ang Awit 69:9 sa Juan 2:16, 17.) Kaya, malibang ang templo ay nilinis at muling itinalaga kay Jehova, ang mga hulang ito ay maaaring hindi sana natupad. Maliwanag, nais ng Diyos na ang templo ay muling italaga. Subalit si Judas Macabeo ba ang piniling instrumento sa pagsasagawa nito?
Dahil sa walang kinasihang rekord, hindi namin matiyak. Mangyari pa, ginamit ni Jehova noong nakalipas na mga taon ang mga di-Judio, gaya ni Ciro na Persiano, upang isagawa ang ilang bahagi ng kaniyang kalooban. (Isaias 44:26–45:4) Gaano pa kayang maaaring gamitin ng Diyos ang isa sa kaniyang nag-alay na bayan, ang mga Judio!
Kumusta Naman ang mga Kristiyano?
Subalit kumusta naman ang kapistahan mismo? Yamang ipinagugunita nito ang isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng bayan ng Diyos, dapat ba itong alalahanin ng mga Kristiyano?
Si apostol Pablo ay nagpapaliwanag sa Colosas 2:14-17: “Pinawi [ng Diyos] ang sulat-kamay na kasulatan laban sa atin . . . sa pamamagitan ng pagpapako nito sa pahirapang tulos. . . . Samakatuwid nga ay huwag hayaang hatulan kayo ninuman sa pagkain at pag-inom o tungkol sa isang kapistahan o sa bagong buwan o sa sabbath; sapagkat ang mga bagay na iyan ay anino ng mga bagay na darating, ngunit ang katuparan ay sa Kristo.” Kung paanong ang isang anino ng isang papalapit na bagay ay maaaring magpaalisto sa isa sa pagdating nito, inihanda ng tipang Batas ang mga tao sa pagdating ng Mesiyas, o Kristo. Gayunman, minsang ang sulat-kamay na dokumentong ito ay nagsilbi na sa layunin nito, ito’y inalis ng Diyos.—Galacia 3:23-25.
Sa gayon, ang tipang Batas at ang lahat ng nauugnay na mga kapistahan ay nagwakas sa pangmalas ng Diyos noong Pentecostes 33 C.E. Oo, ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo sa pamamagitan ng mga hukbong Romano noong 70 C.E. ang nagpapatunay sa bagay na iyan. (Lucas 19:41-44) Kaya bagaman ang muling pagtatalaga sa templo ay isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng sinaunang bayan ng Diyos, walang dahilan para sa mga Kristiyano na gunitain ang Hanukkah.
[Mga talababa]
a Ang Hebreong pangngalang chanuk·kahʹ ay nangangahulugang “pagpapasinaya o pagtatalaga.” Isang anyo ng salita ang lumilitaw sa superiskripsiyon ng Awit 30.
b Mula noong unang siglo B.C.E., ang mga tahanang Judio ay nagdidispley ng isang inilawang kandila sa unang araw ng kapistahan, dalawang inilawang kandila sa ikalawang araw, at patuloy pa hanggang sa ikawalong araw. Ang gawaing ito ay nakikita pa rin sa mga Judio ngayon.
[Kahon sa pahina 12]
Sa mga bansa kung saan ang Pasko ay naging popular na kapistahan ng pamilya, ang Hanukkah, lalo na sa Nagbagong mga Judio, ay naging katulad nito.—Encyclopædia Judaica
[Picture Credit Line sa pahina 11]
Israel Department of Antiquities and Museums; Israel Museum/David Harris