Tinimbang ang Pamamahala ng Tao
Bahagi 9—Ang Pamamahala ng Tao ay Umaabot Na sa Sukdulan Nito!
Supranasyonal na mga sistema ng pulitika: mga imperyo, liga, konpederasyon, o mga pederasyon na panandalian o permanenteng naitatag sa pagitan ng mga estadong-bansa sa paghahangad ng karaniwang mga tunguhin na lampas pa sa pambansang mga hangganan, autoridad, o mga kapakanan.
OKTUBRE 5, 539 B.C.E., ang lungsod ng Babilonya ay masayang-masaya. Tinanggap ng isang libong matataas na opisyal ng gobyerno ang paanyaya sa hapunan mula kay Haring Belsasar. Bagaman isinasapanganib ng sumasalakay na mga hukbo ng mga taga-Media at mga taga-Persia, si Belsasar at ang kapuwa niya mga pulitiko ay hindi nababalisa. Tutal, ang mga pader ng lungsod ay hindi mapapasok. Walang dahilan upang matakot.
Pagkatapos, walang anumang babala, sa gitna ng mga kasayahan, ang mga daliri ng isang kamay ng tao ay sumulat ng mga salitang nagbababala ng masama sa pader ng palasyo: MENE, MENE, TEKEL at PARSIN. Nangatog ang tuhod ng hari, at siya’y namutla.—Daniel 5:5, 6, 25.
Si Daniel, isang Israelita at isang mananamba ng Diyos na hinahamak ni Belsasar at ng mga kasama niya sa gobyerno, ay tinawag upang magpaliwanag. “Ito ang kahulugan ng bagay,” simula ni Daniel, “MENE, binilang ng Diyos ang mga araw ng iyong kaharian at niwakasan. TEKEL, ikaw ay tinimbang sa timbangan at ikaw ay nasumpungang kulang. PERES, ang iyong kaharian ay hinati at ibinigay sa mga Taga-Media at taga-Persia.” Ang hula ay tiyak na walang sinasabing mabuti. Bilang katuparan, “nang gabing yaon ay napatay si Belsasar na hari ng mga Caldeo.”—Daniel 5:26-28, 30.
Sa magdamag, isang uri ng pamamahala ng tao ay hinalinhan ng isang uri! Dahil sa kasalukuyang pulitikal na mga kaguluhan sa Silangang Europa, maaaring itanong natin kung may kahulugan ba sa ating kaarawan ang nangyari kay Belsasar. Maaari kayang magbabala ito ng isang bagay sa pamamahala ng tao sa kabuuan nito? Mayroon tayong lahat ng dahilan upang seryosong pag-isipan ito, sapagkat ang “buong sibilisasyon ay naglalaho,” sabi ni propesor Jacques Barzun ng Columbia University, na ang sabi pa: “Ang katakut-takot na wakas ng Gresya o ng Roma ay hindi isang alamat.”
Ang mga tao ay bumalangkas ng lahat ng maiisip na uri ng gobyerno. Pagkalipas ng libu-libong taon ng pagsubok, ano ba ang mga resulta? Naging kasiya-siya ba ang pamamahala ng tao? Makapaglalaan ba ito ng lunas sa dumaraming suliranin ng tao?
Mga Pangako, mga Pangako!
Isang bahagi ng sagot ay ibinigay ni Bakul Rajni Patel, patnugot ng isang kilalang sentro ng pananaliksik sa Bombay, India. Pinararatangan ang mga pulitiko ng “ganap na pagpapaimbabaw,” sabi niya: “Uso sa India at sa ibang bansa sa Third World na ang mga lider ay tumayo sa mga plataporma at masiglang magsalita tungkol sa ‘pag-unlad’ at ‘pagsulong.’ Anong pag-unlad at pagsulong? Sino ang niloloko natin? Tingnan mo na lang ang nakapangingilabot na mga estadistikang patungkol sa Third World: 40,000 bata ang namamatay araw-araw mula sa maiiwasang mga sakit.” Sabi pa niya na hindi kukulangin sa 80 milyong mga bata ang kulang sa pagkain o natutulog nang gutom.
‘Subalit sandali lang,’ maaaring sabihin mo. ‘Bigyan naman natin ng kredito ang mga pulitiko sa kanilang pagsisikap. Ang isang uri ng gobyerno ay kailangan kung nais nating malutas ang mga problemang nakakaharap ng daigdig ngayon.’ Totoo, subalit ang tanong ay: Dapat bang ito’y isang gawang-taong gobyerno o dapat bang ito’y isa na gawa ng Diyos?
Huwag mong sabihing simple lamang ang tanong na ito, inaakala, gaya ng akala ng maraming tao, na minamarapat ng Diyos na huwag masangkot. Maliwanag na inaakala rin ni Papa John Paul II na ipinaubaya na ng Diyos sa mga tao na pamahalaan ang kanilang sarili sa pinakamagaling na paraang magagawa nila, noong siya’y dumalaw sa Kenya sampung taon na ang nakalipas, sinabi niya: “Isang mahalagang hamon sa Kristiyano ay yaong pulitikal na buhay.” Susog pa niya: “Sa estado ang mga mamamayan ay may karapatan at tungkulin na makibahagi sa pulitikal na buhay. . . . Maling isipin na ang indibiduwal na Kristiyano ay hindi dapat masangkot sa mga bahaging ito ng buhay.”
Mula sa teoriyang ito, ang mga tao at kadalasan na sa pagtataguyod ng relihiyon, ay malaon nang naghahanap ng sakdal na gobyerno. Bawat bagong uri ng gobyerno ay may kasamang dakilang mga pangako. Subalit kahit na ang pinakamagagandang-pakinggang pangako ay walang saysay kung ito’y hindi tinutupad. (Tingnan ang “Mga Pangako Laban sa mga Katunayan” sa pahina 23.) Maliwanag, hindi natamo ng mga tao ang huwarang gobyerno.
Sama-samang Nagbibigkis
Taglay ba ni Harold Urey ang sagot? Sabi niya na “walang nakabubuting lunas sa mga problema ng daigdig maliban sa isang pandaigdig na gobyerno na may kakayahang magtatag ng kautusan sa buong lupa.” Subalit hindi lahat ay nakatitiyak na ito ay uubra. Noon, ang mabisang pagtutulungan sa gitna ng mga miyembro ng internasyonal na mga lupon ay talagang hindi nakamit. Pansinin ang isang litaw na halimbawa.
Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, noong Enero 16, 1920, isang supranasyonal na organisasyon, ang Liga ng mga Bansa, ay naitatag na may 42 miyembrong bansa. Sa halip na gawing isang pandaigdig na gobyerno, ito’y nilayon upang maging isang pandaigdig na parlarmento, idinisenyo upang itaguyod ang pandaigdig na pagkakaisa, pangunahin na sa pamamagitan ng paglutas sa mga pagtatalo sa pagitan ng soberanyang mga estadong-bansa, sa gayo’y hinahadlangan ang digmaan. Noong 1934 ang miyembro nito ay umabot ng 58 mga bansa.
Gayunman, ang Liga ay itinayo sa mabuway na pundasyon. “Winakasan ng Unang Digmaang Pandaigdig ang mataas na inaasahan, at di-nagtagal ay dumating ang kawalan ng tiwala,” paliwanag ng The Columbia History of the World. “Ang pag-asang nakasentro sa Liga ng mga Bansa ay napatunayang ilusyon lamang.”
Noong Setyembre 1, 1939, nagsimula ang Digmaang Pandaigdig II, ibinubulusok ang Liga sa hukay ng kawalang gawa. Bagaman hindi pormal na nabuwag hanggang noong Abril 18, 1946, ito’y namatay, sa lahat ng mga balak at layunin nito, bilang isang “tinedyer,” wala pang 20 anyos. Bago ang opisyal na libing nito, ito ay hinalinhan na ng isa pang supranasyonal na organisasyon, ang United Nations o Nagkakaisang Bansa, itinatag noong Oktubre 24, 1945, na may 51 miyembrong mga estado. Ano kaya ang kalalabasan ng bagong pagbubuklod na pagsisikap na ito?
Ikalawang Pagsubok
Sabi ng ibang tao na ang Liga ay nabigo dahil sa may depekto ang disenyo nito. Inilalagay naman ng iba ang sisi hindi sa Liga kundi sa indibiduwal na mga gobyerno na bantulot na magbigay rito ng tamang suporta. Walang alinlangan na may katotohanan sa dalawang palagay na ito. Sa paano man, sinikap ng mga tagapagtatag ng United Nations na matuto mula sa kawalang-bisa ng Liga at lunasan ang ilang kahinaan na ipinakita ng Liga.
Tinatawag ng manunulat na si R. Baldwin ang United Nations na “nakahihigit sa dating Liga sa kakayahan nitong lumikha ng isang pandaigdig na kaayusan para sa kapayapaan, pagtutulungan, batas, at karapatang pantao.” Sa katunayan, ang ilan sa pantanging mga ahensiya nito, kasama rito ang WHO (World Health Organization), UNICEF (United Nations Children’s Fund), at ang FAO (Food and Agriculture Organization), ay nagtaguyod ng kapuri-puring mga tunguhin taglay ang ilang tagumpay. Waring nagpapahiwatig din na tama si Baldwin ay ang bagay na ang United Nations ay kumikilos sa loob ng 45 taon na, mahigit na doble ng itinagal ng Liga.
Ang malaking tagumpay ng UN ay ang mabilis na pagbuwag ng mga kolonya, ginagawa “itong medyo maayos nang kaunti kaysa nararapat,” ayon sa peryudistang si Richard Ivor. Sinasabi rin niya na ang organisasyon ay “nakatulong na takdaan ang cold war sa labanan ng mga salita.” At pinupuri niya ang “huwaran ng pangglobong pagtutulungan” na nagawa nito.
Mangyari pa, ang iba ay nangangatuwiran na ang banta ng digmaang nuklear ay higit pa ang ginawa sa basta hadlangan lamang ang pagtindi ng Cold War na nagawa ng United Nations. Sa halip na tupdin ang pangakong isinama sa pangalan nito, na pagkaisahin ang mga bansa, ang katotohanan ay na ang organisasyong ito ay lagi nang walang ginawa kundi magsilbing tagapamagitan, sinisikap na panatilihin ang nagkakabaha-bahaging bansa sa pagsalakay sa isa’t isa. At kahit na sa papel nito bilang reperí, hindi ito laging matagumpay. Gaya ng sabi ng autor na si Baldwin, tulad ng dating Liga, “ang United Nations ay walang lakas na gumawa ng higit kaysa ipinahihintulot ng isang akusadong miyembrong estado.”
Ang hindi-buong-pusong pagtaguyod sa bahagi ng mga miyembro ng UN kung minsan ay nagpapabanaag ng kanilang hindi pagkukusang magbigay ng salapi upang panatilihing tumatakbo ang organisasyon. Halimbawa, ipinagkakait ng Estados Unidos ang dapat nitong bayaran sa FAO dahil sa isang resolusyon na itinuturing na kritikal sa Israel at sa maka-Palestino. Nang maglaon, ang pangunahing pinansiyal na tagapagtaguyod na ito ng UN ay sumang-ayon na magbayad nang sapat upang panatilihin ang boto nito subalit nag-iwan ng mahigit sa dalawang-katlo pa ng utang nito na hindi binabayaran.
Si Varindra Tarzie Vittachi, dating kinatawang direktor ng UNICEF, ay sumulat noong 1988 na siya ay tumatangging “sumali sa mga bumabatikos” sa United Nations. Tinatawag ang kaniyang sarili na “isang matapat na kritiko,” inaamin niya, gayunman, na ang malaganap na pagtuligsa ay ginagawa ng mga taong nagsasabing “ang United Nations ay isang ‘liwanag na nabigo,’ na hindi ito nakaabot sa matataas nitong mga mithiin, na hindi nito naisagawa ang gawain nitong magpatupad ng kapayapaan at na ang mga ahensiya nito sa pagpapaunlad, maliban sa ilan, ay hindi binigyang-matuwid ang kanilang pag-iral.”
Ang pangunahing kahinaan ng United Nations ay isiniwalat ng autor na si Ivor, nang isulat niya: “Anuman ang gawin nito, hindi maalis ng UN ang kasalanan. Gayunman, maaari nitong gawing mas mahirap ang internasyonal na pagkakasala at maaari nitong gawing mas may pananagutan ang nagkasala. Subalit hindi pa ito nagtagumpay sa pagbabago sa mga puso at isip ng mga taong nangunguna sa mga bansa o ng mga taong bumubuo nito.”—Amin ang italiko.
Kaya, ang depekto ng United Nations ay katulad ng depekto ng lahat ng uri ng pamamahala ng tao. Isa man sa kanila ay walang kayang ikintal sa mga tao ang walang pag-iimbot na pag-ibig sa kung ano ang matuwid, ang pagkapoot sa masama, at ang paggalang sa autoridad na siyang mga kahilingan sa tagumpay. Isip-isipin kung gaano karaming pangglobong mga suliranin ang maaaring malunasan kung ang mga tao ay handang paakay sa matuwid na mga simulain! Halimbawa, isang balita tungkol sa polusyon sa Australia ang nagsasabi na ang problema ay umiiral “hindi dahil sa kawalang-alam kundi dahil sa saloobin.” Tinatawag na pangunahing sanhi ang kasakiman, sinasabi ng artikulo na “pinalulubha lamang ng patakaran ng gobyerno ang problema.”
Ang di-sakdal na mga tao ay basta hindi makapagtatag ng sakdal na mga gobyerno. Gaya ng binanggit ng manunulat na si Thomas Carlyle noong 1843: “Sa kalaunan ang bawat gobyerno ay siyang sagisag ng mamamayan nito, taglay ang kanilang karunungan at kamangmangan.” Sino ang makikipagtalo sa lohikong tulad niyan?
“Kayo’y Mangagkakawatak-watak!”
Ngayon, sa ika-20 siglo, ang sukdulan ng pamamahala ng tao ay narating na. Ang mga gobyerno ng tao ay nagbalak na gumawa ng pinakapangahas at mapanlabang sabwatan laban sa pamamahala ng Diyos na kailanman ay umiral. (Ihambing ang Isaias 8:11-13.) Nagawa na nila iyon, hindi nang minsan, kundi nang makalawa, una’y nilikha ang Liga ng mga Bansa at pagkatapos ay ang United Nations. Tinatawag ng Apocalipsis 13:14, 15 ang resulta na “ang larawan ng mabangis na hayop.” Angkop iyan sapagkat ito ay isang larawan ng buong pulitikal na sistema ng mga bagay ng tao sa lupa. Tulad ng mabangis na hayop, biniktima ng mga elemento ng pulitikal na sistemang ito ang mga mamamayan sa lupa at nagdulot ng labis-labis na pahirap.
Ang Liga ay nagwakas noong 1939. Gayunding wakas ang naghihintay sa United Nations bilang katuparan ng hula sa Bibliya: “Mangagbigkis kayo, at kayo’y mangagkakawatak-watak! Mangagbigkis kayo, at kayo’y mangangkakawatak-watak! Mangsanggunian kayo, at yao’y mauuwi sa wala!”—Isaias 8:9, 10.
Kailan mangyayari ang pangwakas na pagkakawatak-watak ng “larawan ng mabangis na hayop,” pati na ng sistema ng pamamahala ng tao na inilalarawan nito? Kailan wawakasan ni Jehova ang pamamahala ng tao na humahamon sa kaniyang pagkasoberano? Ang Bibliya ay hindi nagbibigay ng petsa, ngunit ang hula sa Bibliya at ang mga pangyayari sa daigdig ay nagsasabi: ‘Napakalapit na.’—Lucas 21:25-32.
Ang sulat sa pader ay naroroon upang makita ng lahat ng nagnanais tumingin. Kung papaanong ang kaharian ni Belsasar ay tinimbang sa mga timbangan at nasumpungang kulang, gayundin naman na ang pamamahala ng tao sa kabuuan nito ay hinatulan at nasumpungang kulang. Pinababayaan nito ang pulitikal na kabulukan, nag-uudyok ng mga digmaan, nagtataguyod ng pagpapaimbabaw at lahat ng uri ng kasakiman, at hindi nagbibigay sa mga tagapagtaguyod nito ng sapat na pabahay, pagkain, edukasyon, at medikal na pangangalaga.
Kapag ang pamamahala ng tao ay mawala na, mawawala ito, na para bang, sa loob ng magdamag. Narito ngayon, wala na bukas—papalitan ng Kaharian ng Diyos, ang sakdal na gobyerno sa wakas!
[Kahon sa pahina 23]
Mga Pangako Laban sa mga Katunayan
Mga anarkiya ay nangangako ng walang-takda, ganap na kalayaan; ang totoo ay na kung walang gobyerno walang balangkas ng mga alituntunin o mga simulain kung saan ang mga indibiduwal ay maaaring makipagtulungan para sa pakinabang ng isa’t isa; ang walang-takdang kalayaan ay nagbubunga ng kaguluhan.
Mga monarkiya ay nangangako ng katatagan at pagkakaisa sa ilalim ng pamamahala ng isang rehente; ang totoo ay na ang mga rehenteng tao, na limitado ang kaalaman, ay nahahadlangan ng mga di-kasakdalan at kahinaan ng tao, marahil ay pinakikilos ng maling mga motibo, at sa ganang sarili ay namamatay; samakatuwid ang anumang katatagan at pagkakaisa ay panandalian.
Mga aristokrasya ay nangangakong maglalaan ng pinakamagaling na mga pinuno; ang totoo ay na sila ay nagpupuno dahil mayroon silang kayamanan, pinagmulang dugo o angkan, o kapangyarihan, hindi dahilan sa mayroon silang karunungan, unawa, o pag-ibig at malasakit sa iba; ang hindi sapat na pinuno ng isang monarkiya ay basta pinalitan ng maraming pinuno ng isang piling aristokrasya.
Mga demokrasya ay nangangako na ang lahat ng tao ay maaaring magpasiya para sa kabutihan ng lahat; ang totoo ay na ang mga mamamayan ay kulang kapuwa ng kaalaman at wagas na motibong kinakailangan upang gumawa ng hindi pabagu-bago’t tamang mga disisyon para sa kabutihan ng lahat; ang demokrasya ay inilarawan ni Plato bilang “isang magandang anyo ng gobyerno, punô ng pagkasarisari at kaguluhan, at nagbibigay ng isang uri ng pagkakapantay-pantay sa mga kapantay at di-kapantay.”
Mga autokrasya ay nangangakong gagawin ang mga bagay at gawin iyon karakaraka; ang totoo ay, gaya ng isinulat ng peryudistang si Otto Friedrich, na “kahit ang mga taong may mabuting-intensiyon, minsang pumasok sila sa kagubatan ng makapangyarihang pulitika, ay kailangang harapin ang pangangailangang gabayan ang mga ikikilos nila, sa normal na mga kalagayan, patawag na imoral”; sa gayon ang “mabubuting” autokrata ay nagiging mga pinunong inuudyukan-ng-kapangyarihan na handang isakripisyo ang pangangailangan ng kanilang mga mamamayan sa dambana ng personal na ambisyon o sariling kapakanan.
Mga gobyernong pasista ay nangangakong kukontrolin ang ekonomiya para sa kabutihan ng lahat; ang totoo ay na hindi nito matagumpay na nagawa iyon at sa kapinsalaan ng personal na kalayaan; sa pagluwalhati sa digmaan at nasyonalismo, lumikha ito ng pulitikal na mga kapangitan gaya ng Italya sa ilalim ni Mussolini at ng Alemanya sa ilalim ni Hitler.
Mga gobyernong komunista ay nangangakong gagawa ng isang sakdal, walang klaseng lipunan na ang mga mamamayan ay nagtatamasa ng ganap na pagkakapantay-pantay sa harap ng batas; ang totoo ay na ang mga klase at hindi pagkakapantay-pantay ay umiiral pa rin at na ginagatasan ng bulok na mga pulitiko ang karaniwang tao; ang resulta ay ang malawakang pagtanggi sa ideyang komunista, taglay ang matitibay na moog nito na pinagbabantaang masira ng makabayan at naghihiwalay na mga kilusan.
[Kahon sa pahina 23]
Tungkol sa United Nations
◼ Ang UN sa kasalukuyan ay may 160 miyembro. Ang mga bansang hindi pa kasali ay ang dalawang Korea at Switzerland; tinanggihan ng isang plebisitong Suiso na ginanap noong Marso 1986 ang pagiging miyembro sa boto na 3 sa 1.
◼ Bukod sa pangunahing organisasyon, pinatatakbo nito ang 55 karagdagang pantanging mga organisasyon, pantanging mga ahensiya, mga komisyon sa karapatang pantao, at mga pagkilos sa pagpapanatili ng kapayapaan.
◼ Bawat miyembrong bansa ay pinagkakalooban ng isang boto sa General Assembly, gayunman ang pinakamataong bansa, ang Tsina, ay mayroong halos 22,000 mamamayan sa bawat isang mamamayan ng hindi gaanong mataong miyembro, ang St. Kitts at Nevis.
◼ Noong pagdiriwang ng United Nations International Year of Peace noong 1986, ang daigdig ay dumanas ng 37 armadong labanan, mas marami kaysa anumang panahon mula noong wakas ng Digmaang Pandaigdig II.
◼ Sa lahat ng miyembrong bansa ng UN, 37 porsiyento ang mayroong mas kaunting mamamayan kaysa nagkakaisang internasyonal na “bansa” ng mga Saksi ni Jehova; 59 porsiyento ay mayroong mas kaunting mamamayan kaysa bilang ng mga taong dumadalo sa pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo.
[Mga larawan sa pahina 24]
Wala sa kapangyarihan ng di-sakdal na mga tao na maglaan ng sakdal na gobyerno
Liga ng mga Bansa
United Nations