Mga Saksi ni Jehova sa Silangang Europa
NANG gumuho ang Pader ng Berlin noong Nobyembre 1989, iniulat ng Asiaweek na “mga 2 milyong Aleman sa Silangan ang dumagsa sa kanluraning hati ng kanilang nababahaging bansa sa loob ng dalawang araw pagkatapos buksan ng Silangang Berlin ang hangganan.” Ano ang misyon nila?
Para sa mas mayayaman, ito’y isang katuwaan sa pamimili. Para sa iba, ito ay basta panonood lamang ng mga paninda at pagtatamasa ng kanilang bagong-tuklas na kalayaan. Nasumpungan ng marami ang mga Saksi ni Jehova sa mga lansangan ng Berlin at sa iba pang lungsod at tumanggap ng mga literatura buhat sa kanila. Mula noon, ang ilan ay sumulat sa tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower sa Selters, malapit sa Frankfurt am Main, na nagpapahayag ng ilang kahanga-hangang mga reaksiyon.
Sabi ng isang liham: “Nang dumalaw ako sa Kanlurang Berlin sa unang pagkakataon sa aking buhay, tumanggap ako ng isang kopya ng Ang Bantayan bilang isang regalo buhat sa mga Saksi ni Jehova sa lansangan. Mula noon, sinimulan kong basahin muli ang Bibliya, at bagaman maraming, marami akong problema, minsan pa’y mayroon na namang nagbibigay sa akin ng pag-asa at kagalakan sa pamumuhay. Magiging lubos ang aking kaligayahan kung mababasa ko ang aklat na Ang Iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito. Nais ko ring makatagpo ang mga Saksi ni Jehova.”
Isa pang bisita ay sumulat: “Pagdaan ko sa tunel patungo sa pangunahing istasyon sa Nuremberg, binigyan ako ng isang babae ng mga sipi ng Gumising! at Ang Bantayan. Tuwang-tuwa ako nang basahin ko ang mga ito. Ilang araw ko nang ginagamit na muli ang Bibliya sa araw-araw.”
Ang mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ay idinaos sa malalaking lungsod sa ibayo ng Silangang Europa noong tag-araw ng 1990. Ang Olympia Stadium sa noo’y Kanlurang Berlin ang pinagdausan ng isang kombensiyon na dinaluhan ng mga Saksi buhat sa maraming bansa, kasama na ang silangang Alemanya. Tinatayang sa 44,532 nagsidalo, mga 30,000 ang galing sa silangang Alemanya. Iniulat ng pahayagang Berliner Morgenpost na 1,017 bagong mga Saksi ang nabautismuhan sa Olympic swimming pool, lubusang inilulubog sa tubig, ang paraan na “maingat na sinunod ng mga kalahok mula sa huwaran ng sinaunang mga Kristiyano.”
Paano nagbago ang mga bagay sa silangang Alemanya? Noong Marso 1990 ipinahayag ng mga pahayagan sa Silangang Alemanya ang legal na pagkilala sa mga Saksi ni Jehova. Sa ilalim ng titulong “Legal na Muli ang mga Saksi ni Jehova,” binanggit ng pahayagan sa Silangang Alemanya na Mitteldeutsche Zeitung: “Ang Marso 14 ay nangahulugan ng wakas ng isang pagbabawal na tumagal ng apat na dekada. Sa araw na ito ang Alemang mga kinatawan ng mga Saksi ni Jehova ay lumabas sa gusali ng State Secretariat for Church Affairs ng G[erman] D[emocratic] R[epublic] taglay ang isang opisyal na dokumento sa kanilang bulsa na muling nagpapahintulot sa kanilang pamayanan ng pananampalataya ng malayang pagsasagawa ng kanilang relihiyon sa loob ng nasasakupan ng GDR.”
Ganito naman ang saysay ng isang liham na tinanggap noong nakaraang tagsibol mula sa isang Saksi sa Leipzig: “Noong nakaraang linggo kami ay palihim pang nag-aangkat ng espirituwal na pagkain sa maliliit na bilang. Ngayon [Marso 14, 1990] kami’y opisyal na kinilala bilang isang relihiyon! Di-magtatagal ilalabas namin ang laman ng isang trak na may apat na toneladang literatura!” Sa katunayan, ang unang trak na nagtungo sa Silangang Europa ay may lulan na 25 toneladang mga literatura sa Bibliya, at sa loob ng sumunod na dalawang buwan, 250 tonelada pa ang ipinadala. Gayon na lamang ang espirituwal na pagkagutom ng mga Saksing iyon na pinagkaitan ng kalayaan ng mahigit na 40 taon!
Kung gugunitain natin na sinikap kapuwa ng Nazismo (1933-45) at ng Komunismo na pawiin ang gawain ng mga Saksi sa Alemanya, ang kanilang nakalipas at kasalukuyang masigasig na mga gawain ay isang mainam na patotoo ng kanilang katapatan at ng pagpapala sa kanila ng Diyos.
Mga Saksi ni Jehova sa Unyong Sobyet
Noong Disyembre 1989, si Mikhail Gorbachev ay nakipagkita kay Papa John Paul II sa Vaticano. Iniulat ng pahayagang Sobyet na Pravda si Gorbachev na nagsasabi tungkol sa usapang ito: “Kami’y nagkaroon ng malalim at makabuluhang usapan. . . . Pinag-usapan namin ang tungkol sa relihiyon at sa nauugnay na mga prosesong isinasagawa sa Europa, sa daigdig, at sa Unyong Sobyet.” Ang L’Osservatore Romano, ang opisyal na pahayagang Vaticano, ay nag-uulat na sinabi ni G. Gorbachev sa kaniyang talumpati sa papa: “Ang mga tao ng maraming paniniwala, kasali na ang mga Kristiyano, Muslim, Judio, Budista at iba pa, ay nakatira sa Unyong Sobyet. Silang lahat ay may karapatang sapatan ang kanilang espirituwal na pangangailangan. Hindi na magtatagal, ang Batas tungkol sa Kalayaan ng Budhi ay ipatutupad sa aming bansa.”
Totoo sa salitang iyon, noong Setyembre 1990 pinagtibay ng batasang Sobyet ang batas na nagpapahintulot ng kalayaan ng budhi. Ang Artikulo 3 ng batas na gaya ng ibinalangkas ay nagsasabi: “Kasuwato ng karapatan sa kalayaan ng budhi, ang bawat mamamayan ay magpapasiya para sa kaniyang sarili sa kaniyang kaugnayan sa relihiyon, may karapatan siyang isagawa ang anumang relihiyon nang isahan o kasama ng iba o walang isagawang relihiyon, upang ipahayag at ipalaganap ang mga paniwala na nauugnay sa kanilang kaugnayan sa relihiyon.”
Libu-libong mga Saksi ni Jehova sa Unyong Sobyet ang umaasa sa pagsasagawa ng kalayaan sa relihiyon. (Tingnan ang pahina 22.) Noong 1990 “Dalisay na Wika” na mga Kombensiyon, mahigit na 17,000 delegado buhat sa Unyong Sobyet ang dumalo sa mga sesyon sa wikang Ruso sa Warsaw na kumakatawan sa lahat ng mga Saksi na nakakalat sa buong Unyong Sobyet. Inaasam-asam nila ang araw kapag posible nang magdaos ng mga kombensiyon sa Unyong Sobyet.
Pagsulong sa Poland
Ang mga Saksi ni Jehova ay legal na kinilala sa Poland noong Mayo 1989. Mula noon isang tanggapang sangay ang itinayo, at ginagawa ngayon ang pagpapalaki sa mga pasilidad malapit sa Warsaw. Dati, daan-daang kabataang mga Saksi ang nabilanggo dahil sa isyu ng Kristiyanong neutralidad. Ngayon sila ay libre na sa paglilingkod sa militar at sa parusa kung ihaharap nila ang isang angkop na sertipiko.
Ang mga kombensiyong idinaos sa Poland noong 1989 at 1990 ay isa pang malaking pampasigla sa mga Saksi roon. Binabanggit ng isang report na ang bilang ng aktibong mga Saksi sa Poland ay tumataas sa bawat buwan noong nakalipas na taon, na may bagong pinakamataas na bilang ng mahigit 97,000. Tiyak na ang Poland ay malapit nang maging ang ika-12 bansa na may mahigit na 100,000 mga Saksi.a Ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong Abril ay 188,861 mga tao.
Kalayaan ng Relihiyon sa Romania
Ang mga Saksi sa Romania ay tuwang-tuwa na marinig na ang kanilang samahan ay legal na kinilala noong Abril 1990. (Tingnan ang kahon, pahina 13.) Agad na inorganisa ang mga pansirkitong asamblea sa buong bansa, at sa isang serye mahigit na 44,000 ang naroroon, gayunman mayroon lang 19,000 mga Saksi sa bansang iyon noong panahong iyon. Tiyak na maraming taga-Romania ang tumutugon sa mensahe ng Kaharian.
Ang mga pandistritong kombensiyon na may pambuong-daigdig na paksa para sa 1990 na “Dalisay na Wika” ay ginanap sa mga lungsod ng Brasov at Cluj-Napoca. Ang programa ay iniharap sa wikang Romaniano at Hungariano. Mahigit na 36,000 ang naroroon, at 1,445 ang nabautismuhan.
Sa labas na Enero 1, 1991, Ang Bantayan sa wikang Romaniano ay sinimulang ilathala na kasabay ng Ingles at sa lahat ng kulay.
Sa kalapit na Bulgaria, kung saan nangingibabaw ang relihiyong Eastern Orthodox, ang mga Saksi ay hindi pa legal na kinikilala subalit sila’y umuupa ng mga silid para sa kanilang mga pulong sa kongregasyon. Mahigit na dalawang daan ang naglakbay tungo sa Salonika, Gresya, para sa “Dalisay na Wika” na Kombensiyon na ginanap sa wikang Bulgariano at Griego.
Mabuting Balita Mula sa Hungary
Ang Hunyo 27, 1989, ay isang makasaysayang araw para sa mga Saksi sa Hungary. Ibinalita ng pahayagang Magyar Nemzet: “Ipinahayag ng State Office for Church Affairs na ang relihiyosong samahan ng mga Saksi ni Jehova sa Hungary, ayon sa batas na may kaugnayan sa kalayaan ng relihiyon, ay legal na kinikilala bilang isang relihiyosong paniniwala.” Ang balita ay ipinahayag sa radyo at sa TV. Nalaman ng mga taga-Hungary na ang Jehova Tanúi (Mga Saksi ni Jehova) sa wakas ay legal na kinikilala sa kanilang gawain.
Upang masaklaw ang pangunahing mga rehiyon ng bansa, ang “Dalisay na Wika” na mga Kombensiyon ay idinaos sa Pecs, Miskolc, Debrecen, at Budapest. Mga 2,000 nagsasalita ng Hungariano ang nanggaling sa Czechoslovakia at Unyong Sobyet. Upang idiin ang internasyonal na pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova, isang grupo ng 700 dumadalaw na mga delegadong dumalo ay galing sa Finland. Ang kabuuang dumalo sa Hungary ay 21,568, kasama ang mahigit 2,000 delegado buhat sa Romania.
Mula noong Enero 1990, ang mga Saksi sa Hungary ay regular na tumatanggap ng kanilang mga magasin sa lahat ng kulay, isinalin na kasabay ng mga orihinal sa wikang Ingles.
Pagsulong sa Czechoslovakia
Sa magandang bansang ito ng mga bundok at matabang mga kapatagan, ang mga Saksi ni Jehova ay abalang-abala sa pagtulong sa kanilang kapuwa na matuto nang higit tungkol sa Bibliya. Isang report tungkol sa kanilang gawain ang nagsasabi: “Ang gawain ay isinasagawa nang hayagan, at malalaking pulong ang idinaraos.” Ang legal na pagkilala sa kanila bilang isang relihiyon ay inaasahan sa malapit na hinaharap.
Pagkatapos ng malaking mga pagbabago sa Silangang Europa noong dakong huli ng 1989, ang mga Saksi sa Czechoslovakia ay mabilis na kumilos at inorganisa ang isang serye ng mga pansirkitong asamblea sa mga buwan ng Abril hanggang Hunyo ng 1990. Bunga nito, sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaroon ng positibong mga report ang pahayagan tungkol sa mga Saksi. Sa kasalukuyan, may mahigit na 21,000 Saksi sa Czechoslovakia, at noong 1990 mayroong 40,295 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Mahigit na kalahati ng mga kongregasyon ay umuupa na ng mga lugar kung saan maidaraos nila ang kanilang mga pulong, at 12 kongregasyon ang may sarili pa nga nilang mga Kingdom Hall.
Isang kombensiyon ang idinaos sa Prague noong Agosto 1990, na dinaluhan ng 23,876, at 1,824 ang nabautismuhan. Upang gawing presentable ang istadyum para sa kombensiyon, mahigit na 9,500 mga Saksi ang boluntaryong gumugol ng mahigit 58,000 oras sa paglilinis at pagpipinta. Isang kinatawan ng Czechoslovak TV ang nagkomento: “Maraming sosyal na pangyayari na ang aming napuntahan, subalit hinahangaan namin ang inyong kaayusan dito sa istadyum. Halos hindi kami makapaniwala na isinasaayos ninyo ang gayong pagtitipon sa kauna-unahang pagkakataon.” Sabi ng isang bisita: “Hinahangaan ko ang espirituwal na kapaligiran, magiliw na mga ugnayan, at pag-ibig sa gitna ng inyong mga kapatid. Pumarito ako bilang isang kaibigan; aalis akong higit pa sa kaibigan.”
Ang mga magasing Bantayan at Gumising! ay inilalathala sa lahat ng kulay sa mga wikang Czech at Slovak, at Ang Bantayan ay kasabay ng labas ng Ingles sa kapuwa mga wika. Kapag nagugunita namin ang mapaniil na kalagayan mga ilang taon lamang ang nakalipas, ito ay kahanga-hangang mga pagbabago.
Mga Pag-asa sa Hinaharap
Ano ang mga pag-asa para sa pangangaral ng mga Saksi sa mga bansa kung saan ang mas nakababatang salinlahi ay pinalaki sa ateismo? Ang ulat ay nagsasabi: “May matinding kadiliman kung tungkol sa Bibliya at sa Diyos. Gayunman, ang positibong bahagi ay na ang mga tao ay hindi nalilito sa mga huwad na turo ng relihiyon na dapat iwaksi. Lumilitaw na ang pag-aani ay malaki pa.”
Kaya, anong mensahe ang dala ng mga Saksi ni Jehova sa mga tao sa Silangang Europa mula sa Bibliya? Sasagutin ito ng susunod na artikulo.
[Talababa]
a Ang iba pang 11 bansa ay ang Alemanya, Brazil, Britaniya, Canada, Estados Unidos, Hapón, Italya, Mexico, Nigeria, Pilipinas, at Pransiya.
[Kahon sa pahina 8, 9]
Kalayaan sa Relihiyon sa Wakas!
Ang sumusunod ay mga komento ng mga Saksi sa dating Silangang Alemanya na dumalo ng “Dalisay na Wika” na Kombensiyon sa Berlin, noong Hulyo 1990.
“Ang pangalan ko po’y Lydia. Ako po’y walong taóng gulang, at galing po ako sa GDR [German Democratic Republic]. Maligayang-maligaya po ako na makadalo sa pandistritong kombensiyon sapagkat noong isang taon, ang mga hangganan po ay hindi bukás. Dapat naming ipagdiwang ang Memoryal nang lihim. Ngayon malaya na! Nang ang lahat ay magsimulang umawit, naluha kami. Tuwang-tuwa po ako anupa’t kailangang ikuwento ko ito sa paaralan!”
“Kami’y punô ng pasasalamat at pagpapahalaga dahil sa pagiging mga panauhin ni Jehova rito sa Berlin sa gitna ng isang internasyonal na kapatiran.”—Bernd.
“Na ang mga kapatid sa GDR ay nasa programa rin ay nagpapakita ng isang pantanging aspekto: Sinasanay at ginagawang kuwalipikado ni Jehova ang kaniyang bayan kahit na sila ay nasa ilalim ng pagbabawal.”—Gottfried.
“Ang palakpakan at awitan ay nagpapakita na ang lahat ay maligaya. Ito’y dumadagundong na tunog anupa’t hindi mo mapigil ang iyong damdamin. Tiyak na natuwa si Jehova!”—Egon.
“Pagkatapos kong mabautismuhan tinanong ako ng ilang mga kapatid kung maginaw raw ba ang tubig. Ang nasabi ko lamang ay hindi ko alam. Ang pagpapala ni Jehova ay napakainit anupa’t hindi ko napansin ang temperatura ng tubig.”—Heidrun.
“Ang kapaligiran sa mga tuluyang dormitoryo ay hindi mailalarawan! Mula sa Denmark, Mozambique, Inglatera, California, gawing timog ng Alemanya, Espanya, GDR—lahat kami ay kumantang sama-sama, lahat kami ay nagsasalita ng ‘dalisay na wika.’ ”—Jutta.
“Lagi naming ikinukuwento sa aming mga anak ang mga alaala ng mga kombensiyon sa Berlin noong 1958 at 1960, ang huling nadaluhan namin. Subalit nahigitan ng naranasan namin ngayon ang lahat ng aming mga alaala at mga inaasahan.”—Wolfgang.
“Hinding-hindi ko malilimot nang tumayo ang libu-libo upang umawit at pumuri kay Jehova, lalo noong pansarang awit at panalangin. Hindi na namin mapigil ang aming mga luha.”—Monika at Reinhard.
[Kahon sa pahina 13]
“Binigyan ng Katarungan”
Sa ilalim ng titulong iyan isang balita ang iniulat sa babasahin sa Romania na Tineretul liber (Malayang Kabataan) ng Agosto 11, 1990. Sabi nito: “Oo, ito’y binigyan ng katarungan. Ang lubhang nilalait na relihiyosong organisasyon ng ‘mga Saksi ni Jehova,’ na iningatan ang kanilang katapatan bilang mga tagasunod ni Kristo sa loob ng mahigit na 40 taon, ay naging legal, nagkamit ng karta ng legal na pagkilala. Ang organisasyong ito ay nagpapatuloy sa gawain nito sa ilalim ng pangangasiwa at autorisasyon ng Lupong Tagapamahala, bilang isang pandaigdig na organisasyon, na aktibo sa 210 mga bansa at islang mga teritoryo.” Ang balita ay nagwakas sa pamamagitan ng pagpapatalastas sa mga kombensiyon noong Agosto sa Brasov at Cluj-Napoca.
[Mga larawan sa pahina 9]
Mga gawain sa kombensiyon: (mula sa ibabang kaliwa, pakanan) paghaharap ng bagong brosyur sa Warsaw; platapormang Hungariano at Romaniano, Budapest; pagkuha ng nota, Berlin; pagpapaganda sa istadyum bago ang kombensiyon, Prague
[Mga larawan sa pahina 10]
Mga gawain sa kombensiyon: (mula kaliwa, pakanan) bautismo, Romania; istadyum, Prague; pamilyang may aklat na “Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos” sa Berlin; tagapagsalita sa Budapest; sinusuri ang Bibliya sa Poland