Ang Katalinuhan ng Matsing
May kasabihan sa Sierra Leone, Kanlurang Aprika: “Hindi sinasabi ng matsing sa kaniyang anak, ‘Kumapit ka nang mahigpit!’ Sinasabi niya, ‘Tumingin ka sa ibaba.’”
Ipinagugunita nito ang larawan ng isang batang matsing na nasa taas ng punungkahoy, na nangungunyapit sa likod ng kaniyang ina. Ang ideya sa likuran ng kasabihan ay na kung basta sasabihin ng Inang matsing na humawak kang mahigpit sa akin, maaaring humawak nang mahigpit ang bata sumandali, subalit yamang hindi niya alam ang dahilan sa likuran ng utos ng ina, maaaring makalimutan niya ito at luwagan ang kapit niya.
Gayunman, kung ang bata ay titingin sa ibaba, makikita niya na napakataas niya at higit na mapakikintal sa kaniya na ang kaniyang buhay ay nasasangkot. Aba, maaari siyang masaktan nang husto o mamatay pa nga! Palibhasa’y nauunawaan nang higit ang panganib, mayroon siyang malakas na pangganyak na manghawakan nang mahigpit. Ngayon ang anumang karagdagan payo o utos ay higit na igagalang.
Anong inam na simulain sa pagtuturo sa iba, lalo na sa mga bata. Ang aral ng kuwento ay na sa halip na basta mag-utos, mahalagang magbigay ng unawa.
Mangyari pa, kung minsan ay hindi sapat ang panahon upang gawin muna iyon. Halimbawa, kung ang iyong anak ay tumawid sa isang abalang lansangan nang hindi maingat na tumitingin sa magkabi-kabila, maaaring iutos mo sa kaniya na huminto at bumalik agad. Ang pagbibigay muna ng utos tungkol dito ay napakahalaga. Pagkatapos ang paliwanag tungkol sa panganib na kinasuungan ng bata ay maaaring magbigay ng kaalaman.
Ang pakinabang ng paraang ito—hindi lamang ang basta pag-uutos kundi ang pagbibigay ng unawa—ay masusumpungan sa kawikaan ng Bibliya: “Ang maunawaing anak ay sumusunod sa kautusan.”—Kawikaan 28:7.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
© Zoological Society ng San Diego