Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g92 8/22 p. 5-9
  • Ang CFS ba ay Totoong Isang Sakit?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang CFS ba ay Totoong Isang Sakit?
  • Gumising!—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pagturing sa CFS
  • Maaari Kayang Panlulumo ang CFS?
  • Ang Kahigtan ng Kamakailang Ebidensiya
  • Paano Kung Totoong Isang Sakit ang CFS?
  • Ang Kahalagahan ng Pagkilala sa Sakit
  • Pagharap sa Hamon ng CFS
    Gumising!—1992
  • Kinilala ang Isang Misteryosong Karamdaman
    Gumising!—1992
  • Sa Pagsusuri ng Sanhi
    Gumising!—1992
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1992
g92 8/22 p. 5-9

Ang CFS ba ay Totoong Isang Sakit?

“AKO’Y nagpunta sa iba’t ibang doktor,” sabi ni Priscilla, isang nakararanas ng CFS (chronic fatigue syndrome) na mula sa Washington State, E.U.A. “Ako’y nagpasuri ng dugo at tinanong ang tungkol sa aking istilo ng pamumuhay. Sinabi nila na wala naman talagang diperensiya sa akin at nagmungkahi na ako’y humingi ng payo sa saykayatris. Walang mga doktor ang handang tumulong sa akin o isaalang-alang na ang aking mga sintoma ay totoo.”

Ang karanasan ay karaniwan. Isang doktor na sumusulat sa JAMA (Journal of the American Medical Association) ay nagsabi noong nakaraang taon: “Ang karaniwang maysakit na CFS noon ay kumonsulta sa 16 na iba’t ibang mga manggagamot. Karamihan ay sinabihan na sila’y nasa mabuting kalusugan, na sila’y nanlulumo, o na sila’y nakararanas ng labis na kaigtingan. Marami ang pinapunta sa mga saykayatris. Ang kalagayan sa ngayon ay mas mabuti, subalit bahagya lamang.”

Ang CFS ay naghaharap ng pambihirang mga hamon, gaya ng puna ng The American Journal of Medicine: “Ang kaigtingan ng pakikitungo sa karamdaman kung saan ang isa ay mukhang malusog naman, normal ang pagsusuri sa katawan, at normal ang mga resulta ng pagsusuri sa laboratoryo ay malubha. Ang karamdaman ay karaniwan nang nauugnay sa nasirang mga pagsasama sa pagitan ng mag-aasawa, ibang mga kamag-anak, mga maypatrabaho, mga guro, mga propesyonal sa kalusugan, at mga kompanya sa seguro.”

Ang hamon sa mga doktor ay na ang pagkahapo ay isang pangkaraniwan lamang na sintoma. “Kung ang isang manggagamot ay may $1 sa bawat maysakit na dumaraing ng pagod, siya ay maaari nang huminto sa kaniyang propesyon,” sulat ng isang patnugot sa panggagamot. Subalit, maliwanag, na kakaunti sa mga dumaraing ng pagkahapo ang may CFS. Yamang walang medikal na pagsusuri para sa karamdaman, paano ito marerekunusi ng manggagamot?

Isang Pagturing sa CFS

Noong Marso 1988 ang CDC (U.S. Centers for Disease Control) ay naglathala sa Annals of Internal Medicine ng isang kalipunan ng mga palatandaan at mga sintoma na panlahatang kumikilala sa CFS. (Tingnan ang kasamang kahon.)

Ang pangunahing mga panuntunan sa pagrerekunusi ng CFS ay (1) ang unang sumpong ng pagkahapo na tumatagal ng mas matagal sa anim na buwan at bumababa ang antas ng gawain ng isa ng 50 porsiyento at (2) ang di-paglakip ng ibang medikal o pangkaisipang mga kalagayan na maaaring maging sanhi ng mga sintoma. Gayunman, upang marekunusi na may CFS, ang maysakit ay kailangan ding dumaranas ng alinman sa 8 sa 11 sintoma na nasa tala ng pangalawahing mga panuntunan o ng 6 sa 11 sintoma nito gayundin sa 2 sa 3 mula sa tala ng panuntunan sa pisikal.

Maliwanag, yaong mga nakaabot sa rekunusi ng CFS ay malubha nang maysakit sa mahabang panahon. Ginawang limitado ng CDC ang pagturing sa CFS upang makilalang mabuti ang mga taong mayroon nito. Yaong may di-gaanong malulubhang anyo ng syndrome ay inaalis sa pagturing na ito.

Maaari Kayang Panlulumo ang CFS?

Kumusta naman ang mga doktor na nagsasabing ang mga maysakit na CFS ay nakararanas ng panlulumo at iba pang mga sakit sa isip? Ang mga maysakit bang ito ay may napagkikilalang mga sintoma ng panlulumo?

Karaniwan nang nanlulumo ang mga maysakit na CFS, subalit si Dr. Kurt Kroenke, isang propesor sa isang paaralan sa panggagamot sa Bethesda, Maryland, E.U.A., ay nagtanong: “Hindi ba manlulumo ang sinuman kung siya ay nananatiling hapò sa loob ng isang taon o higit pa?” Kaya makatuwiran lamang na itanong: Ang panlulumo ba ang dahilan ng CFS, o ito ba’y isang bunga nito?

Ang tanong na iyan ay kadalasang mahirap sagutin. Ang isang doktor ay maaaring isaalang-alang ang ikalawang punto ng pangunahing mga panuntunan, na nagsasabi na ang ‘pangkaisipang mga kalagayan na maaaring sanhi ng mga sintoma ay kailangang di-ilakip,’ at maghinuha na nagdurusa ang maysakit mula sa panlulumo at hindi dahil sa organiko o pisikal na karamdaman. Subalit, sa maraming kaso hindi ito isang kasiya-siyang rekunusi.

Ang magasing medikal na The Cortlandt Consultant ay nagsabi: “Ang pinakamabisang ebidensiya na ang CFS ay isang ‘organikong’ sakit ay ang biglang paglitaw nito sa 85 porsiyento ng mga maysakit. Nagsasabi ang kalakhan ng mga maysakit na ang kanilang karamdaman ay nagpasimula sa isang pantanging araw na may tulad-trangkasong syndrome na nakikitaan ng lagnat, [makating lalamunan, namamagang mga kulaning limpatiko (lymph node), pananakit ng mga kalamnan], at katulad na mga sintoma.” Kumbinsido ang mga manggagamot na humawak ng mga pasyenteng may CFS na ang panlulumo ay kadalasang hindi sanhi ng mga sintoma.

“Nang aming paghambingin ang aming mga kaso,” ulat ni Dr. Anthony Komaroff, patnugot ng General Medicine sa Brigham at Women’s Hospital sa Boston, E.U.A., “kami’y nagulat sa katunayan na karamihan sa mga maysakit ay nagsabi na sila’y dating ganap na malusog, malakas at matagumpay sa buhay hanggang sa isang araw sila’y nagkaroon ng sipon, trangkaso o brongkitis at hindi na iyon nawala. Ang mga sintoma na maaaring inaakalang sa isip lamang​—panlulumo, pananamlay ng katawan, di makatulog at iba pa—​ay hindi umiral bago lumitaw ang karamdaman.”

Ang isang karaniwang sintoma ng panlulumo ay kawalan ng interes sa lahat ng bagay. Subalit nagpaliwanag si Dr. Paul Cheney: “Ang mga maysakit na ito ay talagang ang kabaligtaran. Sila’y labis na nababahala sa kung ano ang kahulugan ng kanilang mga sintoma. Hindi sila makakilos. Hindi sila makagawa. Marami ang natatakot. Subalit sila’y hindi nawawalan ng interes sa kanilang kapaligiran.”

Namamagang mga glandula, lagnat, di-pangkaraniwang dami ng puting selula ng dugo, paulit-ulit na impeksiyon sa paghinga, pananakit ng mga kalamnan at kasu-kasuan, at lalo na ang kakaibang pananamlay at pananakit ng kalamnan na maaaring nangyayari pagkatapos ng kahit katamtamang ehersisyo​—ang mga sintoma na ito ay di-angkop sa isang nauugnay-sa-panlulumo na syndrome.

Ang Kahigtan ng Kamakailang Ebidensiya

Sa labas nitong Nobyembre 6, 1991, nag-uulat ang JAMA: “Ang panimulang mga bagay-bagay buhat sa patuloy na pagsusuri ng mga maysakit na nakaabot sa pagturing ng CDC sa chronic fatigue syndrome (CFS) ay nagpapakita na karamihan sa mga may ganitong karamdaman ay hindi mga biktima ng panlulumo o ibang problema sa isip.”

Si Dr. Walter Gunn, na masigasig na sumubaybay sa pananaliksik ng CFS sa CDC, ay nagpaliwanag sa labas na ito ng JAMA: “Sa kabila ng katotohanan na marami sa mga manggagamot ay maaaring nag-akala na lahat ng mga maysakit nito [sa pagsusuri] ay nanlulumo, nasumpungan namin na 30% lamang sa mga maysakit na CFS ay makikitaan ng ebidensiya ng panlulumo sa pasimula ng pagkahapo.”

Mayroon pa man ding mga pagkakaiba sa pisikal sa pagitan ng maraming maysakit na CFS at sa mga nagdaranas ng panlulumo. “Ang mga maysakit ng labis na panlulumo (major depression disorder o MDD) ay kadalasang may di-normal na mabilis na pagkilos ng mata (rapid-eye-movement o REM) sa pagtulog, samantala ang mga maysakit na CFS ay may di pagiging normal sa non-REM [sa pagtulog],” sabi ng magasing medikal na The Female Patient.

Ang magasing Science ng Disyembre 20, 1991, ay nag-ulat ng isa pang mahalagang pagtuklas. Sinabi niyaon na ipinakikita ng pagsusuri na ang “mga maysakit na CFS ay nagtataglay ng nagbabagong antas ng ilang mga hormone sa utak” at nagsabi: “Bagaman ang mga pagkakaiba mula sa mga taong walang CFS ay bahagya lamang, ang mga maysakit na CFS ay patuloy na nagpapakita ng pagbaba sa mga antas ng steroid hormone cortisol, at pagtaas sa mga antas ng hormone ng pituitary na ACTH (adrenocorticotropin hormone), na talagang kabaligtaran ng mga pagbabago na nakita sa panlulumo.”​—Amin ang italiko.

Paano Kung Totoong Isang Sakit ang CFS?

Ang propesyon sa panggagamot ay nag-aalinlangan sa mga sakit na hindi nito maunawaan, gaya ng CFS. “Ang pag-aalinlangan ay lumalaganap sa aming propesyon,” sulat ni Dr. Thomas L. English. “Ang makatuwirang pag-aalinlangan ay ang ‘usong’ saloobin para sa matatalino, nakauunawang manggagamot.” Subalit, nag-uusisa si Dr. English kung gaano nga ba kapaki-pakinabang ang pag-aalinlangan para sa nagdurusang maysakit “kung ang CFS ay totoong isang sakit.” Siya’y nagtanong sa kapuwa nag-aalinlangang mga doktor: “Paano kung kayo’y mali? Ano ang mga pinsala para sa inyong mga pasyente?”

Si Dr. English mismo ay nakararanas ng CFS, at noong nakaraang taon inilathala ng JAMA ang kaniyang artikulo na patungkol sa kaniyang kapuwa mga manggagamot. Hiniling niya na ilagay nila ang kanilang sarili sa kalagayan ng nagdurusang maysakit, na inilalarawan ang syndrome:

“Ikaw ay magkakaroon ng ‘sipon’ at pagkatapos ang uri ng iyong buhay ay palagiang nagbabago. Hindi ka makapag-isip nang maliwanag . . . Kung minsan humihiling ito ng buo mong lakas upang makapagbasa ng pahayagan o magtuon ng pansin sa tagpo ng isang programa sa telebisyon. Ikaw ay waring may jet lag na hindi nawawala. Ikaw ay unti-unting umuusad sa natatakpan ng ulap na bangin ng pangangalaga sa maysakit, na minsang iyong nilakaran na may pagtitiwala. Ang mga myalgia [pananakit ng mga kalamnan] ay lumilibot sa buong katawan mo na waring walang tiyak na patutunguhan. Ang mga sintoma ay pasumpung-sumpong, tumitindi at humuhupa. . . . Ikaw rin ay magkakaroon ng mga pag-aalinlangan sa ilang mga sintoma mo kung hindi mo ipinakikipag-usap sa ibang maysakit na may gayunding mga karanasan . . . o ipakipag-usap sa mga manggagamot na nakakita na ng daan-daang gayunding mga kaso. . . .

“Nakipag-usap na ako sa maraming kapuwa mga maysakit na nagpunta sa amin na mga manggagamot upang humingi ng tulong, subalit lumisan na hinamak, galit, at takot. Sinasabi ng kanilang mga katawan na sila’y may sakit, subalit ang palagay ng kanilang mga manggagamot na nasa isip lamang nila ang sakit ay nakatatakot at nakagagalit​—hindi nagbibigay katiyakan. Nagsasabi ito sa kanila na ang kanilang mga doktor ay may kaunting kaalaman sa tunay na problema. . . . Maniniwala ba tayo na ito’y hindi totoo sapagkat ang mga sintoma ay naiiba at di-pangkaraniwan? Ipagpapalagay ba natin na ang ating mga pagsusuri sa laboratoryo ay may kakayahang magsala ng bago at ng dati nang mga sakit? Ang kawalang tiwala sa bagong mga idea ay kasintanda na ng sangkatauhan; gayundin sa mapanganib na mga resulta ng kawalang tiwalang iyan.”​—JAMA, Pebrero 27, 1991, pahina 964.

Ang Kahalagahan ng Pagkilala sa Sakit

“Ang mga doktor na gumugugol ng malaking panahon sa pakikipag-usap sa mga pasyente na may CFS ay nakaririnig ng isang kuwento na totoong paulit-ulit; iyon ay pangkaraniwan,” sabi ni Dr. Allan Kind, isang espesiyalista sa nakahahawang mga sakit. “Sasabihin ko sa iyo na totoo ang Chronic Fatigue Syndrome.”

Parami nang paraming doktor ang sumasang-ayon na ngayon. Kaya naman ang The Female Patient ay humimok sa mga manggagamot: “Hanggang sa ang isang tiyak na rekunusi at isang angkop na paggamot ay maitatag, ang manggagamot ay may pantanging pananagutan na sabihin sa mga pasyenteng ito na sila’y totoong may tunay na sakit, at na hindi ito ‘nasa kanilang isip lamang.’ ”

Ang kapakinabangan ng pagtiyak sa pag-iral ng karamdaman ng maysakit ay maaaring maging napakalaki. Nang sabihin ng isang doktor sa isang babae na siya’y may CFS, sinabi ng babae: “Ang mga luha ay basta lumingid.” Ang marinig na sabihin ng doktor na ang kaniyang sakit ay totoo, at na iyon ay may pangalan, ay isang tunay na ginhawa sa kaniya.

Subalit, ano ang sanhi ng CFS? Ano ang isiniwalat ng pananaliksik?

[Kahon sa pahina 7]

Mga Panuntunan sa Pagrekunusi sa Chronic Fatigue Syndrome

Pangunahing mga Panuntunan

1. Ang biglang paglitaw ng pagkahapo na tumatagal ng mas mahaba sa anim na buwan na may 50 porsiyento ng pagbaba sa gawain

2. Walang ibang panggagamot o mga kalagayang pangkaisipan na maaaring naging sanhi ng mga sintoma

Pangalawahing mga Panuntunan

Ang mga sintoma ay kailangang nagsimula o pagkatapos ng paglitaw ng pagkahapo

1. Sinat

2. Makating lalamunan

3. Masasakit na kulaning limpatiko

4. Kabuuang panghihina ng mga kalamnan

5. Pananakit ng kalamnan

6. Nagtatagal na pagkahapo matapos ang ehersisyo

7. Pananakit ng ulo

8. Pananakit ng kasu-kasuan

9. Di-pagkatulog

10. Mga daing sa isip, gaya ng pagiging makakalimutin, pagkalito, kahirapan sa pagtutuon ng pansin, panlulumo

11. Malalang pag-atake (mahigit sa ilang oras hanggang sa ilang araw)

Mga Panuntunan sa Pisikal

1. Sinat

2. Pamamaga ng lalamunan

3. Nasasalat o masasakit na kulaning limpatiko

[Larawan sa pahina 8]

Ang mga doktor ay kailangang nakauunawa upang makakilala sa pagitan ng panlulumo at chronic fatigue syndrome

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share