Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g92 11/8 p. 20-21
  • Nakalulugod ba sa Diyos ang Lahat ng Relihiyosong Kapistahan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakalulugod ba sa Diyos ang Lahat ng Relihiyosong Kapistahan?
  • Gumising!—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ito ba’y Sinasang-ayunan ng Diyos?
  • Isang Bagay na Mas Mainam Kaysa mga Prusisyon
  • Kapistahan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Nalulugod Kaya ang Diyos sa mga Kapistahan sa Pag-aani?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Ang Pasko—Ito ba ang Paraan ng Pagtanggap kay Jesus?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Bakit Hindi Ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang Ilang Kapistahan?
    Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
Iba Pa
Gumising!—1992
g92 11/8 p. 20-21

Ang Pangmalas ng Bibliya

Nakalulugod ba sa Diyos ang Lahat ng Relihiyosong Kapistahan?

Ipinagdiriwang ng mga tapat, 20,000 ang bilang, ang isang pantanging Misa sa plasa ng lunsod. Nang matapos ang serbisyo, nagsimula naman ang prusisyon. Ang pulutong ng mga mananamba ay dumami ngayon tungo sa 60,000 katao, na naglalakbay sa mga lansangan, pawang sumusunod sa imahen ng Nossa Senhora Aparecida, ang “santong” patron ng Brazil. Sa tanghali, malakas na putukan ang maririnig malapit sa santuwaryo habang ang mga peregrino ay nagtatanghal ng nakasisilaw na mga paputok at kuwitis.

ANG gayong relihiyosong mga kapistahan pati na ang kanilang mga prusisyon ay karaniwan sa maraming bansa. Ngunit ano ba ang nag-uudyok sa maraming tao na sumali sa mga prusisyon? Ang tradisyon at debosyon ang dalawang pangunahing motibo para sa mga Katoliko, Budista, at doon sa kabilang sa ibang relihiyosong paniwala. Karagdagan pa, gaya noong nakalipas, ang libangan ay maaaring isang mahalagang elemento. Ang The World Book Encyclopedia ay nagsasabi na noong panahon ng Edad Medya “idiniriin ng maraming relihiyosong mga kapistahan ang paglilibang. Hinahayaan nilang malimutan ng mga tao ang mga kahirapan ng kanilang araw-araw na buhay.” Karaniwan nang totoo rin ito sa ngayon. Halimbawa, ang Salvador, Brazil, ay kilalang-kilala sa relihiyoso at popular na mga kapistahan nito, pinagsasama ang mistisismo at pagsasaya sa iba’t ibang pagdiriwang at maiingay na pagsasaya na nagwawakas sa karnabal. Gayunman, bagaman ang ilang relihiyosong mga prusisyon ay maaaring masaya, ang iba naman ay solemne.

“Sinasamahan ang imahen at ang mga pari, ang ilan ay umaawit ng isang himno samantalang ang iba ay tahimik na sumusunod,” sabi ng isang bisita sa isang karaniwang prusisyon sa Brazil. “Subalit ang nangingibabaw sa tanawin ay ang pagiging seryoso, o bagkus ay ang kalungkutan, para bang ang pulutong ay dumadalo sa isang libing.” At si Lucio, mula sa hilagang bahagi ng Brazil, ay nagsasabi: “Gaya ng dating ginagawa ko, taimtim na hinahangad ng mga tao ang paggaling o lunas sa pampamilya o pinansiyal na mga problema. Kadalasang kalakip sa debosyon sa isang ‘santong’ patron ang paghalik sa imahen, pag-akyat sa hagdan nang nakaluhod, o paglakad ng mahahabang distansiya na may sunong na bato.”

Ang gayong ipinataw-sa-sarili na mga sakripisyo ay maaaring magtinging kakatuwa sa mga hindi sumasampalataya. Gayunman, inaakala ng mga nakikibahagi na sila ay nakalulugod sa Diyos. Subalit nakalulugod nga ba sila sa Diyos? Ang Bibliya ay tutulong sa atin na maunawaan kung baga ang relihiyosong mga kapistahan at mga prusisyong iyon ay nakalulugod sa Diyos o hindi.

Ito ba’y Sinasang-ayunan ng Diyos?

Sinasabi sa atin ng kasaysayan na ang sinaunang Israel ay nagdiwang kapuwa ng taunan at pana-panahong mga kapistahan na may kagalakan. Ang gayong mga kapistahan ay nagpaparangal sa Diyos na Jehova. (Deuteronomio 16:14, 15) Tungkol sa mga kapistahang binabanggit ng Bibliya, ang The Illustrated Bible Dictionary ay nagsasabi: “Ang kagalakang ipinahahayag ay taos-puso. Ang relihiyosong pangako ay kasuwato ng kasiyahan sa lumilipas na mga bagay na itinuturing na mga kaloob ng Diyos.” Sa kabila ng relihiyosong mga pagdiriwang, pinabayaan ng mga saserdote at ng bayan ng Israel ang kanilang espirituwalidad. (Isaias 1:15-17; Mateo 23:23) Gayunman, ang tanong ngayon ay, Ang relihiyosong mga prusisyon ba ay bahagi ng unang-siglong Kristiyanismo?

Bagaman ipinagdiwang ni Jesu-Kristo ang ilang kapistahang Judio, hindi sinimulan ni Jesus ni ng kaniyang mga apostol ang relihiyosong mga prusisyon. Ang The Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Ang mga prusisyon ay waring nauso di-nagtagal pagkatapos makilala ang Kristiyanismo bilang relihiyon ng imperyo ni Constantino noong ika-4 na siglo.” At ang The World Book Encyclopedia ay bumabanggit: “Ang mga kapistahan ng Iglesya [kasama na ang kanilang mga prusisyon] ay nanggaling sa maraming kaugaliang pagano, binibigyan ang mga ito ng bagong mga kahulugan.”

Ang mga Kristiyano ay hindi obligadong sumali sa gayong relihiyosong mga kapistahan at mga prusisyon. Sa pagtukoy sa mga kapistahan na hinihiling ng Kautusan ng Diyos sa sinaunang Israel, si apostol Pablo ay sumulat: “Samakatuwid nga ay huwag hayaang hatulan kayo ninuman sa pagkain at pag-inom o tungkol sa isang kapistahan o sa bagong buwan o sa sabbath; sapagkat ang mga bagay na iyan ay anino ng mga bagay na darating, ngunit ang katuparan ay sa Kristo.” (Colosas 2:16, 17) Hindi dapat hayaan ng mga Kristiyano sa Colosas ang sinuman na hatulan ang kanilang katayuan sa harap ng Diyos batay sa pagsunod sa mga kapistahan ng Kautusang Mosaiko.

Isang Bagay na Mas Mainam Kaysa mga Prusisyon

Kung iuugnay ng mga taga-Colosas ang kanilang Kristiyanong paniniwala sa mga ritwal, iyon ay isang pag-urong sa kanilang pananampalataya. Ang pangangatuwiran ni Pablo ay, Bakit mo susundin ang anino lamang ng katotohanan? Ang tunay na katotohanan ay nasa kay Kristo. Kaya nga, ang manghawakang mahigpit sa isang makahulang anino ay nagpapalabo sa espirituwal na katotohanan na itinuturo ng mga bagay na iyon. Bakit? Sapagkat, gaya ng sabi ni Pablo, “ang katuparan ay sa Kristo.” Kaya, ang relihiyosong mga pagdiriwang na iyon sa ngayon ay hindi bahagi ng tunay na pagsambang Kristiyano.

Ang mga Kristiyano, sa gayon, ay hindi na hinihiling na ipagdiwang ang mga kaugaliang ito na galing sa Diyos, at tiyak na dapat nilang iwasan ang mga kapistahang may paganong pinagmulan, na maaaring nagsasangkot sa paggamit ng mga imahen at maiingay na kasayahan. (Awit 115:4-8) Ang apostol Pablo ay nagbabala: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan? O anong pakikibahagi mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? Isa pa, anong pakikipagkasundo mayroon si Kristo kay Belial?” (2 Corinto 6:14, 15) Sa ibang salita, kung nais nating palugdan ang Diyos, hindi natin maaaring pagsamahin ang tunay na pagsamba sa huwad. Paano nga natin magagawang waling-bahala ang kalooban ng Diyos at palugdan pa rin siya?​—Mateo 7:21.

Hindi, hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang paganong relihiyosong mga kapistahan kasama na ang kanilang mga prusisyon. Sa katunayan, ang mga ito ay maglalaho kasama ng lahat ng kaugalian na hindi nagpaparangal kay Jehova, gaya ng inihula sa Salita ng Diyos. Sa Apocalipsis 18:21, 22, ang huwad na relihiyon at ang mga gawain nito ay iniuugnay sa paganong lunsod ng Babilonya. Ito ay kababasahan ng ganito: “At dinampot ng isang malakas na anghel ang isang bato na gaya ng isang malaking gilingang-bato at inihagis ito sa dagat, na nagsasabi: ‘Gayon sa isang mabilis na paghagis ay ibubulusok ang Babilonya, ang dakilang lunsod, at siya’y hindi na masusumpungan pang muli. At ang tinig ng mga mang-aawit na sinasaliwan ng kanilang sariling mga alpa at ng mga manunugtog at ng mga humihihip ng plauta at ng mga pakakak ay hindi na maririnig pang muli sa iyo.’ ” Nababatid na ang Babilonikong relihiyosong mga kapistahan ay hindi nakalulugod sa Diyos, ano ang gagawin mo?

Isip-isipin na ikaw ay nasa isang paglalakbay tungo sa isang mahalagang patutunguhan at ikaw ay naligaw. Kung may isa na may kabaitang magturo sa iyo kung paano ka makararating sa iyong patutunguhan nang ligtas, hindi ba’t ikaw ay magpapasalamat sa pagkasumpong sa tamang daan? Sa katulad na paraan, yamang nalalaman mo kung paano minamalas ng Diyos ang relihiyosong mga prusisyon, bakit hindi siyasatin pa ang kaniyang Salita upang makita kung ano ang nakalulugod sa kaniya? Ang pagkilos ayon sa natutuhan mo buhat sa Bibliya ay makatutulong sa isang mainam na kaugnayan sa Diyos​—na mas nakahihigit sa pagdiriwang ng relihiyosong mga kapistahan at mga prusisyon.​—Juan 17:3.

[Picture Credit Line sa pahina 20]

Olandes na prusisyon kung Pasko ng Pagkabuhay, Harper’s, ika-19 na siglo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share