Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g93 5/22 p. 6-9
  • Ang Kalunus-lunos na Kamatayan Dahil sa Aborsiyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kalunus-lunos na Kamatayan Dahil sa Aborsiyon
  • Gumising!—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Ano ang Nadarama ng Isang Ina
  • Kung Ano ang Nadarama ng Isang Hindi Pa Isinisilang na Sanggol
  • Kung Ano ang Nadarama ng Isang Doktor
  • Aborsiyon—Isang Nababahaging Daigdig
    Gumising!—1987
  • Aborsiyon—Hindi Talaga Solusyon
    Gumising!—2009
  • Aborsiyon—Ano ang Kabayaran?
    Gumising!—1987
  • Aborsiyon—Ito ba ang Lunas?
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1993
g93 5/22 p. 6-9

Ang Kalunus-lunos na Kamatayan Dahil sa Aborsiyon

MULA 50 milyon hanggang 60 milyong di pa isinisilang na mga sanggol ang naglalaho taun-taon sa pamamagitan ng aborsiyon. Nauunawaan mo ba ang bilang na iyan? Ito’y gaya ng pagpalis sa buong populasyon ng Isla ng Hawaii sa mapa linggu-linggo!

Mahirap tipunin ang eksaktong bilang sapagkat karamihan ng mga pamahalaan ay hindi nagtatago ng maingat na mga rekord ng mga aborsiyon. At kung saan ipinagbabawal o labag sa batas ang aborsiyon, ang mga eksperto ay maaari lamang manghula. Subalit ang larawan ng pangglobong aborsiyon ay parang ganito:

Sa Estados Unidos, ang aborsiyon ang pangalawa sa pinakakaraniwang pamamaraan ng pag-opera, susunod sa pag-opera ng tonsil. Taun-taon, mahigit na 1.5 milyong aborsiyon ang isinasagawa. Maliwanag na ang karamihan ng mga babae ay walang asawa​—4 sa 5. Niwawakasan ng mga babaing walang asawa ang kanilang mga pagbubuntis na doble sa dalas ng kanilang panganganak, samantalang, sa katamtaman, ang mga babaing may-asawa ay sampung ulit na nagsisilang na kasindalas na sila’y nagpapalaglag.

Sa Gitna at Timog Amerika​—karamihan ay Katoliko—​ang mga batas tungkol sa aborsiyon ang pinakamahigpit sa buong daigdig. Gayunpaman, nananagana ang ilegal na mga aborsiyon, na naghaharap ng malubhang mga pinsala sa kalusugan ng kababaihan. Halimbawa, ang mga babaing taga-Brazil ay sumailalim ng halos apat na milyong aborsiyon noong nakaraang taon. Mahigit na 400,000 sa kanila ay kailangang magpagamot dahil sa mga komplikasyon. Sa Latin Amerika halos sangkapat ng lahat ng pagbubuntis ay ipinalalaglag.

Sa ibayo ng Atlantiko sa kontinente ng Aprika, ang mga batas ay mahigpit din. Ang mga pinsala at mga kamatayan ay karaniwan, lalo na sa gitna ng mahihirap na babae na nagpapatulong sa ilegal na mga naglalaglag ng bata.

Sa buong Gitnang Silangan, maraming bansa ang may mahigpit na mga nasusulat na batas, subalit ang mga aborsiyon ay malaganap pa ring hinahangad at nakukuha ng mga babaing iyon na kayang magbayad ng malaking halaga.

Karamihan sa Kanlurang Europa ay nagpapahintulot ng ilang aborsiyon, ang Scandinavia ang pinakaliberal. Ang National Health Service ng Britaniya ay nag-ingat ng isang rekord ng mga aborsiyon sapol nang ang pamamaraang ito ay gawing legal noong 1967. Napansin nito ang pagdoble ng bilang ng mga aborsiyon pati ang pagdami ng mga anak sa labas, mga sakit na naililipat ng pagtatalik, prostitusyon, at maraming sakit sa pag-aanak.

Ang Silangang Europa ay kasalukuyang dumaranas ng maraming pagbabago, gayundin ang mga batas nito tungkol sa aborsiyon. Sa dating Unyong Sobyet, ang mga aborsiyon ay tinatayang 11 milyon taun-taon, kabilang sa pinakamataas na bilang sa buong daigdig. Palibhasa’y bihira ang mga kontraseptibo at mahirap ang kalagayan ng ekonomiya, ang isang karaniwang babae sa rehiyong iyon ay maaaring dumanas ng anim hanggang siyam na aborsiyon sa kaniyang buong buhay.

Sa buong Silangang Europa ang kausuhan ay karaniwang tungo sa pagiging liberal. Isang madulang halimbawa ay ang Romania, kung saan aktibong ipinagbawal ng dating rehimen ang aborsiyon at ipinagbawal ang kontrasepsiyon upang himukin ang pagdami ng populasyon. Ang mga babae ay pinipilit na magkaroon ng hindi kukulanging apat na mga anak, at noong 1988, ang mga bahay-ampunan sa Romania ay umaapaw sa abandonadong mga kabataan. Kaya, mula nang alisin ng rebolusyonaryong pamahalaan ang mga pagbabawal na ito sa aborsiyon, 3 sanggol sa bawat 4 ang ipinalalaglag, ang pinakamataas na tumbasan sa Europa.

Ang Asia ang may pinakamaraming bilang ng mga aborsiyon. Ang People’s Republic of China, dahil sa patakaran nitong isang anak lamang sa isang pamilya at sapilitang mga aborsiyon, ang nangunguna sa listahan, nag-uulat ng 14 na milyon sa isang taon. Sa Hapón ang mga babae ay nagpapalamuti ng mumunting estatuwa na may mga babero at mga laruan bilang alaala ng kanilang inilaglag na mga anak. Ang publiko ay lubhang nag-aalalá tungkol sa mga pildoras sa pagpigil sa pag-aanak, at ang aborsiyon ang pangunahing paraan ng pagpaplano ng pamilya.

Sa buong Asia, at lalo na sa India, ang medikal na teknolohiya ay nakagawa ng isang hindi mabuting kalagayan para sa mga aktibista ng mga karapatang-pambabae. Ang mga pamamaraang gaya ng amniocentesis o ang pagkuha ng tubig buhat sa panubigan ng nagdadalang-tao upang malaman ang sekso ng ipinagbubuntis at ang ultrasound ay maaaring gamitin upang matiyak ang kasarian ng isang sanggol sa paaga nang paagang yugto ng pagbubuntis. Malaon nang pinahahalagahan ng kultura sa Silangan ang mga anak na lalaki kaysa mga babae. Kaya kung saan madaling nakukuha ang dalawang pamamaraang ito ng pagtiyak sa sekso ng sanggol at aborsiyon, maraming ipinagbubuntis na sanggol na babae ang ipinalalaglag, ginagawang di-timbang ang tumbasan ng lalaki/babae na ipinanganganak. Dahil dito, ang kilusang makababae ay nasa kabalintunaang katayuan sa ngayon na nagsasabing karapatan ng babae na ipalaglag ang kaniyang ipinagbubuntis na anak na babae.

Kung Ano ang Nadarama ng Isang Ina

Katulad ng iba pang medikal na pamamaraan, ang aborsiyon ay nagdadala ng panganib at kirot. Sa panahon ng pagbubuntis ang bungad ng matris o ang kuwelyo ng matris, ay mahigpit na nakasara upang ingatan ang sanggol sa loob. Ang pagbuka at pagpapasok ng mga instrumento ay maaaring maging masakit at traumatiko. Ang suction abortion ay maaaring kumuha ng 30 minuto o higit pa, kung kailan maaaring maranasan ng ilang babae ang katamtaman hanggang matinding kirot at pulikat. Sa pamamagitan ng saline abortion, ang wala-sa-panahong paghilab ay ginagawa, kung minsan sa tulong ng prostaglandin, isang sustansiya na nagpapahilab. Ang paghilab ay maaaring tumagal ng ilang oras o mga araw pa nga at maaaring maging masakit at nakasasaid ng damdamin.

Kabilang sa kagyat na mga komplikasyon ng aborsiyon ay ang pagdurugo, pinsala o pagkapunit sa kuwelyo ng matris, pagkabutas ng matris, pamumuo ng dugo, reaksiyon sa anestisya, mga kombulsiyon, lagnat, pangingiki, at pagsusuka. Ang panganib ng impeksiyon ay lalo nang mataas kung ang mga bahagi ng sanggol o inunan ay maiwan sa matris. Ang hindi kumpletong aborsiyon ay pangkaraniwan, at maaaring kailanganin ang operasyon upang alisin ang nabubulok na himaymay na naiwan o ang matris mismo. Ipinakikita ng mga pag-aaral ng pamahalaan sa Estados Unidos, Britaniya, at sa dating Czechoslovakia na dahil sa aborsiyon ay lalong dumami ang posibilidad na maging baog, magbuntis sa tubo, makunan, manganak nang wala sa panahon, at mga depekto sa pagsilang sa hinaharap.

Napansin ng dating U.S. surgeon general na si C. Everett Koop na walang sinuman ang gumawa ng “isang pag-aaral tungkol sa emosyonal na reaksiyon o pagkadama ng pagkakasala ng babae na nagpalaglag at ngayo’y masidhing nagnanais ng isang anak na hindi na siya maaaring magkaroon.”

Dapat sanang isama sa mga grupo na kanilang napiling pag-aralan sa mga pag-aaral tungkol sa aborsiyon ang malinis sa moral na mga Kristiyano na pinananatili ang kanilang kalinisan sa moral dahil sa paggalang sa mga batas ng Diyos at sa buhay. Masusumpungan ng mga pag-aaral na ito na ang mga Kristiyanong ito ay nagtatamasa ng mas magandang mga kaugnayan, higit na pagpapahalaga-sa-sarili, at nagtatagal na kapayapaan ng isip.

Kung Ano ang Nadarama ng Isang Hindi Pa Isinisilang na Sanggol

Ano ba ang pakiramdam ng isang di pa isinisilang na sanggol na tiwasay na nakasalagmak sa init ng bahay-bata ng ina nito at pagkatapos walang anu-ano ay salakayin ng isang nakamamatay na puwersa? Maaari lamang nating maguniguni, sapagkat ang kuwento ay hindi kailanman maisasaysay.

Ang karamihan ng mga aborsiyon ay isinasagawa sa unang 12 linggo ng buhay. Sa yugtong ito ang munting ipinagbubuntis na sanggol ay humihinga at lumulunok, at ang puso nito ay tumitibok. Maaari nitong baluktutin ang maliliit nitong daliri sa paa, itikom ang kamay, magpasirku-sirko sa matubig na daigdig nito​—at makadama ng kirot.

Maraming ipinagbubuntis na sanggol ang pinipilipit mula sa bahay-bata at hinihigop tungo sa isang garapon sa pamamagitan ng isang tubong humihigop na may matalas na talim. Ang pamamaraang ito ay tinatawag na vacuum aspiration. Ang napakalakas na paghigop (29 na ulit sa lakas ng isang vacuum cleaner sa bahay) ay gumugutay-gutay sa munting katawan. Ang ibang sanggol ay ipinalalaglag sa pamamagitan ng raspa, isang hugis-silo na kutsilyong kumakayod sa pinaka-sapin ng matris, hinihiwa nang pira-piraso ang sanggol.

Ang mga ipinagbubuntis na sanggol na mahigit na 16 na linggo ay maaaring mamatay sa pamamagitan ng saline abortion, o paglason sa pamamagitan ng asin, na pamamaraan. Binubutas ng isang mahabang karayom ang panubigan, kinukuha ang tubig mula rito, at hinahalinhan ito ng matapang na solusyon ng asin. Habang ang sanggol ay lumulunok at humihinga, pinupunô ang mahina nitong mga bagà ng nakalalasong solusyon, ito ay nakikipagpunyagi at nanginginig. Ang epekto ng lason ay sinusunog nito ang ibabaw na suson ng balat, iniiwan itong paknós at kulubot. Ang utak nito ay maaaring magdugo. Isang masakit na kamatayan ay maaaring mangyari sa loob ng ilang oras, bagaman kung minsan kapag nagsimula ang paghilab pagkaraan ng isang araw o higit pa, isang buháy subalit naghihingalong sanggol ang isinisilang.

Kung ang sanggol ay malaki na upang ipalaglag sa pamamagitan ng mga paraang ito o kahawig na mga paraan, isa na lamang ang mapagpipilian​—hysterotomy, sesaryan na operasyon na may ibang layunin, pagkitil sa buhay sa halip na iligtas ito. Ang tiyan ng ina ay binubuksan sa pamamagitan ng operasyon, at halos sa tuwina isang buháy na sanggol ang hinihila. Maaari pa nga itong umiyak. Subalit kailangan itong pabayaang mamatay. Ang ilan ay sadyang pinapatay sa pamamagitan ng pag-inis dito nang hindi makahinga, paglunod, at iba pang paraan.

Kung Ano ang Nadarama ng Isang Doktor

Sa loob ng mga dantaon tinanggap ng mga manggagamot ang mga pagpapahalaga na ipinahayag sa iginagalang na sumpang Hipokratiko, na nagsasabi sa bahagi: “Hindi ako magbibigay kaninuman ng isang nakamamatay na gamot, kahit na kung ito ay hilingin, ni magpapayo man ako sa isa na uminom ng nakamamatay na gamot, at hindi ako magbibigay sa kaninumang babae ng makasasamang gamot [na makapagpapalaglag], kundi walang-sala at marangal kong isasagawa ang aking sining.”

Anong pakikipagpunyagi sa etika ang nakakaharap ng mga doktor na kumikitil ng buhay sa loob ng bahay-bata? Ganito ito inilalarawan ni Dr. George Flesh: “Ang aking unang mga aborsiyon, bilang isang intern at isang residenteng doktor, ay hindi nagdulot sa akin ng anumang pagdurusa ng damdamin. . . . Ang aking pagkadiskontento ay nagsimula pagkatapos kong isagawa ang daan-daang aborsiyon. . . . Bakit ako nagbago? Maaga sa aking paggagamot, isang mag-asawa ang lumapit sa akin at humiling ng isang aborsiyon. Sapagkat ang kuwelyo ng matris ng pasyente ay matigas, hindi ko naibuka ito upang isagawa ang paglalaglag. Sinabi ko sa kaniya na magbalik siya sa isang linggo, kapag ang kuwelyo ng kaniyang matris ay mas malambot na. Ang mag-asawa ay nagbalik at sinabi sa akin na nagbago na sila ng kanilang isip. Ako ang nagpaanak sa kanilang sanggol pagkalipas ng pitong buwan.

“Pagkaraan ng mga taon, nilalaro ko ang paslit na si Jeffrey sa palanguyan sa tenis klub kung saan ako at ang kaniyang mga magulang ay mga miyembro. Siya ay masaya at maganda. Kinikilabutan akong isipin na isang teknikal na balakid lamang ang nakahadlang sa akin sa pagkitil sa potensiyal na buhay ni Jeffrey. . . . Naniniwala ako na ang paggutay-gutay sa lumalaking ipinagbubuntis na sanggol, marahas na pinuputol ang mga bahagi ng katawan, sa kahilingan lamang ng ina, ay isang akto ng kabuktutan na hindi dapat ipahintulot ng lipunan.”

Isang nars na huminto sa pagtulong sa mga aborsiyon ay nagsabi tungkol sa kaniyang trabaho sa isang klinika ng aborsiyon: “Isa sa aming trabaho ay bilangin ang mga bahagi ng katawan ng inilaglag na sanggol. . . . Kung ang babae ay uuwi ng bahay na may mga piraso ng sanggol na nasa loob pa ng kaniyang matris, maaaring magkaroon ng malubhang mga problema. Maingat kong sinusuri upang tiyakin na mayroong dalawang kamay, dalawang paa, isang katawan, isang ulo. . . . Apat ang anak ko. . . . May napakalaking pagkakasalungatan sa pagitan ng aking propesyonal na buhay at ng aking personal na buhay anupat hindi ko ito mapagtugma. . . . Ang aborsiyon ay isang mahirap na gawain.”

[Larawan sa pahina 7]

Sa Asia, kung saan mas pinipili ang mga anak na lalaki, inilalaglag ng mga doktor ang libu-libong ipinagbubuntis na mga sanggol na babae

[Credit Line]

Larawan: Jean-Luc Bitton/Sipa Press

[Larawan sa pahina 8]

Isang reporter ng balita sa isang demonstrasyon laban sa aborsiyon na kinukunan ng litrato ang 20-linggong ipinagbubuntis na sanggol na legal na ipinalaglag

[Credit Line]

Larawan: Nina Berman/Sipa Press

[Larawan sa pahina 8]

Demonstrasyon na pabor sa aborsiyon sa Washington, D.C., E.U.A.

[Credit Line]

Larawan: Rose Marston/Sipa Press

[Larawan sa pahina 9]

Sa Estados Unidos, 4 sa 5 babae na naghahangad ng aborsiyon ay walang asawa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share