“Punong Kapaki-pakinabang sa Lahat Para sa Tao”
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Kenya
PARA sa karamihan ng tao ang niyog ay mistulang-tamad na puno—ang mismong paglalarawan ng pagpapahinga at pagpapahingalay. Subalit para sa mga taga-Mombasa Island sa tabi ng baybaying-dagat ng Kenya, ay higit pa riyan ang kahulugan. Tinutukoy ng ilan ang mayuming napakalaking punong ito bilang “puno ng buhay.” Para sa mga naninirahang ito sa baybaying-dagat, ang punong niyog ay hindi lamang may kahanga-hangang kakayahan na magbigay-ganda kundi magtustos din ng napakaraming pangunahing pangangailangan ng tao sa buhay.
Ang punong niyog ay may napakaraming praktikal na gamit. Sa gayon, hindi kataka-taka na ang punong niyog ay tawaging “ang puno ng kasaganaan,” “ang bote ng gatas sa bungad ng pinto ng sangkatauhan,” at ang “punong kapaki-pakinabang sa lahat para sa tao.” Ganito ang sabi ng The Coconut Palm—A Monograph: “Ito marahil ang may pinakamaraming naibibigay na mga produktong magagamit ng sangkatauhan kaysa sa anumang iba pang puno.”
Gawa sa Niyog
Ginawang kapaki-pakinabang ng mga taga-Kenya sa baybaying-dagat ang punong niyog sa maraming mapanlikhang paraan. Halimbawa, isaalang-alang si Kadii, isang maybahay na nakatira roon. Siya’y tumira sa tropikong kapaligirang ito simula pa noong pagkabata. “Ang niyog ba ay laging may mahalagang papel na ginagampanan sa inyong tahanan?” ang tanong namin.
Ganito ang tugon ni Kadii: “Tandang-tanda ko pa na ginagamit ang mga niyog sa aming lutuan noong ako’y bata pa. Dahil sa ang bao ay napakatigas at matibay-tibay, magandang gamitin itong mga tasa, kutsara, at sandok. Ang mas malalaking bao ay ginagamit na mga mangkok ng sabaw at mga tabò. Ang isang bahagi ng aming pinag-aaralan sa paaralan ay ang matuto kung paano magdisenyo at gumawa ng mga bagay na ito para magamit sa bahay.”
Ang asawa ni Kadii, na si Mbagah, na lumaki rin sa baybay-dagat, ay may maraming masasabi tungkol sa gamit ng niyog na hindi lamang pangkusina. “Bilang isang lumalaking bata,” ang gunita ni Mbagah, “natanto ko na ang punong ito ay napakahalagang bahagi ng buhay.”
Halimbawa, tungkol sa kahoy ng punong niyog, na matigas at matibay, siya’y nagsasabi: “Ginagamit namin itong kilo, suhay, pantaban, haligi, at iba pang mga bahagi sa pagtatayo.”
Kumusta naman ang pinakadahon ng niyog? “Sa karamihan ng nayon may mga babae na ang hanap-buhay ay nagtitirintas ng mga dahong ito at ginagawang malalaking piraso ng tulad-dahong materyales na pambubong,” paliwanag ni Mbagah. Kahit na ang bahay ay mabilad nang husto sa nagbabagang init ng araw, sa loob ng bahay ang mga nakatira ay malalamigan at magiginhawahan. Hindi lamang nagsasanggalang ang bubong na pawid mula sa araw kundi pinalalagos din nito ang hangin upang lumamig ang bahay. Mahirap isipin na may hihigit pa sa mahusay na bubong na ito. Ang tinirintas na mga dahon ng niyog ay maganda ring gamitin para sa dingding, bakod, at mga pinto.
“Huwag nating kalilimutan ang bunot ng niyog,” sabi pa ni Mbagah na may pagmamalaking nakangiti. “Ang mga ito’y nakukuha sa pamamagitan ng pagtusok ng niyog sa isang matulis na kahoy o nakausling bakal na nakabaon sa lupa. Hinahawakan namin ng dalawang kamay ang niyog, itutulak itong pababa sa pinakatulis at pipilipitin ito upang ang bunot ay mahiwalay sa pinakabao.” Ang bunot ay nagbibigay ng magandang ginintuang hibla, na maaaring gamiting pamahiran sa sahig, rug, alpombra, iskoba, walis, at pinakapalaman pa nga sa mga kama.
“Mas Masarap Kaysa sa Alak”
Ang niyog ay mahalaga ring bahagi ng pagkain at ginagamit ang halos lahat ng bahagi ng paglaki nito. Ang murang niyog (tinatawag na dafu sa wika roon, na Kiswahili) ay naglalaman ng puro, masarap, at masustansiyang inumin na may napakasarap na lasa. Ang sabaw ay maaaring inumin mula sa pinakasisidlan mismo nito sa pamamagitan ng pagbutas sa itaas ng buko—tamang-tamang inumin para sa nakauuhaw na init ng tropiko! Ang kilalang manggagalugad na si Marco Polo ay iniulat na nagsabi hinggil sa inuming ito: “Ang inuming ito ay kasinlinaw ng tubig, nakarerepresko at mas malasa, at mas masarap pa kaysa sa alak o anumang uri ng inumin.”
Gayundin ang kalimitang sinasabi ng mga turista pagka sila’y nakasipsip ng likas na inuming ito sa kauna-unahang pagkakataon. At pagka ubos na ang sabaw, ang basag na bahagi ng bao ay magagamit upang kayurin ang malambot na laman. Ito’y mura, matamis, at nakarerepresko. Bagaman ang piling pagkain ng murang niyog ay bagong bagay para sa mga panauhin, para sa mga nakatira sa baybaying-dagat ang sabaw ay pang-araw-araw na inumin, at ito’y lubusang pinahahalagahan pagka mahirap makakuha ng maiinom na tubig.
Mga Putahe sa Niyog
Ang pinakamahalagang bahagi ng husto sa gulang na niyog ay ang laman nito, o ang bunga. Ito’y maaaring kainin pagkabukas mula sa bao, ginagadgad sa iba’t ibang lutuin, o pinipiga upang katasin ang napakalinamnam na gata nito.
Ganito ang gunita ni Kadii: “Nang bata pa ako, tinitiyak kong laging may gata ng niyog para sa pagluluto.” Karaniwan na, inilalagay ang gata ng niyog upang mapasarap ang lasa ng isda, manok, beans, kanin, patatas, kamoteng-kahoy, at tinapay. Napasasarap din nito ang lasa ng curry. Subalit ibig nating malaman kung paano nakukuha ni Kadii ang gata.
“Ginagamit namin ang mbuzi,” paliwanag ni Kadii. Ang mbuzi ay pang-araw-araw na salita sa Kiswahili na tumutukoy sa isang bangkito na ang taas ay mga labinlimang sentimetro mula sa lupa. Ito’y may matalas na gilid na may gatla na nakausli mula rito, na pantanging nilayon para sa pagkudkod ng niyog sa kamay. “Nakatutuwa para sa aming mga bata na maupo sa mbuzi. Hahatiin namin sa dalawa ang niyog at kakayurin namin ang loob sa may gatlang talim hanggang sa ang bao ay maalisan ng laman nito. Ang susunod na hakbang naman ay kunin ang kinudkod na niyog at ilagay sa tulad-imbudong salaan na yari sa dahon ng niyog. Pagkatapos aming pipigain ang napakalasang gata ng niyog.”
Ang niyog ay talagang isang bunga, at binabagayan nito ang ibang tropikal na mga prutas. Maglalaway ka sa sarap pagka naisip mo ang isang pagkaing prutas ng sariwang hiniwang papaya, pinya, mangga, saging, kahel, nakatatakam na prutas na nilagyan sa ibabaw ng ginadgad na niyog o ng gata ng niyog mismo.
Ganito ang sabi ng isang matandang kasabihan: “Siya na nagtatanim ng punong niyog ay nagtatanim . . . ng pagkain at inumin, isang tirahan para sa kaniyang sarili at pamana sa kaniyang mga anak.” Sa gayon, ang mistulang-tamad na punong niyog ay malayo sa pagiging tamad. At bagaman maaaring pagtalunan kung tunay nga bang ito ang punong kapaki-pakinabang sa lahat para sa tao o hindi, tiyak na ito’y sungay ng kasaganaan para sa lupaing ito sa Aprika!