Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 1/8 p. 11-15
  • Ang Aking Poot ay Nauwi sa Pag-ibig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Aking Poot ay Nauwi sa Pag-ibig
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pakikipagkita Ko Kay Hitler
  • Maagang Impluwensiya ng Partido Nazi
  • Ang Paglilingkod Ko sa Kampong Piitan ng Buchenwald
  • Ang Wakas ng Aking “Mesiyas”
  • Malaking Pagbabago sa Aking Buhay
  • Marami Pa Akong Dapat Matutuhan
  • Balik sa Zeppelin Meadow, Nuremberg
  • Tumatanaw sa Isang May Pag-asang Hinaharap
  • Ibinunyag ang mga Kabuktutan ng Nazismo
    Gumising!—1995
  • Pag-iingat ng Katapatan sa Nazing Alemanya
    Gumising!—1985
  • Ang Holocaust—Mga Biktima o mga Martir?
    Gumising!—1989
  • Dating Opisyal ng SS, Ngayo’y Lingkod ng Tunay na Diyos
    Gumising!—2010
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 1/8 p. 11-15

Ang Aking Poot ay Nauwi sa Pag-ibig

Gaya ng inilahad ni Ludwig Wurm

Ito ang pinakamalamig na gabi na aking naranasan​—52 digris Celsius na mababa sa sero. Ang petsa: Pebrero 1942​—kalagitnaan ng taglamig at ng panahon ng digmaan. Ang dako: ang Rusong larangan malapit sa Leningrad. Ako’y isang sundalo sa Alemang Waffen-SS (Waffen Schutzstaffel), isang piling sandatahang lakas. Kami ng isang sarhento ay binigyan ng kakila-kilabot na atas na maglibing ng mahigit na 300 kasamahang sundalo, karamihan ay namatay sa kanilang mga kanlungang hukay​—nagyelo sa kamatayan. Gayunman, ang lupa ay nagyeyelo anupat imposibleng ilibing sila. Sa halip, itinambak namin ang matitigas na bangkay sa likod ng mga bahay na walang tao, na parang mga troso. Kailangang maghintay sila hanggang sa tagsibol upang sila’y ilibing.

HINDI sapat na sabihing ang kakila-kilabot na atas na ito ay nakasusuklam. Sa aking kaimbihan ako’y napasigaw, na may kasamang pagluha: “Unterscharführer (sarhento), masasabi mo ba sa akin kung ano ang kahulugan ng lahat ng walang-saysay na pagpatay na ito? Bakit gayon na lamang ang pagkapoot sa daigdig? Bakit kailangang magkaroon ng mga digmaan?” Sinagot niya ako sa isang mababang tinig: “Ludwig, talagang hindi ko alam. Maniwala ka sa akin, hindi ko rin maunawaan kung bakit gayon na lamang ang paghihirap at pagkapoot sa daigdig.”

Pagkaraan ng dalawang araw ako ay tinamaan sa leeg ng isang sumasabog na bala na nagpangyari sa akin na malumpo, mawalan ng malay, at halos mamatay.

Subalit ang aking walang-lubay na mga tanong ay nagpangyari sa akin sa wakas na maranasan ko mismo kung paanong ang poot at pagkasiphayo ay mauwi sa pag-ibig at pag-asa. Hayaan mong ipaliwanag ko.

Ang Pakikipagkita Ko Kay Hitler

Ako’y isinilang sa Austria noong 1920. Ang aking ama ay Lutherano, at ang aking ina ay Katoliko. Ako’y pumapasok sa isang pribadong paaralang Lutherano, kung saan ako’y regular na tumanggap ng relihiyosong pagtuturo mula sa isang klerigo. Subalit hindi ako tinuruan tungkol kay Jesu-Kristo bilang ang Tagapagligtas. Ang pagdiriin ay laging ipinatutungkol sa isang “führer na isinugo ng Diyos,” si Adolf Hitler, at ang binabalak na Imperyong Pan-Aleman. Ang aking aklat-aralin ay waring ang aklat ni Hitler na Mein Kampf (Ang Aking Pagpupunyagi) sa halip na ang Bibliya. Pinag-aralan ko rin ang aklat ni Rosenberg na Der Mythos des 20. Jahrhunderts (Ang Alamat ng Ika-20 Siglo), kung saan sinikap niyang patunayan na si Jesu-Kristo ay hindi isang Judio kundi isang blond na Aryan!

Ako’y kumbinsido na si Adolf Hitler ay talagang isinugo ng Diyos, at noong 1933, buong pagmamalaking ako’y sumama sa kilusan ng Hitler Youth. Maguguniguni mo ang katuwaan nang ako’y mabigyan ng pagkakataon na makatagpo si Hitler nang personal. Hanggang sa ngayon, tandang-tanda ko pa ang paraan ng pagtitig niya sa akin ng kaniyang di-pangkaraniwang tingin na tumatagos. Nagkaroon ito ng gayon na lamang epekto sa akin anupat pag-uwi ko ng bahay, sinabi ko kay Inay: “Mula ngayon ang aking buhay ay hindi na po ninyo pag-aari. Ang aking buhay ay pag-aari ng aking führer, si Adolf Hitler. Kung may makita akong sinuman na magsisikap na patayin siya, ihahagis ko ang aking sarili sa harap niya upang iligtas ang kaniyang buhay.” Pagkalipas lamang ng mga taon saka ko naunawaan kung bakit si Inay ay umiyak at niyakap ako nang husto.

Maagang Impluwensiya ng Partido Nazi

Noong 1934 ang National Socialists ay naghimagsik laban sa pamahalaan ng Austria. Noong panahon ng alitang ito ang Kansilyer na si Engelbert Dollfuss, na tutol sa pagkakaisa ng Austria at Alemanya, ay pataksil na pinatay ng mga Nazi. Ang mga lider ng himagsikan ay dinakip, nilitis, at hinatulan ng kamatayan. Saka ipinakilala ng pamahalaan ng Austria ang batas-militar, at ako’y naging aktibo sa pailalim na kilusan ng National Socialist German Workers’ Party​—ang partido Nazi.

Saka dumating ang Anschluss, ang pagsanib, ng Austria sa Alemanya noong 1938, at ang partido Nazi ay naging legal. Di-nagtagal ako’y kabilang sa matapat na mga miyembro ng partido na inanyayahan ni Hitler nang taon ding iyon na dumalo sa taunang rali ng partido Reich sa Nuremberg sa Zeppelin Meadow. Doon ay nakita ko ang pagtatanghal ni Hitler ng kaniyang lumalaking kapangyarihan. Ang kaniyang bombastikong mga talumpati, na nakagagayuma sa mga nakikinig, ay punô ng poot laban sa lahat ng salansang sa Partido Nazi, pati na sa internasyonal na pagka-Judio at sa International Bible Students, ngayo’y kilala bilang mga Saksi ni Jehova. Tandang-tanda ko pa ang kaniyang paghahambog: “Ang kaaway na ito ng Dakilang Alemanya, ang grupong ito ng International Bible Students, ay malilipol sa Alemanya.” Kailanman ay wala pa akong nakakatagpong mga Saksi ni Jehova, kaya nagtataka ako kung sino itong mapanganib na mga taong ito na sinasabi niya taglay ang gayong pagkasuklam.

Ang Paglilingkod Ko sa Kampong Piitan ng Buchenwald

Sa pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II noong 1939, agad akong nagboluntaryong sumama sa piling sandatahang lakas ng Alemanya, ang Waffen-SS. Kumbinsido ako na ang anumang sakripisyo na hinihiling na gawin ko sa digmaang ito ay mabibigyan ng katuwiran, sapagkat ang aming führer ay isinugo ng Diyos, hindi ba? Subalit ako’y naligalig noong 1940, habang ang aming mga kawal ay nagtungo sa Luxembourg at Belgium tungo sa Pransiya, nang makita ko sa kauna-unahang pagkakataon nang malapitan ang isang patay na sundalo​—isang may hitsurang binatang Pranses. Hindi ko maintindihan kung bakit nanaising isakripisyo ng mga kabataang Pranses ang kanilang buhay sa isang digmaan na tiyak na ang Alemanya ang mananalo, yamang ang Diyos ay nasa aming panig.

Ako’y nasugatan sa Pransiya at inuwi upang mapaospital sa Alemanya. Pagkatapos kong gumaling ako’y inilipat na maglingkod sa panlabas na perimetro ng kampong piitan ng Buchenwald, malapit sa Weimar. Kami’y tumanggap ng mahigpit na mga tagubilin mula sa aming mga opisyal na huwag makihalubilo sa Totenkopfverbände (Ulo ng Kamatayan) kampong mga bantay na SS o sa mga bilanggo. Kami’y lalo nang pinagbawalang pumasok sa bahaging tuluyan ng mga bilanggo, na napaliligiran ng isang mataas na pader na may malaking tarangkahan. Sa itaas ng tarangkahan ay may isang karatula: “Arbeit Macht Frei” (Ang Trabaho ay Nagpapalaya). Tanging ang mga bantay na SS na may pantanging mga pases lamang ang makapapasok sa dakong ito.

Araw-araw sa loob ng kampo, nakikita namin ang mga bilanggo habang nagmamartsa sila patungo sa kanilang mga atas na trabaho na pinangungunahan ng isang bantay na SS at isa pang bilanggo na nangangasiwa na tinatawag na isang Kapo. May mga Judio na may insigniya ng estrelya ni David sa mga diyaket na suot nila, ang pulitikal na mga bilanggo na may pulang tatsulok na insigniya, ang mga kriminal na may itim na bilog, at ang mga Saksi ni Jehova na may insigniyang lilang tatsulok.

Kapansin-pansin ang pambihirang nakangiting mga mukha ng mga Saksi. Batid ko na sila’y nabubuhay sa ubod ng samang mga kalagayan; gayunman inihaharap nila ang kanilang mga sarili taglay ang dignidad na nagpapasinungaling sa kanilang buto’t balat na hitsura. Yamang wala ako talagang nalalaman tungkol sa kanila, nagtanong ako sa aming nakatataas na mga opisyal kung bakit ang mga Saksi ay ipinadala sa mga kampong piitan. Ang sagot ay na sila’y isang Judio-Amerikanong sekta na lubhang nauugnay sa mga Komunista. Subalit ako’y naintriga ng kanilang mahusay na asal, ng kanilang hindi nagkokompromisong mga simulain, at ng kanilang kalinisan sa moral.

Ang Wakas ng Aking “Mesiyas”

Noong 1945 ang daigdig na pinaniwalaan ko ay bumagsak. Ang aking “diyos,” si Adolf Hitler, na tinatawag ng mga klero bilang ang führer na isinugo ng Diyos, ay napatunayang isang huwad na mesiyas. Ang kaniyang balak na Tausendjahrige Reich (Sanlibong Taóng Pamamahala) ay ganap na nasa kagibaan pagkaraan lamang ng 12 taon. Siya rin ay isang duwag na tinakasan ang kaniyang pananagutan sa pagpatay ng milyun-milyong lalaki, babae, at mga bata sa pamamagitan ng pagpapakamatay. Ang kasunod na balita tungkol sa pagsabog ng unang bomba atomika sa Hapón ay halos nagpangyari sa akin na masiraan ng bait.

Malaking Pagbabago sa Aking Buhay

Di-nagtagal ang mga kapootan sa Digmaang Pandaigdig II ay natapos, ako’y isinuplong sa U.S. Army CIC (Counterintelligence Corps), isang bahagi ng sumasakop na hukbo ng Estados Unidos. Ako’y dinakip bilang isang Nazi at isang miyembro ng Waffen-SS. Ang aking maibiging katipan, si Trudy, sa wakas ay nakakita ng isang doktor na, dahil sa mga epekto na nararanasan ko mula sa isang pinsala sa gulugod, siyang kumumbinsi sa CIC na palayain ako sa bilangguan dahil sa aking kalusugan. Saka ako ipinailalim ng house arrest hanggang sa mapawalang-sala ang lahat ng mga paratang sa akin na pagiging isang kriminal ng digmaan.

Bilang isang taong nasalanta ng digmaan, ako’y ipinadala sa ospital na nagpapauwi sa sariling bayan sa Alps ng Austria para sa medikal na pagsusuri. Pagkatapos isang pantanging magandang umaga ng tagsibol habang ako’y nasisiyahan sa makapigil-hiningang tanawin at mainit na sikat ng araw at nakikinig sa magandang mga awit ng mga ibon, ako’y bumigkas ng isang maikling panalangin mula sa kaibuturan ng aking puso: “Diyos, kung talagang umiiral ka, masasagot mo ang aking maraming nakalilitong tanong.”

Pagkaraan ng ilang linggo, pag-uwi ko sa bahay, isa sa mga Saksi ni Jehova ay dumalaw sa aking tahanan. Tinanggap ko ang literatura sa Bibliya mula sa kaniya. Bagaman siya’y regular na dumadalaw muli tuwing Linggo ng umaga, hindi ko seryosong pinag-isipan o binasa ang literatura na iniwan niya nang panahong iyon. Gayunman, isang araw umuwi ako ng bahay mula sa trabaho na mas nanlulumo kaysa rati. Iminungkahi ng asawa ko na magbasa ako upang makapagpahingalay ang aking isip.​—isang bukleta na iniwan ng mga Saksi na pinamagatang Peace​—Can It Last?

Sinimulan kong basahin ang bukleta at nasumpungan ko na hindi ko ito maibaba hanggang sa mabasa ko itong lahat. Sinabi ko sa misis ko: “Ang bukletang ito ay inimprenta noong 1942. Kung may nagsabi noon sa lansangan na si Hitler at si Mussolini ay matatalo sa digmaan at na ang Liga ng mga Bansa ay muling lilitaw sa anyo ng Nagkakaisang mga Bansa, iisipin ng mga tao na siya’y nasisiraan ng isip. Subalit kung ano ang aktuwal na nangyari noon ay siya mismong sinabi ng bukletang ito na mangyayari. May Bibliya ba tayo rito upang matingnan ko ang mga reperensiyang ito sa Kasulatan?”

Ang aking asawa ay nagtungo sa atik at nakasumpong ng isang lumang salin ng Bibliya ni Luther. Sinuri ko ang mga talata ng Bibliya na nakatala sa bukleta. Di-nagtagal natutuhan ko ang mga bagay na kailanman ay hindi ko pa narinig noon. Natutuhan ko ang tungkol sa pangako ng Bibliya na isang bagong sanlibutan dito mismo sa lupa sa ilalim ng Mesianikong Kaharian ng Diyos. Ang tunay na pag-asang ito para sa isang maligaya at tiwasay na kinabukasan ay ipinababanaag sa mga salita ni Jesus sa modelong panalangin na madalas kong inuulit-ulit bilang isang bata: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” At sa laking pagtataka ko, nalaman ko na ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang Maylikha ng langit at ng lupa, ay may personal na pangalan, Jehova.​—Mateo 6:9, 10; Awit 83:18.

Di-nagtagal ay nagsimula akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Sa aking unang pulong, nakilala ko ang isang may edad nang babae na ang anak na babae at manugang na lalaki ay pinatay sa isang Alemang kampong piitan dahil sa kanilang pananampalataya. Hiyang-hiya ako. Ipinaliwanag ko sa kaniya na dahil sa aking mga kaugnayan noon, batid ko mismo kung ano ang naranasan niya at ng kaniyang pamilya, at dahil sa pakikisama ko sa mga may pananagutan dito, may karapatan siyang duraán ako sa mukha dahil sa pagkamuhi.

Sa pagtataka ko, sa halip na poot, mga luha ng kagalakan ang bumalong sa kaniyang mga mata. Niyapos niya ako nang mahigpit at sinabi: “Oh, tunay na kahanga-hanga na ipinahihintulot ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, na ang mga tao mula sa magkalabang grupo ay mapunta sa kaniyang banal na organisasyon!”

Sa halip na poot na nakita ko sa paligid ko, ang mga taong ito ay talagang nagpapabanaag ng walang-imbot na pag-ibig ng Diyos​—tunay na pag-ibig Kristiyano. Natatandaan kong nabasa ang sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Ito mismo ang hinahanap ko. Ngayon ako naman ang umiyak. Umiyak ako na parang bata, sa pagpapahalaga sa gayong kahanga-hangang Diyos, si Jehova.

Marami Pa Akong Dapat Matutuhan

Nang maglaon ay inialay ko ang aking buhay sa Diyos na Jehova at ako’y nabautismuhan noong 1948. Subalit agad kong natuklasan na marami pa akong dapat matutuhan. Halimbawa, yamang ako’y lubusang na-brainwash ng Nazismo, hindi ko maintindihan kung bakit ang organisasyon ni Jehova kung minsan ay naglalathala ng mga artikulo laban sa ubod ng sama na mga SS. Ikinatuwiran ko na kami bilang mga indibiduwal ay hindi dapat sisihin. Kami’y mga sundalo lamang, at karamihan sa amin ay talagang walang kaalam-alam sa kung ano ang nangyayari sa mga kampong piitan.

Pagkatapos isang araw isang mahal na kapatid na nakauunawa ng problema ko at siya man ay nagdusa sa loob ng maraming taon sa isang kampong piitan ay umakbay sa akin at nagsabi: “Brother Ludwig, makinig kang mabuti sa akin. Kung nahihirapan kang pahalagahan ang puntong ito at nasusumpungan mong ito’y nakababalisa sa iyo, basta alisin mo ito sa iyong isipan. Pagkatapos ay ipaubaya mo ang iyong problema kay Jehova sa panalangin. Maniwala ka na kung gagawin mo ito, darating ang araw na bubuksan ni Jehova ang isang pagkaunawa tungkol dito at sa anumang iba pang bagay na bumabagabag sa iyo.” Pinakinggan ko ang kaniyang pantas na payo, at sa paglipas ng mga taon, nasumpungan ko na ito nga ang siyang nangyari. Sa wakas naunawaan ko na ang buong sistema ng National Socialism, pati na ang SS nito, ay isa lamang makadiyablong bahagi ng buong pandaigdig na sistema ni Satanas na Diyablo.​—2 Corinto 4:4.

Balik sa Zeppelin Meadow, Nuremberg

Maguguniguni mo ba kung anong kapana-panabik na bahagi ng buhay ko na makabalik sa Nuremberg noong 1955 at doon ay dumalo sa “Triumphierendes Koenigreich” (Matagumpay na Kaharian) na Asamblea ng mga Saksi ni Jehova! Oo, ang asambleang ito ay ginanap sa mismong dako kung saan narinig kong ipinagmalaki ni Hitler na lilipulin niya ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Dito, sa loob ng isang buong linggo, mahigit na 107,000 Saksi ni Jehova at mga kaibigan mula sa buong mundo ang nagsama-sama sa pagsamba. Walang tulakan; walang nagsisigawan. Isang tunay na nagkakaisa, internasyonal na pamilya na mapayapang namumuhay na magkakasama.

Mahirap ilarawan ang mga damdamin na nadama ko nang sa asambleang iyon ay nakilala ko ang ilan sa dati kong mga kasama sa Waffen-SS na ngayo’y nag-alay nang mga lingkod ng Diyos na Jehova. Isa ngang maligayang muling pagsasama!

Tumatanaw sa Isang May Pag-asang Hinaharap

Mula nang aking pag-aalay at bautismo, ako ay nagkaroon ng pribilehiyo ng pagdaraos ng ilang pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa dating mga Nazi sa Austria. Ang ilan din sa kanila ngayon ay nag-alay na mga Saksi ni Jehova. Noong 1956, ako’y nandayuhan mula sa Austria, at ngayon ako’y nakatira sa Australia. Dito ay tinamasa ko ang pribilehiyo ng paglilingkod sa buong-panahong ministeryo. Gayunman, kamakailan, dahil sa tumatanda na at nanghihinang kalusugan ay natatakdaan ang aking gawain.

Isa sa marubdob kong pag-asa ay ang salubungin mula sa mga patay ang ilan sa mga tapat na lalaki at babae na hindi nakipagkompromiso sa balakyot na sistema ng Nazi at pinatay sa mga kampong piitan dahil sa kanilang katapatan.

Samantala, sa pinakaliteral na paraan, naranasan kong makita ang mapangwasak na katangian ng poot na nauwi sa pag-ibig at pag-asa. Ang aking matibay na pag-asa ngayon ay yaong mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa sa kasakdalan ng tao, malaya sa sakit at kamatayan​—isang pag-asa hindi lamang para sa akin kundi para sa lahat niyaong mapakumbabang nagpapasakop ng kanilang sarili sa ngayo’y nagpupunong Hari na hinirang ni Jehova, si Kristo Jesus. Sa kaso ko talagang may paniniwalang mauulit ko ang mga salita ni apostol Pablo: “Ang pag-asa ay hindi umaakay sa pagkabigo; sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng banal na espiritu, na ibinigay sa atin.”​—Roma 5:5.

[Larawan sa pahina 13]

Suot ang aking unipormeng SS

[Mga larawan sa pahina 14, 15]

Ang 1955 “Matagumpay na Kaharian” na Asamblea ng mga Saksi ni Jehova na ginanap sa Nuremberg sa dako kung saan dating idinaos ni Hitler ang kaniyang taunang mga raling Nazi

[Credit Line]

U.S. National Archives photo

[Larawan sa pahina 15]

Taglay ang aking portpolyo, handang mangaral sa Australia

[Picture Credit Line sa pahina 11]

UPI/Bettmann

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share