Mga Pinalayas at mga Naglayas
“PINUTOL ko ang aking buhok, nagdamit akong parang lalaki, naglagay ako ng mga kadena at mga kandado sa palibot ng aking leeg, at nagtuhog ako ng isang imperdible sa aking pisngi, at sa ganitong paraan ay sinimulan ko ang aking buhay bilang isang punk.”—Tamara.
Kung makikita mo si Tamara sa mga lansangan, mahuhulaan mo bang siya’y nalulumbay, inabusong tin-edyer na ang buhay pampamilya ay nagpangyari sa kaniya na magmakaawa para sa pansin at pagmamahal sa pamamagitan ng kaniyang gawi at ayos? Iisipin mo bang siya ay isang rebelde na naghahanap ng problema sa mga batas ng pamahalaan at marahil ng isang buhay na paggawa ng krimen? Isinisiwalat ni Tamara sa Gumising! ang nakatatakot na mga pangyayari na umakay sa uri ng buhay na pinamuhayan niya mula sa gulang na 14, isang istilo ng buhay na hinding-hindi niya hinangad.
Mga Pinalayas
Ganito ang sabi ni Tamara: “Ako’y lumaki sa isang maliit na bayan sa bundok ng Italya, sa isang pamilyang hindi nagpapakita ng pagmamahal. Nakalulungkot nga, nasaksihan ko ang matinding mga pagtatalo na namagitan sa aking mga magulang at ang mga insultong nakasusuklam banggitin na naglipana sa mga pagkakataong iyon. Madalas na ako’y nasasangkot sa away at walang-awang nabubugbog ng aking walang-pusong ama. Tinitiis ko ang mga latay sa loob ng ilang linggo.
“Nang ako’y edad 14, ako’y binigyan ng aking ama ng ilang dolyar at isang tiket sa tren na walang pabalik na tiket tungo sa pinakamalapit na lungsod, kung saan maraming panganib. Nakipagkaibigan ako sa ibang mga kabataan na, gaya ko, ay wala nang interesado pa sa kanila. Marami sa amin ang naging mga alkoholiko. Ako’y naging arogante, bastos, at agresibo. Madalas na ako’y hindi kumakain. Isang gabi noong taglamig kami ng aking mga kaibigan ay nagsunog ng muwebles upang magpainit. Gustung-gusto ko na magkaroon ng isang pamilya na mangangalaga sa akin, maging interesado sa aking mga damdamin, sa aking mga pagkabalisa, sa aking mga pangamba. Ngunit ako’y nag-iisa, talagang nag-iisa.”
May daan-daang libong “Tamara” sa daigdig ngayon. Sa bawat kontinente, may mga batang iniwan ng mga magulang na nagpabaya sa kanilang mga pananagutan.
Mga Naglayas
Ang ibang kabataan ay nagpasiyang umalis ng bahay dahil “totoong nakatatakot na dako ito para sa kanila upang manatili; napakasakit nito, napakapanganib nito, at sila’y naglalayas tungo sa mga lansangan.”—New York State Journal of Medicine.
Sa gulang na siyam na taon, si Domingos ay iniwan sa isang ampunan nang ang kaniyang ina ay muling mag-asawa. Dahil sa mga pagpalo na naranasan niya sa mga pari, nagbalak siyang tumakas. Siya’y kinuhang muli ng kaniyang ina, subalit siya’y dumanas ng paulit-ulit na pagpalo ng kaniyang amain. Ang paglalayas ang tanging paraan na siya’y nakasumpong ng ginhawa mula sa kalupitan sa tahanan.
Nakalulungkot naman, “milyun-milyong bata ang hindi makapagtiwala sa mga adulto sa kanila mismong mga sambahayan para sa pinakakaunting pamantayan ng ligtas na pangangalaga,” sulat ni Anuradha Vittachi sa kaniyang aklat na Stolen Childhood—In Search of the Rights of the Child. Sumulat din siya: “Tatlong bata sa isang araw ay tinatayang mamamatay dahil sa pag-abuso sa mga kamay ng kanilang mga magulang sa Estados Unidos.” Sa maraming kaso, ang seksuwalidad ng bata ay hinahalay sa halip na pangalagaan ng isang miyembro ng pamilya.
Pinagsasamantalahan at Pinahihirapan
Si Domingos ay napilitang mamuhay na kasama ng ibang batang lansangan na nasangkot sa pandurukot at pagnanakaw, gayundin ng pag-abuso at pagbibili ng bawal na gamot. Kalunus-lunos naman, marami na lumayas mula sa masamang mga kalagayan sa tahanan ay pinagsasamantalahan naman ng mga bugaw, mga pedophile, at mga sindikato ng pornograpya. Gutom at nag-iisa, ang mga kabataang ito ay inaalok ng isang dakong matitirhan at pinangangakuan ng isang “nagmamalasakit” na adulto, upang masumpungan lamang na ibinabayad nila ang kanilang mga katawan sa isang buhay ng prostitusyon. Walang mga kasanayan sa trabaho, marami ang natututong mabuhay sa mga lansangan sa anumang paraang magagawa nila, pati na ang maakit at mang-akit. Ang ilan ay namamatay. Droga, alak, pagpatay, at pagpapatiwakal ang sumasawi sa maraming kabataang biktima.
Nagkokomento tungkol sa buhay ng mga batang lansangan, isang dating batang patutot ang nagsabi: “Nakakatakot dito sa lansangan. Alam mo, ang nakababalisa sa akin ay na maraming [tao] ang nag-aakala na kapag nakakita sila ng isang batang natutulog sa isang tren, o kapag nakakita sila ng isang batang lumalaboy sa lansangan sa lahat ng panahon, akala nila ito’y dahil sa gusto nila ito. Ngayon na ako’y mas matanda na, hindi gayon ang palagay ko. Ang mga batang ito ay nagpapahiwatig ng isang matinding pangangailangan sa kanilang natatanging paraan. Ayaw nilang magkagayon, ngunit ayaw naman sa kanila ng kanilang mga magulang.”
Paghahanap ng “Kalayaan”
May iba pang daan-daang libong kabataan na iniulat na nawawala sa tahanan ang naakit sa mga lansangan ng mga kalayaang inaakala nilang nasa labas ng kanilang tahanan. Ang ilan ay nais ng kalayaan mula sa karukhaan. Ang iba naman ay nagnanais ng kalayaan mula sa awtoridad at pangangasiwa ng magulang na inaakala nilang napakahigpit.
Isang kabataan na nakatikim ng tinatawag na kalayaan mula sa pangangasiwa ng magulang at mula sa mga simulain ng isang tahanang Kristiyano ay nagngangalang Emma. Umalis ng bahay para sa isang buhay na kasama ng kaniyang mga kaibigan, siya’y napaalipin sa droga. Subalit pagkatapos maranasan ang malupit na buhay sa mga lansangan, si Emma ay nagpahayag ng pagnanais na umuwi at wakasan ang kaniyang bisyo sa droga. Gayunman, nakalulungot na hindi niya pinutol ang pakikisama niya sa masasamang kasama, at noong isang gabi ng tag-araw na kasama ng kaniyang mga kaibigan, sila’y nagturok ng heroin. Para kay Emma ito ang huling pagkakataon. Siya’y nakoma at namatay kinabukasan, nag-iisa at iniwan ng kaniyang “mga kaibigan.”
Maaari kayang bumuti pa ang kinabukasan ng mga batang naging biktima ng kanilang mga magulang o ng iba? Magkakaroon pa ba ng isang daigdig na hindi na magsasamantala sa mga kabataan? Anong pag-asa mayroon na ang buhay pampamilya ay maaaring bumuti at pahalagahan upang ang mga kabataan ay hindi maglayas? Ang mga sagot ay masusumpungan sa susunod na artikulo.