Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 2/8 p. 24-25
  • Pukyutan Laban sa Computer

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pukyutan Laban sa Computer
  • Gumising!—1995
  • Kaparehong Materyal
  • Pag-aalaga ng Pukyutan—Isang “Matamis” na Kuwento
    Gumising!—1997
  • Bubuyog
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kailan Hindi Bubuyog ang Bubuyog?
    Gumising!—1997
  • Kilalanin ang mga Pukyutan na Walang Tibo sa Australia
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 2/8 p. 24-25

Pukyutan Laban sa Computer

GAANO kagaling ang isang pangkaraniwang pukyutan? Maliwanag, higit na magaling kaysa pinakamahuhusay na supercomputer sa ngayon. At ang mga ito’y kababalaghan ng pagkaliliit na bagay.

Ang isa sa pinakamahusay na mga computer sa daigdig ay nakaaabot sa nakagugulat na bilis ng pagpoproseso na 16 gigaflops. Sa pangkaraniwang salita, nagagawa ng gayong computer ang 16 na bilyong simpleng pagkalkula sa aritmetika, gaya ng pagsasama ng dalawang bilang, sa bawat segundo. Sa kabaligtaran, ang maingat na pagbilang sa lahat ng pangyayaring elektrikal at kemikal na nagaganap sa utak ng pukyutan ay nagpapakita na ang hamak na pukyutan ay nakagagawa ng katumbas na sampung trilyon na pagkalkula sa bawat segundo. Kamangha-mangha!

Ang lahat ng iyan ay ginagawa ng pukyutan samantalang kumukunsumo ng napakakaunting lakas kaysa computer. Ayon sa magasing Byte, “ang utak ng isang pukyutan ay gumagamit ng wala pang 10 microwatts. . . . Ito’y nakahihigit ng halos makapito sa sampung antas ng lakas kaysa sa pinakamahusay na ginawang mga computer sa ngayon.” Kaya naman, ang mahigit na sampung milyong utak ng pukyutan ay maaaring mapaandar sa lakas ng kuryente na kailangan para sa isang 100-watt na bombilya. Ang pinakamahuhusay na computer sa ngayon ay gumagamit ng enerhiya na daan-daan milyong ulit ang kahigitan upang makapagsagawa ng katumbas na dami ng pagpapaandar.

Subalit, ang mga pukyutan ay higit pa ang nagagawa kaysa mga computer. Ang mga ito’y nakakikita ng kulay, nakaaamoy, nakalilipad, nakapaglalakad, at nakapagpapanatili ng kanilang timbang. Ang mga ito’y nakapaglalayag sa malalayo upang maghanap ng mga mapagkukunan ng nektar at pagkatapos ay bumabalik sa bahay-pukyutan at itinuturo ang mga lugar sa kapuwa pukyutan. Ang mga ito ay mahuhusay rin namang kimiko. Nagdaragdag ang mga ito ng pantanging mga enzyme sa nektar upang makagawa ng pulut-pukyutan. Ang mga ito’y gumagawa ng pagkit na ginagamit sa paggawa at pagkukumpuni ng kanilang mga bahay-pukyutan. Ang mga ito’y naghahanda ng pantanging mga pagkain, gaya ng royal jelly at beebread, para sa kanilang mga anak na pukyutan. Iniingatan ng mga ito ang bahay-pukyutan sa pamamagitan ng pagkilala at pagpapalayas sa mga nanghihimasok.

Yamang ang mga ito’y mahuhusay na tagapag-ingat ng bahay, laging inaalis ng mga ito ang basura at dumi sa bahay-pukyutan. Nakokontrol ng mga ito ang init at lamig sa bahay-pukyutan sa pamamagitan ng pagsisiksikan upang magpainit kung taglamig o pagpapapasok ng sariwang hangin at pagwiwisik ng tubig kung tag-araw. Kapag ang tahanan ng mga ito ay nagsisikip na, ang mga pukyutan ay matatalino upang malaman na kailangan nang umalis ng ilan. Kaya ang mga ito’y namimili ng bagong reyna para sa dati nang bahay-pukyutan, at ang dati nang reyna at marami sa mga manggagawa ay nagkukuyog upang magtatag ng bagong kolonya. Kaya naman, ang unang mga nag-iiskawt na pukyutan ay isinusugo upang magsuri ng bagong mga lugar. Pagkatapos ang mga ito’y bumabalik at nag-uusap-usap, wika nga, ang “tagapangunang” mga pukyutan ang umaakay sa kuyog sa bagong tahanan nito.

Ginagawa ng hamak na mga pukyutan ang lahat ng ito nang walang anumang tulong o patnubay mula sa iba. Ang mga ito’y kumikilos nang di-umaasa sa iba. Subalit, ang mga supercomputer ay nangangailangan ng mga pangkat ng mga programmer, inhinyero, at mga tekniko. Hindi talaga maihahambing! Ang mga pukyutan ay totoong kababalaghan ng pagkaliliit na bagay.

[Picture Credit Line sa pahina 25]

L. Fritz/H. Armstrong Roberts

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share