Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 2/22 p. 7-11
  • Pagharap sa Ménopós

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagharap sa Ménopós
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kapag Mas Mabuting Nahaharap Ito ng mga Babae
  • Kung Ano ang Kailangan ng mga Babae
  • Pagkain at Ehersisyo
  • Pagharap sa Pag-iinit ng Katawan
  • Kumusta Naman ang Tungkol sa Kaigtingan?
  • Makatutulong ang mga Miyembro ng Pamilya
  • Ang Buhay Pagkatapos ng Ménopós
  • Pagkakaroon ng Higit na Pagkaunawa
    Gumising!—1995
  • Pagharap sa mga Hamon ng Menopause
    Gumising!—2013
  • Pagsisiwalat ng mga Lihim Nito
    Gumising!—1995
  • “Estrogen Replacement Therapy”—Ito ba’y Para sa Iyo?
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 2/22 p. 7-11

Pagharap sa Ménopós

ANG ménopós ay “isang natatanging indibiduwal na karanasan” at “ang pasimula ng isang bago at nagpapalayang kabanata sa iyong buhay,” sabi ng mga awtor ng Natural Menopause​—The Complete Guide to a Woman’s Most Misunderstood Passage. Ipinakikita ng pananaliksik na mientras mas mabuti ang pakiramdam mo tungkol sa iyong sarili at sa iyong buhay​—ang iyo mismong pagpapahalaga-sa-sarili at pagkakakilanlan—​magiging mas madali ang pagbabago ng kalagayan.

Ipagpalagay na, mas mahirap ang panahong ito ng buhay para sa ilang babae kaysa iba. Kung nagkakaproblema ka, hindi ito nangangahulugan na may mga problema ka tungkol sa pagpapahalaga-sa-sarili o na ikaw ay nasisiraan ng bait, nawawala ang iyong pagkababae, ang iyong katalinuhan, o ang iyong interes sa sekso. Bagkus, ang problema ay pangkaraniwan nang biyolohikal.

“Kahit na ang mga babaing dumaranas ng matinding mga sintoma sa panahon ng ménopós ay nagsasabing sila’y nagkaroon ng isang bagong layunin at lakas pagkatapos ng ménopós,” ulat ng Newsweek. Sa pananalita ng isang 42-anyos: “Inaasam-asam ko ang katahimikan, ang panahon kapag ang mga sintoma ng aking katawan ay hindi na makalilito sa akin.”

Kapag Mas Mabuting Nahaharap Ito ng mga Babae

Kung paano itinuturing ang nakatatandang mga babae ay isang mahalagang salik sa kung gaano kahusay nila mahaharap ang ménopós. Sa mga dako kung saan ang kanilang pagkamaygulang, karunungan, at karanasan ay pinahahalagahan, ang panahon ng ménopós ay may kaunting pisikal at emosyonal na mga karamdaman.

Halimbawa, ang The Woman’s Encyclopedia of Health and Natural Healing ay nag-uulat na sa mga tribo sa Aprika “kung saan ang ménopós ay tinatanggap bilang isang bahagi ng buhay, at ang mga babaing nagménopós na ay iginagalang dahil sa kanilang karanasan at karunungan, ang mga babae ay bihirang magreklamo tungkol sa mga sintoma ng ménopós.” Sa katulad na paraan, ang The Silent Passage​—Menopause ay nagsasabi: “Ang mga babaing Indian ng uring Rajput ay hindi nagrereklamo tungkol sa panlulumo o sikolohikal na mga sintoma” sa panahon ng ménopós.

Sa Hapón man kung saan ang nakatatandang mga babae ay lubhang iginagalang, ang paggamot sa ménopós sa pamamagitan ng hormone ay talagang hindi kilala. At, ang mga babaing taga-Asia ay maliwanag na may kakaunti at di-gaanong matinding mga sintoma ng ménopós kaysa mga babae sa Kanluraning kultura. Ang kanilang pagkain ay lumilitaw na isa ring salik.

Aktuwal na inaasam-asam ng mga babaing Maya ang ménopós, ayon sa mga pag-aaral ng isang antropologo. Para sa mga babaing ito ang ménopós ay nangangahulugan ng ginhawa mula sa patuloy na pagdadalang-tao. Walang alinlangan, ito ay nagdadala rin sa kanila ng kalayaan na magtaguyod ng iba pang mga interes sa buhay.

Kasabay nito, ang mga takot na nauugnay sa ménopós ay dapat na hindi waling-bahala na para bang hindi mahalaga. Sa mga kultura na nagdiriin sa kahalagahan ng kabataan at batang hitsura, ang mga babaing hindi pa nakararanas ng ménopós ay madalas na natatakot dito. Para sa gayong mga indibiduwal ano ang magagawa upang maibsan ang mga problema ng pagbabago ng kalagayan?

Kung Ano ang Kailangan ng mga Babae

Si Janine O’Leary Cobb, awtor at nangunguna sa edukasyon tungkol sa ménopós, ay nagpapaliwanag: “Ang kailangan ng maraming babae ay ilang uri ng pagpapatunay sa kanilang nadarama​—na hindi sila nag-iisa.”

Ang pag-unawa, gayundin ang masayang pangmalas, ay mahalaga. Isang 51-anyos na ina na dumaranas ng ménopós ay nagsabi: “Talagang naniniwala akong ang pangkalahatang pangmalas mo sa buhay ang papatnubay sa kung paano mo haharapin ang ménopós. . . . Alam kong nariyan ang pagtanda. Gusto man natin ito o hindi, ito ay mangyayari. . . . Ako’y nagpasiya na ito ay hindi isang sakit. Ito’y bahagi ng aking buhay.”

Kaya habang ang bagong yugtong ito ng iyong buhay ay lumalapit, maglaan ng panahon para sa pagtutuon ng iyong isip sa bago, mapanghamong mga interes. Hindi dapat kaligtaan ang pisikal na mga epekto ng ménopós sa katawan. Iminumungkahi ng mga doktor at ng iba pang awtoridad ang pagsunod sa panlahat na mga simulain ng mabuting kalusugan sa paghahanda para sa pagbabagong ito ng kalagayan​—masustansiyang pagkain, sapat na pahinga, at katamtamang ehersisyo.

Pagkain at Ehersisyo

Ang pangangailangan para sa mga nutriyente (mga protina, carbohydrate, taba, bitamina, mineral) ay hindi nababawasan habang nagkakaedad ang babae, kundi ang nababawasan ay ang kaniyang pangangailangan para sa mga calorie. Kaya nga, mahalaga na kumain ng masustansiyang pagkain at iwasan ang matatamis, matatabang pagkain na “walang calorie.”

Ang regular na ehersisyo ay nakadaragdag sa kakayahang harapin ang kaigtingan at panlulumo. Pinararami nito ang enerhiya at tumutulong upang huwag tumaba. Ang basal metabolic rate ay unti-unting humihina habang nagkakaedad, at malibang palakasin ang metabolismo sa pamamagitan ng ehersisyo, ang mangyayari ay ang unti-unting pagtaba.

Napakahalaga para sa mga babae na malaman na ang ehersisyo kasama ng panustos na kalsiyum ay makapagpapabagal sa pagkakaroon ng osteoporosis, isang kalagayan kung saan ang buto ay napupuno ng maliliit na butas at madaling mabali. Ang aklat na Women Coming of Age ay bumabanggit na ang “tamang aerobics na ginagawa sa loob ng bahay, paglakad, pagtakbo, pagbibisikleta at iba pang isports na aerobic, gayundin ang paggamit ng mga dambel,” ay inaakalang mabuti. Kapansin-pansin, ang osteoporosis ay hindi nasumpungan sa ilang liblib na pamayanan kung saan ang mga tao ay nananatiling aktibo sa pisikal hanggang sa kanilang pagtanda. Sa gayong mga dako ang mga babae ay karaniwang nabubuhay hanggang sa kanilang mga edad 80 at mga edad 90. Gayunman, bago simulan ang anumang programa ng ehersisyo, makabubuting sumangguni sa iyong doktor.

Pagharap sa Pag-iinit ng Katawan

Para sa karamihan ng mga babae, ang pag-iinit ng katawan ay nakayayamot. Gayunman, sa ilan ito ay naging isang tunay na problema sapagkat alin sa ang mga ito ay napakadalas o ito ay patuloy na sumisira sa pagtulog. Ano ang maaaring gawin?

Una sa lahat, huwag mataranta. Ang pagdaragdag ng kabalisahan sa kalagayan ay magpapalala lamang dito. Ang regular na masiglang ehersisyo ay kapaki-pakinabang sapagkat tinutulungan nito ang katawan na makayanan ang labis na init at mas mabilis na lumamig. Subukin din ang simpleng paraan na pag-inom ng isang baso ng malamig na tubig o ilagay ang iyong mga kamay sa malamig na tubig.

Karagdagan pa, ugaliing magsuot ng maluluwang na damit na patung-patong upang ang mga ito ay madaling mahuhubad o maisusuot. Ang koton at lino ay nagpapahintulot na sumingaw ang pawis nang mas mabuti kaysa mga telang sintetik. Sa gabi subukin ang patung-patong na paraan, sa pamamagitan ng ilang kumot na maaaring isahang idagdag o alisin kung kinakailangan. Magtabi ng isang pampalit na pantulog.

Sikaping tiyakin kung ano ang waring pinagmumulan ng iyong pag-iinit ng katawan. Ang pag-inom ng alak, kape, matatamis, at maanghang na mga pagkain ay maaaring pagmulan nito, gaya rin ng paninigarilyo. Ang pag-iingat ng isang talaarawan kung kailan at saan nangyari ang pag-iinit ng katawan ay makatutulong sa iyo na makilala ang mga pagkain at mga gawain na pinagmumulan nito. Pagkatapos ay iwasan ang mga bagay na ito.

Inirerekomenda ng mga manggagamot na nagdadalubhasa sa nutrisyunal na medisina ang iba’t ibang lunas upang bawasan ang pag-iinit ng katawan, gaya ng bitamina E, langis ng evening primrose, at ang mga damong-gamot na ginseng, dong quai, at itim na cohosh. Ayon sa ilang doktor, ang inireresetang mga gamot na Bellergal at clonidine ay nagbibigay ng ginhawa, subalit ang mga pildoras o patse ng estrogen ay sinasabing ang pinakamabisa.a

Ang panunuyo ng kaluban (vagina) ay maaaring malunasan sa pagpapahid ng mga langis na galing sa gulay o prutas, bitamina-E na langis, at mga lubrikanteng gel. Kung ang mga ito ay hindi sapat, ang estrogen cream ay tutulong sa mga gilid ng kaluban na kumapal at dumulas. Bago simulan ang anumang paggamot, makabubuting sumangguni muna sa isang manggagamot.

Kumusta Naman ang Tungkol sa Kaigtingan?

Sa panahon na dapat harapin ng isang babae ang mga pagbabago sa hormone at sa katawan na dumarating na kasama ng ménopós, kadalasang dapat din niyang harapin ang iba pang maigting na mga pangyayari, ang ilan ay nabanggit na sa naunang artikulo. Sa kabilang dako, maaaring ituwid ng positibong mga bagay na gaya ng kapanganakan ng isang apo o ang pagtataguyod ng bagong mga gawain kapag ang mga anak ay nagsialis na ng bahay ang negatibong kaigtingan.

Sa kanilang aklat na Natural Menopause, sina Susan Perry at Dr. Katherine A. O’Hanlan ay nagbigay ng ilang praktikal na mga mungkahi para mas mabuting mapakitunguhan ang kaigtingan. Binanggit nila ang pangangailangan na kilalanin ang mga pinagmumulan ng kaigtingan at saka ang magkaroon ng bigla at mahalagang pagbabago sa isang patuloy na proseso paminsan-minsan. Ito’y maaaring mangahulugan ng paghingi ng tulong sa pangangalaga sa isang miyembro ng pamilya na may talamak na karamdaman. “Magtakda ng katamtamang bilis para sa iyong sarili,” ang payo nila. “Sikaping iwasan ang labis na pag-iskedyul . . . Pakinggan ang mga sintoma ng iyong katawan.” Susog pa nila: “Ang paglilingkod sa iba . . . ay maaaring maging isang malaking tagapagbawas ng kaigtingan. . . . Mag-ehersisyo nang regular. . . . Humingi ng propesyonal na tulong kung ang kaigtingan sa iyong buhay ay hindi mo masawata.”

Makatutulong ang mga Miyembro ng Pamilya

Ang isang babaing dumaranas ng ménopós ay nangangailangan ng emosyonal na pag-unawa at praktikal na tulong. Inilalarawan kung ano ang gagawin niya kapag siya’y nagkakaroon ng mga panahon ng kabalisahan, isang asawang babae ang nagsabi: “Ipinakikipag-usap ko ang mga bagay sa aking asawa, at pagkatapos ng kaniyang madamaying pag-unawa, nakikita ko na ang mga problema ay hindi naman malaki na gaya ng pakiwari ko sa aking balisang kalagayan ng isip.”

Kinikilala rin ng isang sensitibong asawang lalaki na ang kaniyang asawa ay hindi laging mapananatili ang gayunding bilis ng pagkilos samantalang dumaranas ng ménopós. Kaya magiging alisto siya na manguna sa pagtulong sa mga pananagutan ng pamilya, marahil sa paglalaba, pamimili ng pagkain, at iba pa. Palibhasa’y madamayin, uunahin niya ang mga pangangailangan ng kaniyang asawang babae kaysa kaniyang sariling pangangailangan. (Filipos 2:4) Maaaring imungkahi niya ang pagpunta sa isang restauran para kumain paminsan-minsan o sa ilang paraan ay gumawa ng kalugud-lugod na pagbabago sa pang-araw-araw na rutin. Iiwasan niya ang mga pakikipagtalo hangga’t maaari at susuportahan ang kaniyang mga pagsisikap na mapanatili ang malusog na mga kaugalian sa pagkain.

Higit sa lahat, tutuparin ng asawang lalaki ang pangangailangan ng kaniyang asawa na regular na tiyakin sa kaniya ang kaniyang walang-maliw na pag-ibig sa kaniya. Dapat na mabatid at kilalanin ng lalaki na hindi ito ang panahon upang tuksuhin ang kaniyang asawa tungkol sa personal na mga bagay. Ang asawang lalaki na pinakikitunguhan ang kaniyang asawa sa isang maibiging paraan ay sumusunod sa payo ng Kasulatan na ‘manahanang kasama niya sa katulad na paraan alinsunod sa kaalaman, na pinag-uukulan siya ng karangalang gaya ng sa isa na may katangiang pambabae.’​—1 Pedro 3:7.

Sa gayunding paraan, ang mga anak ay dapat na gumawa ng tunay na pagsisikap na unawain ang dahilan ng pagbabagu-bago ng emosyon ng kanilang ina. Kailangang makilala nila ang pangangailangan niya para sa pribadong panahon. Ang pagiging sensitibo sa mga sumpong ng kanilang ina ay maghahatid ng tumitiyak na mensahe na sila ay talagang nagmamalasakit sa kaniya. Sa kabilang dako, ang pagbibiro tungkol sa kaniyang mga sumpong ay lalo lamang magpapalala sa kalagayan. Magtanong ng angkop na mga tanong upang maunawaang higit kung ano ang nangyayari, at tumulong sa mga gawain sa bahay nang hindi na sinasabihan. Ilan lamang ito sa mga paraan upang mabigyan ng suporta ang isang ina sa yugto ng panahong ito sa kaniyang buhay.

Ang Buhay Pagkatapos ng Ménopós

Kapag ang kabanatang ito sa buhay ng isang babae ay natatapos, kadalasang maraming taon pa ang nasa unahan. Ang karunungan at karanasan na natamo niya ay walang kasinghalaga. Ang mga pag-aaral ng awtor na si Gail Sheehy sa “animnapung libong adultong mga Amerikano ay nagpapatunay na ang mga babaing nasa kanilang edad singkuwenta, ayon sa kanilang sariling obserbasyon, ay may higit na kagalingan kaysa anumang naunang yugto sa kanilang mga buhay.”

Oo, maraming babae na dumaan na sa mga taóng ito ng pagbabago ng kalagayan ang nakasumpong ng nagbagong pangmalas sa buhay. Ang kanilang pagkamapanlikha ay muling sumigla. Sila’y patuloy na namuhay nang aktibong buhay, isinasangkot ang kanilang mga sarili sa mabungang gawain. “Pinananatili kong aktibo ang aking isip. Lagi akong tumutuklas ng bagong mga bagay at nag-aaral,” sabi ng isang babaing lampas na sa ménopós. Susog pa niya: “Maaaring ako’y medyo mabagal, ngunit hindi ko inaakalang ito na ang wakas ng aking buhay. Inaasam-asam ko ang marami pang mga taon sa hinaharap.”

Kapansin-pansin, sa pakikipanayam sa mga babae, nasumpungan ni Sheehy na yaong “nagtatamasa ng kasiglahan pagkatapos ng ménopós at pagpapahalaga-sa-sarili ay yaong mga gumagawa ng mga gawain kung saan ang talino, paghatol, pagkamapanlikha, o espirituwal na lakas ay pangunahin nang pinahahalagahan.” Maraming gayong babae na maligayang nakatalaga sa pagpapalawak ng kanilang kaalaman at pag-unawa sa Bibliya at nagtuturo sa iba ng kapaki-pakinabang na mga pamantayan nito.​—Awit 68:11.

Bukod pa sa pagpapanatili ng positibong pangmalas sa buhay at pagsasagawa ng makabuluhang gawain, makabubuting ipaalaala ng mga babae ng lahat ng gulang sa kanilang mga sarili na nalalaman ng ating maibiging Maylikha ang ating mga damdamin at talagang nagmamalasakit sa atin. (1 Pedro 5:7) Oo, ang Diyos na Jehova ay gumawa ng paglalaan para sa lahat ng naglilingkod sa kaniya na tamasahin ang buhay sa wakas sa isang matuwid na bagong sanlibutan kung saan wala nang sakit, paghihirap, o kamatayan man.​—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4.

Kaya nga, kayong dumaranas ng ménopós, tandaan na ito’y isang yugto ng buhay. Ito’y lilipas, nag-iiwan ng mga taon ng buhay na magiging lubhang kapaki-pakinabang kung gagamitin sa paglilingkod sa ating maibiging Maylikha.

[Mga talababa]

a Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na anyo ng medikal na paggamot.

[Kahon sa pahina 8]

Kumusta Naman ang Tungkol sa Estrogen Replacement Therapy?

Ang estrogen ay maaaring mag-alok ng proteksiyon laban sa sakit sa puso at osteoporosis, dalawang pangunahing mga sanhi ng karamdaman sa mga babae pagkatapos magménopós. Habang bumababa ang mga antas ng estrogen, ang mga karamdamang ito ay nagsisimulang lumitaw at nahahayag sa loob ng lima o sampung taon. Ang estrogen replacement therapy o hormone (estrogen at progesterone) replacement therapy ay inirekomenda upang hadlangan ang mga sakit na ito.

Maaaring bawasan ng estrogen replacement ang bilis ng pagliit ng buto at pawiin ang pagsimula ng sakit sa puso. Ang pagdaragdag ng progesterone sa paggagamot na hormone replacement ay nakababawas sa pagkakaroon ng kanser sa suso at sa matris subalit hinahadlangan ang kapaki-pakinabang na epekto ng estrogen sa sakit sa puso.

Ang pasiya kung baga gagamit o hindi gagamit ng hormone replacement therapy ay dapat na salig sa isang pagtatasa ng kalagayan, kalusugan, at rekord ng dati at kasalukuyang kalusugan ng pamilya ng bawat babae.b

[Mga talababa]

b Tingnan ang Gumising!, Setyembre 22, 1991, mga pahina 14-16.

[Kahon sa pahina 9]

Anong Pagkain ang Pinakamabuti?

Ang sumusunod na mungkahi ay hinalaw mula sa aklat na Natural Menopause​—The Complete Guide to a Woman’s Most Misunderstood Passage, nina Susan Perry at Dr. Katherine A. O’Hanlan.

Protina

• Bawasan ang pagkain mo ng protina ng hindi hihigit sa 15 porsiyento ng iyong kabuuang kinakaing calorie.

• Kunin ang karamihan ng iyong protina mula sa mga gulay at hindi gaano sa mga hayop.

Mga Carbohydrate

• Kumain ng sarisaring mapagkukunan ng mga carbohydrate, gaya ng mga whole grain, tinapay at mga pasta, balatong, nuwes, kanin, gulay, at mga prutas.

• Kumain ng kaunting asukal at mas kaunting pagkain na naglalaman ng maraming asukal.

• Kumain ng maraming pagkain na sagana sa hibla.

Taba

• Bawasan ang iyong kabuuang kinakaing taba nang hindi hihigit sa 25 hanggang 30 porsiyento ng iyong kabuuang kinakaing calorie.

• Habang binabawasan mo ang iyong kabuuang kinakaing taba, paramihin ang katumbasan ng ‘mabuting taba’ (polyunsaturated) sa ‘masamang taba’ (saturated).

Tubig

• Uminom ng anim hanggang walong walong-onsang baso ng tubig araw-araw.

Mga Bitamina at Mineral

• Kumain ng sarisaring gulay at prutas araw-araw.

• Ang gatas, mga produktong galing sa gatas, broccoli, at berdeng madahong mga gulay ay mabuting pinagmumulan ng kalsiyum.

[Mga larawan sa pahina 10]

Kung ano ang magagawa ng mga miyembro ng pamilya upang makatulong: Magpakita ng pagmamahal, tumulong sa gawain sa bahay, maging isang matamang tagapakinig, gumawa ng isang bagay na kakaiba paminsan-minsan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share