Ang Iyong Kinabukasan—Ano Kaya Ito?
ANG pag-aaral tungkol sa genome ng tao ay nagsiwalat na ng marami tungkol sa potensiyal na mga sakit na maaaring danasin ng isang tao sa dakong huli. Subalit kumusta naman ang tungkol sa posibleng paggamot at ang pag-iingat sa mga karamdamang iyon?
Mientras mas marami ang nalalaman ng mga mananaliksik tungkol sa mga genome ng mga halaman, hayop, at tao, mas malaki ang posibilidad ng pagtuklas ng mga gamot at mga paggamot upang lunasan ang mga sakit, sabi ng The Times ng London. Gayunpaman, gaya ng iniuulat ng magasing Industry Week, ang mga siyentipiko ay nagbababala sapagkat ang prosesong ito “ay maaaring maantala ng 20 hanggang 50 taon sa pagsusuri.” Ang kalagayang ito, ayon sa propesor ng biokemistri na si Charles Cantor, ay nag-iiwan sa isang tao na “halos . . . nawalan ng pag-asa.” Subalit hindi kailangang magkagayon.
Ang Bibliya ay maliwanag na nangangako ng wakas ng lahat ng sakit. “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man,” sabi ng Apocalipsis 21:4. Pangyayarihin kaya ito ng mga dalubhasa sa henetiko sa pamamagitan ng tinatawag ng magasing The Christian Century na “genetic co-creation”? Ang katuparan ng mga pangako ng Bibliya ay hindi depende sa pagtatapos ng Human Genome Project, sa anumang “genetic co-creation,” o, kaya, sa unti-unting pagbuti ng ating kapaligiran. Bagkus, ito’y tiyak na tanging nakasalalay sa aktibong puwersa ng Diyos, ang kaniyang banal na espiritu.
Paghadlang sa Pagmamana at Kapaligiran
Mga tatlong libong taon na ang nakalipas, isang haring Israelita ang nagsabi: “Kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan.” Bagaman walang kabatiran si David tungkol sa Human Genome Project sa ngayon, inawit niya ito sa isang papuri sa Diyos: “Nakita ng iyong mga mata pati nang ako’y binhing sumisibol pa lamang, at sa iyong aklat ay pawang napasulat ang lahat ng bahagi.”—Awit 139:14, 16.
Paano nalaman ng sinaunang haring ito na ang kaniyang paglaki bilang isang binhi sa bahay-bata ng kaniyang ina ay sumusunod sa “nasusulat” na mga instruksiyon? Si David mismo ay nagsabi: “Ang espiritu ni Jehova ay nagsalita sa pamamagitan ko, at ang kaniyang salita ay sumaaking dila.” (2 Samuel 23:2) Oo, ang aktibong puwersa ng Maylikha, ang banal na espiritu, ang kumasi sa pagsulat ni David.
Hindi ba’t may aral dito na niwawalang-bahala ng maraming tao sa ngayon o, sa paano man, ay inaantalang isaalang-alang? Bagaman ang pagmamana at kapaligiran sa isang antas ay nagpapangyari sa atin kung ano tayo, ang banal na espiritu ng Diyos ay makapangyarihang makaaapekto sa atin, hinahadlangan pa nga ang ibang mga impluwensiya.
Isaalang-alang ang kaso ni Ian. “Ako noo’y isang nerbiyosong batang lalaki,” aniya. “Ang aking itay ay lubhang nerbiyoso kung minsan, at ngayon ang akin mismong munting mga anak na lalaki ay nerbiyoso rin. Nang ako’y bata-bata pa, napakanerbiyoso ko. Hindi ako makapagsalita nang hindi nauutal, pagkatapos ako’y bumaling sa pag-inom ng alak bilang lunas. Pinakalma ako nito, o gayon ang akala ko. Sa totoo, ang pag-inom ay nagpalalâ sa aking nerbiyos.” Nang si Ian ay magsimulang mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, natanto niya na kailangan niyang ihinto ang pagdepende sa alkohol upang supilin ang kaniyang nerbiyos. “Akala ko’y sapat na ang aking sariling determinasyon, at talaga namang naihinto ko ang pag-inom sa loob ng isang buong taon. Subalit,” sabi niya, “hindi ko maipagpatuloy ang pag-iwas sa pag-inom.”
“Isang araw,” patuloy niya, “ako’y naglalakad sa kahabaan ng kalye sa bumubuhos na ulan at nag-iisip na ako’y maglalakad hanggang sa ako’y mamatay. Ilang beses ko nang naihinto ang pag-inom subalit pagkatapos ay nagsisimula na naman akong uminom. Saka ko natanto na sinisikap kong daigin ang aking problema sa pag-inom sa aking paraan, hindi sa paraan ni Jehova. Kaya ako’y nagsimulang manalangin habang ako’y naglalakad, sa katunayan, sinasabi kay Jehova, na ngayon ay gagawin ko ang mga bagay sa kaniyang paraan, hinihiling sa kaniya na pagkalooban ako ng kaniyang banal na espiritu upang palakasin ako.” Mga sampung taon na iyon. Kumusta na si Ian ngayon?
“Pinagsusumikapan ko pa ring supilin ang aking kahinaan,” sabi niya, “at natutuhan kong magtiwala nang lubos kay Jehova upang ako’y magpatuloy.” Sa ano ipinalalagay ni Ian ang kaniyang tagumpay? “Natatandaan ko ang aking unang atas sa pagbabasa ng Bibliya pagkatapos kung bumalik sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ito’y ang Awit 116 tal 1, na nagsisimula nang ganito: ‘Aking iniibig si Jehova sapagkat kaniyang dininig ang aking tinig, ang aking mga pagsamo.’ Sa kalagitnaan ng awit, binasa ko: ‘Ano ang aking igaganti kay Jehova dahil sa lahat niyang kabutihan sa akin?’ [Awit 116 talatang 12] Ito’y parang isang tuntungang-bato na tumulong sa akin na makabalik sa normal.” Si Ian ngayon ay nagpapayo sa sinuman na nasa katulad na kalagayan: “Huwag mong dayain ang iyong sarili.” Susog pa niya: “Nang sa wakas ay nalutas ko ang aking mga problema at hiniling ko kay Jehova sa panalangin ang banal na espiritu upang patibayin ang aking pasiya, ako’y nagtagumpay.”
Si Ian, kasama ng halos limang milyon pang mga Saksi ni Jehova, ay umaasa sa banal na espiritu upang tulungan siya na sundin ang landas na ibinalangkas sa pinakamahalagang aklat ng tagubilin, ang Bibliya. Hayaan mong ipaalam sa iyo ng mga Saksi sa inyong lugar ang malinaw, hindi masalimuot, payak na mensahe nito—ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, ang kaniyang makalangit na pamahalaan sa mga kamay ng binuhay-muling si Kristo Jesus. Malapit nang alisin ng ahensiyang ito ang lahat ng bakas ng henetikong kamalian at paglalaanan ang sangkatauhan ng isang paraisong kapaligiran na paninirahanan magpakailanman. Ikaw man ay maaaring magtamasa nito!