Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Maagang Pag-aasawa—Magtagumpay Kaya Kami?
“Kami’y nagde-date sapol nang ako’y 16. Sa edad na 18 kami’y napakasal. Magiging napakaganda nito—magpakailanman! Subalit pagkalipas ng halos apat na buwan, balisang-balisa ako dahil sa panggigipit.”—Tonya.a
ANG pag-aasawa sa anumang edad ay seryoso. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Yaong mga mag-aasawa ay magkakaroon ng kirot at kapighatian.” (1 Corinto 7:28, The New English Bible) Subalit para sa marami na pumasok sa pag-aasawa na nasa “kasibulan ng kabataan,” ang kirot at pighati ay waring malimit na mas marami.—1 Corinto 7:36.
Ito’y pangunahin nang dahil sa ang mga tin-edyer ay lumalaki pa; sila’y bihirang nasasangkapan upang gumanap sa bahagi ng isang asawang lalaki o babae. Ganito ang sabi ni Dr. Jane K. Burgess: “Ang mga kabataan ay labis na idealistiko sa pag-aasawa. Hindi nila iniisip ang tungkol sa araw-araw na gawain at pagsisikap na kakailanganin sa matagumpay na pag-aasawa.” Ang mga katotohanan ng pag-aasawa sa gayon ang gigising sa mag-asawa sa halip na ang init at paglalambingan lamang.
“Inaasahan mo na ang lahat ng bagay ay magiging mahusay at magaling, gaya ng isang guniguni,” sabi ng kabataang si Kim. “Subalit, nawawala ang katuwaan ng pagiging bagong kasal, pagkatapos nariyan ang pagluluto, ang paghuhugas ng pinggan, ang pamimili, ang paglalaba—samantalang ang iyong asawang lalaki ay hindi man lamang tumutulong. Hindi siya kailanman kailangang gumawa ng gayong mga gawain sapagkat ang kaniyang nanay ang gumawa ng lahat ng iyon para sa kaniya. Hindi mo kailanman inisip ang pagod at pagkayamot nang kayo’y nagde-date. At kapag ikaw ay nagdalang-tao, mas masahol pa ang hirap!”
Kalimitan din ang mga tin-edyer ay nag-aasawa nang pabigla-bigla. “Napakasal ako sa isang lalaki na inaakala kong isang tunay na Kristiyano,” gunita ni Helen. “Dahil sa kakulangan ko sa karanasan, hindi ko siya gaanong nakilala. Pagkatapos ng sampung buwan ng pag-aasawa, hindi ko na matagalan ang di-maka-Kristiyanong paggawi niya.” Ang pagkabigo ng pag-aasawa ni Helen ay hindi na kakaiba. Sa Estados Unidos, karamihan ng mga pag-aasawa ng mga tin-edyer ay nabibigo sa loob ng limang taon.
Sa kabila ng kagimbal-gimbal na estadistika, milyun-milyong tin-edyer ang nagmamadaling pumasok sa pag-aasawa. Marahil ay isa ka sa kanila. Kung gayon nga, maaaring nadarama mo ang nakalilipos na mga panggigipit ng pag-aasawa.
Wala Nang Lunas?
Bagaman ang pag-aasawa nang bata ay hindi kapantasan, hindi naman ito kasalanan. Ang pag-aasawa ay marangal sa paningin ng Diyos. (Hebreo 13:4) Totoo, ang ilang sukdulang mga kalagayan ay maaaring magbigay-katuwiran sa paghihiwalay o diborsiyo. (Mateo 19:9; 1 Corinto 7:12-15) Subalit, karaniwan nang hinihiling ng Diyos na ang mag-asawa ay magsama nang habang-buhay. (Mateo 19:6) Bagaman iyan ay waring napakahigpit na kahilingan, nangangahulugan din ito na ibig ng Diyos na ikaw ay magtagumpay.
Isang tin-edyer na asawang lalaki ang nagsabi nang ganito: “Totoong huli na para magtanong, ‘Napakabata ko ba? Talaga bang kami’y para sa isa’t isa?’ at lahat ng iba pang pagdadalawang-isip. Kasal ka na!” Kaya sa halip na umangal sa iyong sinapit, bakit hindi sikaping humanap ng ilang paraan upang magtagumpay ang iyong pag-aasawa?
Sino ang Dapat na Manguna Rito?
Ang Bibliya ay nagsasabi sa mag-asawa: “Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kanilang mga asawang lalaki gaya ng sa Panginoon . . . Ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae.” (Efeso 5:22, 23) Gayunman, kapag ginugol ng isang kabataang lalaki ang buong buhay niya sa ilalim ng pangangalaga ng kaniyang ina at ama, ang pagiging ulo ng pamilya ay nagiging napakalaking pananagutan.
Ganito ang gunita ng isang asawang babae may kinalaman sa kaniyang asawang lalaki: “Ayaw akong payagan ni Tom na magpunta kung saan nang mag-isa lamang ako. Parang nasusukol ako, nakakulong. Inaakala niya na sa tuwing tatanungin ko siya, isang hamon ito sa kaniyang awtoridad.” Sa kabilang panig, nahihirapan ang ilang asawang babae na malasin ang kanilang kabataang asawang lalaki bilang kanilang ulo. Ang iba ay nayayamot sa pinakabahagyang pahiwatig ng pagpapasiya ng asawang lalaki, tumatanggi na makipagtulungan kapag sila’y hindi magkaunawaan.
Ito’y totoong nakababalisa kung ikaw ay walang-karanasang asawang lalaki. Subalit hindi naman talaga kailangang maging balisa dahil sa ang iyong asawa ay hindi agad sumusunod sa bawat utos mo. Gugugol ng panahon para maging tiwasay ang iyong asawang babae sa ilalim ng iyong pagkaulo. Samantala, sikaping makamit ang kaniyang paggalang, hindi sa pamamagitan ng pagsupil sa kaniya, kundi sa pamamagitan ng pangunguna at pagpapasiya nang timbang.—Ihambing ang 1 Corinto 16:13.
Ang Bibliya ay nagpapayo pa: “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Oo, bigyang pitagan ang iyong asawang babae sa pamamagitan ng pag-una sa kaniyang mga interes sa halip na sa iyo. (Filipos 2:4) Bigyan siya ng laya, pinakikitunguhan siya bilang isang iginagalang na kapareha, hindi bilang isang alipin. (Tingnan ang Malakias 2:14.) Hangga’t maaari, sangguniin siya kapag may malalaking pagpapasiyang gagawin. (Kawikaan 13:10) Gagawin nitong mas madali para sa kaniya ang pagpapasakop sa iyong pagkaulo.
Subalit, ano naman kung ikaw ay isang kabataang asawang babae? Maaaring subukin nito ang iyong pagtitiis sa pagpapasakop sa iyong kabataang asawang lalaki kapag ang kakulangan niya sa pagkamaygulang ay kung minsan nakahihiyang lumilitaw o kapag siya’y hindi nagpapakita ng mabuting pagpapasiya. Gayunman, ang pagsumbat sa kaniya o paghihimagsik ay hindi makatutulong upang pabutihin ang inyong kalagayan. “Mientras pinagagalitan niya ako, mas hindi ako kumikibo,” pag-amin ng isang kabataang asawang lalaki. Sikaping magpakita ng paggalang sa pamamagitan ng pagpapasensiya sa kaniyang kawalang-karanasan. Baka siya’y tumugon sa pamamagitan ng higit na paggalang sa iyong pangmalas. Kung siya’y magpasiya na nakayayamot sa iyo—subalit wala namang nilalabag na mga pamantayan sa moral—bakit hindi makipagtulungan dito? “Ang karunungan mula sa itaas ay . . . handang sumunod.” (Santiago 3:17) Sa pamamagitan ng pagiging mapagtaguyod sa kaniyang pagkaulo, matutulungan mo siya na higit na maging mahusay.
Mga Suliranin sa Salapi
Sinasabi ng ilan na ang pangunahing problema para sa mga kabataang mag-asawa ay salapi. Ang mga mag-asawa ay kalimitang nabibigla na malaman kung gaano kamahal ang mamuhay. Halimbawa, sina Ray at Lora “ay walang pagkain o salapi” pagkatapos ng kanilang kasal. “Natutulog kami sa sahig,” ang pagtatapat nila. Gayundin ang naranasang hirap sa kabuhayan nina Brad at Tonya nang mawalan ng trabaho si Brad—at si Tonya ang kailangang kumayod.
Bagaman totoo na ang mga kabataan ay kalimitang nahihirapan na makahanap ng trabaho na may mabuting sahod, ang mga suliranin sa salapi ay kalimitang bunga ng hindi mabuting pangangasiwa sa pananalapi. Isaalang-alang ang isang kabataang asawang babae na nagsabi nang ganito: “Basta ginagastos ko ang pera hanggang sa maubos at pagkatapos ay wala na akong pera para sa huling linggo ng buwan.” Ang ibang mag-asawa ay naghihirap dahil sa kanilang kawalan ng komunikasyon. “Lumabas ako at bumili ng kotse nang hindi ito ipinakipag-usap sa kaniya,” ang pagtatapat ng isang asawang lalaki na nagngangalang Jake. “Ang talagang kailangan natin ay muwebles,” ang paghihinanakit ng kaniyang maybahay.
Pangkaraniwan na ba ito? Kung gayon marahil ay hindi mo pa naaalis “ang mga ugali ng isang sanggol” pagdating sa paghawak ng salapi. (1 Corinto 13:11) Pabigla-bigla ka ba kung mamili? Kung gayon sikaping gumawa ng listahan ng bibilhin, at sundin ito. Ipakipag-usap ang malalaking bibilhin. (Kawikaan 15:22) Isulat ang iyong mga gastos, at magsagawa ng isang makatuwirang badyet.b Sa paggawa ng gayon ay maiiwasan mo ang maraming kaigtingan sa salapi.
Maaari ba Tayong Mag-usap?
Dadalhin tayo nito sa tinatawag ng ilan na ikalawang problema sa gitna ng mga kabataang mag-asawa: komunikasyon. Ang ilang mag-asawa ay basta tumatahimik na lamang. Ang iba naman ay nagkakaroon ng mararahas na sagutan. “Ang pinakamalaking bagay na [aming] pinagtalunan ay tungkol sa pinakawalang-kuwentang mga bagay,” gunita ni Sylvia, isang diborsiyada. “Ang mga bagay na gaya ng pag-iiwan niya ng sapatos kung saan-saan sa loob ng bahay, o pagtikim-tikim ko sa kaniyang pinggan.”
Ang mga di-pagkakaunawaan at di-pagkakasundo ay tiyak na mangyayari. Subalit ang “mapaminsalang kapaitan at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita” ay sumisira lamang ng pag-aasawa. (Efeso 4:31) Ugaliing pag-usapan ang mga bagay habang maliit pa ang bagay na nakayayamot. Kapag ginawa mo ito, salakayin ang problema—hindi ang tao. Kung ang mga bagay ay nawawala sa lugar, iwasan na gatungan pa ang pagtatalo. “Sa kakulangan ng gatong ay namamatay ang apoy,” sabi ng Kawikaan 26:20. Pagkatapos, kapag kapuwa na kayo huminahon, sikaping pag-usapan muli ang bagay-bagay.
Ang mabuting komunikasyon ang susi rin sa paglutas sa isa pang karaniwang problema: di-kasiyahan sa sekso. Kung minsan ang kabataang mag-asawa ay totoong hapung-hapo na sa kanilang bagong rutin para masiyahan pa sa paglalambingan. Ganito ang sabi ng aklat na Building a Successful Marriage: “Ang mga mag-asawa ay pumapasok sa pag-aasawa na may napakaraming maling impormasyon may kinalaman sa bahaging ginagampanan at gawain ng sekso.” Dahil sa nadadaya ng propaganda ng sanlibutan, maraming mag-asawa ang humantong sa malubhang di-makatotohanang mga inaasahan hinggil sa bagay na ito. Ang kasakiman at kawalan ng pagpipigil-sa-sarili ay may bahagi ring ginagampanan. Ang tapatang komunikasyon, kalakip ang panahon at pagtitiis, ay mahalaga. Kapag ‘hinahanap ng [bawat isa] ang kapakinabangan ng iba,’ ang sekso ay bihirang maging malubhang problema.—1 Corinto 10:24.
Kung gayon, maliwanag na ang pag-aasawa ay hindi para sa mga bata pa. Kung ikaw ay kasal na, may pag-asa ka pa. “Ang unang taon ng aking pag-aasawa ay talagang napakagulo,” sabi ng isang babaing may-asawa. “Subalit dahil sa pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya, kami ngayon ay namumuhay nang kontento, maligayang buhay mag-asawa.” Ikaw rin ay maaaring maging gayon.
[Mga talababa]
a Ang ilan sa pangalan ay pinalitan.
b Ang artikulong “Badyitin ang Iyong Salapi—Ang Madaling Paraan!” na lumitaw sa aming Oktubre 22, 1985 na labas, ay may ilang nakatutulong na mungkahi.
[Larawan sa pahina 26]
Ang pagtaguyod sa isang kabataang lalaki sa kaniyang ginagampanang papel bilang asawang lalaki ay makapaglalabas ng pinakamabubuting ugali niya