Mula sa Aming mga Mambabasa
Umaalalay na mga Magulang Isang pantanging pasalamat sa inyo sa seryeng “Mga Magulang—Alalayan Sila!” (Agosto 8, 1994) Kamakailan, tinalakay ng prinsipal sa paaralan ng bunso kong anak na babae ang tungkol sa mabuting komunikasyon ng magulang-guro kasama ang isang grupo ng mga magulang. Dinala ko ang magasin sa prinsipal, at binasa niya agad ito. Pagkalipas ng dalawang linggo dinala ng anak ko ang buwanang newsletter ng paaralan. Ang bahagi ng artikulo tungkol sa mabuting komunikasyon ay inilathala muli upang ang buong pamayanan ay makinabang sa impormasyon.
W. B., Estados Unidos
Mga Wholphin Nasiyahan ako sa artikulong “Isang Whale? Isang Dolphin?—Hindi, Ito’y Isang Wholphin!” (Pebrero 22, 1994), tungkol sa dolphin/whale na haluang uri. Sa dakong huli ay tinawag ninyo itong ‘pagkasaksi ng kahanga-hangang pagkasari-sari na inilagay ng Diyos sa kaniyang mga nilalang.’ Hindi ako sang-ayon sa bagay na ito sapagkat ang pagpaparami ay hindi naganap sa kanilang normal na kapaligiran.
K. G., Estados Unidos
Hindi namin ibig sabihin na ang gayong pagpaparami ay normal o na ang Diyos ang may pananagutan dito. Gayunman, hindi tao ang maaaring bigyang-karangalan sa pag-iral ng gayong kahanga-hangang nilikha. Ang mga haluang uri ay umiiral dahil lamang sa “potensiyal para sa pagkasari-sari na inilagay ng Diyos sa kaniyang mga nilalang.” Kaya ang aming artikulo ay nagbibigay-dangal sa Diyos.—ED.
Mapanganib na Isports Sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Mapanganib na Isports—Dapat ba Akong Makipagsapalaran?,” mahusay ang inyong pagbibigay-babala sa mga kabataan hinggil sa posibleng mga panganib ng bungee jumping. (Hulyo 8, 1994) Wala pang isang linggo pagkatapos kong basahin ito, iniulat ng British Broadcasting Corporation na apat na kabataan ang nakaranas ng malubhang pinsala sa mata dahil sa bungee jumping. Salamat sa inyong kahanga-hangang magasin.
D. F., Inglatera
Ginising ako nang husto ng artikulo tungkol sa nakamamatay na mga isports! Minsa’y umakyat ako sa matarik na batuhan at nasumpungan ko ang aking sarili na hindi makaatras o makaabante. Hanggang sa ngayon ay nanginginig ako dahil sa muntik na akong mamatay. Anong laking kahangalan kung sinayang ko ang buhay ko!
L. T., Estados Unidos
Pinahahalagahan ko nang husto ang artikulo. Sa aking tinitirhan, ang mga bata ay sumasali sa maraming mapanganib na isports na ito. Lagi nila akong hinihikayat na makisama sa kanila. Pero, kalimitang nakikita ko sa balita ang ulat tungkol sa mga taong namamatay o lubhang nasasaktan dahil sa iyon ding inaakala nilang nakatutuwang isports na sinasabi nila sa akin. Pagkatapos kong mabasa ang artikulo, natanto ko na hindi kapantasan para sa akin na isapanganib ang aking buhay, na ibinigay sa akin ng Diyos na Jehova, dahil lamang sa panandaliang katuwaan.
J. S., Estados Unidos
AIDS Sa mahigit na tatlong taon ako’y naglingkod bilang isang buong-panahong ebanghelisador. Pero, sa ngayon ay hindi ko na magawa ito. May AIDS ako. Salamat sa tahasang pagtalakay sa maselan na paksang ito sa artikulong “Pagtulong sa mga May AIDS.” (Marso 22, 1994) Nauunawaan ko na kayo’y nagmamalasakit sa kapakanan ng lahat. Pero, wari bang maraming bagay ang nakaligtaan sa mga bahagi ng artikulo na humihimok ng simpatiya para sa mga nagdurusa at nagtuon lamang ng pansin sa nabanggit na “makatuwirang mga hakbang ng pag-iingat.” Para bang nagbigay ng pahintulot ang artikulo na maging malamig ang isa. Hindi ko mapigilan na mag-isip kung ano ang mangyayari kapag lumala na ako at talagang nangangailangan ng pag-ibig at alalay ng aking mga kapatid. Tatanggi ba ang ilan na dumalaw sa akin dahil sa takót silang mahawa ng virus?
M. N., Estados Unidos
Pinahahalagahan namin ang ganitong tahasang mga komento. Hindi namin layon na sirain-loob ang pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng AIDS. Sa katunayan, ganito ang sabi namin: “Batay sa kasalukuyang pala-palagay ng karamihan, ang karaniwang pakikisama ay hindi naglilipat ng AIDS. . . . Ang isa ay hindi kailangang labis na matakot kapag kasama ng mga taong may AIDS.” Ang iminungkahing pag-iingat ay makatutulong sa iba na gumawa ng hakbang ng pag-iingat habang sila’y maawaing nakikitungo sa mga biktima ng AIDS.—ED.