Babala sa Inaantok na Tsuper
ITO ang dahilan ng tinatayang 600,000 aksidente at 12,000 kamatayan sa haywey sa bawat taon sa Estados Unidos. Ito ang sinisisi sa 40 porsiyento ng nakamamatay na banggaan nitong nakalipas na mga taon sa New York State Thruway. Lahat ng kapinsalaang ito ay dahil sa pagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya, hindi ng droga o ng alak, kundi ng pag-aantok. Ang ilang dalubhasa ay naniniwala na ang problema ay nag-uugat, hindi sa mga sakit sa pagkatulog, gaya ng apnea o insomniya, kundi basta sa istilo ng buhay ng mga taóng 1990. “Ang mga Amerikano ay mas napagkakaitan ng tulog kaysa mga ilang taon ang nakalipas,” sabi ni Dr. William Dement ng Stanford University Sleep Research Center. Si Dave Willis, ehekutibong direktor ng American Automobile Association Foundation for Traffic Safety, ay nagsasabi: “Talagang sinusunog ng mga tao ang magkabilang dulo ng kandila.”
Lalo nang nakababahala ang bagay na maraming inaantok na tsuper ang nakakatulog nang hindi namamalayan ito. Ang isang “microsleep,” gaya ng tawag dito ng mga dalubhasa, ay maaaring tumagal ng ilang segundo, ngunit ang sukdulang mga epekto ay maaaring nakatatakot. “Natatandaan ko ang pagdaan sa labasan 17, pagkatapos ay nakita ko ang mga tanda para sa labasan 21,” sabi ng isang tsuper. “Naisip ko, nasaan kaya ako sa pagitan na mga labasan? Saka mo natatalos na isang himala na ika’y nakarating pa sa iyong patutunguhan.”
Ang pinakamabuting paraan upang labanan ang pagod sa pagmamaneho ay huminto at magpahinga. Malamang na isang 10- hanggang 20-minutong pag-idlip lamang sa isang ligtas na dako ang kailangan mo. Mas mabuti pa, maging makatotohanan kapag nagpaplano ng isang paglalakbay. Huwag sikaping makabiyahe nang mas mahabang distansiya kaysa kaya mo. Isa pa, igalang ang panloob na orasan ng iyong katawan sa pamamagitan ng pag-iwas sa mahabang pagmamaneho sa gabi at magpahinga nang husto bago simulan ang isang paglalakbay. Higit sa lahat, huwag kailanman mamaliitin ang panganib ng pagmamaneho habang inaantok. Ganito ang sabi ni Mark Hammer ng Institute for Traffic Safety Management and Research ng New York: “Kasinsama [ito] ng pag-inom ng limang inuming nakalalasing at saka magmaneho ng kotse.”