Pagmamasid sa Daigdig
‘Ang Pinakahuling Sistema ng Sukdulang Pamamahala’
“Tumitindi ang kaligaligan sa Alemang Iglesya Katolika hinggil sa makalumang paraan ng Batikano,” ulat ng pahayagan sa Roma na La Repubblica pagkatapos ng kamakailang paghirang ni John Paul II sa 30 bagong mga kardinal. Iginigiit ng kilalang disidenteng teologong si Hans Küng na upang ihalal ang susunod na papa, may “mahigpit na pangangailangan para sa lupon ng mga hahalal na tunay na kinatawan ng buong Iglesya Katolika.” Naniniwala si Küng na “naiwala na ng papa ang pagtitiwala ng malaking bahagi ng tapat na mga miyembro ng simbahan.” Ganito pa ang patuloy ni Küng: “Hindi maikakaila na, pagkatapos bumagsak ng Stalinismo, ang sistema ng Romano ang huling nananatiling pinakasukdulang sistema sa Kanluraning daigdig.”
Iwasan ang Maagang Pagtanda
“Ibinabagay ng mga tao ang bahay sa mga bata. Bakit hindi ibagay ang mga ito para sa mas matatandang tao?” tanong ng isang dalubhasa sa pagtanda at mga problema nito na si Wilson Jacob Filho ng São Paulo University, Brazil. Bukod pa sa mas ligtas na mga bahay para sa mga may edad na, iminungkahi niya na sila’y mag-ehersisyo upang mapalakas ang kanilang kalamnan upang mabawasan ang panganib sa pagkahulog. Ano ang pinakamalalaking kaaway sa haba ng buhay? Ayon kay Rogério Izar Neves na isang plastic surgeon, taga-São Paulo University rin, ang mga kaaway ay “palaupong uri ng buhay, di-timbang na nutrisyon (lalo na ang mga pagkaing mayaman sa taba), paninigarilyo, labis na pag-inom ng alak, kaigtingan, kakulangan sa tulog.” Ipinaliliwanag ng Jornal da Tarde na ang labis na kaigtingan ay nagpapahina sa sistema ng imyunidad, “na malapit na nauugnay sa paglitaw ng iba’t ibang sakit at sa wakas ang pagtanda rin.” Ganito pa ang sabi ni Dr. Neves: “Ang kawalang-interes sa buhay ang pangunahing sanhi ng maagang pagtanda.”
Panganib sa Kalusugan ng Pagbutas ng Katawan
“Ipinabubutas ng mga tao ang mga bahagi ng kanilang katawan na hindi naman ipinabubutas sa nagdaang mga taon,” sabi ni John Pelton, direktor ng pangkapaligirang kalusugan sa Calgary Health Services sa Canada. Kalakip dito ang kilay, mga labi, dila, at mga pusod, ayon sa ulat ng The Vancouver Sun. Ang pangamba na ang kausuhang ito ay maaaring maglipat ng AIDS at hepatitis B at C ang nag-udyok sa Environmental Health Services sa Alberta Health na iharap ang mga tuntunin upang masupil ang pagbutas sa katawan. “Ang bagong mga pamantayan ang sa wakas sasaklaw sa kabuuan ng di-makontrol na personal na mga paglilingkod, gaya ng paghehero, paglalagay ng wax upang alisin ang mga buhok sa katawan, pagtatatú, electrolysis, at pag-aalis ng pandamdam,” at ang balangkas ng mga tuntuning ito ay rerepasuhin ng pangmadlang mga opisyal sa kalusugan at ng industriya, sabi pa ng ulat. May kinalaman naman sa kagamitan sa pagbutas ng katawan, ang isa na gumagawa ng pamamaraan ay umamin: “Nakakita kami ng mga tao na nagpupunta sa ospital dahil sa mga impeksiyon. Talaga namang nakatatakot ito.”
Pagbagsak ng Simbahan
Ang pinakamalaking denominasyon ng Protestante sa Canada, ang United Church of Canada, “ay mabilis na tumatanda na at umuunti ang mga miyembro, at ang mga lider at mga nagsisimba rito ay hindi nagkakasundo sa kung ano ang dapat na mga prayoridad nito,” sabi ng The Toronto Star. Bagaman mahigit na 3,000,000 ang kinikilalang kaugnay sa simbahan, tanging 750,000 ang nakatala sa simbahan. Ang karamihan sa mga tagapagtaguyod nito ay mahigit na 55 ang edad, samantalang ang mga bata at mga apo ng mga miyembro ay hindi man lamang naaakit dito. Binabalaan ang simbahan na kumilos agad upang maituwid ang pamamaraan nito kung hindi’y mamamatay ito. Ibig ng mga miyembro na bigyang prayoridad ang pagsamba at espirituwalidad, samantalang ibig ng mga lider ng simbahan na magbigay ng higit na pansin sa panlipunan at pandaigdig na mga suliranin. Kapag bumagsak ang simbahan, “ito’y nangangahulugan din na ang naging mahalaga para sa United Church ay hindi naging mahalaga para sa mga taga-Canada,” babala ng sosyologong si Reginald Bibby ng Alberta. “Hindi ito sulit sa kanilang panahon, salapi o atensiyon.”
Ang Pamana ng Digmaan
Ang pitong libong beterano ng lumusob na Allied ng Europa, 51 taon na ang nakalipas, ay nagbalik sa mga dalampasigan ng Normandy noong Hunyo 1994. Subalit ang mga alaala ay nakalilipos para sa daan-daan sa kanila na kailangang bigyan ng tulong sa isip upang mabata ang kaligaligan na idinulot ng pagdiriwang. “Ang ilang beterano ay labis na nabalisa pagkatapos ng D-Day,” paliwanag ni Dr. Graham Lucas, nagsasalita para sa Combat Stress, isang kawanggawa na tumutulong sa mga beterano. “Nakadama sila ng pagkakasala, na hindi sila karapat-dapat na mabuhay samantalang ang iba naman ay namatay, at sila’y nakararanas ng masasamang panaginip at naaabalang tulog.” Ang gayong kinimkim na damdamin sa loob ng maraming taon ang umakay sa pagkakaroon ng ulser, hika, at mga sakit sa balat, ulat ng The Sunday Times sa London. Isang matandang sundalo, na ang mga alaala niya’y nagdudulot sa kaniya ng masasamang panaginip, ay nagsabi nang ganito: “Maaari kang malipos sa pag-alaala sa mga pangyayari. Ang mga taong wala nang panahong iyon ay hindi makauunawa kung ano ang gaya niyaon.”
Parasitikong Isda
Ang candiru ay isang parasitikong isda na dumarami sa mga ilog sa lunas ng Amazon. Ang nilikhang ito na nanganganinag na gaya ng igat, na sumusukat ng halos isang pulgada ang haba, ay karaniwang matatagpuan sa mga hasang ng mas malalaking isda, kung saan ito’y nanginginain sa dugo ng mga ito. Ito’y maaari ring pumasok sa mga butas ng tao at maging sanhi ng pamamaga, pagdurugo, at kung minsa’y pagkamatay ng biktima. Kamakailan isang mas maliit at mas matakaw na uri ng isdang ito, halos kalahati lamang sa haba nito, ang natuklasan sa Brazil. Mayroon itong dalawang hugis-kawit na mga ngipin sa likuran ng bibig nito anupat ito ang nagpapangyari ng malakas na kagat nito, ginagawang imposibleng matanggal ito sa biktima. Sa “mga pamayanan na malapit sa ilog, na may kaunti o walang medikal na pasilidad, ito’y maaaring humantong sa malubhang impeksiyon,” ulat ng New Scientist.
Nanganganib na mga Pamantasan
“Ang napabayaang mga pamantasan sa Aprika ay nasa bingit ng pagbagsak,” ulat ng WeekendStar ng Johannesburg. Dahil sa kakulangan ng pondo, kakaunti ang mga computer, at sa ilang kalagayan ang mga telepono ay pinutol. Isang pamantasan ang may nakatalang 35,000 estudyante, subalit ito’y unang dinisenyo para sa 5,000 lamang. Tanging kalahati lamang ng naatasang maglektyur ang nagtuturo sa isang dating kilalang pamantasan sa Uganda. Ang sahod ng isang naglelektyur sa kampus na ito ay halos $19 lamang sa isang buwan. Ang ilang pamantasan ay sarado na sa loob ng ilang buwan dahil sa pagwewelga ng mga naglelektyur o ng mga estudyante. Ganito ang sabi ng isang propesor sa Kenya: “Ang sariling pagkawasak sa akademya sa Aprika ay lumalalâ.”
Sino ang Gumagawa ng Gawaing-Bahay?
“Wari bang ang pagkakapantay [sa pagitan ng mga lalaki at babae] ay hindi pa rin pumapasok sa pampamilyang kalagayan,” sabi ng Corriere della Sera, nag-uulat sa surbey ng Central Statistics Institute tungkol sa paggamit ng oras ng mga pamilya sa Italya. Siya man ay may trabaho sa labas ng bahay o wala, ang babae pa rin ang “bumabalikat ng organisasyon sa pamilya,” ginugugol—kung siya’y may mga anak—ang katamtamang 7 oras at 18 minuto sa gawaing-bahay, kung ihahambing sa 1 oras at 48 minuto ng kaniyang kapareha. Balintuna, ang mga inang nagsosolo ay waring mas mahusay gumawa, isinasaayos ang mga bagay upang dalawang oras ang mabawas sa gawaing-bahay sa bawat araw. “Mula sa murang gulang, ‘itinaan’ na ng mga ina ang kanilang maliliit na anak na babae na gumawa ng mga gawaing-bahay,” sabi pa ng La Repubblica.
Bigong Pagsugpo sa Tuberkulosis
Sa pagsugpo laban sa sakit, ang pagsugpo sa tuberkulosis ay “lubusang bigo sa pambuong daigdig na lawak,” ayon kay Propesor Jacques Grosset, pinuno ng departamento ng bacteriology-virology ng La Pitié-Salpétrière Hospital sa Paris. Kapag ang mga pasyente ay hindi nagamot, ang bilang ng mamamatay dahil sa tuberkulosis ay halos 50 porsiyento. Bagaman ang pagrekunusi at paggamot ay hindi nakukuha ng halos kalahati ng mga pinahihirapan ng TB sa daigdig, sinabi ni Propesor Grosset, ang tunay na kapahamakan ay na sa mga bansang mauunlad sa teknolohiya, kung saan makukuha ang mga antibayotik, kalahati lamang ng mga may sakit ang patuloy sa kanilang paggagamot hanggang sila’y lubusang gumaling. “Ang kalahati pa ay hindi umiinom ng kanilang gamot, o hindi palagi ang pag-inom, na siyang sanhi ng mas mataas na bilang ng pagkamatay (25 porsiyento ng mga nagamot) at sanhi rin ng pagkakaroon ng ibang uri ng tubercle bacillus na hindi na tinatablan ng mga antibayotik.”
Venezuela at AIDS
Ang Venezuela ang ikatlo sa may pinakamaraming AIDS sa Latin Amerika, kasunod ng Brazil at Mexico, sabi ng El Universal ng Caracas, Venezuela. Tinataya ni Dr. Arellano Médici na may 350,000 katao sa bansa ang nahawahan ng nakamamatay na virus, bagaman inaamin ng Ministri ng Kalusugan na 3,000 lamang ang mayroon. Ang bagay na sa bawat nahawahang tao, marahil ay may daan-daan pa ang nahawahan subalit hindi nakababatid na ito ay dahil, ayon kay Médici, sa “kilalang-kilalang pagkagahaman sa sekso ng ating lipunan.” Sinabi ni Médici na ang mga taong nahawahan ay dapat na mamuhay na may malinis na moral, hindi lamang dahil sa panganib na makahawa sa iba kundi dahil sa paglitaw ng iba’t ibang virus ng AIDS. Ang mga nahawahang tao ay madaling mahawa ng ibang virus, pinalalala ang kanilang tinataglay nang problema sa kalusugan. Tinataya ng isang pinagmulan ng impormasyon na sa taóng 2000, bawat pamilya sa daigdig ay magkakaroon ng isang miyembro na may AIDS.