Ang Pamilyang Tunay na Nagmahal sa Akin
SA ISANG bata, sinumang bata, napakahalaga ng pamilya. Ang masigla, maibiging pamilya ay nakatutugon sa pisikal at emosyonal na mga pangangailangan ng isang bata. Ito’y gumaganap ng isang mahalagang bahagi sa pagsasanay, edukasyon, at paglaki. Ginagawa nitong tiwasay ang isang bata. Anong tinding dagok nga ang itakwil ng iyong pamilya, gaya ko!
Ako’y isinilang sa isang malaking pamilya sa silangang Nigeria. Ang aking ama ay isang pinuno ng tribo na may pitong asawa. Siya’y naging ama ng 30 anak, at ako ang ika-29.
Isang araw noong 1965, nang ako ay sampung taon, ako’y umuwi ng bahay mula sa paaralan at natagpuan ko si itay na nakaupo sa beranda. Dalawang lalaki ang dumating sa looban na may dalang mga portpolyo, at pagkatapos ng isang masayang pagbati, ipinakilala nila ang kanilang mga sarili bilang mga Saksi ni Jehova. Ang aking ama ay matamang nakinig sa kanila. Nang mag-alok sila ng dalawang magasin, si itay ay tumingin sa akin at tinanong ako kung gusto ko ito. Ako’y tumango, kaya kinuha niya ito para sa akin.
Ang mga Saksi ay nangakong babalik, at bumalik nga sila. Sa sumunod na dalawang taon, sila’y dumating upang ipakipag-usap ang Bibliya sa akin. Gayunman, ang kanilang mga pagdalaw ay hindi palagian, yamang ito’y sampung-kilometrong lakad mula sa aking nayon sa dakong tinitirhan nila.
Itinakwil Ako ng Aking Pamilya
Ako ay 12 taóng gulang nang ang aking ama ay nagkasakit at namatay. Walong araw pagkatapos ng libing, ipinatawag ng aking pinakamatandang kapatid na lalaki ang pamilya para sa isang pulong. Mga 20 katao ang naroon. Ang akala namin ay babanggitin niya ang tungkol sa gastos sa libing. Subalit, sa pagkagulat ko, sinabi niya na ipinatawag niya ang pulong upang ipakipag-usap ang tungkol sa kaniyang nakababatang kapatid—ako! Sinabi niya sa kanila na ako’y interesado sa paglilibot at “pagpapalimos” ng apat na sentimos na para bang walang pera ang pamilya upang pakanin ako. Sinabi pa niya na ang paglilibot at pagbebenta ng mga magasin sa halagang apat na sentimos ay nakasisira sa pangalan ng pamilya. Sinabi niya na dapat akong mamili kung ako ba’y kanino—sa mga Saksi o sa aking pamilya.
Ang aking ina ay namatay na, subalit isa sa aking madrasta ay tumangis at nagsumamo alang-alang sa akin. Siya’y nakiusap na huwag nilang gamitin ito bilang isang dahilan upang pagkaitan ako ng aking bahagi sa mana. Subalit para sa kanila ang opinyon ng isang babae ay hindi mahalaga. Ang pamilya ay kumampi sa aking kuya at hiniling ang pasiya ko.
Humingi ako ng panahon upang pag-isipan ko ang bagay na ito. Sila’y sumang-ayon na bibigyan ako hanggang sa susunod na gabi. Nag-iisa sa aking silid, ako’y umiyak. Ako’y nakadama ng panghihina, tinanggihan, at takot. Nag-iisip ako kung ano kaya ang mangyayari sa akin.
Hanggang noong panahong iyon, hindi pa ako kailanman nakadalo sa isang Kingdom Hall at hindi pa ako kailanman nakabahagi sa pangangaral na kasama ng mga Saksi. Bahagya lamang ang aking kaalaman tungkol sa mga turo ng Bibliya, at walang Saksi sa aming nayon na makakausap ko.
Nanalangin ako kay Jehova, tinatawag ang kaniyang pangalan sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay. Sinabi ko sa kaniya na aking natututuhan na siya ang tunay na Diyos. Nagsumamo ako sa kaniya na alalayan niya ako at tulungan niya akong gumawa ng tamang pasiya, isa na makalulugod sa kaniya.
Nang sumunod na gabi ang pamilya ay muling nagtipon at hiniling ang aking pasiya. Ipinaliwanag ko na ang aking ama, na nagbigay sa akin ng buhay, ay siyang nagmulat sa aking pag-aaral sa mga Saksi. Siya ang nagbayad sa aking mga magasin at sa Bibliya. Yamang payag siyang ako’y makipag-aral sa mga Saksi, hindi ko maunawaan kung bakit gagamitin ito ng aking kuya laban sa akin. Saka ko sinabi na wala akong pakialam kung ano ang gawin nila sa akin, kailangan kong paglingkuran si Jehova.
Hindi sila natuwa sa pahayag na ito. Isa sa kanila ay nagsabi: “Sino ba itong bubuwit na ito upang siya’y magsalita sa atin nang ganito?” Kaagad na padabog na nagtungo ang aking kuya sa aking silid, sinunggaban ang aking mga damit, mga aklat, at ang aking maliit na maleta at inihagis ito sa lupa sa labas.
Ako’y tumira sa isang kaeskuwela na nakatira sa nayon, at ako’y nakitira sa kaniyang pamilya sa loob ng halos limang buwan. Samantala, ako’y sumulat sa aking tiyo sa Lagos, na nag-anyaya sa akin na tumira sa kaniya.
Sa loob ng ilang buwan ako’y nag-ipon ng pera sa pamamagitan ng pangongolekta at pagbibili ng mga buto ng palma. Ang aking madrasta na kampi sa akin ay nagbigay rin sa akin ng pera. Nang mayroon na akong sapat na pera, ako’y nagtungo sa Lagos. Bahagi ng biyahe papunta roon, ako’y sumakay sa likod ng trak ng buhangin.
Pinalayas sa Ikalawang Pagkakataon
Pagdating ko sa Lagos, natuwa ako nang malaman ko na ang aking tiyo ay nakikipag-aral sa mga Saksi. Agad akong dumalo sa mga pulong ng kongregasyon sa Kingdom Hall. Gayunman, ang interes ng aking tiyo sa paglilingkod kay Jehova ay mabilis na naglaho nang dumating ang aking kuya upang dumalaw. Sinabi niya sa aking tiyo na ang pasiya ng pamilya ay huwag akong tulungan o payagang mag-aral, yamang patuloy akong nakikisama sa mga Saksi ni Jehova. Pinagbantaan niya ang aking tiyo at saka umuwi ng bahay.
Isang linggo pagkaalis ng aking kuya, ako’y ginising ng aking tiyo noong hatinggabi at inihagis sa akin ang isang papel na may sulat. Inilagay niya ang isang pluma sa aking kamay at iniutos na pirmahan ko ito. Nang tumingin ako sa nakakunot niyang mukha, alam kong ito ay isang bagay na seryoso. Sabi ko: “Tiyo, bakit hindi ninyo hayaang pirmahan ko ito sa umaga?”
Sinabi niya na huwag ko siyang tawaging “tiyo” kundi dapat kong pirmahan agad ang papel. Sumagot ako na kahit na ang isang mamamatay-tao ay may karapatang malaman ang mga paratang laban sa kaniya. Tiyak na may karapatan akong basahin ang papel bago ko ito pirmahan.
Sumang-ayon naman siya, may pagkayamot, hinayaan niya akong basahin ito. Ganito ang sabi: “Ako, si U. U. Udoh, ay sumusumpang hindi magiging isa sa mga Saksi ni Jehova. Ako’y sumasang-ayon na sunugin ang aking mga bag at mga aklat at nangangakong hinding-hindi na magkakaroon ng anumang kaugnayan sa mga Saksi ni Jehova. . . . ” Pagkabasa ko sa unang mga linya, natawa ako. Agad kong ipinaliwanag na hindi naman sa hindi ko siya iginagalang ngunit imposibleng pirmahan ko ang dokumento.
Galit na galit ang aking tiyo at inutusan akong lumayas. Tahimik kong inimpake ang aking mga damit at mga aklat sa aking maleta, nagtungo ako sa pasilyo sa labas ng apartment, at nahiga sa sahig upang matulog. Nang makita ako ng aking tiyo roon, sinabi niya na yamang ang upa na ibinabayad niya ay sakop pati ang pasilyo, kailangan kong lisanin ang gusali.
Isang Nakatutuksong Alok
Dalawang linggo pa lamang ako sa Lagos at hindi ko alam kung saan pupunta. Hindi ko alam kung saan nakatira ang kapatid na nagsasama sa akin sa Kingdom Hall. Kaya pagsapit ng madaling-araw, sinimulan kong maglakad at gumala-gala, nananalangin kay Jehova na tulungan ako.
Sa pagtatapos ng araw, natagpuan ko ang aking sarili sa isang istasyon ng gasolina. Nilapitan ko ang may-ari at tinanong ko siya kung maaari ko bang ilagay ang aking maleta sa loob ng opisina sa magdamag upang huwag itong manakaw sa akin. Ang kahilingang ito ay nakapukaw ng kaniyang pag-uusyoso upang tanungin kung bakit hindi ako umuwi ng bahay. Ikinuwento ko sa kaniya ang aking buhay.
Ang lalaki ay maawain at inalok ako ng trabaho bilang kaniyang katulong sa bahay. Sinabi pa nga niya na papag-aaralin niya ako kung tutulungan ko siya sa kaniyang bahay. Isa itong nakatutuksong alok, subalit batid ko na ang pagiging isang katulong sa bahay ay nangangahulugan ng pagtatrabaho araw-araw mula sa madaling-araw hanggang sa gabing-gabi na. Isa pa, ang mga katulong ay hindi maaaring makisama sa mga tao sa labas ng sambahayan, sa takot na sila’y maaaring makipagsabwatan sa mga magnanakaw upang pagnakawan ang bahay. Sa ilalim ng pinakamabuting kalagayan, malamang na isang araw ng Linggo lamang sa loob ng isang buwan na ako ay walang trabaho. Kaya taimtim kong pinasalamatan siya sa kaniyang malasakit subalit tinanggihan ko ang kaniyang alok. Sinabi ko na kung ako’y magtatrabaho bilang katulong niya, mahirap para sa akin na dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall.
Sinabi ng lalaki: “Paano mo masasabi ang pagdalo sa mga pulong gayong wala kang dakong matitirhan?” Sumagot ako na kung pumayag lamang akong huwag dumalo ng mga pulong, maaari akong tumira sa bahay ng aking ama. Pinalayas nga ako dahil sa aking relihiyon. Ang kailangan ko lamang ay may mapaglagyan ako ng aking maleta. Pagkasabi niyan, pumayag siya na itatago itong ligtas para sa akin.
Pagkasumpong ng Ibang Pamilya
Natulog ako sa labas ng istasyon ng gasolina sa loob ng tatlong araw. Wala akong perang maibili ng pagkain, kaya wala akong makain noong panahong iyon. Nang ikaapat na araw, habang ako’y gumagala, nakita ko ang isang binata na nag-aalok ng mga magasing Bantayan at Gumising! sa mga tao sa lansangan. Tumakbo ako sa kaniya sa tuwa at tinanong ko kung kilala ba niya si Brother Godwin Ideh. Gusto niyang malaman kung bakit ko naitanong ito, kaya ipinaliwanag ko sa kaniya ang lahat ng nangyari sa akin.
Nang ako’y matapos, agad niyang ipinasok ang mga magasin sa kaniyang bag at nagtanong: “Bakit kailangan mong maghirap gayong libu-libong Saksi ni Jehova ang naririto sa Lagos?” Tumawag siya ng taksi at dinala ako sa istasyon ng gasolina upang kunin ang aking maleta. Pagkatapos ay dinala niya ako sa kaniyang apartment at ipinagluto ako ng makakain. Pagkatapos ay ipinatawag niya si Brother Ideh, na nakatira sa malapit.
Pagdating ni Brother Ideh, nagtalo sila kung sino sa kanila ang titirhan ko. Nais nilang dalawa na kupkupin ako! Sa wakas ay kanilang napagkasunduan na—may panahong titira ako sa isa at may panahon namang titira ako sa isa naman.
Pagkatapos niyan ako’y nakapagtrabaho bilang isang mensahero. Nang tanggapin ko ang aking unang sahod, kinausap ko silang dalawa at tinanong ko sa kanila kung magkano ang nais nilang itulong ko sa pagkain at upa. Sila’y tumawa at nagsabi na wala akong dapat alalahaning bayad.
Di-nagtagal ako’y nagpatala sa panggabing klase gayundin sa pribadong mga leksiyon, at sa wakas ay natapos ko ang aking panimulang edukasyon. Bumuti ang mga bagay-bagay sa akin sa pinansiyal na paraan. Nakakuha ako ng mas mabuting trabaho, bilang isang sekretaryo, at nang maglaon ay nagkaroon na rin ako ng sarili kong tirahan.
Ako’y nabautismuhan noong Abril 1972. Ako’y 17 taóng gulang. Nais kong pumasok sa paglilingkod bilang payunir upang ipakita ang aking pagpapahalaga sa lahat ng ginawa sa akin ni Jehova, lalo na noong mahirap na panahong iyon. Ako’y nagpatala bilang isang temporary pioneer kailanma’t magagawa ko, subalit nangailangan ng ilang taon din upang maging matatag. Sa wakas, noong 1983, ako’y nagpatala bilang isang regular payunir.
Noong panahong iyon lubusan kong pinahahalagahan ang aking espirituwal na pamilya. Ang mga salitang ito ni Jesus ay napatunayang totoo sa akin: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang sinumang nag-iwan ng bahay o asawang babae o mga kapatid o mga magulang o mga anak alang-alang sa kaharian ng Diyos ang hindi sa anumang paraan tatanggap ng lalong marami pa sa yugtong ito ng panahon, at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang-hanggan.”—Lucas 18:29, 30.
Ang mga Saksi ay talagang nagpakita ng pag-ibig sa akin at inalagaan ako. Kinupkop nila ako nang ako’y walang-wala. Sa tulong nila at sa tulong ng aking makalangit na Ama, ako’y sumagana sa espirituwal. Hindi lamang ako tumanggap ng isang sekular na edukasyon kundi natutuhan ko rin ang mga daan ni Jehova.
Ito ang mga taong ginipit ako ng aking likas na pamilyang itakwil. Nang ako’y tumanggi, itinakwil ako ng aking pamilya. Ako ba ngayon ay hinihimok ng aking espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae na itakwil ang aking likas na pamilya? Hindi. Ang Bibliya ay nagtuturo: “Gaya ng ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.”—Lucas 6:31.
Pagtulong sa Pamilyang Nagtakwil sa Akin
Di-nagtagal pagkaalis ko ng bahay, sumiklab ang isang gera sibil sa Nigeria. Ang aking nayon ay nawasak. Marami sa aking mga kaibigan at mga kamag-anak ay namatay, pati na ang aking madrasta na nagsumamo alang-alang sa akin. Ang ekonomiya ay bagsak.
Nang matapos na ang digmaan, ako’y naglakbay pauwi ng bahay at dinalaw ang isa sa aking mga kapatid na nakibahagi sa pagpapalayas sa akin noong ako’y bata pa. Ang kaniyang asawa at dalawang anak na babae ay maysakit at naospital. Kaya nakiramay ako sa kaniya at tinanong ko kung ano ang magagawa ko upang makatulong.
Marahil dahil sa nakokonsiyensiya, sinabi niya sa akin na wala naman siyang kailangan. Ipinaliwanag ko sa kaniya na hindi niya dapat isipin na bakâ ako ay naghahangad na maghiganti sa ginawa sa akin ng pamilya. Sinabi ko sa kaniya na alam kong wala silang kabatiran sa kanilang ginawa at na talagang nais kong tulungan siya.
Saka siya umiyak at nagtapat na wala siyang pera at na ang kaniyang mga anak ay naghihirap. Binigyan ako siya ng katumbas ng $300 (U.S.) at tinanong ko siya kung nais niyang magtrabaho sa Lagos. Nang ako’y magbalik sa Lagos, naihanap ko siya ng trabaho at inanyayahan ko siya na pumunta at tumira sa akin. Tumira siya sa akin sa loob ng dalawang taon, kumikita ng pera upang ipadala sa kaniyang asawa at mga anak. Nang panahong iyan maligaya akong gumagastos para sa kaniyang tuluyan at pagkain.
Sinabi niya na nalalaman niyang ang mga Saksi ni Jehova ang nagsasagawa ng tunay na relihiyon. Sinabi rin niya na kung hindi lamang siya naging labis na makasanlibutan, siya man sana ay naging isang Saksi. Subalit nangako siya na isasaayos niya na magkaroon ng isang pag-aaral sa Bibliya ang kaniyang asawa at mga anak.
Noong 1987, ako’y inanyayahan sa pansirkitong gawain. Noong Abril 1991, ako’y nagpakasal kay Sarah Ukpong. Noong 1993, kami ay inanyayahang iwan ang pansirkitong gawain at maglingkod sa sangay sa Nigeria. Tinanggap namin ang paanyaya at naglilingkod doon hanggang magdalang-tao ang asawa ko.
Bagaman pinalayas ako ng aking pamilya noong aking kabataan, ako’y kinupkop ng isang espirituwal na pamilya—mga magulang, mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, at mga bata. Anong laking kagalakang mapabilang sa pambihirang pangglobong pamilyang ito,isa na talagang minamahal ko at na tunay na nagmamahal sa akin!—Gaya ng inilahad ni Udom Udoh.
[Larawan sa pahina 23]
Sina Udom at Sarah Udoh