Ang Kalabaw—Tapat at Kapaki-Pakinabang
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL
‘Takbo, takbo! May tigre!’ sigaw ng mga batang lalaki. Nagtakbuhan sila sa kanilang kalabaw, sumakay sa likod nito, at kumaskas na papalayo. Walang anu-ano, si Saïdjah, isa sa mga batang lalaki, ay nawalan ng panimbang at nahulog sa palayan—biktima para sa papalapit na tigre. Subalit, nakita ng kalabaw ni Saïdjah ang nangyari. Ito’y bumalik, inilagay ang malapad na katawan nito na pinaka-tabing sa munting kaibigan nito, at hinarap ang tigre. Sumalakay ang tigre, ngunit ang kalabaw ay tumayong matatag at iniligtas ang buhay ni Saïdjah.
ANG engkuwentrong ito, inilarawan ni Eduard Douwes Dekker, isang manunulat noong ika-19 na siglo na nakatira sa Asia, ay nagpapakita sa kaakit-akit na katangian ng kalabaw: katapatan. Sa ngayon, ang katapatan pa rin ang litaw na katangian nito. “Ang kalabaw,” sabi ng isang dalubhasa, “ay tulad ng alagang aso ng pamilya. Minamahal ka nito habang-buhay basta pinakitunguhan mo ito nang mahusay.”
Ang mga bata sa Asia, kahit na sa gulang na apat na taon, ay nalalaman kung paano gagawin iyan. Araw-araw, inaakay nila ang kanilang malalaking kaibigan sa ilog, kung saan pinaliliguan nila ang mga ito at, sa pamamagitan ng kanilang mumunting mga kamay, nililinis nila ang tainga, mata, at ilong ng mga hayop. Bilang tugon naman, ang kalabaw ay humahalinghing sa kasiyahan. Ang maitim na balat nito ay pinapasok nang husto ng init, at dahil sa ang kalabaw ay may kakaunting glandula ng pawis kung ihahambing sa baka, may problema ito sa pagpapalabas ng init. Hindi kataka-taka na gustung-gusto nito ang araw-araw na paliligo! “Nakalubog sa tubig o sa putik, ngumunguya na ang mga mata’y bahagyang nakamulat,” sabi ng isang akda, ang kalabaw “ay isang larawan ng lubos na kaligayahan.”
Gayunman, ang kanilang pagkahilig sa tubig ay bahagi lamang ng larawan. Ano pa ang ibang mga katangiang taglay nila? Bakit sila kapaki-pakinabang? Upang simulan ito, ano ba ang hitsura nila?
Maskulado at Masusumpungan sa Iba’t Ibang Bahagi ng Globo
Ang kalabaw (Bubalus bubalis) ay mukhang napakalaking baka at tumitimbang ng 900 kilo o higit pa. Ito ay may halos kalbo at maitim na abong balat. Tumataas ng hanggang anim na talampakan sa balikat—na may masaklaw na mga sungay, tuwid na likod, mahabang katawan, laylay na leeg, at maskuladong katawan—ito’y larawan ng lakas. Ang dulo ng malalakas na binti nito ay bagay na bagay para sa paglakad sa putik: malalaking animo’y kahong mga paa ang nakakabit sa lubhang malambot na mga kasu-kasuan. Ang pagiging malambot na iyan ang nagpapangyari sa kalabaw na ibaluktot ang mga paa nito, humakbang sa mga nakaharang, at humilahod sa maputik na mga bukid na doo’y nadudulas ang mga baka.
Ang 150 milyong maamong kalabaw sa daigdig ay mula sa dalawang uri: ang uring panlatian at ang uring pang-ilog. Mula sa Pilipinas hanggang sa India, ang kalabaw na panlatian, na may apat- hanggang anim-na-talampakang-haba na masaklaw na mga sungay, ay isang paboritong larawan sa mga postcard. Kapag hindi nagpapakuha ng litrato, ito ay nag-aararo sa hanggang-tuhod na maputik na mga palayan o naghihila ng mga kariton sa mga daan na magpapangatog sa sinumang tsuper ng trak.
Ang kalabaw na pang-ilog ay kahawig ng uring panlatian. Ang katawan nito ay bahagyang mas maliit at ang mga sungay nito ay mas mahinhin—nakapulupot nang husto o tuwid na nakalaylay. Bagaman tumitimbang ng mga 900 kilo, ito’y kahanga-hanga. Noon, dinala ng mga mangangalakal na Arabe ang uring ito mula sa Asia tungo sa Gitnang Silangan; at nang maglaon, ipinakilala ito sa Europa ng nagbalik na mga nakibahagi sa Krusada, kung saan umiiral pa rin ito.
Bagaman ang kalabaw ay mabagal—sila’y lumalakad nang pahakbang-hakbang sa walang pagbabagong bilis na tatlong kilometro sa isang oras—kapuwa ang kalabaw na panlatian at pang-ilog ay masusumpungan sa maraming bahagi ng daigdig. Ang mga ito’y nanirahan sa baybayin ng hilagang Australia, naglakad sa pampang sa mga isla ng Pasipiko, at gumagawa pa nga ng landas sa kagubatan ng Amazon. Amazon?
Lumalagong mga Mandarayuhan
Ang mga taong naglalakbay upang matuto tungkol sa ekolohiya na pabalik-balik sa Amazon ay madalas na ginagaygay ang mga pampang ng ilog gayunma’y hindi nakasusumpong ng mailap na mga jaguar o malalaking anaconda. Ngunit, hindi na nila kailangan ang mga largabista, o kahit na mga salamin sa mata, upang makita ang mga bagong dating sa gubat—kalabaw, nang libu-libo.
Kung inaakala mong ang mga mandarayuhang ito mula sa Asia na naglulubalob sa Amazon ay nagsasapanganib sa sistema ng ekolohiya, maaari mong pag-isipang magreklamo sa pulis sa Marajó, isang isla sa delta ng ilog. Subalit mag-ingat! Makatatanggap ka ng walang-kinikilingang pagdinig ng kaso pagdating mo sa istasyon ng pulisya, sapagkat ang opisyal na nanunungkulan ay maaaring paalis na para sa pagpapatrolya sa lansangan na nakasakay sa likuran ng nakatatakot na pederal na manggagawa. Tama ka, isang kalabaw—at ang uring panlatian pa nga! Sino ang nagnanais magreklamo?
Sa katunayan, ang kalabaw ay mahalaga sa rehiyon ng Amazon, sabi ni Dr. Pietro Baruselli, isang beterinaryong nagtatrabaho sa isa sa dalawang sentro ng pananaliksik tungkol sa kalabaw sa Brazil. Sinabi niya sa Gumising! na ang kalabaw ay may napakahusay na sistema ng panunaw na nagpapangyari ritong manginain sa mga damuhan anupat siya namang ipinangangayayat ng mga baka. Patuloy na kailangang hawanin ng mga nag-aalaga ng baka ang kagubatan upang lumikha ng bagong pastulan, ngunit ang mga kalabaw ay nabubuhay sa mga pastulang umiiral na roon. Si Dr. Baruselli ay nagsasabi na ang kalabaw “ay makatutulong upang ingatan ang masukal na kagubatan.”
Gayunman, upang mabuhay sa kagubatan, ang kalabaw ay kailangang maging isang tagapaghanda—at ito’y isa ngang tagapaghanda. Ang aklat na The Water Buffalo: New Prospects for an Underutilized Animal ay nagsasabi na kung tag-ulan, kapag ang ang mga pastulan sa Amazon ay binabaha, ang kalabaw ay nakikibagay sa basang kapaligiran nito. Samantalang ang mga baka, na dinadala sa mataas na dako, ay inggit na inggit na nagmamasid at nagugutom, ang mga kalabaw naman sa paligid nila, na lumalakad sa tubig, ay nagpipista sa lumulutang na mga halaman at nanginginain pa nga ng damo sa ilalim ng tubig. Kapag lumitaw na muli ang mga damuhan, ang kalabaw ay makinis pa rin na gaya ng dati.
Inang Reyna
Ang kalabaw sa iba pang bahagi ng Brazil ay dumarami rin. Mula noong maagang mga taon ng 1980, ang kawan ng bansa ay lubhang dumami mula sa apat na raang libo tungo sa ilang milyong kalabaw. Sa katunayan, ang kalabaw ay mas mabilis na dumarami kaysa mga baka. Bakit?
Si Wanderley Bernardes, isang nagpaparami ng kalabaw sa Brazil, ay nagsasabi na ang isang kalabaw ay handa nang mag-asawa sa gulang na dalawang taon. Pagkaraan ng sampung buwan ng pagbubuntis, ito’y nagsisilang ng una nitong guya. Mga 14 na buwan pagkatapos niyan, ang ikalawang guya ay isinisilang. Palibhasa’y kakaunti ang namamatay sa mga guya at malakas ang panlaban sa sakit, ang kalabaw ay nagtatamasa ng isang mahaba at mabungang buhay. Gaano kahaba? Katamtaman nang 20 taon. Gaano kapalaanakin?
“Ipakikita ko sa iyo,” sabi ni G. Bernardes habang naglalakad siya sa malawak na pastulan ng kaniyang 300-ektaryang bukid, mga 160 kilometro kanluran ng São Paulo. “Ito si Rainha (Reyna),” sabi niya na may pagmamahal samantalang itinuturo ang isang hayop na ang gastado nang balat at pingas-pingas nang mga sungay ay nagpapakita ng isang rekord ng mahabang buhay na kalabaw. “Siya’y 25 taóng gulang, maraming ulit nang lola, ngunit hindi lang iyan,” susog pa niya, na nangingiti, “kasisilang lamang niya sa kaniyang ika-20 guya.” Sa mga lolang gaya ni Rainha, hindi kataka-taka na hinuhulaan ng ilang dalubhasa na sa susunod na siglo, ang pinakamalaking kawan ng mga kalabaw ay maaaring nanginginain ng damo sa Brazil!
Isang Buháy na Traktora at Higit Pa
Gayunman, sa ngayon ang pag-aangking iyan ay nasa India, ang tirahan ng halos kalahati ng mga kalabaw sa daigdig. Dahil sa mga kalabaw doon at sa iba pang bansa sa Asia, milyun-milyong mahihirap na pamilya sa bukid ay nabubuhay sa maliit na lupain. Palibhasa’y hindi nangangailangan ng krudo o mga piyesa, ang kanilang “buháy na traktora” ay humihila, nag-aararo, sumusuyod, humihila, at tumutustos sa pamilya sa mahigit nang 20 taon. “Para sa aking pamilya,” sabi ng isang may edad nang babaing taga-Asia, “ang kalabaw ay mas mahalaga kaysa akin. Kung ako’y mamatay, iiyakan nila ako; ngunit kung mamatay ang aming kalabaw, maaaring magutom sila.”
Bukod pa sa pagiging katulong sa bukid, ang kalabaw ay tagapaglaan din ng pagkain. Mga 70 porsiyento ng lahat ng gatas na ginagawa sa India ay nanggagaling sa uring pang-ilog na mga kalabaw, at ang gatas ng kalabaw ay mabiling-mabili anupat ang gatas ng baka ay mahirap ibenta. Bakit mas gusto ito ng marami? “Ang gatas ng kalabaw,” sabi ng aklat na The Water Buffalo: New Prospects for an Underutilized Animal, “ay naglalaman ng kaunting tubig, mas maraming solido, mas maraming taba, bahagyang mas maraming lactose, at mas maraming protina kaysa gatas ng baka.” Ito’y nagbibigay ng maraming enerhiya, masarap ang lasa, at ginagamit sa paggawa ng mozzarella, ricotta, at iba pang masasarap na keso.
Kumusta naman ang karne ng kalabaw? “Hindi nga namin matugunan ang pangangailangan,” sabi ng rantserong si Bernardes. Sa mga surbey sa Australia, Venezuela, at Estados Unidos, at sa iba pang bansa tungkol sa naiibigang lasa, ang mga steak na karne ng kalabaw ang mas nagugustuhan kaysa karne ng baka. Sa katunayan, milyun-milyong tao sa buong daigdig ang madalas na ninanamnam ang karne ng kalabaw samantalang iniisip na sila’y kumakain ng makatas na steak ng karne ng baka. “Kadalasang ang mga tao ay may maling idea,” sabi ni Dr. Baruselli, “ngunit ang karne ng kalabaw ay masarap, at kadalasang mas masarap pa, sa baka.”
Pinaliliit ang Kalabaw
Bagaman dumarami ang mga kalabaw, ito’y nanganganib. “Ang malalaking damulag na siyang pinakamagaling para sa layuning pagpaparami,” sabi ng Earthscan Bulletin, “ay kadalasang pinipili bilang mga hayop na panghila at kinakapon, o ipinadadala sa matadero.” Sa gayong paraan, ang namamanang mga katangian para sa malalaking kalabaw ay nawawala, at ang kalabaw ay lumiliit. “Sampung taon ang nakalipas sa Thailand,” sabi ng mga dalubhasa, “karaniwang makakita ng mga kalabaw na tumitimbang ng 1,000 kilo [2,200 lb]; ngayon ay mahirap nang makakita ng 750-kilong [1,700 lb] kalabaw.” Malulutas ba ang problemang ito?
Oo, sabi ng isang ulat na tinipon ng 28 siyentipiko tungkol sa mga hayop, ngunit “kailangan ang apurahang pagkilos . . . upang mapanatili at mapangalagaan ang mga kalabaw.” Sa paano man, inaamin nila, ang kalabaw ay napabayaan, ngunit “ang mas mabuting pagkaunawa tungkol sa kalabaw ay maaaring maging napakahalaga para sa maraming nagpapaunlad na bansa.” Sabi nila, ang higit pang pananaliksik ay tutulong “upang lumitaw ang tunay na mga katangian” nito.
Sa wakas, natutuklasan ng mga siyentipiko sa buong daigdig kung ano ang nakilala ng mga magsasakang taga-Asia sa loob ng mga dantaon: Ang tapat at kapaki-pakinabang na kalabaw ay isa sa pinakamatalik na kaibigan ng tao.
[Kahon sa pahina 27]
Maling Pagkakilala
“KARANIWANG pinaniniwalaan,” sabi ng aklat na The Water Buffalo: New Prospects for an Underutilized Animal, “na ang kalabaw ay masungit at mabisyo. Pinatitibay ng mga ensayklopidiya ang paniwalang ito.” Subalit, sa katunayan, ang maamong kalabaw ay “isa sa pinakamaamo sa lahat ng mga hayop sa bukid. Sa kabila ng nakatatakot ng hitsura nito, ito ay parang isang alagang hayop ng pamilya—palakaibigan, magiliw, at tahimik.” Paano, kung gayon, nakuha ng kalabaw ang di-nararapat na reputasyong ito? Ito’y maaaring ipagkamali sa African Cape buffalo (Synceros caffer), na talaga namang masungit bagaman isang malayong kamag-anak. Gayunman, ang kalabaw ay hindi nagpapalahi sa kanila. Pipiliin pa nilang panatilihin ang magagaliting mga kamag-anak na iyon sa kinaroroonan nito—sa malayo.