Kung Saan Laganap Na ang AIDS
SA LOOB ng wala pang 15 taon, ang AIDS ay lumaganap sa bawat kontinente sa lupa. Sa loob lamang ng ilang taon, ang biyolohikal na bombang ito ay sumabog at mabilis na lumaganap. Tinataya ng WHO (World Health Organization) na sa buong daigdig 5,000 katao ang nahahawa araw-araw. Iyan ay katumbas ng mahigit na tatlong tao sa bawat minuto! Ang mga bansang lalo nang apektado ay ang mas mahihirap na bansa, yaong tinatawag na nagpapaunlad na mga bansa. Hinuhulaan ng WHO na ang mga biktima sa mga bansang ito, sa taóng 2000, ay 90 porsiyento ng lahat ng impeksiyon ng HIV at sa wakas ay 90 porsiyento ng lahat ng kaso ng AIDS.
Yaong Pinakamalubhang Apektado
Si Rose ay 27 anyos at may asawa at tatlong anak nang ang kaniyang asawa ay biglang nagkasakit. Ang lalaki ay namatay pagkaraan ng ilang buwan. Ang dahilan ng kamatayan ng kaniyang asawa ay hindi matiyak noong panahong iyon. Nasuri ng mga doktor ang sakit na tuberkulosis. Sinabi ng mga kamag-anak na siya’y nakulam. Sinimulang kamkamin ng mga kamag-anak ng lalaki ang ari-arian ni Rose. Puwersahang kinuha ng kaniyang mga biyenan ang kaniyang mga anak samantalang siya’y wala sa bahay. Si Rose ay napilitang bumalik sa kaniyang sariling nayon. Pagkalipas ng dalawang taon siya ay nagkaroon ng sakit na pagsusuka at diarrhea. Noon niya natalos na ang kaniyang asawa ay namatay dahil sa AIDS at na siya man ay nahawahan. Si Rose ay namatay paglipas ng tatlong taon, sa gulang na 32 anyos.
Ang kalunus-lunos na mga kuwentong gaya nito ay karaniwan sa ngayon. Sa ilang dako ang buong mga pamilya at maging ang mga nayon ay nalipol.
“Ang Pinakamalaking Problemang Pangkalusugan ng Ating Panahon”
Ang mga pamahalaan sa nagpapaunlad na mga bansa ay lubhang nasa disbentaha kapag sinisikap na daigin ito. Dahil sa kakulangan ng pinansiyal na tulong at ang pagkakaroon ng iba pang apurahan at magastos na mga prayoridad, ang AIDS ay napatunayang ang kahuli-hulihang pangyayari na mababata. Ang pandaigdig na pagbagsak ng ekonomiya, mga kakapusan sa pagkain, likas na mga sakuna, mga digmaan, kultural na mga gawain, at mga pamahiin ay nagpapalubha lamang sa problema. Ang paglalaan ng pantanging pangangalaga na nagsasangkot ng kagamitan at paggamot para sa madalas na mga impeksiyon ng mga pasyente ng AIDS ay magastos. Marami sa malalaking ospital ngayon ay siksikan, sira-sira, at kulang ng mga kawani. Ang karamihan ng mga pasyente na may AIDS ay pinauuwi na ngayon upang mamatay sa bahay nang magkaroon ng lugar ang dumaraming bilang ng iba pang nangangailangang mga pasyente. Nauugnay sa AIDS ang nakatatakot na pagdami ng karagdagang mga impeksiyon na gaya ng tuberkulosis. Ang ilang bansa ay nag-ulat na ang mga kamatayan dahil sa tuberkulosis ay dumoble sa nakalipas na tatlong taon, at hanggang 80 porsiyento ng mga pasyente sa ospital na may AIDS ay may tuberkulosis.
Ang Epekto ng AIDS sa Lipunan
Ang paglaganap ng AIDS ay nakaaapekto hindi lamang sa sistema ng pangangalagang-pangkalusugan kundi sa lahat din ng bahagi ng ekonomiya at ng lipunan. Hanggang 80 porsiyento niyaong mga nahawahan ay nasa pagitan ng 16 at 40 taóng gulang, ang pinakamabungang grupo sa lipunan. Ang karamihan ng mga kumikita sa pamilya ay nasa grupong ito. Karamihan ng mga pamilya ay dumidepende sa kanila, ngunit kapag sila’y nagkasakit at sa wakas ay mamatay, ang mga musmos pa at matanda na ay naiiwan nang walang suporta. Sa alinmang lipunang Aprikano, kapag namatay ang mga magulang ng isang bata, ayon sa tradisyon ang bata ay inaampon at napapalakip sa pamilya ng malapit na mga kamag-anak. Subalit, sa ngayon, kapag namatay ang mga magulang, ang mga lolo’t lola o ang iba pang buháy na mga kamag-anak ay kadalasang napakatanda na o nabibigatan na nga sa paglalaan ng mga pangangailangan ng kanila mismong mga anak. Ang kalagayang ito ay humantong sa isang krisis ng mga ulila at sa pagdami ng mga batang lansangan. Ang WHO ay humuhula na sa timugang bahagi lamang ng Sahara sa Aprika, mahigit na 10 milyong bata ang mauulila sa pagtatapos ng dantaong ito.
Nasusumpungan ng mga babae ang salot ng AIDS na lubhang nakababagabag at mabigat na pasanin. Ang mga babae ang pangunahin nang tinatawag upang maglaan ng 24-na-oras-isang-araw na pangangalaga na kinakailangan ng maysakit at mamamatay—karagdagan pa sa lahat ng iba pang gawain sa bahay na kailangan nilang gawin.
Kung Ano ang Ginagawa
Sa pasimula ng dekada ng 1980, maraming opisyal ng gobyerno, na may masamang palagay dahil sa batik sa karangalan na nauugnay sa AIDS at walang-kabatiran sa bilis ng pagkalat nito, ay walang malasakit at kampante. Gayunman, noong 1986 ang pamahalaan ng Uganda ay nagpahayag ng pakikibaka sa AIDS. Sa nakalipas na siyam na taon, ang Uganda ay pinapurihan sa pagkakaroon ng “pinakaprogresibong pagsisikap upang sawatain ang paglaganap ng AIDS hanggang sa ngayon.”
Ngayon, mayroon nang mahigit na 600 pambansa at internasyonal na mga organisasyon at mga ahensiya sa Uganda na may kinalaman sa pagsisikap na sawatain ang paglaganap ng AIDS. Ang makataong mga ahensiyang ito ay nagtatag ng mga grupo ng mga sentro para sa pagtuturo tungkol sa AIDS sa buong bansa. Ang kabatiran ng publiko tungkol sa salot ng AIDS ay inihahatid sa pansin ng mga tao sa pamamagitan ng mga drama, sayaw, awit, mga programa sa radyo at sa TV, mga diyaryo, at telepono. Kasali na ang pangangalaga sa bahay at materyal na tulong, ang payo ay ibinibigay sa mga may AIDS gayundin sa mga balo at mga ulila.
Sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, ang pangangalaga sa mga ulila at mga balo ay itinuturing bilang bahagi ng Kristiyanong pagsamba. (Santiago 1:27; 2:15-17; 1 Juan 3:17, 18) Hindi kinukuha ng kongregasyon ang pananagutan ng mga miyembro ng pamilya na pangalagaan ang mga miyembro ng kanilang pamilya. Ngunit kung walang malapit na miyembro ng pamilya, o kung ang mga ulila at mga balo ay hindi na makapaglaan para sa kanilang sarili, sila’y maibiging binibigyan ng tulong ng kongregasyon.
Si Joyce, halimbawa, ay isa sa mga Saksi ni Jehova na nakatira sa Kampala, ang kabisera ng Uganda. Siya ay biktima ng AIDS at namatay noong Agosto 1993. Bago siya namatay isinulat niya ang sumusunod na ulat: “Ako’y lumaki bilang isang Protestante at nang maglaon ay nag-asawa ng isang Katoliko. Gayunman, nakikita ko na marami sa aking simbahan ang gumagawi nang imoral, kaya’t huminto na ako sa pagsisimba. Ang aking ate ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at nang dumating siya upang dumalaw, sinabi niya sa akin ang tungkol sa mga bagay na kaniyang natututuhan mula sa Bibliya.
“Ang aking asawa ay tutol na tutol sa aking pag-aaral ng Bibliya. Maging ang aking mga magulang ay nagsimulang sumalansang sa akin, lalo na ang aking ama. Ang pagsalansang na ito ay nagpatuloy sa loob ng dalawang taon, ngunit hindi ito nakasira ng loob ko, yamang ako’y kumbinsido na ako’y natututo ng katotohanan. Nang sabihin ko sa aking asawa na nais kong magpabautismo, galit na galit siya. Sinaktan niya ako at sinabihan akong lumayas sa bahay. Kaya ako ay umalis at namuhay na mag-isa sa isang maliit na inuupahang silid.
“Pagkalipas ng ilang panahon hiniling ng aking asawa na ako’y bumalik. Di-nagtagal pagkabalik ko siya namang pasimula ng kaniyang panghihina at pagkakasakit. Ako’y nabigla, yamang siya ay laging nagtatamasa ng mabuting kalusugan. Sa wakas ay naunawaan ko na siya ay may AIDS. Siya’y namatay noong 1987. Noong panahong ito ako ay isang regular na payunir [buong-panahong ebanghelisador], at kahit na ako’y biyuda na ngayon na may limang anak, ako’y nagpatuloy sa paglilingkod bilang payunir.
“Pagkalipas ng apat na taon, noong 1991, natanto ko na ako’y nahawahan ng aking asawa ng AIDS. Unti-unting nanghina ang aking katawan at nagkaroon ako ng mga butlig sa balat, mabilis akong namayat, at lagi akong nakikibaka sa trangkaso. Nagpatuloy pa rin ako sa pagpapayunir at nagdaraos ng 20 pag-aaral sa Bibliya, subalit ako’y nanghihina, kailangan kong bawasan ito hanggang sa 16. Pito sa mga estudyanteng ito ang sa wakas nagpabautismo.
“Kailanman ay hindi pa ako nakadama na nabubukod o nanlulumo, yamang ang kongregasyon ay isang tunay na alalay sa akin. Sa wakas, hindi ko na nadadaluhan ang ilang mga pulong dahil sa kahinaan ng katawan. Inirekord ng mga kapatid ang mga pulong para sa akin sa isang audiocassette, at ako’y patuloy na napakakain sa espirituwal. Ang matatanda sa kongregasyon ay gumawa ng listahan upang ang aking espirituwal na mga kapatid na babae ay maghalinhinan sa pag-aasikaso sa mga pangangailangan ko at sinasamahan pa nga ako sa magdamag. Gayunman, isang bagay ang nakababahala sa akin—ang aking mga anak. ‘Ano na lang ang mangyayari sa kanila kapag ako’y namatay na?’ naiisip ko.
“Sa Aprika ang pag-aari ng isang patay na tao ay kadalasang kinukuha ng mga kamag-anak, kaya lagi akong nananalangin kay Jehova tungkol dito. Naipasiya kong ipagbili ang aking bahay at magtayo ng mas maliit na mga paupahang bahay upang ang aking mga anak ay laging may matitirhan at regular na mapagkakakitaan ng salapi. Ang mga kapatid sa kongregasyon ang nagbenta ng aking bahay para sa akin at nangasiwa na bumili ng isang lote, at sila ang nagpatayo ng mga paupahang bahay para sa akin. Ako’y nakatira sa isa rito at nakadama ng kapayapaan ng isip sa pagkaalam na ang aking mga anak ay mapangangalagaan.
“Ang aking mga kamag-anak ay galit na galit nang ipagbili ko ang bahay, at sinimulan nila ang legal na pakikibaka laban sa akin. Minsan pa, ang mga kapatid ay tumulong sa akin at inasikaso ito para sa akin. Nanalo kami sa kaso sa hukuman. Bagaman ako ngayon ay mas mahina, ang maibiging organisasyon ni Jehova at ang pag-asa ng Kaharian ay tumutulong sa akin na magpatuloy. Dahil sa aking kalagayan, ako ngayon ay naospital. Nariyan pa rin ang aking espirituwal na mga kapatid na babae na nag-aasikaso sa aking mga pangangailangan araw at gabi, yamang hindi mailaan ng ospital ang sapat na pagkain at mga kagamitan sa kama.”
Pagkatapos gumugol ng anim na buwan sa ospital, si Joyce ay pinauwi. Pagkaraan ng dalawang araw siya ay namatay. Ang limang anak niya ay inaalagaan ngayon ng isang payunir na sister sa kongregasyon na mayroon ding tatlong anak.
Ang Lunas
Sa Uganda, kung saan ang AIDS ay laganap na, ang Pangulong Yoweri Kaguta Museveni ay nagsabi: “Ako’y naniniwala na ang pinakamahusay na lunas sa banta ng AIDS at ng iba pang sakit na naililipat ng pagtatalik ay ang hayagan at tahasang muling pagtibayin ang pagpipitagan, paggalang at pananagutan ng bawat tao sa kaniyang kapuwa.” Sa maikli—may pangangailangan upang bumalik sa moralidad na isa lamang asawa sa loob ng kaayusan ng pag-aasawa. Ang lahat ay sumasang-ayon na ito ang tanging paraan upang maging ligtas at ang tanging paraan na masasawata ang AIDS. Gayunman, kaunti ang naniniwala na makakamit ang gayong moral na pamantayan.
Ang mga Saksi ni Jehova ay kabilang doon sa hindi lamang naniniwala na posible ang gayong moralidad kundi isinasagawa ito. Isa pa, sila’y naniniwala, gaya ni Joyce, sa pangako ng Diyos ng bagong mga langit at isang bagong lupa na doo’y tumatahan ang katuwiran. (2 Pedro 3:13) Sa isang daigdig na nilinis na mula sa lahat ng kabalakyutan, sa panahong iyon ay tutuparin ng Diyos na Jehova ang pangakong nakatala sa Apocalipsis 21:4: “At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”
[Larawan sa pahina 10]
Isang ama na dala-dala ang kaniyang anak, na namatay dahil sa AIDS, upang ilibing
[Credit Line]
WHO/E. Hooper