Mula sa Aming mga Mambabasa
Pakikinig Ang artikulong “Ikaw ba’y Isang Madamaying Tagapakinig?” (Disyembre 8, 1994) ay talagang kailangan ko. Ilang ulit na sinabi sa akin ng isang kaibigan na hindi niya gusto kapag sinasabi ko na hindi naman gayong kalubha ang kaniyang mga problema at basta nagbibigay na lamang ako sa kaniya ng hindi hinihiling na payo. Tatapatin ko kayo, akala ko mali ang saloobin niya. Ngayon nauunawaan ko na ako ang mali!
S. H., Estados Unidos
Talagang naghihintay ako ng artikulong gaya nito, subalit nilampasan nito ang lahat ng aking inaasahan. Malimit, minamaliit natin ang kahalagahan ng pagkaalam kung paano makinig. Subalit, karamihan sa atin ay nangangarap na tumanggap mismo ng gayong atensiyon.
S. D., Italya
Ako’y 18 taóng gulang, at malimit na hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa ilang kalagayan. Subalit pagkatapos na mabasa ko ang napakagandang artikulong iyon, nadama ko na maaari akong maging madamaying tagapakinig.
J. M., Australia
Nakatutuwang malaman na hindi natin kailangang lutasin ang bawat problema na naririnig natin subalit malimit na ang pakikinig ay sapat na. Lalo na para sa amin na mula sa mga pamilyang may problema ang nangangailangang matuto ng mahalagang mga kakayahan sa komunikasyon. Salamat sa patuloy na paggamit ng Bibliya upang turuan kami kung paano mabuhay.
J. D., Estados Unidos
Napasulong na mga Larawan Ang pangunahing kinuha ko sa paaralan ay visual design. Kasabay nito, ako’y nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Pero kapag nagdadala ako ng Gumising! sa paaralan, nagrereklamo ang mga kaeskuwela ko tungkol sa disenyo nito—na ang ‘kulay’ ay hindi raw maganda at kung anu-ano pa. Gayunman, sa nakaraang mga buwan, ang mga disenyo ay totoong napakahusay. Talagang ipinagmamalaki ko ang mga magasin!
N. I., Hapón
Nasirang Atmospera Katatapos ko lamang basahin ang artikulong “Kapag Nasira ang Ating Atmospera” at lubusan akong nasiyahan dito. (Disyembre 22, 1994) Talagang may pantanging kakayahan kayo sa pagpili ng makabuluhang mga paksa na maisusulat. Gayunman, ilang ulit na binanggit ninyo ang pag-init ng mundo subalit hindi naman kayo nagbigay ng patotoo. Mag-ingat kayo! Kung ang kabaligtaran ang mapatunayan sa hinaharap, ang inyong pagsusulat ay malalagay sa alanganin.
M. L., Estados Unidos
Hindi namin inihaharap ang teoriya ng pag-init ng mundo subalit nag-uulat lamang ng bagay na marami sa kilalang mga siyentipiko ang nag-aakala na ito’y nagaganap. Kung ang pinagtatalunang teoriya ay mapatutunayan o mapabubulaanan ng higit pang pananaliksik ay di pa tiyak.—ED.
Mga Class Trip Tuwang-tuwa ako nang mabasa ko ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Kumusta Naman ang Tungkol sa mga ‘Class Trip’?” (Oktubre 22, 1994) Mga taon na ang nakararaan ang aming klase ay nagplano ng isang-linggong trip. Pagkatapos na pag-isipang mabuti ang bagay na ito nang may pananalangin, nagpasiya akong huwag sumama. Nang magbalik ang klase, napag-alaman ko na ilan sa aking mga kaklase ay nasangkot sa seksuwal na imoralidad. Totoo naman, ang gayong mga trip ay maaaring maging isang mahirap na pagsubok para sa isang Kristiyanong kabataan.
J. S., Norway
Natulungan talaga ako ng artikulo sapagkat ako’y nakasama na sa field trip nang maraming ulit. Ang mga katanungan na iniharap ninyo ay nagpangyari sa isang kabataan na magsuri sa kalagayan. Salamat sa inyong pagtulong sa akin na magkaroon ng mas mabuting pangmalas tungkol sa mga class trip.
M. R., Estados Unidos
Kamakailan ay naanyayahan ako na sumama sa isang class trip sa isang lugar na gustung-gusto kong makita. Nagpasiya ako na ipagpaliban ang class trip, bagaman nakabili na ako ng isang tiket. Di-nagtagal napag-isip ko kung ano ang nasayang ko. Subalit ang artikulo ninyo ay dumating sa tamang panahon. Pagkatapos na mabasa ko ito, tiyak ko na nagawa ko ang tamang pasiya.
L. S. B., Brazil