Ang Paaralang Aprikano—Ano ang Itinuro Nito?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA GHANA
ANG paaralang Aprikano? Ang ilang taga-Kanluran ay maaaring magtaka na malaman na ang kaayusang iyon ay aktuwal na umiral noon. Nakalulungkot nga lang, ang impresyon ng Hollywood sa Aprikano bilang isang mapanganib at hindi sibilisado na may hawak na sibat ay nananatili pa rin sa isipan ng mga tao. Marami ang basta hindi makaunawa kung paanong ang mga Aprikano noon ay sa anumang paraan maituturing na edukado.
Totoo na ang mga Aprikanong pinalaki sa tradisyonal na mga lipunan ay hindi tumanggap ng pagtuturo mula sa aklat at pormal na pagsasanay sa silid-aralan. Subalit, bago pa man dalhin ang Europeong uri ng pormal na edukasyon sa kontinenteng ito, maraming Aprikanong lipunan ang may mabisang mga sistema sa pagtuturo na nakatulong sa mga bata na maging nasasangkapang mainam upang kumilos at mamuhay sa kanilang lokal na kultura. Isaalang-alang halimbawa, ang pag-aaral ng mga Akan, ang mga mamamayan ng Ghana na nagsasalita ng Twi.
Pag-aaral sa Bahay
Sa mga Akan, ang tahanan ay nagsisilbing unang silid-aralan. Ang edukasyon ng bata ay nagsisimula habang siya’y natututong magsalita mula sa kaniyang mga magulang. Kasabay nito, tumatanggap din siya ng kaniyang unang mga leksiyon sa wastong pag-uugali. Halimbawa, kapag babatiin ng isang bisita ang isang bata, ang bata ay tuturuan ng wasto at magalang na sagot. Sa dakong huli, kapag ang bata ay inuutusan, siya’y tuturuan ng magalang na paraan ng paghahatid ng anumang mensahe na ipinahahatid.
Ang pilosopya sa edukasyon ng mga Akan ay tulad niyaong ipinahahayag sa Bibliya sa Kawikaan 22:6: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.” Ang mga magulang, lalo na ang ama, ang nagbibigay-pansin sa pagpapalaki sa bata. Ganito ang sabi ng isang kawikaang Akan: “Kung ang isang bata ay hindi nagmana sa kaniyang ina, siya’y nagmana sa kaniyang ama.”
Habang lumalaki ang bata, lumalalim din ang kaniyang edukasyon. Ang mga leksiyon tungkol sa buhay ay inihahatid, hindi sa pamamagitan ng mga aklat, kundi sa pamamagitan ng likhang-isip na mga kuwento gaya niyaong tungkol sa maalamat na gagamba na tinatawag na Kwaku Ananse. Gustung-gusto ng mga bata ang mga kuwentong ito! Sa simoy ng hangin pagkagat ng dilim, o sa maginaw na gabi sa liwanag ng buwan, sila’y mauupo sa paligid ng isang apoy at talagang nasisiyahan sa mga kuwentong ito ng tagumpay at kabiguan.
Isang bantog na kuwento ang nagsasabing si Ananse ay naglakbay sa buong daigdig upang ilagay ang lahat ng karunungan ng daigdig sa isang palayok. Palibhasa ang kaniyang misyon ay tila natapos na, ipinasiya niyang ibitin ang palayok sa itaas ng isang puno, upang walang makakuha ng karunungang ito. Sinimulan niya ang mahirap na pag-akyat sa puno, ang palayok na punô ng karunungan ay nakatali at bibitin-bitin sa kaniyang tiyan. Habang siya’y nagpupunyagi, ang kaniyang panganay na anak na lalaki, si Ntikuma, ay lumitaw at sumigaw kay Ananse: “Ah, bah, Tatay! Sino ba ang umaakyat ng puno na may palayok sa kaniyang tiyan? Bakit hindi ninyo ilagay ito sa inyong likod upang makakilos kayo?” Tumungo si Ananse sa ibaba sa kaniyang anak at sumigaw: “Anong karapatan mong turuan ako?”
Ngunit ngayon maliwanag na nananatili pa rin ang ilang karunungan sa labas ng kaniyang palayok! Palibhasa’y nagalit dahil sa pagkatalos niya nito, inihagis ni Ananse ang palayok, anupat nabasag ito at nangalat ang lahat ng karunungan. Yaong mga unang nakarating doon ang naging pinakamarurunong. Ang leksiyon: Walang isa man ang may monopolyo sa karunungan. Sa gayo’y masasabi ng mga Akan: “Ang isang ulo ay hindi bumubuo ng isang konseho.”—Ihambing ang Kawikaan 15:22; 24:6.
Mga Kasanayan sa Buhay
Kasali rin sa edukasyon ng mga Akan ang pagsasanay sa mga kasanayan sa buhay. Karamihan ng mga batang lalaki ay ipinagpapatuloy ang hanapbuhay ng kanilang ama—karaniwan nang pagsasaka. Subalit may iba pang mga kasanayan na kailangang matutuhan, gaya ng pangangaso, pagpapatulo ng dagta mula sa palma upang gawing alak, at mga gawang-kamay na gaya ng paglalala ng basket. Para sa mas masalimuot na paggawa, gaya ng pag-ukit ng kahoy o paglalala, ang mga batang lalaki ay nag-aaprendis sa mga maestro artisano. At kumusta naman ang mga babae? Ang kanilang pagsasanay ay pangunahing nakatutok sa mga kasanayan sa tahanan gaya ng paggawa ng langis mula sa gulay, paggawa ng sabon at mga banga, pag-iikid ng koton, at iba pa.
Kasali rin ang siyensiya sa tradisyonal na “kurikulum” ng paaralan. Ang kaalaman tungkol sa mga damong-gamot, ang paggawa at pagbibigay nito, ay ipinapasa mula sa ama tungo sa anak o mula sa lolo tungo sa apo. Ang bata ay natututo ring magbilang, ginagamit ang kaniyang mga daliri gayundin ang mga holen, bato, at mga marka sa patpat. Ang mga larong gaya ng oware at dama ay nagpapatalas ng mga kasanayan sa pagbilang.
Sa pagdalo sa bukás para sa lahat na mga sesyon sa hukuman, ang mga kabataang Akan ay magtatamo rin ng unawa sa pulitikal at hudisyal na mga sistema. Ang mga libing gayundin ang mga kapistahan ay mga pagkakataon upang maunawaan ang lokal na mga panambitan, tula, kasaysayan, musika, pagtambol, at sayaw.
Pananagutang Pampamayanan
Sa mga Akan, ang bata ay hindi nabubukod sa mga tao. Maaga sa buhay ay ipinakikilala sa kaniya ang kaniyang pananagutan sa pamayanan. Natututuhan niya ang kaniyang unang mga leksiyon sa bagay na ito habang siya’y sumasali sa kaniyang mga kaedad sa laro. Sa dakong huli siya’y sasali sa tulung-tulong na mga gawain tulad ng pagtatrabaho sa pamayanan. Kapag siya’y gumawa ng kalokohan, isasagawa ang parusa, hindi lamang ng kaniyang mga magulang kundi ng sinumang adultong miyembro ng pamayanan. Oo, itinuturing na moral na pananagutan ng isang adulto na disiplinahin ang sinumang naglolokong bata.
Ang disiplinang iyon ay tinatanggap na mainam sapagkat ang mga bata ay naturuan na magkaroon ng pagpapahalaga sa mga nakatatanda. Sa katunayan, sinasabi ng mga Akan: “Ang isang matandang babae ay hindi lamang lola ng isang tao.” Sa gayon ang paggalang at paglilingkod sa mga nakatatanda ay isang obligasyon. At ang sinumang bata na, kung walang tamang dahilan, ay tumangging maglingkod sa isang adulto ay isusumbong sa kaniyang mga magulang.
Relihiyosong Edukasyon
Ang mga Akan ay napakarelihiyoso, may pagpipitagan sa kalikasan at sa di-kilalang sansinukob. Totoo, sila’y mga politeista, naniniwala sa maraming diyos. Magkagayon man, ang mga Akan ay naniniwala sa pag-iral ng isang Kataas-taasang Maykapal. (Roma 1:20) Ang salitang Akan para sa “Diyos,” sinumang diyos, ay onyame. Subalit, sa mga Akan ang salita ay tila hindi sapat upang ilarawan ang Maylikha. Kaya, tinatawag nila siya na Onyankopɔn, nangangahulugang “ang Diyos na Siya Lamang ang Dakilang Isa.”
Ang nakabababang mga diyos ay sinasamba taglay ang paniniwalang ito ang kaayusan ng Isang Dakilang Diyos. Sa kanilang isipan ito’y kahawig ng kung paanong ang pinunong mahalaga sa lahat ay pinaglilingkuran sa pamamagitan ng mas nakabababang mga pinuno ng pangkat. Sa paano man, ang bawat batang Akan ay tinuruan ng relihiyong ito.
Tradisyonal na Edukasyon sa Ngayon
Nitong nakalipas na mga taon lamang milyun-milyong Aprikano ang nandayuhan sa malalaking lungsod kung saan halos pinalitan ng pormal na mga pagtuturo sa silid-aralan ang tradisyonal na mga paraan ng pag-aaral. Gayunpaman, ang tradisyonal na paaralang Aprikano ay patuloy na lumalago sa ilang pamayanan, lalo na sa mga lalawigan. Aba, ang ilang Aprikano ay nakinabang pa nga kapuwa sa tradisyonal at pormal na mga edukasyon!
Isaalang-alang halimbawa ang isang ministrong Kristiyano sa Ghana na nagngangalang Alfred. Sa kabila ng pagtatamasa ng isang pormal na edukasyon, mayroon siyang mataas na pagpapahalaga sa maraming aspekto ng tradisyonal na paraan ng buhay. Sabi ni Alfred: “Karamihan sa aking mga kamag-anak na hindi nakapag-aral, bagaman nagkaroon lamang ng tradisyonal na pagsasanay, ay napakahusay na mga guro tungkol sa praktikal na mga aspekto ng buhay. Ang pagtatrabahong kasama ng mga kapuwa Kristiyano ay nagturo sa akin ng maraming mabibisang paraan ng paghaharap ng aking mensahe sa payak, praktikal na istilo. Sa gayo’y nakakausap ko ang mga tao na may tradisyonal na pinagmulan gayundin yaong may pormal na edukasyon. Kadalasan, ginagamit ko ang isang kawikaan o ilustrasyong ginagamit ng mga taong ito, pinagbubuti ito, at isinasama ito sa aking mga lektyur sa Bibliya. Ito ay kadalasang nakatatawag ng masigabong palakpakan mula sa mga tagapakinig! Subalit, ang tunay na kapurihan ay dapat na mapunta sa mga lalaki’t babaing ito na sinanay sa tradisyonal na paraan.”
Maliwanag, kung gayon, ang paaralang Aprikano ay maraming kahanga-hangang aspekto at karapat-dapat sa paggalang, hindi sa paghamak. Maaaring hindi ito nakagawa ng teknolohikal na mga kababalaghan, ngunit nakagawa ito ng isang matibay na kayarian ng pamilya, isang diwa ng pamayanan, at isang bayan ng matatalas ang isip, nakaaakit na ugaling mapagpatawa, at may espiritu ng pagkabukas-palad at mapagpatuloy. Hindi kataka-taka, kung gayon, maraming Aprikano sa lungsod ang nagsisikap na makipag-ugnayan sa mga kamag-anak na nakatira sa mga lalawigan sa pamamagitan ng paminsan-minsang mga pagdalaw. Ang mga okasyong iyon ay may asiwang mga sandali. Ang mga naninirahan sa lungsod ay kadalasang natitigilan pagdating sa tradisyonal na mga kaugalian. Halimbawa, karaniwan nang hindi nila nalalaman na kapag nakipagkamay ka sa isang grupo, ang “tamang” paraan ay ang makipagkamay mula sa kanan pakaliwa. Gayunman, ang mga pagdalaw na iyon ay mapatutunayang nakarerepresko sa isa’t isa.
Gayunpaman, dapat aminin na bagaman itinuro ng tradisyonal na paaralang Aprikano ang pagpipitagan at debosyon, hindi nito ibinahagi ang nagbibigay-buhay na kaalaman ni Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (Juan 17:3) Ang mga Saksi ni Jehova ay nagkapribilehiyong gumawang kasama ng mga Akan at ng iba pang etnikong pangkat sa Aprika upang ibigay ang mahalagang kaalamang ito. Tinuruan nila ang libu-libong Aprikano na walang pormal na pag-aaral na matutong bumasa’t sumulat upang mapag-aralan nila mismo ang Salita ng Diyos. Para sa mga “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan,” ito ang pinakamahalagang edukasyon na maaaring taglayin ng isang tao.—Mateo 5:3.
[Mga larawan sa pahina 25]
Sa mga Akan, ipinakikilala sa bata ang kaniyang pananagutan sa pamayanan
[Larawan sa pahina 26]
Ang mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ay nagbibigay ng mga klase upang matutong bumasa’t sumulat