Isang Tagumpay Para sa Minorya—Sa Isang Lupain ng Pagkakatulad
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HAPÓN
PITONG kamera ng telebisyon at maraming reporter ang naghihintay sa kabataang nagsasakdal upang humarap sa Osaka High Court Press Club nang ang 19-anyos na si Kunihito Kobayashi at ang kaniyang mga magulang ay pumasok sa silid pangkomperensiya na may mga ngiti sa kanilang mga mukha. Madalas ang mga kislap ng kamera sa loob ng silid habang sinasagot nila ang mga tanong ng mga reporter.
“Ako’y maligayang-maligayang tumanggap ng walang-kinikilingang hatol sa kaso ko,” sabi ni Kunihito. “Nais kong makita ang isang daigdig na doon ang lahat ay maaaring tanggapin, pumasá, at magtapos sa anumang mataas na paaralan anuman ang kaniyang relihiyosong paniniwala.”
Binaligtad ng Mataas na Hukuman ng Osaka ang pasiya ng mababang Pandistritong Hukuman ng Kobe at ipinagkaloob kay Kunihito ang kaniyang hinahangad, ang karapatang tumanggap ng isang edukasyon anuman ang kaniyang relihiyosong paniniwala.
Ang Usapin
Ang usapin sa asuntong ito ay ang pagpapaalis sa kaniya sa Kobe Municipal Industrial Technical College (tinatawag na Kobe Tech sa maikli) dahil sa hindi pakikibahagi sa mga pagsasanay sa kendo (eskrimang Hapones), dahil sa relihiyosong kadahilanan. Pagkatapos ng pasiya ng hukuman sa Osaka na pawalang-bisa ang aksiyon ng paaralan sa hindi pagpasá sa kaniya at saka sa pagpapaalis sa kaniya, ipinahayag ni Kunihito ang kaniyang pagnanais na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa elektrikal na inhinyeriya. Ang unang tatlong taon ng limang-taóng kurso sa kolehiyo na ito ay katumbas ng tatlong taon sa haiskul.
Iginiit ng Kobe Tech na si Kunihito ay makibahagi sa mga pagsasanay sa kendo bilang bahagi ng kaniyang klase sa edukasyong pangkatawan. Subalit, sapagkat siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova, ang kaniyang budhing sinanay sa Bibliya ay hindi nagpapahintulot sa kaniya na makibahagi sa mga pagsasanay sa martial arts. Para sa mga reporter na nasa press conference, binuksan ni Kunihito ang kaniyang Bibliya at ipinaliwanag ang kaniyang paninindigan: “Papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
Kung gayon, bakit kailangang idulog ng kabataang estudyante sa batas na magtamo ng kalayaan sa pagsamba at ng karapatan sa edukasyon? Si Propesor Koji Tonami ng Tsukuba University ay nagsabi: “May inilalagay na di-inaasahang mga pagbabawal sa paniniwala ng mga mananampalataya bunga ng kawalang-malasakit at kawalan ng pang-unawa.” Bagaman maaaring hindi sinasadyang inaapi ng pamahalaan o ng pamayanan ang isang relihiyon, maaaring may mga kaso kung saan ang relihiyon ay hindi sinasadyang hinahadlangan.
Bakit ipinatupad ang gayong “di-inaasahang mga pagbabawal” sa karapatan ng minorya? “Sapagkat mataas ang pagpapahalaga ng lipunang Hapones sa sistemang panlipunan na pumipilit sa minorya na sumunod sa nakararami,” sagot ni Propesor Hitoshi Serizawa ng Aoyama Gakuin University. Ang panggigipit na sumunod sa lipunan sa kabuuan ay talagang malakas sa Hapón.
Hindi madali para sa mga kabataan na mapasama sa isang sistema ng paaralan na nagtatakwil ng mga naiiba. Gayunman, hindi lamang ito para sa relihiyosong minorya. Ating isaalang-alang ang kaso mula sa pasimula nito at tingnan natin kung ano ang usapin at kung paano apektado ng pasiyang ito ang publiko sa pangkalahatan.
Pagtatatag sa Karapatan ng Minorya
Hanggang noong 1990, hindi hinihiling ng Kobe Tech sa mga estudyante nito na kumuha ng kurso sa martial arts. Subalit nang matapos ang isang himnasyo na may bulwagan para sa pagsasanay sa martial arts, sinimulan ng paaralan na isama sa kurso ng mga estudyante ang mga pagsasanay sa kendo. Noong 1990 ang guro sa edukasyong pangkatawan ay naging mahigpit sa mga Saksi ni Jehova na pumapasok sa Kobe Tech sa gulang na 16. Sa kanilang kahilingan na huwag nang pakunin ng mga pagsasanay sa kendo, isang guro ang nagsabi: “Huwag na kayong mag-aral kung hindi ninyo magagawa ang ipinagagawa sa inyo ng paaralan!”
Para sa mga kabataang Saksi na nanindigan sa kanilang paniniwala, malabo ang pag-asang makapasá sa susunod na grado. Isa pang guro ang nagsabi: “Hindi kayo makakukuha ng anumang kredito kahit na magpagal kayo sa ibang laro [sa edukasyong pangkatawan].” Limang estudyante ang nanindigan sa kanilang paniniwala sa turo ng Bibliya sa pamamagitan ng hindi pagkuha ng tabak kahit na kung ito ay yari lamang sa kawayan. Tatlo sa kanila ay bautisadong mga Saksi ni Jehova, ang dalawa ay di-bautisado, subalit pinanindigan ng lahat ang kanilang paniniwala sa Bibliya. Handa silang tumanggap ng anumang kahaliling gawain na ipagagawa sa kanila ng mga guro.
Bunga ng kanilang paninindigan, sila’y hindi ipinasá sa susunod na grado. Nang magsimula ang susunod na taon ng pag-aaral noong 1991, tinipon ng mga guro sa edukasyong pangkatawan ang limang estudyante na ayaw lumahok sa mga pagsasanay sa kendo at siyam na estudyante sa unang taon na may gayunding paniniwala at nagsabi: “Kinakailangang makakuha kayo ng napakataas na mga marka kung nais ninyong makapasá sa susunod na grado. Mahihirapan ang sinuman sa inyo na makakuha ng gayong mga marka.” Sinabi pa sa kanila ng mga guro: “Hindi ito sapilitang edukasyon. [Sa Hapón, ang sapilitang edukasyon ay mula sa unang baitang hanggang sa ikasiyam na baitang.] Masasabi namin sa inyo na ‘lumayas kayo rito.’”
Ang limang estudyante ay nagsampa ng demanda laban sa paaralan sa Pandistritong Hukuman ng Kobe na nagsasabing ang pagkilos ng paaralan ay labag sa kanilang konstitusyonal na karapatan may kaugnayan sa kalayaang sumamba at tumanggap ng edukasyon. Kasabay nito, ang limang estudyante ay nakiusap sa Pandistritong Hukuman ng Kobe at pagkatapos ay sa Mataas na Hukuman ng Osaka na ihinto ang pagpapatupad sa aksiyon na hindi sila ipasá upang makapag-aral sila samantalang ang kaso ay dinirinig. Subalit, ang mga pakiusap ay ipinagkait ng dalawang hukuman.
Ang dalawa sa limang estudyante ay muling pinagkaitan ng kanilang mga kredito para sa edukasyong pangkatawan para sa susunod na taon ng pag-aaral at pinagbantaan na paaalisin. Bunga nito, ang isa sa kanila ay huminto na sa pag-aaral dahil sa paghikayat ng paaralan. Ang isa naman ay tumangging tanggapin ang mungkahi ng paaralan na huminto siya. Ang estudyanteng iyon, si Kunihito Kobayashi, ay pinaalis sa paaralan.
Binabanggit ng tuntunin ng paaralan na ang isang estudyanteng dalawang beses nang bumagsak sa isang grado ay dapat na kapagdakang paalisin bilang “isa na mahina ang ulo na walang pag-asang makapagtapos.” Subalit ‘mahina ba ang ulo’ ni Kunihito? Kahit na isama pa ang edukasyong pangkatawan, na, dahil sa usapin ng kendo ay bumagsak siya na may iskor na 48 puntos sa 100, ang kaniyang aberids para sa lahat ng asignatura ay 90.2 puntos. Siya ang nangunguna sa kaniyang klase na may 42 estudyante! Napakabait niya at handa siyang matuto.
Sila’y nakiusap sa Pandistritong Hukuman ng Kobe at pagkatapos ay sa Mataas na Hukuman ng Osaka na ihinto ang pagpapatupad ng pagpapaalis na ito. Subalit ipinagkait ng dalawang hukuman ang pakiusap.
Ang Pasiya ng Pandistritong Hukuman
Noong Pebrero 22, 1993, halos dalawang taon pagkatapos na magsampa ng demanda ang limang estudyante, pabor sa paaralan ang naging pasiya ng Pandistritong Hukuman ng Kobe. “Hindi maikakaila na ang kalayaan sa pagsamba ng mga nagsasakdal ay tila nahahadlangan ng kahilingan ng paaralan na makibahagi sa mga pagsasanay sa kendo,” sabi ng namumunong hukom, si Tadao Tsuji. Subalit siya’y naghinuha na “ang aksiyon ng paaralan ay hindi lumalabag sa konstitusyon.”
Agad na inapela ng mga estudyante ang kaso sa Mataas na Hukuman ng Osaka. Subalit, ang pasiya ng pandistritong hukuman ay nakabalisa sa maraming nag-iisip na tao. Ipinahayag ng isang tao ang kaniyang nadarama sa isang tudling para sa mga mambabasa sa pahayagang Mainichi Shimbun at nagsabi: “Ang pasiya sa pagkakataong ito ay nakasentro sa hatol na ‘labag sa relihiyosong neutralidad na payagan ang hindi pakikibahagi sa mga leksiyon sa kendo sa relihiyosong kadahilanan.’ Gayunman, ang neutralidad ay nangangahulugan ng hindi pagpanig sa magkabilang panig na nasasangkot. At pagdating sa relihiyosong neutralidad, ang usapin ay ang pag-iingat sa pananampalataya ng minorya laban sa nakararami. Kaya nga, talagang ipinagkakait ng pasiyang ito ang karapatan sa pagsamba, at ang hukuman mismo ay lumabag sa relihiyosong neutralidad.”
Marami ang nabagabag at naudyukang magbigay ng kanilang mga opinyon. Ipinadala ni Dr. Takeshi Kobayashi, isang propesor ng Konstitusyon sa Nanzan University, ang kaniyang opinyon tungkol sa kasong ito sa Mataas na Hukuman ng Osaka at nagsabi: “Ang kasong ito na pinagtatalunan ay tiyak na kumukuwestiyon sa mga hukuman ng ating bansa sa kung paano nila pangangasiwaan ang hamon na pangalagaan ang mga karapatan ng minorya. . . . Ang kolehiyo, sa ilalim ng lambong na paghihiwalay ng relihiyon at ng Estado gayundin ng neutral na paninindigan ng edukasyong bayan, ay tahasang tumanggi na pahintulutan ang relihiyosong paninindigan ng isang minorya salig sa karaniwang palagay ng nakararami. Pinagpala ng pasiya ng nakabababang hukuman ang gayong aksiyon bilang naaayon sa batas at ayon sa konstitusyon. Ngunit, kahit na kung ang mga paniniwala ng isang minorya ay maaaring hindi maunawaan mula sa punto de vista ng bagay na karaniwang tinatanggap bilang relihiyoso, kung ang mga paniniwalang iyon ay taimtim, ito’y dapat na igalang. Ang hukuman ay lalo nang hinihiling na humatol taglay ang kabatiran na ito ang sukdulang tagapagtanggol ng minorya.”
Isa pang dalubhasa sa batas, si Propesor Tetsuo Shimomura ng Tsukuba University, ay nagsabi: “Ang nakapangangamba sa kasong ito ay ang malalim pa rin ang pagkakaugat na mapaniil na hilig sa bahagi ng paaralan.” Sinabi niya sa isang panayam sa telebisyon na isinisiwalat nito ang isang pagkukulang sa bahagi ng mga tagapagturo na alisin ang isang estudyante nang hindi siya binibigyan ng anumang mapagpipiliang mga hakbang at nagsisiwalat ng kawalan ng konsiderasyon sa kapakanan ng mga estudyante.
Noong Pebrero 22, 1994, ang Kobe Bar Association ay gumawa ng opisyal na rekomendasyon sa prinsipal ng Kobe Tech na ibalik si Kunihito. Ipinahayag nito na ang aksiyon ng paaralan na hindi pagpasá kay Kunihito at ang pagpapaalis sa kaniya ay mga paglabag sa kaniyang kalayaan sa pagsamba at sa kaniyang karapatang tumanggap ng isang edukasyon.
Walang-Kinikilingang Pasiya
Samantalang dinirinig ang mga pag-apela, ang apat na nagsakdal maliban kay Kunihito ay nagpasiyang iurong ang kanilang kaso. Ito’y dahilan sa ang tatlo ay naipasá na sa susunod na grado at ang isa naman ay napilitang huminto. Nagbunga ito ng usapin na nagtuon ng pansin sa pangangasiwa ng paaralan sa kaso ni Kunihito.
Gayunman, ang apat na dating mga kaklase ni Kunihito ay nagbigay sa kaniya ng moral na alalay sa pamamagitan ng laging pagiging naroroon sa mga paglilitis. Sa pamamagitan ng pag-iipon ng kaniyang maliit na kinikita mula sa kaniyang part-time na trabaho, ang estudyanteng napilitang huminto sa pag-aaral ay nag-abuloy ng kabuuang 100,000 yen upang tulungan si Kunihito na maipagpatuloy ang legal na pakikipaglaban.
Noong Disyembre 22, 1994, si Kunihito kasama ng iba pang mga estudyante ay naghihintay sa mga pananalita ng Punong Hukom Reisuke Shimada ng Mataas na Hukuman ng Osaka.
“Ang dating pasiya ay pinawawalang-bisa,” ang pasiya ni Hukom Shimada.
Si Hukom Shimada, sa kaniyang lubhang mahalagang pasiya, ay nagpasiyang ang dahilan ni Kunihito sa pagtanggi sa mga pagsasanay ng kendo ay taimtim. Binanggit ng hukom na bilang isang institusyong pang-edukasyon na bukás sa publiko, ang Kobe Tech ay may obligasyong magbigay ng konsiderasyong pang-edukasyon sa mga estudyante nito. Binanggit din niya na ang disbentaha kay Kunihito sa pagtangging kumuha ng mga pagsasanay sa kendo ay lubhang malaki at na ang aksiyon na paalisin siya ay sa katunayan pag-aalis sa kaniya ng lahat ng pagkakataon na tumanggap ng isang edukasyon.
Si Hukom Shimada ay nagpasiyang ang paaralan ay magbigay ng mapagpipiliang mga hakbang. Ang pagbibigay ng gayong mapagpipiliang mga hakbang, aniya, ay hindi nagtataguyod o tumutulong sa relihiyon ng umaapela, ni inaapi man nito ang ibang estudyante. “Walang katibayan sa bahagi ng Pinag-aapelahan [ang paaralan] na maingat na isaalang-alang ang mapagpipiliang mga hakbang,” sabi ng hukom. “Bagkus, . . . may katigasang pinanindigan ng Pinag-aapelahan ang patakaran na huwag pahintulutan ang pagtanggi sa mga pagsasanay sa kendo at hindi pa nga sinimulang isaalang-alang ang mga posibilidad ng pagbibigay ng mapagpipiliang mga hakbang.”
Kung Paano Ka Apektado ng Pasiya
Bakit dapat kang maging interesado sa tagumpay na ito ng isang binatang kabilang sa isang pangkat ng minorya? Sa kaniyang aklat na The Court and the Constitution, ng dating pantanging piskal sa Watergate na si Archibald Cox ay nagtanong ng isang kahawig na tanong, tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa usapin tungkol sa pagsaludo sa bandila sa Estados Unidos: “Bakit tayo mag-aalala sa espirituwal na kalayaan ng maliit na minoryang ito?”
Sa pagsagot sa tanong na ito, sinabi ni Cox: “Ang bahagi ng sagot ay masusumpungan sa idea na may kaugnayan sa dignidad ng indibiduwal kung saan nakasalalay ang ating lipunan, isang dignidad na para kapuwa sa tinatanggap at sa mga hindi sumasang-ayon. Ang bahagi ng sagot ay nasa kabatiran na kung mapatatahimik ng Estado ang pananalita ng mga Saksi ni Jehova. . . , tayo mismo ay maaaring isunod.”
Si Propesor Takeshi Hirano ng Ryukoku University ay sumang-ayon kay Cox at nagsabi ng ganito tungkol sa kaso ng kendo: “Isinasaalang-alang ng mga taong nag-iisip na utang nila ang kalayaan sa pagsamba na tinatamasa ngayon ng mga tao sa Estados Unidos sa mga Saksi ni Jehova, na nakipagbaka para sa kanilang mga karapatan sa maraming kaso sa hukuman. Sa ating bansa rin [sa Hapón], inaasahang ang kalayaan sa pagsamba ay maitatatag at mapagbubuti sa pamamagitan ng mga kasong gaya ng isang ito.”
Ginawa ng mga Saksi ni Jehova ang lahat ng kanilang magagawa sa legal na pagtatanggol ng kanilang mga paniniwala, at sila’y nakatutulong nang malaki sa pagtatatag ng saligang mga karapatang pantao sa ika-20 siglo. Sa maraming bansa ang mga Saksi ni Jehova ay nanguna sa legal na mga pakikipagbaka na ipinagtatanggol ang karapatan ng mga pasyente sa pagpili ng paggamot, ang karapatan ng tao na magpasiya kung paano magpapakita ng paggalang sa pambansang bandila, at ang karapatan ng isa na ipahayag ang kaniyang sariling mga paniniwala sa iba. Ang tagumpay sa Mataas na Hukuman ng Osaka ay nagdaragdag pa ng isang kabanata sa rekord ng mga naitulong ng mga Saksi ni Jehova sa pagtatatag ng karapatan ng minorya.
Paggalang sa Iba na May Naiibang mga Paniniwala
Karagdagan pa sa pakinabang ng pagtataguyod sa mga karapatang pantao, ang usapin tungkol sa pagpapahintulot sa mga paniniwala ng minorya ay may kaugnayan sa iyong buhay sa iba pang paraan. Binanggit ni Propesor Kaname Saruya ng Komazawa Women’s University ang tungkol sa kasong ito at nagsabi: “Ang kalayaan sa pagsamba na kinikilala ng konstitusyon ay niwalang-bahala dahil lamang sa [ang estudyante] ay naiiba. Ang hindi pagsali sa kung ano ang naiiba ay palasak sa Hapón.”
Sa lipunan ngayon ang panggigipit na alisin ang mga naiiba, o kung ano ang iba sa karaniwan, ay napakalakas. Ang panunupil, na napakapalasak sa mga paaralan sa Hapón gayundin sa ibang bansa, ay isang halimbawa ng hilig na ito na itakwil kung ano ang naiiba sa pamayanan. Nagkokomento tungkol sa problema ng mga maton sa paaralan, si Hiroshi Yoshino, ang panlahat na superintendente ng Metropolitan Police sa Tokyo, ay nagsabi na ayon sa isang surbey na isinagawa ng National Research Institute of Police Science, isang malaking katumbasan ng mga dahilan ng panunupil, sa panig ng mga maton, ay nagsasangkot ng mga personalidad at mga kilos ng mga inaapi na kakaiba. Siya’y naghinuha: “Sa palagay ko isang masamang elementong natatago nang husto sa lipunang Hapones, yaong pagtanggi sa mga kaugalian o kung ano ang naiiba sa pisikal at mental na paraan, ang ngayo’y bumubuga.”
Ang hilig na ipuwera kung ano ang naiiba sa lipunan ay nakikita saanman, hindi lamang sa Hapón. Gayunman ang kakayahang payagan ang iba’t ibang mga paniniwala ang susi sa mapayapang pag-iral na magkasama. Sa bagay na ito isang editoryal sa Asahi Shimbun ay nagsabi na ang mga pasiya ng Pandistritong Hukuman ng Kobe at ng Mataas na Hukuman ng Osaka “ay gumawa ng isang malaking pagkakaiba.” “Ang dalawang pasiya,” sabi ng pahayagan, “ay waring kumakatawan sa dalawang paraan ng pag-iisip,” isa na mapaniil at ang isa naman ay nagpapahintulot ng iba’t ibang mga paniniwala.
Handa ka bang payagan ang iba’t ibang paniniwala? Handa ka bang tingnan ang katotohanan ng paninindigan ng iba? Kapansin-pansin, si Archibald Cox, na nabanggit kanina sa artikulong ito, ay nagdagdag pa ng isang bahagi sa sagot na kung bakit dapat tayong mabahala sa minorya: “Ang bahagi ay nasa kabatiran na maaaring matuklasan ng ilang di-karaniwang minorya ang katotohanan—isang katotohanang ipinagpaliban o naiwala na magpakailanman dahil sa paniniil nito.”
Maliwanag, ang Kobe Tech ay hindi interesado sa katotohanan na maaaring sinikil nila, ni nagpakita man sila ng mapagparayang pangmalas. Sa halip, inapela nila ang kaso sa Korte Suprema ng Hapón. Ano ang magiging pasiya ng Korte Suprema sa kasong ito? Kailangan nating maghintay at ating alamin.
[Larawan sa pahina 14]
Si Kunihito (gitna) at ang apat na iba pang dating mga nagsakdal