Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 10/8 p. 20-21
  • Isang Katakam-takam na Internasyonal na Prutas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Katakam-takam na Internasyonal na Prutas
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pinya at ang Halaman Nito
  • Paano Ito Itinatanim?
  • Totoong Katakam-takam
  • Ang Mabalahibong Munting Prutas ng New Zealand
    Gumising!—1992
  • ‘Patuloy Kayong Mamunga Nang Marami’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Ang Saging—Isang Pambihirang Prutas
    Gumising!—1994
  • Pagpapalago sa Kagubatan ng Amazon
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 10/8 p. 20-21

Isang Katakam-takam na Internasyonal na Prutas

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA MEXICO

SI Christopher Columbus at ang kaniyang mga tauhan ang marahil unang mga Europeo na nakatikim nito sa panahon ng kanilang panggagalugad sa West Indies noong 1493. Ito’y ipinadala sa hari ng Espanya, at siya’y nasiyahan din sa lasa nito. Naipakilala ito nang husto ng mga marinero sa buong Amerika at, noong 1548, ay dinala ito sa Kapuluan ng Pilipinas upang itanim.

Nang maglaon, bandang 1555, ang katakam-takam na prutas na ito ay naglakbay sa Pransiya. Noong dekada ng 1700, ito’y may pagmamalaking inihanda sa mga hapag ng ilang Europeong hari bilang mamahaling prutas. Ito’y naging napakapopular anupat ito’y kumalat sa kalakhan ng Europa at sa Asia at Aprika. Sa kasalukuyan, ito’y pangunahin nang inaani sa Brazil, Hawaii, Mexico, Pilipinas, Thailand, at ilan pang mga bansa na may kaayaayang klima at lupa.

Sa gayon pagkalipas ng halos limang siglo ng paglalakbay, nakarating ito sa mga lugar na malayo sa Amerika, ang lupang tinubuan nito. Alam mo ba ang prutas na pinag-uusapan natin? Ito ang katakam-takam na pinya.

Sa Mexico ito ay kilala bilang matzatli, sa Caribbean ay ananá, at sa Gitna at Timog Amerika ay nana. Waring ang mga Kastila ang siyang nagtaguri ritong piña dahil sa pagiging kahawig nito sa bunga (cone) ng puno ng pino. Sa ngayon sa Kastila ito’y kilala bilang piña o ananás, samantalang sa Tagalog ito’y kilala bilang pinya. Anuman ang pangalan nito, ang mga nakatikim na nito ay sasang-ayon na ito’y masarap.

Ang Pinya at ang Halaman Nito

Ano ba ang hitsura ng pinya? Ito’y hugis-itlog at nakalagay sa gitna ng halaman. Ang prutas ay nababalutan ng matigas na balat, at sa tuktok nito, may korona na binubuo ng maraming maliliit, medyo matigas na berdeng mga dahon. Ang halamang pinya mismo ay may mahaba, hugis-tabak na mga dahon na tumutubo sa iba’t ibang direksiyon mula sa sanga. Ang halaman ay lumalaki mula animnapu hanggang siyamnapung centimetro, at ang prutas ay tumitimbang mula dalawa hanggang apat na kilo.

Kapag ito’y maliit pa, ito’y kahawig ng pinecone ng puno ng pino, at ang balat ay nananatiling kulay-ube. Ito’y nagiging berde kapag ito’y gumulang na, at ito’y karaniwang nagiging madilaw-dilaw na berde, maberdeng-dalandan, o mamula-mula kapag ito’y nahinog na. Kapag ang lamukot ay hinog na, may matamis na lasa ito​—mabango at makatas.

Paano Ito Itinatanim?

Paano mo ba itinatanim ang pinya? Una sa lahat, ang lupa na gaya ng masusumpungan sa tropikal na mga lugar ay kailangan​—mabuhangin, sagana sa organikong materyal, maasido, at di-gaanong maasin, na may mataas na antas ng halumigmig. Pagkatapos, kailangang itanim ang isa sa maliliit na supang na sumisibol sa paligid ng pinakapuno ng prutas at iyan ang nananatili sa halaman pagkatapos na anihin ang prutas. O ang korona ng pinya mismo ay maaaring putulin at itanim. Subalit, kailangan ng isa na maging matiisin upang masiyahan sa bunga nito, sapagkat tumatagal ng isang taon para ito’y gumulang at maani.

Si Antonio, na nagtatrabaho ng mahigit na 25 taon sa taniman ng pinya, ay nagpapaliwanag ng isang paraan na ginagamit: “Kailangang lagyan ng kaunting calcium carbide ang pinakagitna ng halaman bago lumaki ang prutas. Ginagawa ito upang ang lahat ng pinya ay maaaring anihin nang sabay-sabay, yamang kapag likas na pinalaki lamang ito, mauunahang lumaki ng ilan ang iba at magiging mahirap ang pag-aani.”

Kapag ang pinya ay magulang na subalit hindi pa hinog, dapat itong takpan upang hindi ito masunog sa araw. Ito’y tinatakpan ng papel o ng mga dahon ng halaman ding iyon. Pagkatapos na lumampas sa takdang panahon ng pagpapahinog, ang pinya ay handa nang anihin. Balatan ito, at masiyahan sa mga hiwa nito! Subalit mag-ingat. Ang pagkain ng pinakaubod ng prutas ay maaaring magpakati ng iyong dila. Iyan ang dahilan kung bakit ang lamukot lamang ang gusto ng ilang tao at itinatapon ang pinakaubod nito.

Kung ibig mong matikman ang matamis at makatas na pinya, huwag kang paimpluwensiya sa panlabas na anyo nito. Habang ipinakikita ang isa sa mga ito, sabi ni Antonio: “Pinipili ng ilang tao ang pinya sa pamamagitan ng kulay ng balat nito, ito man ay berde o dilaw. Subalit ang prutas ay maaaring maging hinog kahit na ang balat nito ay berde. Dapat mo itong pitikin. Kung ito’y may basag, o hungkag na tunog, ang lamukot nito ay maputi at matabang ang lasa nito. Subalit kapag buo ang tunog nito, na para bang punô ito ng tubig, kung gayon handa na itong kainin​—matamis at makatas.” May iba’t ibang uri ng prutas na ito, subalit ang pinakakilala ay ang tinatawag na malambot na Cayenne (Cayena).

Totoong Katakam-takam

Maliban pa sa pagiging nasisiyahan sa masarap na lasa ng katas o mga hiwa ng prutas, masisiyahan ka rin dito sa niluto sa arnibal o sirup, na makukuhang nakalata sa ilang bansa. Gayundin, ang pinya ay nagtataglay ng ilang sustansiya na gaya ng carbohydrates, hibla, at mga bitamina, pangunahin na ang A at C.

Sa Mexico masisiyahan ka sa nakarerepreskong inumin na galing sa balat ng pinya. Kung gagawin mo ito, itago mo ang mga balat sa isang babasaging lalagyan na may tubig at asukal sa loob ng dalawa o tatlong araw. Minsang ito’y umasim na, maaari mo itong ihanda bilang pampalamig na may yelo. Ito’y talagang nakarerepreskong inumin na tinatawag na tepache at may matamis-maasim na lasa. Ibig mo ba ng isang baso nito? Sa Pilipinas, ang pinya ay itinatanim upang makuha ang mga hibla nito mula sa mga dahon. Ang mga ito ay ginagamit upang makagawa ng di-gaanong maputi, naaaninag, at napakapinong tela. Ito’y ginagamit upang makagawa ng mga panyo, tuwalya, sinturon, kamisadentro, at mga damit na pambata at pambabae.

Noong nakalipas na ilang dantaon, ang pinya ay iniluluwas sa maraming bansa kung saan ito’y hindi tumutubo. Ang lahat ng nasisiyahan sa lasa nito ay umaasa na magpapatuloy ang paglalakbay nito sa buong mundo, magbibigay kasiyahan sa sangkatauhan.

[Picture Credit Line sa pahina 20]

Itaas: Pinya. Century Dictionary

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share