Bakit Kahoy ang Gagamitin sa Pagtatayo?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HAPÓN
KUMIKINANG na parang kaliskis ng isda sa malamig na araw ng hilagang-kanlurang Russia ay ang 22 hugis-sibuyas na mga kupola na nasa ibabaw ng isang simbahang kahoy. Ang mas malapit na pagmamasid ay nagsisiwalat na ang mga kupola ay natatakpan ng libu-libong laryong kahoy, ngayo’y kupás na sa katandaan. Sa loob halos ng tatlong daang taon, ang gusaling kahoy na ito sa isang isla sa Lawa Onega ay lumalaban sa matinding mga taglamig ng bansa. Walang imik na ito’y nagpapatunay sa kahanga-hangang katibayan ng kahoy.
Ang iba pang gusali ay nagbibigay ng mas matibay na patotoo. Nakakalat sa buong hilagang Europa ang mga gusaling yari sa kahoy na mas matagal nang ginagamit. Halimbawa, ang mga gawang-kamay ng mga Norwego na nagsimulang gumamit ng kahoy sa pagtatayo noong bandang ika-12 siglo ay makikita pa ring nakakalat sa lalawigan. Sa Inglatera, nilalabanan pa rin ang masamang lagay ng panahon, ay makikita ang isang gusaling kahoy malapit sa Ongar, Essex, itinayo noong bandang 1013. Subalit waring ang pinakamatanda sa lahat ng ito ay ang templong kahoy sa Hapón na mga dantaón ang katandaan.
Ang Pinakamatandang Gusaling Kahoy
Paano posibleng manatili nang napakatagal ang Templo ng Horyuji na yari sa kahoy? Pangunahin nang ito’y dahilan sa nakahihigit na kaalaman tungkol sa kahoy ng dating mga karpintero. Alam nila kung aling kahoy ang pipiliin at kung aling bahagi ang gagamitin para sa espesipikong gawain. Ang kanilang napili sa kasong ito ay ang hinoki (Japanese cypress), na mga sanlibong taon na bago ito putulin.
Ginugol ng maestro karpintero na si Tsunekazu Nishioka, na namatay kamakailan, ang kalakhang bahagi ng kaniyang buhay sa pagkukumpuni ng templo. Sinabi niyang ang mga pako—na ginawa sa katulad na paraan ng paggawa ng mga tabak na samurai, ginagamit ang paraan na paulit-ulit na pagpukpok-at-pag-init—ay gumanap din ng mahalagang bahagi sa mahabang buhay ng templo. Sa gawaing pagkukumpuni, ang lumang mga pako ay ginamit sapagkat, gaya ng sabi niya, “ang makabagong mga pako ay hindi tumatagal ng 20 taon.”
Maaaring pag-alinlanganan ng ilan kung baga ang Templo ng Horyuji ay talagang 1,300 taóng gulang, yamang 35 porsiyento nito ay nahalinhan na nitong siglong ito. Subalit, maraming malalaking haligi, pangunahing mga biga, at mga medya-agwa ay yari sa orihinal na mga kahoy. Ganito ang sabi ni Nishioka: “Sa palagay ko ang templo ay tatagal pa ng 1,000 taon.”
Palibhasa’y may ganitong uri ng mga kahoy na lumalaki sa palibot nila, hindi kataka-taka na ang sinaunang mga Hapones ay naging mahilig sa kahoy. Kahit na sa ngayon ipinababanaag ng kanilang mga bahay na ang pagkahilig na ito ay naipasa.
Mga Tahanang Hapones
Sa loob ng bahay, ang kahoy ay ginagamit nang husto, ngunit hindi pinipintahan. Ang mga haligi, pinto, muwebles, at iba pa, ay pinapahiran ng barnis anupat hahangaan mo ang natural na haspe at kulay. Ang mga tabla sa beranda ay hindi binabarnisan. Ang walang barnis na tabla ay likas na nagdurugtong sa mga punungkahoy at mga palumpon sa hardin. Ang epekto ay pagkakasuwato at katahimikan sa halip na pumupukaw na kapaligiran.
Maraming Hapones ang nagsasabi na ito ang uri ng bahay na pinapangarap nila. Gayunman, maraming mahuhusay na uring tabla na magagamit sa pagtatayo ng gayong bahay ay napakamahal na ngayon para sa karaniwang manggagawa. Magkagayon man, gusto ng mga Hapones na gumamit hangga’t maaari ng kahoy sapagkat itinuro sa kanila ng kasaysayan na bukod sa maganda, ang kahoy ay angkop sa kanilang kapaligiran, na kinabibilangan ng madalas na mga lindol, bagyo, maalinsangang mga tag-araw, at malamig na mga taglamig.
Malaking tulong din ang kahoy sa mga bansang madalas dalawin ng lindol, yamang ito ay kusang bumabaluktot at pumipilipit dahil sa puwersa samantalang ang mga materyales na gaya ng bato ay mababasag. Ang kahoy ay mayroon ding mahuhusay na katangian ng pagpapanatili ng halumigmig at insulasyon. Sa kabila ng ulan at pagiging mamasa-masa sa Hapón mula Hunyo hanggang Agosto, ang mga bahay ay hindi nabubulok. Ang kahoy ay nakikibagay at naglalaan ng ginhawa sa panahong ito sapagkat maaari nitong tanggapin ang halumigmig mula sa hangin at pagkatapos ay matuyo. Gayunpaman, ang kahoy ay kaakit-akit sa karaniwang tao sa iba pang kadahilanan.
Ang Ganda ng Kahoy
Sa buong daigdig pinipili ng karamihan ang kahoy dahil sa hitsura nito. Sina Albert Jackson at David Day ay nagpapaliwanag sa kanilang Collins Good Wood Handbook: “Yamang ang kahoy ay produkto ng kalikasan, ang bawat piraso ay natatangi. Ang bawat bahagi ng kahoy na kinuha mula sa isang punungkahoy, o mula pa nga sa iisang tabla, ay magiging magkaiba. Maaari itong magkaroon ng parehong tibay o kulay, subalit hindi parehong disenyo ng haspe. Ang pagkakaiba-ibang ito ng katangian, tibay, kulay, magagawa at amoy pa nga ang siyang nagpapangyari sa kahoy na lubhang kaakit-akit.”
Bakit napakaraming pagkakasari-sari ang makikita sa mga haspe ng kahoy? Buweno, upang banggitin lamang ang ilan, samantalang ang ilang puno ay may tuwid na mga haspe, ang iba ay may mabukóng haspe, at ang iba pa ay may alun-alon o kulot pa ngang mga haspe. Pagkatapos, habang lumalaki ang mga punungkahoy ito ay karaniwang pumipilipit o nagbabago ng direksiyon ng kanilang paglaki, nagsasanga, at paroo’t parito ang mga insekto. Lahat ng ito ay gumagawa ng kawili-wiling mga disenyo. Isa pa, ang disenyo ay mukhang naiiba ayon sa direksiyon ng pagkaputol sa kahoy. Ang isang kahoy na mamula-mulang kayumanggi na pinutol upang magkaroon ng kitang-kitang disenyo ng halos itim na mga guhit ay pinanganlang zebrawood sa ilang bansa at tigerwood naman sa ibang bansa.
Lalo pang nagpapaganda sa kahoy ang napakaraming iba’t ibang kulay. Hindi lahat ng kahoy ay kayumanggi. Ang itim na kahoy na ebony na galing sa India at Sri Lanka, ang pula hanggang muradong-pulang camwood mula sa Kanlurang Aprika, at ang matingkad na pulang mahogany mula sa Gitna at Timog Amerika. Ang matingkad na kahel-pulang brazilwood, na kapag nabilad ay nagiging matingkad na pulang-kayumanggi, ay galing sa Brazil. Ang ilang kahoy ay berde, at ang ilan ay kulay rosas. Ang Alaska ay nagbibigay ng mapusyaw na dilaw na kahoy ng dilaw na sedro, at ang Europeong sikamoro ay mas mapusyaw pa. Ang pinakamapusyaw na kulay ay ang mga whitewood, napakapusyaw anupat ito’y halos walang kulay.
Kaakit-akit din sa marami ang amoy ng kahoy. Ang isang mabangong kahoy ay ang abeto (juniper), na ginamit ng mga karpintero ni Solomon upang ilatag sa sahig ng templo. (1 Hari 6:15) Marahil ang amoy ng kahoy na abeto ay humahalimuyak at humahalo kung minsan sa kamangyan o insenso. (2 Cronica 2:4) Ang abeto ay kilala hindi lamang sa pagiging mabango kundi dahil din sa pagiging matibay at hindi nabubulok.
Marami pa ang masasabi bilang papuri sa kahoy. Ang mga kagalingan nito ay napakarami anupat maaari nating itanong kung posible bang may anumang masasabi laban dito.
Ang Kaloob ng Kahoy
Totoo, hindi lahat ng kahoy ay lumalaban sa mga peste, ni ang lahat man ay lumalaban sa pagkabulok o tumatagal ng daan-daang taon. Ang malaking problema lamang sa paggamit ng kahoy sa pagtatayo ay ang sunog. Subalit, sa matinding init ang malalaking kahoy ay dahan-dahang nasusunog, dahan-dahang nawawalan ng lakas, at mas matagal bumagsak kaysa bakal. Gayunman, kakaunting bahay ngayon ang may matandang-uri na malalaking kahoy na mga biga at haligi. Kaya ang isang tao ay kailangang tumakas karaka-raka hangga’t maaari sa isang nasusunog na bahay.
Ang kahoy ay hindi isang mumurahin at mahinang-klaseng materyales sa pagtatayo. Bagkus, ang kahoy na pinili at napangasiwaan nang wasto ay maaaring maging isang gusali na mainam ang insulasyon na magagamit sa loob ng daan-daang taon. Ang ilang awtoridad ay nagsasabi na ito ay hindi kailanman mabubulok kung ito ay pangangalagaan nang wasto. Totoo man ito o hindi, ang kahoy ay tiyak na isa sa pinakamahusay na mga materyales sa pagtatayo na ibinigay sa atin ng Maylikha.
[Larawan sa pahina 17]
Hugis-sibuyas na mga kupola sa ibabaw ng simbahang kahoy sa isla ng Lawa Onega
[Credit Line]
Tass/Sovfoto
[Mga larawan sa pahina 18]
Ang Templo ng Horyuji sa Hapón na yari sa kahoy