Paglutas sa Tambak na Basura—Sa Pamamagitan ng Compost
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA FINLAND
HABANG ang basura ng sangkatauhan ay nagtatambakan, ito’y naghaharap ng isa sa pinakamahirap na suliranin sa ating kapanahunan. Ang makabagong teknolohiya, na napakahusay naman sa paglikha ng basura, ay nagugulumihanan pagdating sa pag-aalis nito. Ang maliwanag, matagal nang mga solusyon ay punô ng mga problema. Yamang ang pagtatambak ng basura ay makapagpaparumi sa kalapit na bukal ng tubig, maraming bansa ang napilitang magsara ng mga tambakan ng basura. At ang pagsusunog ng basura ay maaaring maglabas ng nakalalasong mga kemikal at mag-iwan ng abo, kapuwa naghaharap ng sarili nitong mga problema sa pagtatapon. Ang mga sunugan na high-tech ay hindi naman kilala sa maraming lugar.
Anong mapagpipiliang paraan ang natitira? Iminumungkahi ng ilan ang isang likas na paraan ng pag-aalis ng solidong mga basura—isang anyo ng biyolohikal na “apoy” na tinatawag na composting (paglalayak o paghahalo ng nabubulok na mga bagay na ginagawang pataba). Gaya ng apoy, ang composting ay lumilikha ng maraming kakambal na produkto mula sa organikong mga bagay, naglalabas ng init sa panahon ng proseso. Ang mga kakambal na produkto ng composting ay maaaring maging kapaki-pakinabang. Ang gas at init ay maaaring gamitin bilang mapagkukunan ng enerhiya. At ang solidong kakambal na produkto, humus, ay kapaki-pakinabang na pataba sa lupa sa pagsasaka.
Ang composting ay nagiging kilala. Halimbawa, sa Finland sa bayan ng Korsholm at sa katabing lungsod nito ang Vaasa ay nakagawa ng makabagong planta na nagpoproseso ng basura na nagsasagawa ng composting. Ang nagdisenyo ng planta ay nakatuklas ng mahusay na paraan upang malutas ang dalawang problema ng rehiyon nang minsanan. Ang graba para sa konstruksiyon at paggawa ng daan ay kakaunti ang mapagkukunan. Kaya, pumasok ang idea na magpasabog ng isang maluwang, 40 metro ang lalim na butas sa pinakasahig ng batuhan. Pagkatapos na makapaglabas ng napakaraming graba, nabuo ng butas ang isang tamang lugar para sa malaking bioreactor na bubulok sa nakapipinsalang elemento upang iproseso ang basura ng munisipyo. Ang pagiging napaliligiran ng buung-buo na bato ang siyang tumutulong sa reactor upang mapanatili ang iisang temperatura na napakahalaga sa proseso ng permentasyon.
Ang resulta? Sa kalakhang bahagi, nalutas ng makabagong plantang ito ang problema ng rehiyon sa basura. Nabawasan ang dami ng basura ng 75 porsiyento at ang timbang ng 66 na porsiyento. Paano ito naging posible? Ating puntahan ang planta.
Pantanging Planta sa Pagproseso ng Basura
Ang aming unang impresyon pagdating namin ay na ang lugar na ito ay walang gaanong pagkakatulad sa karaniwang tambakan ng basura. Walang mga daga, at walang masamang amoy. Dito ang pangasiwaan sa basura ay waring isa lamang kapaki-pakinabang na industriya.
Unang ipinakita sa amin ng namamahala sa planta ang isang tsart na nagpapaliwanag kung ano ang nagaganap sa planta. Ang dalawang-hakbang na proseso ay nagbabawas ng karamihan sa bunton at dami ng basura—unang nagdaraan ito sa composting at pagkatapos ay binubulok ito. Sa composting, ang basura ay binubulok na may hangin; sa paraan ng pagbubulok, ito nama’y dumaraan sa permentasyon nang hindi nahahantad sa hangin. Subalit bago pa man magsimula ang alinman sa mga prosesong ito, ang basura ay dinudurog.
Mula sa bintana ng silid na may kagamitan sa pagkontrol, nakita namin ang isang trak ng basura na umaatras sa malaking pinto. Ibinunton nito ang basura sa isang malaking hukay na hugis-imbudo, kung saan dinadala ito ng isang kurea sa lugar na ito’y pipira-pirasuhin. Ang malalaking bagay, gaya ng batalya ng bisikleta, mga gulong ng kotse, mga tubo para sa exhaust, at ang maraming piraso ng plastik, ay inaalis ng crane. Ipinaliliwanag ng aming punong-abala na kapag dumating ang lumang mga refrigerator at freezer, ang mga ito’y ipinakukumpuni at pagkatapos ay ipinagbibili sa mga bansang di-maunlad.
Pagkatapos ng unang pagdurog, ang basura ay napupunta sa isang salaan na may malalaking butas kung saan ang lahat ng bagay na mas maliit sa limampung milimetro ay nahuhulog. Ito’y halos kalahati ng basura, at ito’y nagdaraan sa unang hakbang ng biyolohikal na proseso nito, ang composting. Ito’y nagaganap sa malaking tangke kung saan ang durog na basura ay inihahalo kasama ng burak mula sa planta na nagpoproseso ng alkantarilya sa lungsod.
“Kapag isinasagawa ang prosesong ito, lagi naming isinasaisip ang kapaligiran,” sabi ng aming punong-abala, “kaya, inihihiwalay pa nga namin ang alikabok na nagmumula sa pagdurog. Isa pa, pinahahanginan namin ang mga tangke ng composter (layakan) kung saan ang halo ng basura at burak ay pinag-iisa at pinaiinitan sa humigit-kumulang 40 digri Celsius [104 digri Fahrenheit]. Napakasama ng amoy ng hangin na lalabas dahil sa pagkabulok sa pagkakakulob kung hindi muna namin pararaanin sa piltro.”
Pagkalipas ng isa o dalawang araw sa composter, ang mga materyal ay papasok sa pinakamalaking 40 metro ang taas na biogas reactor. Ano ang nagaganap dito? Buweno, ang mga organikong elemento ng halong ito ay binubulok ng maliliit na mikrobyo na maaari lamang mabuhay sa isang kapaligiran na walang oksiheno. Ang yugto ng prosesong ito ay basta tinatawag na pagbubulok. Gumugugol ng 15 araw sa 35 digri Celsius sa pagbubulok. Ang kahuli-hulihang kinalabasan ay biogas at tumpok ng humus, na ang tumpok ay halos 85 hanggang 90 porsiyentong tubig. Ang karamihan ng tubig ay pinipiga at ibinabalik sa reactor.
Subalit ano ang nangyayari sa kalahati ng basura na hindi napupunta sa salaan? Sinabi ng aming giya na ang bahaging ito ay madaling masunog dahil sa ito’y naglalaman ng halos papel at plastik. Subalit nangangailangan ng temperaturang mahigit sa 1,000 digri Celsius upang maingat na masunog ang basura—at wala ng gayong sunugan sa malapit. “Iyan ang dahilan kung bakit namin dinudurog ang natitirang basura nang minsan pa at inuulit ang proseso,” aniya. “Totoo na ang biyolohikal na proseso ay hindi kayang lumusaw ng mga plastik, subalit ang karamihan ng basura ay papel, na sa wakas ay nagiging halo ng humus.”
Ano ang nalilikha ng masalimuot na prosesong ito? Ganito ang sagot ng aming giya: “Pangunahin nang nakakukuha kami ng dalawang produkto, ang halo ng humus at biogas. Ipinagbibili namin ang bunton ng humus para sa pagpapalawak sa taniman at pagtatambak sa di na ginagamit na tambakan ng basura. May malaking pangangailangan ngayon dito dahil sa maraming sinaunang tambakan ng basura ang nagsara na. Sa hinaharap titingnan natin kung magagamit ito sa pagsasaka pagkatapos na alisin ang bubog at mga plastik. Ang biogas ay naglalaman ng 60 porsiyento ng methane at 40 porsiyento ng carbon dioxide. Kung kalidad ang pag-uusapan ito’y nakakatulad sa natural na gas at gayundin ang gamit. Kami’y mayroong sistema sa linya ng tubo para sa pamamahagi nito sa pinakamalapit na mga industriyal na mga planta.”
Kumusta naman ang mga problema sa bakal na nasa basura at lusak? Ganito ang pagpapatuloy ng aming giya: “Ang mga bakal ay naipon nang husto sa tubig. Kaya, ibig namin, sa hinaharap, na magkaroon ng isang kagamitan na mag-aalis ng mga bakal na ito mula sa tubig. Kung gayon ang ating produkto ay mapakikinabangan sa lahat ng layunin. Kapag pinag-usapan natin ang hinaharap, ibig kong ipaalam sa inyo ang aking pinapangarap, na lahat ng sambahayan ay magbukud-bukod ng kanilang basura para wala kaming matanggap na bubog, plastik, o metal man. Ang lahat ng iyan ay maaaring iresiklo. Kahit na ang sintetikong tela, mga plastik, at goma ay maaaring iresiklo.”
Ang planta ay may kapasidad na magproseso ng basura na nalilikha ng 100,000 katao. Ito ay mahalaga sa Finland. Sa taóng 2000, ang bansang ito ay nagpaplano na gamitin ang halos kalahati ng basura nito—sa anyo ng mga kagamitang hilaw o enerhiya.
Nabigyan kami ng matibay na patotoo sa aming pamamasyal na posibleng may magawa tungkol sa tambak na basura. Ang bawat isa sa atin ay maaari talagang makiisa sa anumang batas tungkol sa pagreresiklo saanman tayo nakatira. Kaya, bago namin iwan ang aming giya, tinanong namin siya kung maraming planta ang nagpoproseso ng basura na kasinghusay ng ginagawa ng isang ito. “Mahirap sabihin,” sagot ng aming giya. “Wala akong alam na anumang ibang katulad na mga planta. Marahil mas malaki ang problema sa maraming lugar anupat walang sinumang mangahas na sumubok ng ganito.”