Pinatitibay ng Korte Suprema ng Canada ang mga Karapatan ng mga Magulang
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CANADA
KAPAG ang inyong anak ay napaharap sa malulubhang problema sa paggamot, bilang mapagmahal na mga magulang likas lamang na makadama ng pagkabahala at pagkabalisa. Anong laking kaginhawahan at kaaliwan para sa iyo kapag ang responsable at madamaying mga doktor ay kumilos na may paggalang sa iyong piniling paraan ng paggamot! Gayunman, lumilitaw ang mga kalagayan kung saan isinasagawa ang di-makatuwirang hakbang at ipinagwawalang-bahala ang mga kagustuhan ng mga magulang. Napakalimit ito ay humahantong sa masaklap na karanasan.
Sa Canada pinahihintulutan ng mga batas na nangangalaga sa bata ang mga opisyal ng pamahalaan na dakpin ang mga bata. Apat na lalawigan ang nagpahintulot sa pamahalaan na pawalang-halaga ang mga kagustuhan ng mga magulang nang walang mga pagdinig sa korte. Ito’y naghaharap ng mahahalagang usapin sa lahat ng magulang at mga anak. Anong bahagi ng pagpapasiya ang para sa mga magulang? Kapag pinili ng pamahalaan na makialam sa pagpapasiya ng magulang, anong pamamaraan ang dapat pagtibayin upang maglaan ng kinakailangang katarungan para sa mga magulang at mga anak? Iniingatan ba ng Konstitusyon ang pagpapasiya ng mga magulang?
Isang artikulo ang lumabas sa The Toronto Star noong Marso 3, 1995, na bumuod sa mga usapin na ito yamang ito’y nauugnay sa isang kaso na nagsasangkot sa isang sanggol na babae na isinilang na kulang sa buwan noong 1983. Ang kaniyang mga magulang ay mga Saksi ni Jehova. “[Kanilang] tinatanggap ang karamihan ng paraan ng paggamot subalit tumanggi sa pagsasalin ng dugo. Ang mga doktor ay humiling ng utos mula sa korte. Pinahintulutan ng hukom ang Children’s Aid Society na siyang mangasiwa sa bata. Walang dugong ibinigay sa sanggol hanggang pagkalipas ng ikatlong linggo, at ito’y isang paghahanda lamang para sa hindi sapilitang pagsusuri sa mata at posibleng operasyon sa mata. Tumanggi ang mga magulang hanggang sa makarating ito sa Korte Suprema.”
Ang hatol ay ibinigay noong Enero 27, 1995, at bagaman hindi pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang ginawa noong 1983, lima mula sa siyam na mga hukom ang nagtakda ng mga alituntunin upang maiwasan ang pag-abuso ng kapangyarihan ng pamahalaan. Pinagtibay ng desisyon ng Korte ang mga karapatan ng mga magulang na magpasiya sa paggamot para sa kanilang mga anak.
Lalo na, isinaalang-alang ng Korte ang pagpapasiya ng mga magulang sa liwanag ng kalayaan ng relihiyon na tinitiyak ng Canadian Charter of Rights and Freedoms. Ganito ang sabi ni Hukom Gerard La Forest, para sa nakahihigit na bilang ng mga hukom: “Ang karapatan ng mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak ayon sa kanilang relihiyosong paniniwala, kalakip na ang pagpili ng medikal at iba pang paraan ng paggamot, ay kasinghalaga ng aspekto ng kalayaan sa relihiyon.”
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ipinag-utos ng pinakamataas na korte sa Canada na kalakip sa kalayaan ng relihiyon sa ilalim ng Charter ang karapatan ng mga magulang na pumili ng paraan ng paggamot para sa kanilang mga anak. Niliwanag ni Hukom La Forest ang simulaing ito nang kaniyang sabihin: “Hindi ibig sabihin nito na hindi maaaring makialam ang pamahalaan kapag isinasaalang-alang nito na mahalaga na ingatan ang sariling pagpapasiya o kalusugan ng bata. Subalit ang gayong pakikialam ay kailangang mabigyang-katuwiran. Sa ibang pananalita, ang pagpapasiya ng mga magulang ay kailangang tumanggap ng proteksiyon ng Charter upang maingat na masubaybayan ng korte ang pakikialam ng pamahalaan, at ang pakikialam ng pamahalaan ay pahihintulutan lamang kapag ito’y sumusunod sa mga alituntunin na nakasalig sa Charter.”
Idiniin ni Hukom La Forest ang pangangailangan na bigyang-katuwiran ang pakikialam sa pagpapasiya ng mga magulang nang tumugon siya sa mga sinabi ng dalawa sa kaniyang kapuwa hukom: “Ang ilan sa kanilang sinabi ay maaaring unawain bilang suporta sa pagwawalang-halaga sa mga karapatan ng mga magulang dahil lamang sa ipinalalagay ng isang propesyonal na kailangang gawin iyon. Ako’y totoong nababahala kung mapawawalang-halaga ng isang propesyonal sa medisina ang pangmalas ng mga magulang nang hindi ipinakikita ang pangangailangan sa gayong pakikialam sa pasiya ng mga magulang.”
Ang pagpapasiya ng mga magulang may kaugnayan sa paraan ng paggamot ay kinilala bilang isang konstitusyonal na karapatan sa ilalim ng Canadian Charter of Rights and Freedoms. Kaya, isang matinding mensahe ang inihatid sa mga opisyal sa pangangalagang-pangkalusugan ng bata at sa mga hukom. Kailangan silang kumilos nang may pag-iingat at wastong paggalang sa mga karapatan ng mga magulang. Ang responsableng mga doktor ay dapat ding handang tumanggap sa mga alituntuning ito sapagkat ang mga ito’y sumusuporta sa pasiya ng mga magulang sa makatuwirang mga mapagpipilian, kasali na ang walang dugo na paraan ng paggamot sa mga bata.
Kung isasaalang-alang ang pinakahuling debate tungkol sa mga pagsasalin sa dugo at ang kilalang mga panganib nito, kasali na ang AIDS, mapahahalagahan ng isa ang komento ni Hukom La Forest nang kaniyang sabihin pa: “Ang pagkabahala na sinabi ng mga nag-apela sa kasalukuyang apela ay nagbabangon ng higit na malawak na usapin tungkol sa pagiging angkop ng pamamaraan sa paggamot kung saan ang mga pakinabang sa paggamot ay totoong pinag-aalinlanganan . . . Gayunman, ang medikal na katibayan na iniharap noong 1983 . . . ay hindi nagpapahintulot sa atin na pag-alinlanganan ang pangangailangan ng pagsasalin ng dugo, bagaman ang ilan kung gugunitain ay maaaring matuksong gumawa niyaon. Gayunman, ang apelang ito ay nagpapaalaala sa atin sa pangangailangan ng pamamaraan taglay ang pag-iingat kapag pinawawalang-halaga ang pagtanggi ng mga magulang.”—Amin ang italiko.
Ganito ang pagtatapos ng artikulo ng The Toronto Star na nabanggit sa pasimula: “Ano ang natamo ng pasiya ng Korte Suprema? Una, ang mga doktor, mga magulang, mga social worker at mga hukom ay mayroon na ngayong mga alituntunin kapag nagkaroon ng pagkakaiba sa opinyon sa pagitan ng mga magulang at mga doktor. Ikalawa, ang pagdiriin sa medikal na mga mapagpipilian ay dapat gumawang posible sa higit na pakikibagay sa usapin tungkol sa pagsasalin sa panahong kapag ang parami nang paraming mga walang dugong mapagpipilian ay magawa at madali nang makuha. Ikatlo, kapag ang pasiya ay ginawa upang baligtarin ang pasiya ng mga magulang, dapat na magkaroon ng walang-kinikilingang pagdinig sa korte taglay ang reklamo sa pamahalaan at mga doktor upang patunayan ang pangangailangan sa iminungkahing pakikialam.”
Tiyak na masusumpungan ng mga doktor, mga hukom, at mga magulang sa ibang bansa na nakatutulong at kapaki-pakinabang ang mga alituntuning itinakda ng karamihan sa pasiya ng Korte Suprema ng Canada. Inaasahan na ang mga doktor saanman ay magpapatuloy na maglaan ng medikal na pangangalaga sa maingat at may-habag na paraan may kaugnayan sa mga karapatan kapuwa ng mga anak at mga magulang.