Napakaraming Nabubuhay at Namamatay sa Malupit na Karukhaan!
SI Yati ay umaalis sa kaniyang barungbarong sa isang bansa sa timog-silangang Asia patungo sa pabrika kung saan siya nananahi ng mga pirasong katad at puntas para sa sapatos. Para sa isang buwang trabaho—40-oras sanlinggo at 90 oras na obertaym—siya’y kumikita ng wala pang $80. Ang kompanya ng sapatos na pinapasukan niya ay may pagmamalaking inilalarawan ang sarili nito bilang isang matapat na tagapagtaguyod ng mga karapatang pantao sa mahihirap na bansa. Sa Kanluraning daigdig, ang kompanyang ito ay nagtitinda ng mga sapatos sa halagang mahigit na $60 isang pares. Ang sahod ay katumbas marahil ng $1.40 niyan.
Kapag si Yati ay “umaalis sa malinis, naiilawang pabrika,” sabi ng isang ulat ng Boston Globe, “siya ay may sapat na pera lamang upang ibayad sa upa ng isang 3-por-3.6 na metrong barungbarong, na may maruming mga dingding na namumutiktik sa mga butiki. Walang muwebles, kaya si Yati at ang dalawang kakuwarto ay nakabaluktot kung matulog sa putik-at-baldosang sahig.” Ang kaniyang kalagayan ay karaniwan nang nakalulungkot.
“Ang mga tao bang ito ay nasa mas mabuting kalagayan na kasama ako o kung wala ako?” tutol ng isang pinuno ng samahan ng mga kalakalan. “Ang maliit na sahod ay nagbibigay sa kanila ng kakayahan na magtamasa ng isang disenteng istilo ng pamumuhay. Maaaring hindi sila namumuhay sa maluhong kapaligiran, subalit hindi naman sila nagugutom.” Gayunman, madalas na mahina ang pangangatawan nila dahil sa di-wastong pagkain, at ang kanilang mga anak ay madalas na natutulog na gutóm. Hinaharap nila ang araw-araw na mga peligro ng mapanganib na mga dako ng trabaho. At marami ang namamatay nang dahan-dahan mula sa paghawak ng mga lason at nakalalasong mga basura. Isang “disenteng istilo ng buhay”?
Iba naman ang pagkakita ni Hari, isang obrero sa timog ng Asia, sa mga bagay-bagay. Inilarawan niya sa pamamagitan ng mga salita at ng makatang pagsasalita ang malagim na buhay-at-kamatayang siklo sa paligid niya. “Sa pagitan ng almires at pambayo,” aniya, “walang natitira sa sili. Kaming mahihirap ay parang mga sili—taun-taon kami’y ginigiling, at di-nagtatagal ay wala nang natitira.” Hindi kailanman nakita ni Hari ang “disenteng istilo ng pamumuhay” na iyon, ni may kabatiran man siya tungkol sa maluhong kapaligiran na marahil ay pinamumuhayan ng kaniyang mga amo. Pagkalipas ng ilang araw, si Hari ay patay na—isa pang biktima ng malupit na karukhaan.
Maraming tao ang nabubuhay at namamatay na gaya ni Hari. Sila’y nanlulupaypay sa kahirapan, napakahina upang lumaban, yamang sinasagad ang kanilang lakas. Nino? Anong uri ng mga tao ang gagawa nito? Sila’y mukhang mapagkawanggawa naman. Sinasabi nilang nais nilang pakanin ang iyong sanggol, tulungang lumaki ang iyong mga pananim, pagbutihin ang iyong buhay, gawin kang mayaman. Sa katotohanan, ang layon nila ay payamanin ang kanilang sarili. May mga produktong ibebenta, mga pakinabang na aanihin. Kung ang mga kakambal na produkto ng kanilang kasakiman ay mga batang mahihina ang pangangatawan dahil sa di-sapat na pagkain, nalasong mga manggagawa, at maruming kapaligiran, bale-wala ito sa kanila. Ito ang halaga na handang bayaran ng mga kompanya dahil sa kanilang kasakiman. Kaya habang dumarami ang mga pakinabang, dumarami rin ang kahabag-habag na namamatay.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
U.N. Photo 156200/John Isaac