Ang mga Susi sa Isang Mabuting Edukasyon
ITINAMPOK kamakailan ng The New York Times ang isang kuwento sa unang-pahina tungkol kay Latoya, isang 16-anyos na estudyante sa haiskul. Siya ay 11, aniya, nang siya’y pasimulang bugbugin at seksuwal na abusuhin ng kaniyang ama. Ang kaniyang ina, na gumagamit ng bawal na gamot, ay iniwan ang pamilya. “Ang tahanan,” ulat ng pahayagan, “ay isang abandonadong apartment na walang kasilyas, o isang silid kung saan siya’y takot na takot matulog.” Gayunman, si Latoya ay natatangi. Sa kabila ng lahat ng ito, maaga nitong taóng ito si Latoya ay naging presidente ng National Honor Society sa kaniyang haiskul at napananatili ang kainamang marka na B sa klase ng matatalinong estudyante.
Ano ang makatutulong sa isang bata na may hindi mabuting pinagmulan na maging mahusay sa paaralan? Kadalasan, ang susi sa isang mabuting edukasyon ay ang pagkakaroon ng isang nagmamalasakit na adulto—lalong mabuti kung ang isa o ang dalawang magulang mismo ng bata—na umaalalay at lubhang nababahala sa edukasyon ng bata. Isang estudyante sa huling taon ng haiskul ang nag-akala na ito ay napakahalaga anupat siya’y naudyukang magsabi: “Sa pamamagitan lamang ng alalay ng magulang na maaaring makaligtas ang mga bata sa paaralan.”
Karamihan ng mga guro ay sumasang-ayon. Isang guro sa New York City ang nagsabi: “Sa bawat magaling na estudyante at nakapapasa sa sistema ng edukasyon—at napakarami nito—may isang magulang na naroroon sa bawat hakbang sa daan.”
Alalay ng Magulang, Isang Mahalagang Susi
Sinuri ng Reader’s Digest noong nakaraang taon ang tanong na, “Bakit mas mahusay ang ilang estudyante kaysa iba?” Ang isa sa mga konklusyon ay na ang “matatag na mga pamilya ay nagbibigay sa mga bata ng bentaha sa paaralan.” Ang mga magulang sa gayong sambahayan ay nagbibigay sa kanilang mga anak ng maibiging pansin at nagbibigay sa kanila ng tamang mga pamantayan at mga tunguhin. Subalit ganito ang sabi ng isang magulang: “Hindi ka makapagbibigay ng tamang patnubay kung hindi mo alam kung ano ang nangyayari sa paaralan.”
Ang mabuting paraan upang malaman ito ay dumalaw. Isang ina na dumadalaw ay sumulat: “Kapag naglalakad ako sa mga pasilyo ng paaralan ng anak ko, naririnig ko ang masasama at malalaswang pananalita. Ang mga kabataan ay naghahalikan at nagkakarinyuhan saanman—kung ito ay isang pelikula, ito’y uuriin na X-rated.” Ang mga pagdalaw na iyon ay makatutulong sa iyo na mapahalagahan kung gaano kahirap para sa mga bata sa ngayon na makakuha ng isang mabuting edukasyon, gayundi’y mamuhay nang may mabuting kaasalan.
Kapansin-pansin, ang publikasyong The American Teacher 1994 ay nagsabi: “Ang mga estudyanteng naging biktima ng karahasan ay mas malamang na magsabi na ang kanilang mga magulang ay hindi madalas makipagtalastasan sa paaralan, gaya ng isahang mga pakikipagkita sa mga guro, mga miting ng mga magulang o ng grupo, o mga pagdalaw sa paaralan.”
Isiniwalat ng isang nababahalang ina kung ano ang kailangang gawin ng mga magulang. “Magtungo sa paaralan!” aniya. “Ipaalam mo sa administrasyon ng paaralan na ikaw ay interesado sa kung ano ang natututuhan ng iyong anak. Madalas akong dumadalaw sa paaralan at nakikibahagi sa talakayan sa mga klase.” Idiniin naman ng isang ina ang kahalagahan ng pagiging isang tagapagtaguyod ng anak. Sabi niya: “Ang aking mga anak ay nagtungo sa tanggapan upang makipag-usap sa isang tagapayo at literal na niwalang-bahala. Nang isama ako ng aking anak kinabukasan, sila’y nagsabing tutulungan ako—at ang aking anak.”
Idiniin din ng inang ito na may apat na anak na lalaki ang kahalagahan ng pagkakaroon ng interes sa mga gawain sa paaralan na tuwirang nakaaapekto sa edukasyon ng iyong anak. “Daluhan ang araw na itinalaga ng paaralan para dalawin ng mga magulang ang paaralan at makilala ang mga guro at ang ibang magulang, ang pagtatanghal ng mga proyekto sa siyensiya—anumang bagay na maaaring ginagawa ng iyong mga anak na doo’y inaanyayahan ang mga magulang,” aniya. “Ito’y nagbibigay sa iyo ng pagkakataon na makilala ang mga guro ng iyong anak. Kailangan nilang malaman ang pangmalas mo sa edukasyon ng iyong anak bilang isang mahalagang bahagi ng kaniyang buhay. Kung alam ito ng mga guro, mas malamang na magbigay sila ng panahon at karagdagang pagsisikap sa iyong anak.”
Pakikipagtulungan sa mga Guro
Inaakala ng ilang magulang na mayroon silang mas mahahalagang bagay na gagawin sa gabi kapag ang mga paaralan ay nag-iiskedyul ng pantanging mga okasyon upang makipag-usap sa mga guro. Subalit, tunay nga, ano ba ang mas mahalaga kaysa ang ikaw ay makausap niyaong nagsisikap na tulungan ang iyong mga anak na magkaroon ng isang mabuting edukasyon? Mahalaga ang mabuting magulang-guro na pagtutulungan!
Sa Russia may isang mainam na paglalaan upang mapagbuti ang magulang-guro na pagtutulungan. Lahat ng mga takdang-aralin sa paaralan ay inirerekord sa tinatawag na isang Dnievnik—isang araw-araw na rekord ng gawain na may kasamang kalendaryo. Dapat dalhin ng isang estudyante ang kaniyang Dnievnik sa bawat klase at ilabas ito kung hihilingin ng guro. Dapat ding ipakita ng mga estudyante ang Dnievnik sa kanilang mga magulang, na hinihilingang pumirma rito bawat linggo. Gaya ng sabi ni Victor Lobachov, isang ama ng mga batang mag-aaral sa Moscow, “ang impormasyong ito ay nakatutulong sa mga magulang na malaman ang mga takdang-aralin at mga marka ng kanilang mga anak.”
Subalit, ang mga guro ngayon ay madalas na nagrereklamo na ang mga magulang ay walang interes sa edukasyon ng kanilang mga anak. Isang guro sa haiskul sa Estados Unidos ang nagsabi na minsa’y nagpadala siya ng 63 sulat sa mga magulang na ipinagbibigay-alam sa kanila ang tungkol sa kahinaan sa akademiko ng kanilang mga anak. Tatlo lamang magulang ang tumugon sa pamamagitan ng pakikipagkita sa kaniya!
Tunay, nakalulungkot nga iyan! Ang mga magulang ay dapat na lubhang mabahala sa edukasyon ng kanilang anak, na siya nilang pangunahing pananagutan. Isang guro ang may katumpakang nagsabi tungkol sa bagay na ito nang kaniyang sabihin: “Ang pangunahing layunin ng pormal na edukasyon ay upang tulungan ang mga magulang na makapagpalaki ng responsableng kabataang mga adulto.”
Kaya nga, dapat manguna ang mga magulang na makilala ang mga guro ng kanilang anak. Gaya ng sabi ng isang magulang, “dapat madama ng mga guro na malaya ka nilang matatawagan anumang panahon.” At dapat na tanggapin—patibayin pa nga—ng mga magulang ang mga guro na prangkang magsalita tungkol sa kanilang anak. Dapat itanong ng mga magulang ang espesipikong mga tanong na gaya ng: May anumang problema ba kayo sa aking anak? Magalang ba siya? Pumapasok ba siya sa lahat ng klase? Siya ba’y dumarating sa oras?
Ano kung may sabihin ang guro tungkol sa iyong anak na hindi kaayaaya? Huwag mong akalain na hindi ito totoo. Nakalulungkot nga, maraming kabataan na waring namumuhay nang marangal na buhay sa bahay o sa kanilang dako ng pagsamba ay aktuwal na namumuhay ng dobleng pamumuhay. Kaya magalang na makinig sa guro, at siyasatin ang sinasabi niya.
Pagdating ng Iyong Anak sa Bahay
Bilang isang magulang, ano ang kadalasang nadarama mo pag-uwi mo ng bahay mula sa trabaho? Patáng-patâ? Bigo? Maaaring ang iyong anak ay mas masahol pa ang nadarama pagdating niya ng bahay mula sa paaralan. Kaya ganito ang sabi ng isang ama na nagpapatibay-loob: “Gawing isang kaayaayang bagay ang pag-uwi ng bahay. Malamang na nagkaroon sila ng napakahirap na araw.”
Kung maaari, kanais-nais para sa isang magulang na datnan sa tahanan pagdating ng bata sa bahay. Gaya ng sabi ng isang ina, “hindi masasabi sa iyo ng mga bata kung ano ang nangyayari kung wala ka roon upang makipag-usap sa kanila. Kaya sikapin mong naroroon ka pag-uwi ng mga bata sa bahay.” Kailangang malaman ng magulang hindi lamang kung ano ang ginagawa ng kaniyang anak kundi kung ano rin ang kaniyang iniisip at nadarama. Upang malaman mo ito ay nangangailangan ng maraming panahon, pagsisikap, at magiliw na pagsusuri. (Kawikaan 20:5) Mahalaga ang araw-araw na pakikipag-usap.
Isang guro sa paaralang primarya sa New York City ang nagsabi: “Sa anumang araw, ang mga simulain ng isang sistema ng paaralang nasa krisis ay maaaring naibahagi sa iyong anak.” Kaya siya’y nagpayo: “Maging alisto sa kung ano ang nalilinang sa puso ng iyong anak. Maglaan ng panahon, gaano ka man kapagod, na papagsalitain siya at palitan ang anumang maling simulain ng tamang mga simulain.”—Kawikaan 1:5.
Gayundin, ganito ang payo ng isang beteranong guro sa haiskul: “Sa halip na basta tanungin kung ano ang nangyari sa paaralan, makabubuting magtanong ng tuwiran at espesipikong mga tanong tungkol sa araw at mga gawain nito. Ito’y hindi kailangang gawin sa isang mahigpit o mapanghimasok na paraan kundi sa karaniwang pakikipag-usap sa bata.”
Si Richard W. Riley, ang kalihim ng edukasyon ng E.U., ay nagpayo: “Makipag-usap nang tuwiran sa iyong mga anak, lalo na sa mga tin-edyer, tungkol sa mga panganib ng droga at alak at ang mga pamantayan na nais mong taglayin nila. Ang gayong personal na mga pag-uusap, gaano man kaasiwa ito para sa iyo, ay maaaring magligtas ng kanilang buhay.”
Ang isang magulang, lalo na ang isa na may mga pananagutan sa kongregasyong Kristiyano, ay hindi kailanman dapat magbigay ng impresyon na siya’y totoong abala upang makinig sa kaniyang mga anak. Kahit na maaaring nakababalisang marinig ang kanilang sasabihin, ipaalam sa kanila sa pamamagitan ng ipinahihiwatig ng iyong mukha at kilos na ikaw ay nalulugod na malaya silang nakikipag-usap sa iyo. Ganito ang payo ng isang estudyante: “Huwag mabigla kapag ang inyong anak ay nagsasalita tungkol sa mga droga o sekso sa paaralan.”
Dahil sa pagkasira ng buhay pampamilya, marami ngayon ang maituturing bilang “mga batang ulila sa ama.” (Job 24:3; 29:12; Awit 146:9) Sa loob ng kongregasyong Kristiyano, karaniwan nang may makatutulong sa isang kabataan na nangangailangan ng tulong. Isa ka ba na makatutulong?
Itaguyod ang Pag-aaral at Pananagutan
Karamihan ng mga kabataan ay hindi determinado sa gawain sa paaralan na gaya ni Latoya, na nabanggit sa pasimula. Kailangan ng karamihan ang maraming pampatibay-loob upang mag-aral. May kinalaman sa kaniya mismong mga anak, ang dating chancellor ng paaralan sa New York City na si Joseph Fernandez ay nagsabi: “Mayroon kaming sapilitang mga panahon ng pag-aaral sa bahay. Pinaglalaanan namin ng mga aklat ang aming mga anak, pinasisigla ang mga pagtungo sa aklatan, at inuuna ang pagpasok at pagiging abala sa paaralan.”
Ganito pa ang sabi ng isang administrador ng paaralan: “Kailangang palibutan natin ang ating mga anak ng mga aklat at mga kuwento kung paano maaaring pinalilibutan natin sila ngayon ng telebisyon, mga pelikula, mga video at mga shopping mall.” Kapag ginagawa ng mga bata ang kanilang araling-bahay, maaaring isaayos ng mga magulang na gumawa ng ilang personal na pag-aaral o pagbabasa na malapit sa mga bata. Sa gayo’y makikita ng iyong mga anak na pinahahalagahan mo ang edukasyon.
Sa maraming tahanan ang telebisyon ang pinakamalaking hamon sa pag-aaral. “Sa gulang na 18,” sabi ng isang guro, “ang mga kabataan ay nakagugol ng 11,000 oras sa silid-aralan at 22,000 oras sa panonood ng telebisyon.” Baka kailangang takdaan ng mga magulang ang panonood ng TV ng kanilang mga anak, marahil sila mismo ay nanonood paminsan-minsan lamang. Isa pa, maging desididong matuto ng isang bagay na kasama ng iyong mga anak. Magbasa na magkasama. Mag-iskedyul ng oras araw-araw upang tingnan ang araling-bahay.
Sa paaralan, ang iyong mga anak ay tatanggap ng maraming takdang-aralin upang ihanda. Gagawin ba nila ang mga ito? Malamang na gagawin nila ito kung naturuan mo silang asikasuhin ang mga pananagutan sa tahanan. Ang isang mahalagang paraan upang gawin ito ay atasan sila ng isang araw-araw na rutina ng mga gawain sa bahay. Pagkatapos hilingin sa kanila na tuparin nila ang mga ito ayon sa isang espesipikong iskedyul. Totoo, ang gayong pagsasanay ay mangangailangan ng maraming pagsisikap sa bahagi mo, ngunit tuturuan nito ang iyong mga anak na makadama ng pananagutan na kailangan nila upang magtagumpay sa paaralan at sa buhay sa dakong huli.
Determinasyon ng Estudyante, Isang Mahalagang Susi
Kinilala ng guidance counselor na si Arthur Kirson ang isa pang susi sa isang mabuting edukasyon nang sabihin niya tungkol kay Latoya, na nabanggit sa simula: “Una ko siyang nakilala pagkatapos ng isang malaking insidente sa tahanan. Narito ang batang ito na nakaupo na may galos ang mukha [mula sa sinasabing pag-abusong dinanas niya mula sa kaniyang ama]. At ang tanging bagay na nakita kong inaalala niya ay tungkol sa kaniyang gawain sa paaralan.”
Oo, isang mahalagang susi sa isang mabuting edukasyon ang matinding determinasyon ng bata na mag-aral. Ganito ang sabi ng isang kabataan sa New York City: “Sa mga paaralan sa ngayon ay lubusang nakasalalay sa mga estudyante na linangin ang pagganyak-sa-sarili at disiplina upang makinabang.”
Halimbawa, isang ina na nababahala sa edukasyon ng kaniyang anak ay sinabihan ng isang guro: “Huwag kayong mag-alala Gng. Smith. Napakatalino ni Justin, hindi na niya kailangang matutong magbaybay. Magkakaroon naman siya ng sekretarya upang gawin iyan para sa kaniya.” Gaano man katalino ang isang bata, ang pagdadalubhasa sa mga kasanayan sa pagbasa at pagsulat—pati na ang maliwanag na komposisyon, nababasang sulat-kamay, at tamang pagbaybay—ay mahalaga.
Nakagugulat, ang ilang guro ay hindi tumutol nang sabihin ng kilalang sikologong si Carl Rogers: “Hindi dapat sikapin ng sinuman na matuto ng isang bagay na nakikita niyang walang kaugnayan.” Ano ang mali sa kaniyang pangungusap? Maliwanag, hindi nakikita ng isang bata ang kahalagahan sa hinaharap ng kung ano ang hinihiling sa kaniya na pag-aralan niya. Sa maraming kaso ang halaga nito ay hindi natatanto kundi sa dakong huli ng buhay. Maliwanag, kailangan ng isang bata ngayon ang personal na determinasyon upang magkaroon ng isang mabuting edukasyon!
Si Cindy, isang 14-anyos na nasa ikasiyam na grado, ay isang mabuting halimbawa ng isang kabataang nagpapakita ng gayong determinasyon. Sabi niya: “Nananatili ako sa paaralan pagkatapos ng klase at nakikipag-usap sa mga guro at kinikilala sila. Sinisikap kong alamin kung ano ang nais nila mula sa kanilang mga estudyante.” Nagbibigay-pansin din siya sa klase at inuuna ang kaniyang araling-bahay. Kapag nakikinig sa loob ng klase o kapag nagbabasa, ugali na ng matagumpay na mga estudyante na humawak ng lapis at papel upang makakuha sila ng mabubuting nota.
Mahalaga rin sa pagkakaroon ng isang mabuting edukasyon ang determinasyong iwasan ang masasamang kasama. Sabi ni Cindy: “Lagi akong naghahanap ng isa na may mabuting ugali. Halimbawa, tatanungin ko ang mga kaeskuwela ko kung ano ang palagay nila kay ganoo’t ganito na gumagamit ng bawal na gamot o nakikipagtalik. Kung sasabihin nilang, ‘Ano naman ang masama riyan?’ batid ko na hindi sila mabubuting kasama. Subalit kapag may nagpakita ng tunay na pagkasuklam sa gayong paggawi at nagsasabing nais niyang maging iba, kung gayon ay siya ang pipiliin ko na makatabi sa panahon ng pananghalian.”
Maliwanag na maraming hamon upang magkaroon ng isang mabuting edukasyon ngayon. Subalit ang gayong edukasyon ay posible kung gagamitin kapuwa ng mga estudyante at mga magulang ang mga susi. Ating isasaalang-alang sa susunod ang isa pang paglalaan na makatutulong nang husto sa iyo upang makamit ang isang mabuting edukasyon.
[Kahon sa pahina 7]
Pagpapalayaw o Maibiging Disiplina?
Ang Bibliya ay nagbababala na ang pagpapalayaw sa mga kabataan ay umaakay sa kapahamakan. (Kawikaan 29:21) Kasuwato nito, si Albert Shanker, pangulo ng American Federation of Teachers, ay nagsabi: “May mga magulang na nag-aakalang ginagawa nila ang lahat ng bagay nang tama para sa kanilang mga anak kung ginagawa nila ang lahat ng bagay sa paraang nais ng mga batang gawin nila ang mga ito. At alam nating mali iyan.”
Nalalaman maging ng maraming kabataan na ang gayong pagpapalayaw ay mali. Maaga sa taóng ito isang pahayagan sa Massachusetts ay nag-ulat: “Natuklasan ng isang surbey sa 1572 estudyante sa West Springfield na nasa ikaanim hanggang ikalabindalawang grado na ang ‘pagiging maluwag sa disiplina ng mga magulang’ at hindi ang panggigipit ng mga kasama ang mas nakaiimpluwensiya na humahantong sa paggamit ng droga at alak sa gitna ng mga bata sa pangkat na ito.”
Ang gayong pagpapalayaw ng mga kabataan ay nakatulong din sa isang epidemya ng kahalayan sa sekso. Oo, gaya ng sinasabi ng Bibliya, ang hindi pagbibigay ng disiplina ay humahantong sa kahihiyan ng pamilya.—Kawikaan 29:15.
[Kahon sa pahina 10]
Kung Ano ang Magagawa ng mga Magulang
✔ Alamin ang tungkol sa paaralan ng iyong anak, ang mga layunin nito, at ang saloobin nito sa mga pamantayan at mga paniniwala na itinataguyod mo.
✔ Kilalanin ang mga guro ng iyong anak, at sikaping magkaroon ng isang mabuting kaugnayan sa paggawa na kasama nila.
✔ Magkaroon ng matinding interes sa araling-bahay ng iyong anak. Madalas na magbasang kasama nila.
✔ Kontrolin kung ano ang pinanonood ng iyong anak sa TV at kung gaano karami ang kaniyang pinanonood.
✔ Bantayan ang pag-uugali sa pagkain ng iyong anak. Ang mga tsitserya (junk food) ay maaaring magkaroon ng masamang epekto sa kaniyang kakayahang magtuon ng isip.
✔ Tiyaking ang iyong anak ay may sapat na tulog. Ang pagód na mga bata ay hindi gaanong natututo.
✔ Sikaping tulungan ang iyong anak na pumili ng kaayaayang mga kaibigan.
✔ Maging matalik na kaibiganng iyong anak. Kailangan niya ang lahat ng maygulang na mga kaibigang maaaring makaibigan niya.
Kung Ano ang Magagawa ng mga Bata
✔ Sa tulong ng iyong mga magulang, magsagawa ng mga tunguhing pang-edukasyon at mga paraan upang makamit ang mga ito. Ipakipag-usap ang mga tunguhing ito sa iyong mga guro.
✔ Maingat na piliin ang iyong mga asignatura sa tulong ng iyong mga guro at mga magulang. Ang madaling opsyonal na mga kurso ay karaniwang hindi siyang pinakamabuti.
✔ Sikaping magkaroon ng isang mabuting kaugnayan sa iyong mga guro. Alamin kung ano ang inaasahan nila sa iyo. Ipakipag-usap sa kanila ang iyong pagsulong at mga problema.
✔ Makinig sa klase. Huwag mahikayat sa magulong gawi.
✔ Matalinong piliin ang iyong mga kaibigan. Maaari silang makatulong o makahadlang sa iyong pagsulong sa paaralan.
✔ Gawin ang lahat ng magagawa mo sa paggawa ng iyong araling-bahay at mga takdang-aralin. Bigyan ang mga ito ng de kalidad na panahon. Hilingin ang tulong ng iyong mga magulang o ng ibang maygulang na adulto kung kinakailangan mo ito.
[Larawan sa pahina 8]
May paggalang na makinig kung may mga reklamo ang isang guro tungkol sa iyong anak
[Larawan sa pahina 9]
Tanungin ang iyong anak tungkol sa paaralan araw-araw