Ang Kamangha-manghang Sansinukob
Napakahiwaga, Subalit Napakaganda
SA PANAHONG ito ng taon, ang kalangitan sa gabi ay nagagayakan ng hiyas na animo’y kumakaway sa kaningningan. Sa kaitaasan ay humahakbang ang makapangyarihang Orion, madaling makita kung mga gabi ng Enero mula sa Anchorage, Alaska, hanggang sa Cape Town, Timog Aprika. Iyo bang minasdang mabuti kamakailan ang makalangit na mga kayamanang masusumpungan sa kilalang mga konstelasyon, gaya ng Orion? Ang mga astronomo ay sumilip hindi pa natatagalan na ginagamit ang inayos kamakailan na Hubble Space Telescope.
Mula sa tatlong bituin sa sinturon ng Orion ay nakabitin ang kaniyang tabak. Ang malabong bituin sa gitna ng tabak ay hindi talaga isang bituin kundi ang kilalang Orion Nebula, isang bagay na kitang-kita ang ganda kahit na kung nakikita lamang sa isang maliit na teleskopyo. Gayunman, ang malamlam na ningning nito ay hindi siyang dahilan ng pagkahalina rito ng propesyonal na mga astronomo.
“Sinusuri ng mga astronomo ang Orion Nebula at ang maraming batang mga bituin nito dahil sa ito ang pinakamalaki at ang pinakaaktibong rehiyon na pinagmumulan ng bituin sa ating bahagi ng Galaksi,” ulat ni Jean-Pierre Caillault sa magasing Astronomy. Para bang ang nebula ay isang kosmikong paanakan! Nang makunan ng litrato ng teleskopyong Hubble ang Orion Nebula, nalitratuhan ang mga detalye na hindi pa kailanman nakita noon, nakita ng mga astronomo hindi lamang ang mga bituin at ang nagbabagang gas na inilalarawan ni Caillault na “malabong mumunting taluhabâ. Mga bahid ng kulay-kahel na liwanag. Ang mga ito’y parang mga mumo na di-sinasadyang nahulog sa larawan.” Gayunman, naniniwala ang mga siyentipiko na sa halip na mga depekto sa darkroom, ang malalabong taluhabâ na ito ay “mga protoplanetary disk, ang unang mga sistema solar sa kanilang maagang yugto na makikita sa layong 1,500 light-year.” Ang mga bituin ba—oo, ang buong mga sistema solar—ay ipinanganganak sa sandaling ito sa Orion Nebula? Maraming astronomo ang naniniwalang gayon nga.
Mula sa Paanakan Tungo sa Libingan ng Bituin
Habang humahakbang pasulong ang Orion, tangan ang busog sa kamay, para bang kinakaharap nito ang konstelasyon ng Taurus, ang toro. Isisiwalat ng isang maliit na teleskopyo, malapit sa dulo ng gawing timog na sungay ng toro, ang isang malabong patse ng liwanag. Ito’y tinatawag na Crab Nebula, at sa isang malaking teleskopyo, ito’y para bang isang pagsabog na nagpapatuloy, gaya ng makikita sa pahina 9. Kung ang Orion Nebula ang kinaroroonan ng mga batang bituin, ang kalapit na Crab Nebula naman ay maaaring ang libingan ng isang bituin na namatay sa di-mawaring karahasan.
Ang kapaha-pahamak na makalangit na pangyayaring iyon ay maaaring naitala ng mga astronomong Intsik na inilarawan ang isang “Panauhing Bituin” sa Taurus na biglang lumitaw noong Hulyo 4, 1054, at sumikat nang napakaliwanag anupat ito’y nakita sa araw sa loob ng 23 araw. “Sa loob ng ilang linggo,” sabi ng astronomong si Robert Burnham, “ang bituin ay nagliliyab taglay ang liwanag ng halos 400 milyong araw.” Tinatawag ng mga astronomo ang gayong kagila-gilalas na pagpapatiwakal ng bituin na isang supernova. Kahit na sa ngayon, pagkalipas ng halos sanlibong taon pagkatapos ng pagmamasid, ang mga bombshard mula sa pagsabog na iyon ay humahagibis sa kalawakan sa bilis na tinatayang 80 milyong kilometro isang araw.
Ang Hubble Space Telescope ay nagtatrabaho sa dako ring ito, inaaninag nang husto ang pinakasentro ng nebula at nakatutuklas ng “mga detalye sa Crab na hindi kailanman inaasahan ng mga astronomo,” ayon sa magasing Astronomy. Ang astronomong si Paul Scowen ay nagsasabi na ang mga tuklas “ay dapat na magpangyari sa mga teoretikal na mga astronomo na mag-isip nang husto sa darating na mga taon.”
Ang mga astronomo, gaya ni Robert Kirshner ng Harvard, ay naniniwala na ang pag-unawa sa mga labí ng supernova na gaya ng Crab Nebula ay mahalaga sapagkat ang mga ito ay magagamit upang sukatin ang layo ng iba pang mga galaksi, na sa kasalukuyan ay isang dako ng matinding pananaliksik. Gaya ng nakita natin, ang mga pagtatalo tungkol sa mga distansiya sa ibang galaksi ay nagpaningas ng mainitang debate tungkol sa teoryang big bang hinggil sa paglalang ng sansinukob.
Sa dako pa roon ng Taurus, subalit nakikita pa rin sa Hilagang Hemispero sa gawing kanlurang kalangitan kung Enero, ay ang malamlam na ningning sa konstelasyon ng Andromeda. Ang ningning na iyon ay ang galaksi ng Andromeda, ang pinakamalayong bagay na nakikita ng mata. Ang kamangha-manghang mga bagay ng Orion at Taurus ay malapit lamang—mga ilang libong light-year lamang sa Lupa. Subalit, ngayon ay tumitig tayo sa tinatayang dalawang milyong light-year sa isang malaking paikid ng mga bituin na kahawig ng ating galaksi, ang Milky Way, subalit mas malaki pa rito—mga 180,000 light-year sa magkabilang dulo. Habang minamasdan mo ang malamlam na ningning ng Andromeda, masisilayan ng iyong mga mata ang liwanag na maaaring mahigit nang dalawang milyong taóng gulang!
Mga ilang taon lamang ang nakalipas sinimulan ni Margaret Geller at ng iba pa ang ambisyosong mga programa na gawan ng mapa ang lahat ng mga galaksi sa palibot natin sa tatlong dimensiyon, at ang mga resulta ay nagbangon ng seryosong mga katanungan para sa teoryang big bang. Sa halip na makita ang isang maayos na pagkalatag ng mga galaksi sa lahat ng direksiyon, natuklasan ng kosmikong mga kartograpo ang isang “tapistri ng mga galaksi” sa isang anyo na umaabot ng milyun-milyong light-year. “Kung paano nahabi ang tapistri na iyon nang pare-pareho sa bagong silang na sansinukob ay isa sa pinakamahirap na katanungan sa kosmolohiya,” ayon sa isang ulat kamakailan sa iginagalang na babasahing Science.
Sinimulan namin ang gabing ito sa pamamagitan ng pagmamasid sa ating kalangitan sa gabi ng Enero at agad natuklasan hindi lamang ang makapigil-hiningang kagandahan kundi rin naman ang mga katanungan at mga hiwaga na patungkol sa mismong kalikasan at pinagmulan ng sansinukob. Paano ito nagsimula? Paano ito dumating sa kasalukuyang yugto nito ng kasalimuutan? Ano ang mangyayari sa makalangit na mga kababalaghan na nakapaligid sa atin? Masasabi ba ito ng sinuman? Tingnan natin.
[Kahon sa pahina 8]
Paano Nila Nalalaman Kung Gaano Kalayo ito?
Kapag sinasabi sa atin ng mga astronomo na ang galaksing Andromeda ay dalawang milyong light-year ang layo, talagang binibigyan nila tayo ng kasalukuyang tantiya. Walang sinuman ang nakagawa ng paraan upang sukatin nang tuwiran ang gayong nakalilito-sa-isip na mga distansiya. Ang mga distansiya sa pinakamalapit na mga bituin, yaong mga 200 light-year o mahigit pa, ay maaaring sukatin nang tuwiran sa pamamagitan ng stellar parallax, na nagsasangkot ng simpleng trigonometri. Subalit ito’y kumakapit lamang sa mga bituin na malapit sa lupa anupat ang mga ito ay para bang bahagyang kumikilos kung paanong ang lupa ay lumilibot sa araw. Karamihan ng mga bituin, at lahat ng mga galaksi, ay di-hamak na mas malayo. Sa puntong iyon nagsisimula ang pagtantiya. Kahit na ang mga bituin na malapit sa atin, gaya ng kilalang pulang dambuhalang Betelgeuse sa Orion, ay tinatantiya pa rin, na may tinatayang layo na mula 300 light-year hanggang sa mahigit na 1,000. Kaya nga, hindi tayo dapat magulat na masumpungan ang pagtatalo sa gitna ng mga astronomo tungkol sa layo ng mga galaksi, na milyun-milyong ulit na mas malayo.
[Kahon sa pahina 8]
Ang mga Supernova, Pulsar, at Black Hole
Naroroon sa gitna ng Crab Nebula ang isa sa pinakapambihirang bagay sa kilalang sansinukob. Ayon sa mga siyentipiko, ang mumunting bangkay ng isang patay na bituin, siniksik sa di-kapani-paniwalang bigat, ay umiikot sa libingan nito na 30 ulit sa bawat segundo, nagpapalabas ng sinag ng mga radio wave na unang napansin sa lupa noong 1968. Ito’y tinatawag na isang pulsar, inilalarawan bilang isang umiikot na labí ng supernova na siksik na siksik anupat ang mga elektron at mga proton sa mga atomo ng orihinal na bituin ay nasiksik nang husto upang gumawa ng mga neutron. Sinasabi ng mga siyentipiko na ito ay dating isang napakalaking sentro ng isang dambuhalang bituin na gaya ng Betelgeuse o Rigel sa Orion. Nang sumabog ang bituin at ang panlabas na mga suson ay sumabog sa malayong kalawakan, tanging ang lumiit na sentro ang natira, isang nagbabagang mainit na puting abo, ang nuklear na mga apoy nito ay malaon nang namatay.
Gunigunihing kunin ang isang bituin na kasinlaki ng dalawa sa ating mga Araw at paliitin ito tungo sa isang bola na 15 hanggang 20 kilometro ang diyametro! Gunigunihing kunin ang planetang Lupa at paliitin ito sa 120 metro. Ang labing-anim na centimetro kubiko ng materyal na ito ay titimbang ng mahigit na 16 na bilyong tonelada.
Kahit na ang paglalarawang ito ay para bang hindi pa kompleto kung tungkol sa siniksik na bagay. Kung paliliitin natin ang lupa hanggang sa laki ng isang holen, ang gravitational field ng lupa ay sa wakas magiging napakalakas anupat hindi makatatakas kahit ang liwanag. Sa puntong ito ang ating munting lupa ay maglalaho sa loob ng tinatawag na isang black hole. Bagaman ang karamihan ng mga astronomo ay naniniwala sa mga ito, ang mga black hole ay hindi pa rin napatutunayang umiiral, at ang mga ito ay hindi lumilitaw na madalas na gaya ng inaakala mga ilang taon na ang nakalipas.
[Kahon sa pahina 10]
Tunay Ba ang Mga Kulay na Iyon?
Ang mga tao na nagsusuring mainam sa kalangitan sa pamamagitan ng isang maliit na teleskopyo ay kadalasang nakadarama ng kabiguan sa unang pagkakita sa isang kilalang galaksi o nebula. Nasaan ang magagandang kulay na nakita nila sa mga larawan? “Ang mga kulay ng galaksi ay hindi tuwirang makikita ng mata ng tao, kahit na sa pamamagitan ng pinakamalaking umiiral na mga teleskopyo,” sabi ng astronomo at manunulat sa siyensiya na si Timothy Ferris, “sapagkat ang kanilang liwanag ay napakalabo upang mapakilos ang mga tagatanggap ng kulay sa retina.” Ito ang nagpangyari sa ilang tao na maghinuha na ang magagandang kulay na nakikita sa astronomikal na mga larawan ay huwad, idinagdag lamang sa pagpoproseso. Subalit, hindi ito totoo. “Ang mga kulay sa ganang sarili ay tunay,” sulat ni Ferris, “at kinakatawan ng mga larawan ang pinakamahusay na mga pagsisikap ng mga astronomo na tularan ang mga ito nang tumpak.”
Sa kaniyang aklat na Galaxies, ipinaliliwanag ni Ferris na ang mga larawan ng malabo’t malalayong bagay, na gaya ng mga galaksi o ng karamihan ng nebula, “ay mga time exposure na nakuha sa pagtututok ng isang teleskopyo sa isang galaksi at paglalantad ng isang potograpikong klitse sa loob ng ilang oras samantalang ang liwanag ng bituin ay tumatagos sa photographic emulsion. Sa panahong ito tinutumbasan ng isang kumikilos na mekanismo ang pag-ikot ng lupa at pinananatiling nakatutok ang teleskopyo sa galaksi, habang ang astronomo, o sa ilang kaso ang isang awtomatik na pumapatnubay na sistema, ay gumagawa ng pagkaliliit na mga pagwawasto.”
[Dayagram/Mga larawan sa pahina 7]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
1 Ang konstelasyon ng Orion, isang pamilyar na tanawin sa kalangitan kung Enero sa buong daigdig
2 Ang Orion Nebula, isang napakagandang malapitang kuha ng malabong ”bituin”
3 Sa kaloob-looban ng Orion Nebula—isang kosmikong paanakan?
[Credit Lines]
#2: Astro Photo - Oakview, CA
#3: C.R. O‘Dell/Rice University/NASA photo
[Larawan sa pahina 9]
Ang galaksing Andromeda, ang pinakamalayong bagay na nakikita ng mata.Ang bilis ng pag-ikot nito ay waring lumalabag sa batas ng grabidad ni Newton at nagbabangon ng tanong tungkol sa madilim na bagay na di-nakikita sa mga teleskopyo
[Credit Line]
Astro Photo - Oakview, CA
[Larawan sa pahina 9]
Ang Crab Nebula sa Taurus—isang libingan ng mga bituin?
[Credit Line]
Bill at Sally Fletcher
[Mga larawan sa pahina 10]
Itaas: Ang galaksi ng Cartwheel. Isang mas maliit na galaksi ang bumangga rito, tumagilid dito, at nag-iwan kasunod nito ng asul na anilyo ng bilyun-bilyong bagong anyong mga bituin sa palibot ng galaksi ng Cartwheel
[Credit Line]
Kirk Borne (ST Scl), at NASA
Ibaba: Ang Cat’s Eye Nebula. Ang mga epekto ng dalawang bituing umiikot sa isa’t isa ang siyang nagpapaliwanag sa masalimuot na mga kayarian
[Credit Line]
J. P. Harrington at K. J. Borkowski (University of Maryland), at NASA