Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 1/22 p. 21-23
  • Mag-ingat Laban sa Kawalan ng Interes sa Pagbasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mag-ingat Laban sa Kawalan ng Interes sa Pagbasa
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Pakinabang ng Pagbabasa
  • Isang Timbang na Pangmalas
  • Kung Paano Makatutulong ang mga Magulang
  • Ang Bibliya​—Isang Napakahusay na Tulong
  • Bakit Mahalagang Magbasa ang mga Bata?—Bahagi 1: Magbabasa o Manonood?
    Tulong Para sa Pamilya
  • Magsikap Ka sa Pagbabasa
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Makinabang sa Araw-araw na Pagbabasa ng Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Pagbabasa ng Bibliya—Kapaki-pakinabang at Kalugud-lugod
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 1/22 p. 21-23

Mag-ingat Laban sa Kawalan ng Interes sa Pagbasa

ISANG bagong uri ng problema sa pagbasa ang lumalaganap sa ating daigdig. Tinatawag itong aliteracy (kawalan ng interes sa pagbasa). Ito’y binigyang-kahulugan bilang “ang katangian o kalagayan ng pagiging may kakayahang bumasa subalit [ang pagiging] walang interes na gawin ito.”a (Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, Tenth Edition) Oo, ang pagbabasa​—na minsang kinawiwilihan bilang isang libangan​—ay ngayon kalimitang tinatanggihan bilang isang gawain. “Kailangang magsikap ka sa pagbasa,” reklamo ng isang 12-taóng-gulang na batang babae, “at hindi nakatutuwa iyan.”

Marami ring adulto ang walang interes na bumasa. Halimbawa, ipinagmamalaki ng Estados Unidos ang 97-porsiyento na dami ng marunong bumasa’t sumulat; subalit, halos kalahati ng mga adultong Amerikano ang bihirang magbasa ng mga aklat o mga magasin! Maliwanag, ang kakayahan na magbasa ay hindi laging katugma ng pagnanais na magbasa. Ito’y totoo maging sa mga taong may pinag-aralan. “Pagka ako’y dumarating sa bahay na pagod mula sa maghapong trabaho,” sabi ng isang nagtapos sa Harvard University, “binubuksan ko ang TV sa halip na kumuha ng isang aklat. Mas madali ito.”

Ano ang nangyari sa pagbabasa? Sa nakalipas na mga dekada ang pagiging bantog nito ay pinatay ng umaagaw-pansing media. “Ngayon na mayroon na tayong MTV​—at ng ating VCR at Nintendo at Walkman​—ang tagumpay ng matiyagang pagbabasa ng aklat ay waring hindi na ganiyang kadali kaysa noong mas simple pa ang panahon,” sulat ni Stratford P. Sherman sa magasing Fortune. Marahil ang pinakaumuubos ng panahon na kalaban ng pagbabasa ay ang telebisyon. Totoo, sa edad na 65 ang karaniwang Amerikano ay nakagugol ng siyam na taon sa buong buhay niya sa panonood ng TV!

Yamang ang mga pakinabang ng pagbabasa ay kalimitang naisasakripisyo dahil sa telebisyon, makabubuting isaalang-alang ang sumusunod.

Ang mga Pakinabang ng Pagbabasa

Pinasisigla ng pagbabasa ang imahinasyon. Ang telebisyon ang nag-iisip para sa iyo. Ang lahat ay detalyado: ang ekspresyon ng mukha, pagbabagu-bago ng boses, at tanawin.

Gayunman, sa pagbabasa napipili mo ang mga tauhan, naitatakda mo ang eksena, at napangangasiwaan mo ang mga kilos. “Malayang-malaya ka,” sabi ng isang 10-taóng-gulang na batang lalaki. “Magagawa mo ang bawat tauhan ayon sa gusto mong makita sa kaniya. Mas nakokontrol mo ang mga bagay kapag nagbabasa ka ng aklat kaysa kapag may nakikita ka sa TV.” Gaya ng sabi ni Dr. Bruno Bettelheim, “nabibihag ng telebisyon ang imahinasyon subalit hindi nito napalalawak ang imahinasyon. Ang isang mabuting aklat ay kagyat na nagpapasigla at nagpapalaya sa isipan.”

Napasusulong ng pagbabasa ang kakayahan sa pagsasalita. “Walang bata o adulto ang nagiging mas mahusay sa panonood ng telebisyon sa pamamagitan ng higit na panonood dito,” sabi ni Reginald Damerall ng University of Massachusetts. “Ang mga kakayahang hinihiling ay napakasimple lamang anupat wala pa tayong nababalitaan tungkol sa sakit dahil sa panonood ng telebisyon.”

Sa kabaligtaran naman, ang pagbabasa ay may mga kahilingan at nagpapasulong ng kakayahan sa pagsasalita; ito’y may malaking kaugnayan sa pagsasalita at pagsulat. Ganito ang sabi ng isang guro sa Ingles sa haiskul: “Walang alinlangan na ang iyong tagumpay bilang isang estudyante ay nakasalig nang malaki sa iyong talasalitaan, kapuwa sa kung ano ang iyong maaaring maunawaan kapag ikaw ay nagbabasa at kung paano ka mangatuwiran kapag ikaw ay sumusulat, at walang paraan upang magkaroon ng isang mabuting talasalitaan kundi sa pamamagitan ng pagbabasa​—wala nang iba pa.”

Pinauunlad ng pagbabasa ang pagtitiyaga. Mahigit sa sanlibong mga larawan ang maaaring tumambad sa iskrin ng TV sa loob lamang ng isang oras, halos may kakaunting oras lamang ang natitira sa manonood na unawain kung ano ang kaniyang nakikita. “Ang pamamaraang ito ay literal na nagpoprograma ng maikling oras ng pagtutuon ng pansin,” sabi ni Dr. Matthew Dumont. Hindi kataka-taka, iniuugnay ng ilang pagsusuri ang labis na panonood ng TV sa padalus-dalos na pagpapasiya at pagkabalisa​—kapuwa sa mga bata at mga adulto.

Ang pagbabasa ay humihiling ng pagtitiyaga. “Ang mga pangungusap, parapo, at mga pahina ay unti-unting nauunawaan, ayon sa pagkakasunud-sunod, at ayon sa lohika na malayo sa panghuhula lamang,” sulat ng dalubhasa sa komunikasyon na si Neil Postman. Sa sariling bilis ng isa, dapat na mabigyang-kahulugan, matimbang-timbang, at maunawaan ng mambabasa kung ano ang nasa pahina. Ang pagbabasa ay isang masalimuot na proseso ng pagbibigay-kahulugan na humihiling​—at nagpapaunlad​—ng pagtitiyaga.

Isang Timbang na Pangmalas

Sa kabila ng mga pakinabang ng pagbabasa, dapat na aminin na ang telebisyon ay mayroon ding kahalagahan. Maaaring lampasan nito ang pagbabasa sa paghahatid ng ilang uri ng impormasyon.b Ang isang kawili-wiling palabas sa TV ay maaari pa ngang magpasigla ng interes sa pagbabasa. “Iniulat na ang mga palabas sa TV na nagsasadula ng mga literatura at siyensiya na pambata ay nakaiimpluwensiya sa mga bata na maghanap ng mga aklat tungkol sa at may kaugnayan sa mga paksang iyon,” sabi ng The Encyclopedia Americana.

Mahalaga ang isang timbang na pangmalas. Ang mga lathalain at telebisyon ay dalawang magkaibang medía. Ang bawat isa ay may likas na puwersa at limitasyon. Ang bawat isa ay maaaring gamitin​—o abusuhin. Oo, ang labis na pagbabasa hanggang sa humantong sa pagbubukod ng sarili ay kasimpanganib din ng labis na panonood ng TV.​—Kawikaan 18:1; Eclesiastes 12:12.

Subalit, ang pagbabasa ay kalimitang pinagwawalang-bahala dahil sa libangan ng panonood. Isang tagapagbalitang Hapones ang may ganitong pagkasiphayo: “Tayo ay nagbabago mula sa kultura ng mga mambabasa tungo sa kultura ng mga manonood.” Lalo na itong napapansin sa gitna ng mga kabataan. Bilang resulta, marami sa kanila ang lumalaki na walang interes sa pagbabasa at sa dakong huli ay nakararanas ng mga kahihinatnan nito. Sa gayon, paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng pagnanais na magbasa?

Kung Paano Makatutulong ang mga Magulang

Maging halimbawa. Isang artikulo sa Newsweek na pinamagatang “Kung Paano Magpalaki ng Mabubuting Mambabasa” ay nagbigay ng ganitong tuwirang payo: “Kung ikaw ay nagbababad sa harap ng TV, malamang na maging gayon din ang iyong anak. Sa kabilang dako naman, kung nakikita ka ng iyong mga anak na maligayang nakasubsob sa isang magandang aklat, maiisip nila na hindi mo lamang ipinangangaral ang pagbabasa, ginagawa mo rin ito.” Mas mahusay pa, binabasahan nang malakas ng ilang magulang ang kanilang mga anak. Sa paggawa ng gayon, sila’y lumilikha ng isang mainit na bigkis​—isang bagay na nakalulungkot na nawawala sa maraming pamilya ngayon.

Magkaroon ng aklatan. “Magkaroon ng mga aklat​—maraming aklat,” mungkahi ni Dr. Theodore Isaac Rubin. “Natatandaan kong binabasa ang mga ito sapagkat madaling makuha ang mga ito at dahil sa binabasa rin ng lahat ang mga ito.” Ang udyok na magbasa ay mas matindi pa nga kung ang mga aklat ay bahagi ng kanilang sariling personal na aklatan.

Gawing kasiya-siya ang pagbabasa. Sinasabi na kung ibig ng isang bata na magbasa, kalahati sa pagpupunyaging matuto ay napagtagumpayan na. Kaya gawing kasiya-siya ang pagbabasa sa iyong anak. Paano? Una, takdaan ang panahon ng panonood sa telebisyon; halos laging nananalo ito sa pagbabasa. Ikalawa, lumikha ng isang kalagayan na tumutulong sa pagbabasa; tahimik na panahon at lugar, gaya ng personal na aklatan na may mabuting ilaw, ang humihimok sa pagbabasa. Ikatlo, huwag pilitin ang pagbabasa. Maging handa sa mga materyal at mga pagkakataon na magbasa, subalit hayaan ang bata na magpaunlad ng pagnanais.

Ang ilang magulang ay nagsisimulang magbasa sa kanilang mga anak sa maagang edad. Ito’y maaaring maging kapaki-pakinabang. Sinasabi ng ilang dalubhasa na sa edad na tatlo, ang isang bata ay makauunawa na sa karamihan ng mga wika na gagamitin niya sa kaniyang karaniwang pakikipag-usap sa adulto​—bagaman hindi niya matatas na maipapahayag ang mga salita. “Ang mga bata ay nagsisimulang matuto na makaunawa ng wika nang mas maaga at mas mabilis kaysa matutuhan nilang bigkasin ito,” sabi ng aklat na The First Three Years of Life. Ganito ang sabi ng Bibliya tungkol kay Timoteo: “Mula sa pagkasanggol ay alam mo na ang banal na mga kasulatan.” (2 Timoteo 3:15) Ang salitang sanggol o infant ay nagmula sa salitang Latin na infans, na literal na nangangahulugang “hindi nagsasalita.” Oo, narinig ni Timoteo ang mga salita sa kasulatan noon pa man bago niya nabigkas ang mga ito.

Ang Bibliya​—Isang Napakahusay na Tulong

“Ang Bibliya ay isang kahanga-hangang kalipunan ng pampanitikang akda,” sabi ng aklat na The Bible in Its Literary Milieu. Oo, ang 66 na aklat nito ay nagtataglay ng mga tula, awit, at makasaysayang pangyayari kung saan ang kapuwa bata’t matanda ay maaaring matuto. (Roma 15:4) Higit pa, ang Bibliya ay “kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.”​—2 Timoteo 3:16.

Oo, ang pinakamahalagang babasahin na madaling makuha ay ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Taglay ang mabuting dahilan bawat Israelitang hari ay hinihilingang magkaroon ng personal na kopya ng Kasulatan at “babasahin sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.” (Deuteronomio 17:18, 19) At si Josue ay inutusang magbasa ng kasulatan “nang pabulong”​—iyon ay, sa kaniyang sarili, sa mahinang tinig​—“araw at gabi.”​—Josue 1:8.

Aaminin naman, ang mga bahagi ng Bibliya ay hindi madaling basahin. Ang mga ito’y maaaring humiling ng pagtutuon ng isip. Tandaan, si Pedro ay sumulat: “Gaya ng mga sanggol na bagong-silang, magkaroon kayo ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita.” (1 Pedro 2:2) Taglay ang pagsasanay, ang hilig sa “gatas” ng Salita ng Diyos ay magiging kasing natural ng likas na paghahanap ng isang sanggol sa gatas ng ina nito. Ang pagpapahalaga sa pagbabasa ng Bibliya ay maaaring mapaunlad.c Sulit ang pagsisikap dito. “Ang iyong salita ay ilawan sa aking paa, at tanglaw sa aking daan,” sulat ng salmista. (Awit 119:105) Hindi ba tayong lahat ay nangangailangan ng gayong patnubay sa ating magulong panahon?

[Mga talababa]

a Ang aliteracy ay hindi dapat ipagkamali sa “illiteracy,” na “kawalang-kakayahan na bumasa o sumulat.”

b May kaugnayan dito, ang Watch Tower Society sa nakalipas na mga taon ay naglaan ng karagdagan pa sa mga ginagawang lathalain nito ng mga videocassette tungkol sa iba’t ibang paksa na may kaugnayan sa Bibliya.

c Upang matulungan ang mga bata na manabik sa kaalaman ng Bibliya, ang Samahang Watch Tower ay naglathala ng pinasimpleng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, gaya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at Pakikinig sa Dakilang Guro. Ang dalawang aklat ay maaari ring makuha sa mga audiocassette.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share