Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 1/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Tahimik na Holocaust”
  • Mas Nakasasama Kaysa mga Sigarilyo
  • Epekto ng Pagkamarunong Bumasa’t Sumulat sa mga Ina
  • Nawasak na Pagtitiwala
  • Bumabagsak na Buhay Pampamilya
  • Mga Panganib ng Internasyonal na Pagrereto
  • Pagkaliyo sa Biyahe
  • Lumalala ang Polusyon sa Hangin sa Pransiya
  • Mga Diperensiya sa Pagsasalita sa Gitna ng mga Bata
  • Pagpapahalaga sa Kababaihan at sa Kanilang Gawain
    Gumising!—1998
  • Ang mga Hadlang sa Pagiging Ina
    Gumising!—2002
  • Mga Anak—Bentaha o Disbentaha?
    Gumising!—1993
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 1/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

“Tahimik na Holocaust”

Sa pangmalas ng Oxfam, isang nangungunang kawanggawang organisasyon sa pagpapaunlad, ang pagdurusa ng mga mahihirap sa daigdig ay napakatindi anupat tinagurian itong “tahimik na holocaust,” ayon sa pahayagang Guardian Weekly sa Britanya. Sa isang ulat na naglunsad ng limang-taóng kampanya upang tulungan ang mahihirap sa daigdig, natuklasan ng Oxfam na sangkalima ng populasyon sa daigdig ay naninirahan sa 50 pinakamahihirap na bansa. Ang mga bansa ring iyon ang nakitaan ng pagbagsak ng 2 porsiyento sa kita ng daigdig. Ang agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap na mga bansa ay lumalawak. Halimbawa, ang Mexico ay nakararanas ng matinding krisis sa pinansiyal at lumalaganap na karukhaan subalit kasabay nito ay nakikitaan din naman na may pinakamabilis na dumaraming bilang ng mga bilyonaryo. Ganito ang sabi ng isang babaing tagapagsalita ng Oxfam: “Para bang ang mga lider ng daigdig at ang UN ay . . . nawawala sa kanilang landas. Kailangan natin ng bagong hakbang para sa bagong milenyo.”

Mas Nakasasama Kaysa mga Sigarilyo

Ito ang konklusyong nagawa ng parlamentaryong komite sa India may kinalaman sa bidi, na kilala rin bilang sigarilyo ng mahihirap. Tinataya na mahigit na apat na milyong lalaki, babae, at mga bata ang gumagawa ng mahigit na 300 milyong bidi sa isang araw, binabalot ang pulbos ng tabako sa mga dahon ng tendu at tinatalian ng sinulid ang maliliit na bilot. Ayon sa The Times of India, ipinakikita ng kamakailang ulat na ang bidi ay may dalawa at kalahating ulit na kakayanan ng sigarilyo na magdulot ng kanser, maaaring maging sanhi ng silicosis at tuberkulosis, at nagtataglay ng 47 porsiyentong tar at 3.7 porsiyentong nikotina kung ihahambing sa karaniwang sigarilyo sa India na may 36 na porsiyentong tar at 1.9 na porsiyentong nikotina. Hindi lamang ang mga máninigarilyó ang nanganganib. Ang milyun-milyong tao na gumagawa ng mga bidi ay karaniwang natutuklasang nagtatrabaho nang mahabang oras sa di-malinis na kalagayan, nalalanghap ang mga pulbos ng tabako sa mga kubo na walang hangin. Ang mga batang nagtatrabaho lalo na ang nagdurusa.

Epekto ng Pagkamarunong Bumasa’t Sumulat sa mga Ina

Matagal nang ipinalalagay ng mga dalubhasa sa pampublikong kalusugan na ang mga bata sa mga bansang nagpapaunlad ay mayroong mas malaking pagkakataong mabuhay kung ang kanilang mga ina ay marunong bumasa’t sumulat​—subalit hindi nila naibukod ang pagbabasa mismo bilang isang mahalagang salik. Ayon sa magasing New Scientist, ang isang isinagawang pagsusuri sa Nicaragua “ang kauna-unahang nagpakita na ang pagtuturo sa mga babae ay may tuwirang epekto sa kalusugan ng kanilang mga anak.” Sinuri ng pag-aaral ang mga babaing di-marunong bumasa’t sumulat na bilang mga adulto ay nakibahagi sa malawakang programa ng Nicaragua na matutong bumasa’t sumulat sa pagitan ng 1979 at 1985. Sa dakong huli ng dekada ng 1970, ang bilang ng namamatay na mga anak ng mga inang hindi marunong bumasa’t sumulat ay halos 110 kamatayan sa bawat 1,000 buhay na isinisilang. Noong 1985, ang bilang ng namamatay sa mga anak ng ina na natutong bumasa sa programa ay bumaba ng 84 sa bawat sanlibo. Ang kanilang mga anak ay mas malusog din. Hindi pa rin natitiyak ng mga dalubhasa kung bakit ang mga anak ng mga inang marunong bumasa’t sumulat ay mas malusog at mas mahaba ang buhay.

Nawasak na Pagtitiwala

Ang maliit na bayan ng Chesterfield Inlet sa Hudson Bay sa Northwest Territories ng Canada ay giniyagis ng mga habla ng laganap na pag-abuso sa mga batang nag-aaral. Ayon sa magasing Maclean’s, natuklasan ng isang hiwalay na ulat na inilabas kamakailan ng pamahalaan ang mga kaganapan ng seksuwal at pisikal na pag-abuso sa mga batang katutubo na Inuit sa loob ng mahigit na 17-taong yugto noong mga dekada ng 1950 at 1960 sa Sir Joseph Bernier Federal Day School at sa kalapit na residenteng pinatatakbo ng Iglesya Katolika. Tinapos ng pulisya ang 21-buwang imbestigasyon ng 236 na mga sumbong ng pag-abuso at nagpasiyang huwag mag-akusa​—sa ilang kalagayan sapagkat ang hangganan ng itinakdang panahon ay pasò na; sa iba naman dahil sa diumano ang mga gumawa ng mga masama ay matatanda na o patay na nga; sa iba naman ay dahil sa hindi na makilala nang may katiyakan ng mga dating estudyante ang gumawa ng masama. Ganito ang sabi ng Maclean’s: “Bagaman ang paglipas ng panahon ang tiyak na nagpangyaring maging mas mahirap ang pagpaparusa sa diumano mga gumawa ng masama, hindi nito binura ang kirot sa mga biktima.”

Bumabagsak na Buhay Pampamilya

Gaano ba kabuti ang kalagayan ng buhay pampamilya ngayon? Ayon sa United Nations Department of Public Information, ang mga ama sa buong daigdig ay gumugugol sa katamtaman ng wala pang isang oras sa isang araw lamang sa kanilang mga anak​—sa Hong Kong ang katamtamang panahon ay anim na minuto lamang. Dumarami ang mga nagsosolong magulang. Halimbawa, sa United Kingdom, kalahati ng lahat ng isinilang noong 1990 ay isinilang ng mga babaing di-kasal. Dumarami rin ang karahasan sa pamilya. Tinataya na sa mga bata na naninirahan sa Estados Unidos at Kanlurang Europa, 4 na porsiyento ang nakararanas ng malubhang karahasan sa loob ng tahanan sa bawat taon. Ang mga may edad ay nagkakaroon din ng problema. Ganito ang sabi ng ulat ng UN: “Maging sa tinatawag na ‘maunlad’ na mga bansa sa European Union (EU), sangkalima ng dami ng mga may edad ay namumuhay sa halos karukhaan, kalimitan nabubukod sa mga ghetto sa lungsod nang walang tulong ng kanilang pamilya at kamag-anak.”

Mga Panganib ng Internasyonal na Pagrereto

Dahil sa higit na kalayaan sa paglalakbay mula sa Silangang Europa tungo sa Kanlurang Europa ay lumitaw ang di-kaayaayang kakambal na epekto: internasyonal na pagrereto. Sapol noong 1991 tinatayang 15,000 babae ang nagmula sa Silangang Europa tungo sa Kanlurang Europa bilang mail-order na mga babaing ipakakasal. Maraming babae ang namumuhay sa karukhaan at nangangarap ng mas mabuting buhay, kaya sinasagot nila ang anunsiyo ng ahensiyang nagrereto. Kalimitan na, ang pangarap ay nauuwi sa lagim kapag ang babae ay humahantong sa pag-iisa sa banyagang bansa at sa kamay ng malupit na asawang lalaki. Isang babaing ikakasal na taga-Poland ang matinding binugbog ng kaniyang asawa sa Alemanya anupat tumakas siya sa kakahuyan at nagtago roon sa loob ng dalawang araw sa nagyeyelong temperatura. Bilang resulta dahil sa paninigas sa yelo, ang kaniyang kaliwa’t kanang paa ay kailangang putulin. Ganito ang sabi ng pahayagang Ingles na Guardian Weekly: “Marami sa mga ahensiyang nagrereto ang gumaganap din bilang pugad ng prostitusyon. Inaakit nila ang mga babae sa ibang bansa at pagkatapos ay pinupuwersa sila sa mga bahay-aliwan. Ang mga tumatanggi ay karaniwang pinapatay.”

Pagkaliyo sa Biyahe

Ikaw ba’y naliliyo kapag nagbibiyahe? Kung gayon, hindi ka nag-iisa. Ang halos 9 sa bawat 10 katao ay malamang na makaranas ng pagkaliyo sa iba’t ibang antas, ulat ng International Herald Tribune. Ang mga aso, lalo na ang mga tuta, ay naliliyo rin. Maging ang mga isda kapag isinasakay sa barko sa maalong dagat ay maaaring maliyo sa dagat! Ano ang lunas? Maraming tao ang bumabaling sa gamot, na mabibili sa karamihan ng botika. Narito ang ilan sa mungkahi na makatutulong: Huwag magbasa sa tumatakbong sasakyan. Maupo ka sa lugar na hindi gaanong matagtag​—sa unahan ng kotse, halimbawa, o sa may pakpak ng eruplano. Ituon ang tingin sa malalayong bagay, gaya ng abot-tanaw. Kung ayaw mong gawin iyan, ipikit mo ang iyong mga mata.

Lumalala ang Polusyon sa Hangin sa Pransiya

Sa kabila ng sama-samang pagsisikap na sugpuin ito, ang polusyon sa hangin ay palala nang palala at nagbabanta ng malubhang sakit sa milyun-milyong naninirahan sa Paris at sa iba pang lungsod sa Pransiya. Bagaman ang pangunahing may kagagawan noong nakalipas ay ang malalaking industriya, sa ngayon ang mga sasakyan ang may pananagutan sa 80 porsiyento ng polusyon sa hangin sa lungsod. Ang bilang ng sasakyan sa Pransiya ay dumami sapol noong 1970, tumataas mula sa 12 milyon hanggang 24 na milyon, na may 3.2 milyon sa lugar lamang ng Paris. Sinasabi ng pahayagang Le Monde sa Paris na ipinakikita ng pagsusuri ng pinakahuling pamahalaan na sa bawat pagdami ng pagtitipon ng nakalalasong gas sa lugar ng Paris, may katumbas na pagtaas sa bilang ng namamatay at naoospital dahil sa sakit sa palahingahan. Kakaunti ang nakikitang ginagawang pagkilos. Maliwanag, ikinatatakot ng mga pulitiko na ang anumang hakbang na mahigpit na ipatutupad ay makapagpapasama ng loob sa mga botante nila na may sasakyan.

Mga Diperensiya sa Pagsasalita sa Gitna ng mga Bata

Natuklasan ng mga mananaliksik sa University Clinic for Communication Disorders sa Mainz, Alemanya, na sa bawat isa sa apat na bata na nasa edad na hindi pa nag-aaral ay may diperensiya sa pagsasalita. “Hindi ako makapaniwala sa bilang,” pag-amin ni Propesor Manfred Heinemann, direktor ng klinika. Isinagawa ng mga tauhan sa medikal ang mga pagsusulit sa mga bata na nasa edad na tatlo at apat at natuklasan na sa pagitan ng 18 at 34 na porsiyento ang may diperensiya sa pagsasalita. Ang katulad na bilang noong 1982 ay apat na porsiyento lamang. Bakit tumaas? “Ang mga pamilya ay labis na nanonood ng TV at hindi gaanong nag-uusap,” ulat ng pahayagan sa Alemanya na Der Steigerwald-Bote. Waring ang video, TV, at mga laro sa computer ang kumukuha sa bahagi ng mga magulang sa maraming pamilya. Napansin ng mga mananaliksik na ang ilang bata na hindi pa halos makapagsalita ay gayon na lamang “na parang kidlat sa bilis” pagdating sa mga laro sa computer.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share