Ang Castrati—Pagkapón sa Ngalan ng Relihiyon
Ang castrati—sila’y mga mang-aawit na lalaki na may lakas ng katawan ng isang lalaki subalit may tinig na gaya ng batang lalaki. Ang panahon ng mga castrati ay isa ngang malungkot na yugto ng panahon. Sino sila? Ang sagot ay may kaugnayan sa isang nakasisindak na gawain—pagkapón sa ngalan ng relihiyon.
ANG mga bating ay maaaring ipanganak na gayon, subalit ang marami ay ginagawang gayon ng mga tao. Sa anyo at bikas ng katawan, sila ay mga lalaki, subalit hindi sila maaaring mag-anak. Sa isang yugto ng kanilang pisikal na paglaki o kahit na sa dakong huli ng buhay, pinili man o pinilit, sila ay kinapón.
Bakit nga ba pipiliin ng mga lalaki na magpakapón o ang ibang lalaki sa ganitong paraan? Kadalasan, ginawa nila ito sa ngalan ng relihiyon.
Ang mga Bating Noong Sinaunang Kasaysayan
Libu-libong taon na ang nakalipas, ang pagkapón ay ginamit bilang isang anyo ng parusa ng mga Asiriano. Ito ang parusa para sa pangangalunya sa Ehipto. Ang isang magnanakaw na nasumpungang nagnanakaw mula sa isang templo sa sinaunang Friesland, ngayo’y bahagi ng Netherlands, ay kinakapón bago patayin.
Ang pagkapón ay ipinagbawal sa Roma noong panahon ng paghahari ng mga Emperador na sina Domitian at Nerva noong unang siglo C.E. subalit ito’y ibinalik noong pagtatapos ng mga taon ng imperyo. Ganito ang parusa sa isang lingkod kung hinalay niya ang isang lingkod na babae ayon sa mga batas na pinagtibay noong ikasiyam na siglo ng hari ng Inglatera na si Alfred na Dakila.
Ang mga bating ay mahalagang bahagi rin ng relihiyosong mga ritwal. Ang mga bating gayundin ang mga birhen ay naglingkod sa diyosang si Artemis sa lungsod ng Efeso. Kinapón ng mga lalaki ang kanilang mga sarili sa magulo’t di-masupil na mga seremonya upang parangalan si Astarte ng Hierapolis ng Siria.
“Siya na nagkakapón sa kaniyang sarili o sa iba ay hindi kabilang sa aking mga tagasunod,” sabi ni Muhammad. Subalit, sa kabila ng pagbabawal na ito, ang mga bating ay mahalagang mga alipin sa mga bansang Muslim, bilang mga katiwala ng mga harem at mga santuwaryo. Dahil dito, ang kalakalan ng alipin ay pinanatili. Ang mga binatang kinuha sa Sudan at kalapit na mga bansa sa Hilagang Aprika ay nagbigay ng pagkalaki-laking mga pakinabang para sa mga mangangalakal ng alipin.
Maaga noong ika-19 na siglo, si Johann L. Burckhardt ay dumalaw sa Upper Egypt, na doo’y nakita niya ang mga batang lalaking kinapón na handang ipagbili bilang mga alipin. Ang mga pag-opera ay ginagawa sa mga batang lalaki sa pagitan ng 8 at 12 taóng gulang. Ang mga nag-oopera ay dalawang monghe ng Simbahang Coptic. “Ang kanilang propesyon,” sabi ni Burckhardt, “ay ginagawa bilang paghamak.”
Ito’y nagbabangon sa tanong na, Sa anong lawak nasangkot sa gawaing ito ang Sangkakristiyanuhan, at sa anu-anong kadahilanan?
Mga Bating sa Sangkakristiyanuhan
Si Origen—kilala sa kaniyang Hexapla, mga bersiyon ng Hebreong Kasulatan na inayos sa anim na tudling—ay isinilang noong mga 185 C.E. Sa gulang na 18, siya’y kilala na sa kaniyang mga lektyur tungkol sa Kristiyanismo. Ngunit, siya’y nabahala na ang kaniyang popularidad sa mga kababaihan ay hindi dapat na ipagkamali. Kaya, binibigyan ng literal na kahulugan ang mga salita ni Jesus na, “may mga bating na ginawang bating ang kanilang mga sarili dahil sa kaharian ng mga langit,” kinapón niya ang kaniyang sarili. (Mateo 19:12)a Ito’y isang wala sa hustong gulang, mapusok na pagkilos—isa na labis niyang pinagsisihan noong dakong huli.
Kapansin-pansin, ang unang-unang batas ng simbahan sa Konseho ng Nicaea noong taóng 325 C.E. ay nagpahayag na hindi maaari sa pagkapari ang mga lalaking kinapón ang kanilang mga sarili. Ganito ang sabi ni Dr. J. W. C. Wand tungkol sa resolusyong ito: “Posibleng ang ilan ay nagpakita ng pagnanais na sundin ang halimbawa ni Origen sa bagay na ito at gawin ang kanilang mga sarili na mga bating . . . , at mahalaga na hindi dapat himukin ang mga Kristiyano na sundin ang isang kaugalian na higit na katangian ng mga deboto ng ilang paganong relihiyon.”
Sa paggawa ng gayong mahalagang pasiya, sinikap na alisin ng mga lider ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan sa lahat ng panahon ang nakasusuklam na isyu ng pagkapón. Gaya ng makikita natin, iba ang kinalabasan nito. Isaalang-alang muna ang sumusunod na kilalang ulat.
Noong taóng 1118, si Peter Abelard, isang pilosopo at estudyante sa teolohiya, ay umibig kay Héloïse, isang dalagitang tinuturuan niya nang pribado. Si Abelard ay hindi pa naoordena at samakatuwid ay wala pa sa ilalim ng panata ng hindi pag-aasawa, kaya’t sila’y nagpakasal nang lihim at nagkaroon ng isang anak na lalaki. Ngunit dahil sa inakala ng kaniyang tiyo, si Fulbert, isang kanón sa Romano Katolikong katedral sa Paris, na si Héloïse ay hinikayat sa masama, sapilitan niyang pinakapón si Abelard. Ang malupit na pagkilos na ito, na isinagawa ng mataas na opisyal ng simbahan, ay humantong sa pagkapón din sa dalawa sa mga gumawang ito ng masama bilang ganti.
Kaya ang pagkapón ay tinatanggap pa rin bilang isang parusa sa ilang mga kalagayan. Gayunman, ang hindi maka-Diyos na gawaing ito ay di-nagtagal at itinaguyod sa Iglesya Romana Katolika dahil sa pag-awit sa simbahan.
Mga Koro ng Simbahan
Ang pag-awit ay gumanap ng isang mahalagang bahagi sa liturhiya ng Silanganing Ortodokso at Romano Katoliko, ang pinakamahalagang bahagi ng isang koro ng simbahan ay ang batang lalaking mga soprano. Subalit ang boses ng batang lalaki ay pumipiyok pagsapit niya sa edad na mga tin-edyer. Paano mapagtatagumpayan ng simbahan ang palaging pagpapalit ng mga tauhan at ang pagsasanay na kakailanganin nito? Oo, ang tila hindi kawili-wiling mas mataas na boses na kilala bilang falsetto ay kadalasang ginagamit, subalit hindi ito isang kanais-nais na kahalili para sa batang lalaking soprano.b
Ang mga babaing soprano ay maliwanag na mapagpipilian, subalit mula pa noong una ay ipinagbawal ng papa sa kababaihan na umawit sa simbahan. Isa pang karagdagang problema ay na ang mga mang-aawit ng simbahan ay maaaring tawagin upang tumulong sa kanilang pari, isang tungkuling pantanging nakareserba sa kalalakihan. Kaya ang mga babae ay hindi maaaring gamitin upang punán ang mga koro ng simbahan.
Noong 1588, ipinagbawal ni Papa Sixtus V ang mga babae mula sa pag-awit sa entablado sa anumang teatrong bayan o opera house. Ang pagbabawal na ito’y inulit ni Papa Inocentes XI pagkalipas ng mga 100 taon. “Ang hindi pagsang-ayon sa mga babaing tagapagtanghal sa teatro at ang paglakip ng kanilang pangalan sa prostitusyon at mahalay na pamumuhay ay isang sinaunang tradisyon, mula pa noong mga kaarawan ni San Agustin at mas maaga pa nga,” sabi ng mananaliksik na si Angus Heriot. Subalit, dahil sa matigas na paninindigang ito, binuksan ng simbahan ang daan para sa isa pa, mas malubhang problema—ang castrati!
Sino ang mga castrati, at paano nasangkot dito ang Sangkakristiyanuhan?
Pagkapón Alang-alang sa Musika
Ang opera at mga teatrong bayan ay nangangailangan ng mga soprano, at gayundin ang koro ng papa. Ano ang maaaring gawin? Malaon nang alam na kung kapón ang isang batang lalaki, ang kaniyang boses ay hindi pipiyok. Ang mga kuwerdas bokales ay bahagya lamang na lálakí, samantalang ang dibdib at diaphragm ay normal na lálakí. Bunga nito, ang castrato ay may lakas ng katawan ng isang lalaki subalit boses bata—“ang uri ng boses na inaakalang taglay ng mga anghel,” sabi ni Maria Luisa Ambrosini sa The Secret Archives of the Vatican. Posible rin na pangalagaan sa paano man ang uri ng boses sa iba’t ibang edad ng pagkapón sa bata.
Ang Iglesya Griego ay gumamit ng mga castrati bilang mga korista mula noong ika-12 siglo patuloy, subalit ano ang gagawin ng Iglesya Katolika Romana? Ipahihintulot at gagamitin din ba nito ngayon ang mga castrati?
Si Padre Soto, isang mang-aawit sa koro ng papa noong 1562, ay itinala sa mga ulat ng Batikano bilang isang falsetto. Subalit si Soto ay isang castrato. Kaya di-kukulanging 27 taon bago ang 1589, nang muling ayusin ng batas ni Papa Sixtus V ang mga mang-aawit sa St. Peter’s Basilica upang isama ang apat na castrati, tahimik na isinaisang-tabi ng Batikano ang awtoridad ng Konseho ng Nicaea.
Mula noong 1599 ang pag-iral ng castrati sa Batikano ay tinanggap. Minsang hayagang ipinahintulot ng pinakamataas na awtoridad sa simbahan ang gawaing ito, tinanggap na ang mga castrati. Sina Gluck, Handel, Meyerbeer, at Rossini ay kabilang sa mga kumatha kapuwa ng sagrado at di-relihiyosong musikang natatangi para sa castrati.
Popularidad, mga Magulang, at ang Opinyon ng Publiko
Mabilis na naging popular ang castrati. Halimbawa, si Papa Clemente VIII (1592-1605) ay lubhang humanga sa naibabagay at kagandahan ng kanilang mga tinig. Kahit na ang sinumang nakikilalang may kaugnayan sa gawang pagkapón ay dapat sanang natiwalag, patuloy ang pagdagsa ng mga batang lalaki na magagamit habang umiiral ang musikal na pangangailangan ng simbahan.
Ang mga tindahan ay sinasabing nag-aanunsiyo, “Qui si castrono ragazzi (Dito kinakapón ang mga batang lalaki).” Isang barberya sa Roma ang may pagmamalaking nagpahayag: “Dito kinakapón ang mga mang-aawit para sa mga koro ng kapilya ng papa.” Sinasabing noong ika-18 siglo, mga 4,000 Italyanong batang lalaki ang kinapón sa layuning ito. Kung ilan ang namatay sa paggawa nito ay hindi alam.
Bakit pinayagan ng mga magulang ang kanilang mga anak na lalaki na makapón nang ganito? Sa pangkalahatan, ang castrati ay isinilang sa mahihirap na magulang. Kung ang isang anak na lalaki ay nagpakita ng anumang galíng sa musika, kung gayon siya ay maaaring ipagbili, kung minsan nang tuwiran, sa isang musikal na institusyon. Ang iba ay kinukuha sa mga koro ng Basilica ng St. Peter sa Roma at sa kahawig na mga akademya ng simbahan. Natural na inaasam ng mga magulang ang kanilang castrato ay magiging tanyag at mapaglalaanan sila nang husto sa kanilang katandaan.
Subalit, kadalasan na kalunus-lunos na pangyayari ang kasunod kapag naging maliwanag na ang batang lalaki ay walang boses upang sanayin. Si Johann Wilhelm von Archenholz, sumusulat ng A Picture of Italy noong dakong huli ng ika-18 siglo, ay nagpaliwanag na ang ilang taong itinakwil, pati na ang sinumang sobrang castrati, na “pinayagang maging mga pari” ay pinayagang mag-Misa. Ito’y kasunod ng pambihirang pámarisán na itinakda sa St. Peter’s mismo nang, bilang paglabag sa batas ng iglesya, dalawang castrati ang tinanggap bilang Romano Katolikong mga pari noong 1599 at ang iba pa pagkatapos nito.
Si Papa Benedicto XIV mismo ay sumangguni sa pasiya ng Konseho ng Nicaea at kinilala na ang pagkapón ay labag sa batas. Subalit noong 1748 matatag niyang tinanggihan ang mungkahi mula sa kaniya mismong mga obispo na ipagbawal ang castrati, sapagkat nangangamba siyang ang mga simbahan ay mawalan ng laman kung gagawin niya iyon. Gayon ang pang-akit at kahalagahan ng musika ng simbahan. Kaya ang mga koristang castrati ay patuloy na umawit sa mga koro ng simbahan sa Italya, sa St. Peter’s, at sa mismong Kapilya Sistine ng papa.
Noong 1898 dahil sa pagdami ng opinyon ng publiko laban sa pagkapón, maingat na binigyan ni Papa Leo XIII ng pensiyon ang mga castrati ng Batikano, at pormal na ipinagbawal ng humalili sa kaniya, si Papa Pius X, ang castrati mula sa kapilya ng papa noong 1903. Subalit ang batas ni Papa Sixtus V na nagpakilala sa kanila ay hindi kailanman pormal na pinawalang-bisa.
Ang huling propesyonal na castrato, si Alessandro Moreschi, ay namatay noong 1922. Ang mga rekording ng kaniyang pag-awit ay ginawa noong 1902 at 1903 at maririnig pa rin. Sa mga tatak ng mga rekording na ito, siya ay inilarawan bilang “Soprano della Cappella Sistina (Soprano sa Kapilya Sistine).” “Ang tinig,” sulat ng kritiko sa musika na si Desmond Shawe–Taylor, “ay walang alinlangang isang soprano, hindi nahahawig alin sa tinig ng isang batang lalaki ni sa babae.”
Sa gayon nagwakas ang walang patumanggang pagkapón ng mga batang lalaki alang-alang sa sining. Isang “kasuklam-suklam na gawain,” sabi ng The Encyclopædia Britannica, gayunma’y isa na kinunsinti ng Iglesya Katolika Romana sa loob ng mga dantaon.
Pagkapón—Sa Dekada ng 1990?
Kaya wala na ang mga castrati. Subalit nangangahulugan ba ito na natapos na ang pagkapón sa ngalan ng relihiyon? Nakalulungkot sabihin, hindi! Ang The Independent Magazine ay nag-uulat na ang India ay may kasindami ng isang milyong bating, na nakatira sa relihiyosong mga pamayanan. Sino sila? Ang mga hijras.
Karamihan ng mga hijras ay mga Muslim sa pagsilang—bagaman maraming Hindu sa gitna nila—at ang lahat ay sumasamba kay Bharuchra Mata, isang diyosang Hindu mula sa Gujarat. Bagaman pinipili ng karamihan na makapón, sinasabi ng ilan na taun-taon kasindami ng isang libong lalaking Indian ang sapilitang kinakapón upang pilitin silang sumama sa mga hijras, pagkatapos nito sila’y isinusubasta sa pinakamataas ang tawad na guru.
Ang mga hijras ay kontrolado ng isang herarkiya ng mga guru, iba’t ibang pangkat ng mga hijras na hinahati ang mga lungsod sa mga teritoryo. Ang mga hijras ay nabubuhay sa pamamagitan ng panlilimos sa templo at prostitusyon. Sila’y karaniwang hinahamak, subalit sila rin ay kinatatakutan dahil sa inaakalang sila’y nagtataglay ng masamang madyik. Sa kadahilanang ito ang mga tao ay magbabayad sa kanila upang basbasan ang mga sanggol at ang mga bagong kasal.
Sinasabing ang ilang hijras ay naglalayas. Subalit “ang hijra mafia na sinasabing nangangasiwa sa mga pagkapón,” ulat ng India Today, “ay kumikilos sa ilalim ng lambong ng pagkasekreto at sindak.”
Ang Wakas!
Ang daigdig ba ay mapalalaya kailanman buhat sa gayong mga kasamaan? Oo, sapagkat ang mga kasalanan ng pandaigdig na imperyo ng huwad na mga relihiyon—na ipinakilala sa Bibliya bilang isang patutot, ang “Babilonyang Dakila”—“ang kaniyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong hanggang sa langit.” Anong laking pampatibay-pananampalataya na malaman na ang lahat ng gayong gawaing nakasisirang-puri sa Diyos ay malapit nang dumating sa isang madulang wakas! Bakit hindi basahin ito para sa iyong sarili sa panghuling aklat ng Bibliya, ang Apocalipsis, kabanata 18? Partikular na suriin ang mga Apoc 18 talatang 2 at 5.
[Mga talababa]
a Tungkol sa pananalita ni Jesus, ganito ang sabi ng talababa sa Romano Katolikong Westminster Version of the Sacred Scriptures: The New Testament: “Hindi sa pisikal sa pamamagitan ng pagkapón, kundi sa espirituwal sa pamamagitan ng layunin o panata.” Sa katulad na paraan, ang A Commentary on the New Testament, ni John Trapp, ay nagpapaliwanag: “Hindi pagkapón sa kanilang sarili, gaya ng ginawa ni Origen at ng iba pa noong sinaunang panahon, dahil sa maling pagkaunawa sa tekstong ito . . . kundi ito’y ang pamumuhay nang walang asawa, upang sila’y makapaglingkod sa Diyos nang may higit na kalayaan.”
b Ang falsetto ay nagsisimula kung saan ang mas natural na mga tono ay nawawala at sinasabing ginagawa sa mga dulo lamang ng kuwerdas bokales.
[Kahon sa pahina 13]
Ang Pinakamataas na Pamantayan
Walang bating ang pinahihintulutang maging bahagi ng kongregasyon ng Israel, gaya ng malinaw na binabanggit ng Batas ni Jehova. (Deuteronomio 23:1) Sa ilalim ng Batas na ito hindi ipinahihintulot ang pagkapón. “Ang batas ng Judio,” sabi ng Encyclopaedia Judaica, “ay napopoot sa gayong mga pag-opera.” Bunga nito, walang Israelita o mga dayuhang residente ang ginawang mga bating para sa paglilingkod sa palasyo ng mga haring Israelita, gaya ng mga bating sa ilang maharlikang korte, gaya niyaong kay haring Ahasuero ng Persia.—Esther 2:14, 15; 4:4, 5.
[Larawan sa pahina 12]
Isang pasiya ni Papa Sixtus V ang nagbukas ng daan para sa castrati
[Credit Line]
The Bettmann Archive