Ang “Colosseum” at ang Hula ng Bibliya
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ITALYA
ISANG sinaunang inskripsiyong nasumpungan sa Colosseum ng Roma, Italya, ay maaaring di-tuwirang nagpapatunay sa isang hula sa Bibliya tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem. Ang inskripsiyon ay maliwanag na may kinalaman sa pagtatayo at pasinaya ng Colosseum noong 80 C.E. Gaya ng muling itinayo ni Propesor Géza Alföldy ng University of Heidelberg, Alemanya, ang inskripsiyon ay kababasahan nang ganito: “Ipinatayo ni Emperador Tito Vespasian Caesar Augustus ang bagong ampiteatro sa pamamagitan ng mga napagbilhan ng samsam.” Anong samsam?
“Pinag-uusapan natin ang tungkol sa pagkalaki-laking samsam na kinuha ni Tito sa digmaan laban sa mga Judio,” sabi ni Alföldy, “at lalo na, ang gintong mga gamit” ng templo sa Jerusalem. Ang templong ito ay sinira bilang katuparan ng hula ni Jesus. (Mateo 24:1, 2; Lucas 21:5, 6) Si Alföldy ay naghihinuha na ang Colosseum—pati na ang bantog na Arko ni Tito, na naglalarawan sa mga nagtagumpay na mga Romano na punô ng mga samsam na kinuha sa pakikidigma sa mga Judio—ay isang monumento sa makasaysayang tagumpay na ito ng mga Romano.