Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 3/8 p. 6-8
  • Kawalan ng Trabaho—Bakit?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kawalan ng Trabaho—Bakit?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Dahilan ng Problema
  • Isang Salot ng Lipunan
  • Mayroon Bang Natatanaw na Anumang Lunas?
  • Ang Salot ng Kawalan ng Trabaho
    Gumising!—1996
  • Pagtatanggal sa Trabaho—Ang Masamang Panaginip ng mga Empleado
    Gumising!—1991
  • Paglaya Mula sa Kawalan ng Trabaho—Paano at Kailan?
    Gumising!—1996
  • Ano Na ang Nangyari sa “Panghabang-Buhay na Trabaho”?
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 3/8 p. 6-8

Kawalan ng Trabaho​—Bakit?

SA ILANG bansa maraming tao ang napipilitang suportahan ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng mahihirap na trabaho sa loob ng mahabang oras sa isang nakapapagod na bilis, marahil ginagawa pa nga ang isang mapanganib na trabaho para sa kaunting kita. Kamakailan lamang ang marami sa ibang bansa ay nakatitiyak na minsang sila’y makapagtrabaho sa isang malaking kompanya o sa isang kagawaran na pinatatakbo ng estado, sila’y may seguradong trabaho na hanggang sa pagreretiro. Subalit ngayon para bang wala nang mga negosyo o mga korporasyon na nakapag-aalok ng kanais-nais na trabaho at seguridad sa anumang antas. Bakit?

Mga Dahilan ng Problema

Libu-libong kabataan ang hindi pa nga makasumpong ng kanilang unang trabaho​—sila man ay nagtapos sa kolehiyo o hindi. Sa Italya, halimbawa, mahigit na sangkatlo ng mga walang trabaho ay mga taong nasa pagitan ng edad na 15 at 24. Ang katamtamang edad niyaong mga nagtatrabaho na at nagsisikap na panatilihin ang kanilang mga trabaho ay tumataas, kaya mas mahirap para sa mga kabataan na makasumpong ng kanilang unang trabaho. Kahit sa gitna ng mga kababaihan​—na parami nang parami sa kasalukuyan ang nagtatrabaho​—may mataas na bilang ng walang trabaho. Kaya naman, isang di-pangkaraniwang malaking bilang ng bagong mga manggagawa ang ngayo’y nagpupunyaging matanggap sa trabaho.

Mula noong panahon ng unang mga makinang pang-industriya, ang teknikal na pagbabago ay nakabawas sa pangangailangan para sa mga manggagawa. Yamang ang maraming tao ay kailangang magtrabaho ng mahaba’t nakapapagod na mga turno o palitan sa trabaho, inaasahan ng mga manggagawa na babawasan ng mga makina ang mga trabaho. Ang paggamit ng mga makina ay nagparami sa produksiyon at inalis ang maraming panganib, subalit binawasan din nito ang bilang ng kinakailangang mga manggagawa. Yaong naging mga hindi na kinakailangan ay nanganib na pangmatagalang mawalan ng trabaho malibang matuto sila ng bagong mga kasanayan.

Tayo’y nanganganib na malubog sa isang napakaraming komersiyal na mga produkto. Inaakala ng iba ay naabot na ang sukdulan ng pag-unlad. Isa pa, palibhasa’y mas kaunti ang mga manggagawa, mas kaunti rin ang mga mamimili. Ang pamilihan sa gayon ay gumagawa ng higit kaysa makukunsumo. Dahil sa hindi na praktikal sa ekonomiya, ang malalaking pabrikang itinayo upang pangasiwaan ang inaasahang pagdami ng produksiyon ay isinasara o binabago. Ang mga kausuhang gaya nito ay umaani ng mga biktima​—yaong mga nawawalan ng trabaho. Sa resesyon ng ekonomiya, ang pangangailangan para sa mga manggagawa ay umuunti, at ang nawawalang trabaho sa panahon ng mga resesyon ay hindi kailanman naibabalik sa panahon ng pagdami ng komersiyal na gawain. Maliwanag, ang kawalan ng trabaho ay may higit pang dahilan.

Isang Salot ng Lipunan

Yamang ito’y maaaring humampas sa sinuman, ang kawalan ng trabaho ay isang salot ng lipunan. Ang ilang bansa ay naglalaan ng iba’t ibang paraan upang pangalagaan yaong mga nagtatrabaho pa​—halimbawa, bawas na araw ng trabaho na may bawas sa suweldo. Gayunman, maaari nitong sirain ang pag-asa ng iba na naghahanap ng trabaho.

Kapuwa ang may trabaho at ang walang trabaho ay lalo pang dumadalas ang pagtutol sa mga problemang nauugnay sa trabaho. Subalit bagaman ang walang trabaho ay humihiling ng bagong mga trabaho, yaong mga may trabaho ay nagsisikap na ingatan ang kanilang sariling seguridad​—dalawang layunin na hindi laging magkasuwato. “Yaong mga may trabaho ay kadalasang pinagtatrabaho nang mas mahabang mga oras. Yaong mga walang trabaho ay nananatiling walang trabaho. Nariyan ang panganib na ang lipunan ay maaaring mahati sa dalawang grupo . . . sa isang panig, yaong nagtatrabaho ng mahahabang oras at sa kabilang panig, ang tinanggihan at walang trabaho, na halos lubusang umaasa sa kabutihang-loob ng iba,” sabi ng magasin sa Italya na Panorama. Sa Europa, sabi ng mga eksperto, ang mga bunga ng pag-unlad ng ekonomiya ay pangunahin nang tinatamasa niyaong mga nagtatrabaho na, sa halip niyaong mga walang trabaho.

Higit pa riyan, ang kawalan ng trabaho ay iniuugnay sa kalagayan ng lokal na ekonomiya, anupat sa ilang bansa, gaya ng Alemanya, Italya, at Espanya, umiiral ang pagkalaki-laking pagkakaiba sa pagitan ng mga pangangailangan sa isang lugar at yaong sa ibang lugar. Ang mga manggagawa ba ay handang matuto ng bagong mga kasanayan o lumipat pa nga sa ibang dako o sa ibang bansa? Kadalasang ito’y maaaring maging isang malaking salik upang makasumpong ng trabaho.

Mayroon Bang Natatanaw na Anumang Lunas?

Sa kalakhang bahagi, ang mga pag-asa ay ibinabatay sa pag-unlad ng ekonomiya. Subalit ang ilang tao ay nag-aalinlangan at nag-iisip na ang gayong pag-unlad ay hindi mangyayari hanggang sa mga taóng 2000. Para naman sa iba, ang pagbawi ay nagsimula na, subalit ito’y mabagal sa paggawa ng mga resulta, gaya ng makikita sa pag-unti kamakailan ng trabaho sa Italya. Ang pagbawi sa ekonomiya ay hindi naman nangangahulugan ng pagbawas sa kawalan ng trabaho. Bagaman maliit lamang ang pagsulong, mas pinipili ng mga negosyo na gamitin nang mabuti ang mga empleado na nasa kanila na sa halip na mag-empleo ng iba pa​—yaon ay, “pag-unlad sa ekonomiya nang hindi nagdaragdag ng mga pagkakataon para sa trabaho.” Isa pa, ang bilang ng mga walang trabaho ay kadalasang mas mabilis na dumarami kaysa bilang ng bagong mga trabahong nililikha.

Ang pambansang mga kabuhayan ngayon ay nagiging pangglobo ang lawak. Ang ilang ekonomista ay nag-iisip na ang paggawa ng malaki, bagong supranational na mga kalakalang dako, gaya niyaong sa North American Free Trade Agreement (NAFTA) at Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), ay maaari ring magbigay ng lakas sa pandaigdig na ekonomiya. Subalit, ang kausuhang ito ay humihikayat sa malalaking korporasyon na itatag ang kanilang mga sarili kung saan mas mura ang bayad sa trabaho, na ang resulta’y nawawalan ng mga trabaho ang industriyalisadong mga bansa. Kasabay nito, nakikita ng mga manggagawang hindi malaki ang kita na nababawasan ang kanilang maliit nang kita. Hindi nagkataon lamang na sa maraming bansa, marami ang nagdemonstrasyon, nang marahas pa nga, laban sa mga kasunduang ito sa kalakalan.

Ang mga eksperto ay nagmungkahi ng maraming paraan upang labanan ang kawalan ng trabaho. Ang iba ay magkasalungat pa nga, depende sa kung baga ang mga ito ay iminungkahi ng mga ekonomista, mga pulitiko, o ng mga manggagawa mismo. May mga naglalayon na alukin ang mga kompanya ng mga insentibo upang dagdagan ang mga tauhan sa pamamagitan ng pagbawas sa mga pasaning buwis. Ang iba naman ay nagpapayo ng malawakang pakikialam ng estado. Ang iba ay nagmumungkahi ng pagbahagi ng trabaho sa iba’t ibang paraan at pagbawas sa mga oras ng trabaho. Ito ay ginawa na sa ilang malalaking kompanya, kahit na nga noong nakaraang siglo, ang araw ng trabaho sa isang linggo ay sistematikong binawasan sa lahat ng industriyalisadong bansa nang hindi binabawasan ang kawalan ng trabaho. “Sa wakas,” sabi ng ekonomistang si Renato Brunetta, “ang bawat patakaran ay nagiging hindi mabisa, na ang halaga ay nakahihigit sa mga pakinabang.”

“Hindi natin dapat dayain ang ating sarili,” hinuha ng magasing L’Espresso, “mahirap ang problema.” Napakahirap upang lutasin? May lunas ba sa problema ng kawalan ng trabaho?

[Kahon sa pahina 8]

Isang Sinaunang Problema

Ang kawalan ng trabaho ay isang matandang problema. Sa loob ng mga dantaon nasusumpungan ng mga tao ang kanilang sarili na di-sinasadyang walang trabaho. Minsang matapos ang trabaho, libu-libong manggagawang ginamit sa malalaking proyekto ng pagtatayo ay saka nagiging mga walang trabaho mismo​—sa paano man hanggang sa sila’y muling makapagtrabaho sa ibang lugar. Samantala walang kasiguruhan ang kanilang buhay, sabihin pa.

Noong Edad Medya, “bagaman ang problema ng kawalan ng trabaho sa modernong diwa ay hindi pa umiiral,” mayroon na ring mga walang trabaho. (La disoccupazione nella storia [Kawalan ng Trabaho sa Kasaysayan]) Subalit, noong mga panahong iyon, ang sinumang hindi nagtatrabaho ay pangunahin nang itinuturing na mga walang-kuwenta o mga taong palaboy. Hanggang noong ika-19 na siglo, “pangunahin nang iniuugnay ng [maraming tagapagsuring Britano] ang walang trabaho sa ‘mga basag-ulero’ at mga palaboy na natutulog sa labas o pagala-gala sa mga lansangan sa gabi,” sabi ni Propesor John Burnett.​—Idle Hands.

Ang “pagkatuklas sa kawalan ng trabaho” ay nangyari malapit sa pagtatapos ng ika-19 na siglo o sa pasimula ng ika-20. Ang pantanging mga komisyon ng pamahalaan, gaya ng Select Committee of the British House of Commons, ay itinatag upang pag-aralan at lutasin ang problema, tungkol sa “Pagkabahala Mula sa Kakulangan ng Trabaho,” noong 1895. Ang kawalan ng trabaho ay naging isang salot ng lipunan.

Ang bagong kabatirang ito ay sumidhi, lalo na pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig. Ang digmaang iyon, taglay ang puspusang produksiyon ng armas, ay talagang nag-alis ng kawalan ng trabaho. Subalit pasimula noong dekada ng 1920, nakaharap ng Kanluraning daigdig ang sunud-sunod na mga resesyon na humahantong sa Malaking Depresyon na nagsimula noong 1929 at humampas sa industriyalisadong ekonomiya ng daigdig. Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, naranasan ng maraming bansa ang bagong paglakas ng ekonomiya, at bumaba ang kawalan ng trabaho. Subalit “ang mga pasimula ng problema ng kawalan ng trabaho sa ngayon ay matutunton pabalik sa kalagitnaan ng dekada ng 1960,” sabi ng Organization for Economic Cooperation and Development. Ang market ng paggawa ay dumanas ng bagong hampas na dulot ng krisis sa langis noong dekada ng 1970 at ng mabilis na paglawak sa paggamit ng computer na ang resulta’y ang pag-aalis sa trabaho dahil dito. Sinimulan ng kawalan ng trabaho ang malupit na pag-ahon nito, tumatagos kahit na sa mga nag-oopisina at sa mga bahagi ng mga manedyer na dati’y itinuturing na matatag.

[Larawan sa pahina 7]

Ang paghiling ng higit na mga trabaho ay hindi lulutas sa problema ng kawalan ng trabaho

[Credit Line]

Reuters/Bettmann

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share