Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 3/8 p. 12-15
  • Anim na Mensahero Mula sa Malayong Kalawakan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Anim na Mensahero Mula sa Malayong Kalawakan
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang “Electromagnetic Spectrum”
  • Nakikitang Liwanag​—Ang Unang Mensahero
  • “Radio Waves”​—Ang Ikalawang Mensahero
  • Mga X Ray​—Ang Ikatlong Mensahero
  • “Infrared Radiation”​—Ang Ikaapat ng Mensahero
  • “Ultraviolet Radiation”​—Ang Ikalimang Mensahero
  • “Gamma Rays”​—Ang Ikaanim na Mensahero
  • Pakikinig sa Uniberso sa Australia
    Gumising!—2003
  • Ang Teleskopyo ni Galileo—Pasimula Lamang!
    Gumising!—1992
  • Pagtanaw sa Sansinukob
    Gumising!—1991
  • Pagkakita sa Hindi Nakikita—Ang Siyensiya ng Optiks
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 3/8 p. 12-15

Anim na Mensahero Mula sa Malayong Kalawakan

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HAPÓN

ANG mga mensahero mula sa malayong kalawakan ay patuloy na dumarating. Dala nila ang nakagugulat na impormasyon tungkol sa pagkalawak-lawak na sansinukob na nakapaligid sa atin. Ang mga mensahero na ito, anim lahat-lahat, ay naglalakbay sa bilis ng liwanag, 300,000 kilometro bawat segundo. Isa sa kanila ang nakikita, subalit ang iba ay pawang hindi na nakikita ng mga mata ng tao. Ano ang mga ito?

Ang “Electromagnetic Spectrum”

Nalalaman na sa loob ng mahigit na 300 taon na kapag ang liwanag ay pumasok sa prisma, ito’y naglalabas ng pitong pangunahing kulay ng bahaghari. Ipinakikita nito na ang karaniwang liwanag ay nagtataglay ng lahat ng pitong kulay ng bahaghari ayon sa pagkakasunud-sunod na pula, kulay dalandan, dilaw, berde, asul, indigo, at lila.

Ang liwanag ay ipinalalagay na isang daloy ng walang bigat na mga tipik na tinatawag na mga photon, na may mga katangian din ng mga alon (waves). Ang layo mula sa magkabilang dulo ng alon ng liwanag ay tinatawag na wavelength at sinusukat ito sa pamamagitan ng unit na tinatawag na angstrom, pinaikling Å. Ito’y katumbas ng 39 sa ikasampung-bilyon bahagi ng isang pulgada. Ang nakikitang liwanag ay sumusukat sa pagitan ng 4,000 at 7,000 angstrom, at ang liwanag na may magkaibang mga wavelength ay lumilitaw sa iba’t ibang kulay.​—Tingnan ang larawan, pahina 15.

Gayunman, ang mga photon ay may iba rin namang mga wavelength. Ang daloy ng mga photon, tinatawag na elektromagnetikong radyasyon, ay tinagurian sa iba’t ibang pangalan depende sa mga wavelength ng mga ito. Mababa sa 4,000 angstrom, habang ang wavelength ay nagiging mas maikli kaysa nakikitang liwanag (visible light), ang mga elektromagnetikong alon ay patuloy na nagiging ultraviolet (UV) radiation, mga X ray, at gamma ray. Kapag mas mahaba sa 7,000 angstrom, ang mga alon ay hindi na nakikita subalit nasa bahaging infrared tungo sa radio ng electromagnetic spectrum. At nariyan ang “anim na mga mensahero” mula sa malayong kalawakan. Ang mga ito ay nagdadala ng napakaraming impormasyon tungkol sa mga bagay sa kalangitan. Suriin natin ngayon kung paanong ang mga ito ay sinisiyasat para sa mahalagang impormasyon.

Nakikitang Liwanag​—Ang Unang Mensahero

Sapol nang itutok ni Galileo ang kaniyang teleskopyo sa kalangitan noong 1610 hanggang 1950, pangunahin nang ginamit ng mga astronomo ang mga optikal na teleskopyo upang pag-aralan ang sansinukob. Ang nalalaman lamang nila ay ang nakikitang bahagi ng electromagnetic spectrum. Ang ilang bagay sa kalangitan ay makikita lamang nang bahagyang-bahagya sa mga optikal na teleskopyo, at inirekord ng mga astronomo ang mga larawan sa photographic film upang pag-aralan ang mga ito. Ngayon, ang elektronikong mga pantutop na kilala bilang mga charged-couple device, na 10 hanggang 70 ulit na mas sensitibo kaysa photographic film, ay nagiging higit na karaniwan. Ang nakikitang mensahero ay naglalaan ng impormasyon tungkol sa bigat, temperatura, at kemikal na mga elemento gayundin ng layo ng bituin.

Upang mabihag ang liwanag, ang mas malalaking teleskopyo ay ginagawa. Mula noong 1976 ang pinakamalaking nagbabalik ng liwanag na teleskopyo sa daigdig ay ang 236-pulgadang teleskopyo sa Zelenchukskaya Astrophysical Observatory, Russia. Gayunman, noong Abril 1992, ang Kecka na bagong teleskopyong nagbabalik ng liwanag ay natapos sa Mauna Kea sa Hawaii. Sa halip na isang salamin, ang teleskopyong Keck ay may pinagsamang 36 na hexagonal na mga bahagi ng salamin. Ang mga bahagi o hati ay may pinagsamang diyametro na 10 metro.

May ikalawang teleskopyong Keck na ginagawa karugtong ng orihinal, tinatawag ngayon na Keck I, at ang dalawang teleskopyo ay maaaring gamitin bilang optical interferometer. Kalakip dito ang pag-uugnay ng dalawang 10-metrong teleskopyo sa pamamagitan ng computer, na nagpangyari sa kakayahang maglabas ng detalye ng isang larawan na katumbas ng isang salamin na 85 metro ang diyametro. Ang “kakayahang makabuo ng malinaw na anyo o larawan” (resolving power) o “kakayahang makita nang detalyado ang bahagi ng isang bagay” (resolution), ay tumutukoy sa kakayahan na makita ang mga detalye.

Ang Tokyo National Astronomical Observatory ay gumagawa ng 8.3-metrong optical/infrared telescope, ang Subaru, (ang Hapones na pangalan para sa kumpol ng mga bituing Pleiades), sa Mauna Kea. Ito’y magkakaroon ng manipis na salamin na sinusuportahan ng 261 actuator na magpapabago sa hugis ng salamin minsan sa bawat segundo upang mabago ang anumang maling anggulo ng ibabaw ng salamin. Kasalukuyan pa rin ang paggawa ng iba pang malalaking teleskopyo, kaya nakatitiyak tayo na mas marami tayong matututuhan mula sa unang mensahero​—ang nakikitang liwanag.

“Radio Waves”​—Ang Ikalawang Mensahero

Ang paglalabas ng radio wave mula sa Milky Way ay unang natuklasan noong 1931, subalit hanggang nito lamang dekada ng 1950 na nagsimulang magsanib sa paggawa ang radio astronomers at mga astronomong gumagamit ng optical telescope. Sa pagkatuklas ng mga inilalabas na radyo mula sa kalawakan, ang mga bagay na hindi nakikita ng mga optikal na teleskopyo ay nakita na. Ginawang posible na makita ang sentro ng ating galaksi sa pagkakita ng mga radio wave.

Ang wavelength ng mga radio wave ay mas mahaba kaysa nakikitang liwanag, at sa gayon ang mas malalaking antena ay kailangan upang matanggap ang signal. Para sa gamit ng radio astronomy, ang mga antena na may diyametrong 90 metro o higit pa ay ginawa. Yamang ang pagkilala ng detalye ay mahina maging sa gayong kalaking mga instrumento, pinag-uugnay ng mga astronomo ang mga radio telescope sa pamamagitan ng computer na may pamamaraang tinatawag na radio interferometry. Mientras malayo ang distansiya sa pagitan ng mga teleskopyo, mas maliwanag ang pagkilala ng detalye.

Kasali sa isang pag-uugnay na iyon ang 45-metrong antena ng Nobeyama Radio Observatory sa Hapón; ang 100-metrong antena sa Bonn, Alemanya; at isang 37-metrong teleskopyo sa Estados Unidos. Ang uring ito ng pag-uugnay ay tinatawag na very long baseline interferometry (VLBI), at nagbunga ito ng pagkilala ng detalye na sumusukat ng isang bahagi ng sanlibo ng arc second, o ang kakayahang makilala ang uno punto otso metro kudradong kayarian sa buwan.b Ang gayong VLBI ay nalilimitahan ng diyametro ng lupa.

Ang Nobeyama Radio Observatory ay sumusulong na sa pagtanggap sa mensaherong ito sa pamamagitan ng paglalagay ng 10-metrong radyo antena sa kalawakan. Ito’y ilulunsad mula sa Hapón sa 1996 at ito’y iuugnay sa mga radio telescope sa Hapón, Europa, Estados Unidos, at Australia, na lumilikha ng distansiya na 30,000 kilometro. Sa ibang salita, ang pag-uugnay na ito ay magiging gaya ng isang higanteng teleskopyo na tatlong ulit ang laki sa lupa mismo! Ito’y magkakaroon ng kakayahang makabuo ng malinaw na larawan ng 0.0004 arc second, na nangangahulugan na ito’y makakakilala ng isang 70-centimetrong bagay sa buwan. Tinatawag na VLBI Space Observatory Programme, o VSOP sa maikli, gagamitin ito upang matunton at mapag-aralan ang mga nukleo ng galaksi at mga quasar, kung saan inaakalang matatagpuan ang pagkalaki-laking mga black hole. Bilang ikalawang mensahero mula sa sansinukob, ang mga radio wave ay gumagawa ng kagila-gilalas na bagay at patuloy na maglalaan ng impormasyon tungkol sa kanilang mga pinagmumulan.

Mga X Ray​—Ang Ikatlong Mensahero

Ang unang X-ray na nakita ay nangyari noong 1949. Yamang ang mga X ray ay hindi makapasok sa atmospera ng lupa, kailangang maghintay ng mga astronomo na makagawa ng mga rocket at artipisyal na mga satelayt upang makakuha ng impormasyon mula sa mensaherong ito. Ang mga X ray ay nalilikha ng ubod ng init na temperatura at sa gayo’y nakapaglalaan ng impormasyon tungkol sa maiinit na atmospera sa bituin, mga labí ng supernova, mga kumpol ng galaksi, mga quasar, at ang di pa natitiyak na mga black hole.​—Tingnan ang Gumising!, Marso 22, 1992, mga pahina 5-9.

Noong Hunyo 1990 ang satelayt na Roentgen ay inilunsad at nagtagumpay sa pagtunton ng buong sansinukob na may X-ray. Ang impormasyong naitala ay nagpapakita na apat na milyong pinagmumulan ng X-ray ang nakapangalat sa buong kalangitan. Gayunman, may isang di-kilala’t di-nagbabagong antas ng radyasyon na nagningning sa pagitan ng mga pinagmumulang ito. Maaaring ang mga ito ay nagmumula sa mga kumpol ng mga quasar, na inaakalang ang napakalakas na pinaka-pusod ng mga galaksi malapit sa tinatawag ng mga astronomo na “gilid ng nakikitang sansinukob.” Sa takdang panahon, makaaasa tayo na marami pa tayong makukuhang impormasyon mula sa mensaherong ito na X-ray.

“Infrared Radiation”​—Ang Ikaapat ng Mensahero

Ang unang nakitang infrared ay naganap noong dekada ng 1920. Yamang ang tubig-singaw ay sumisipsip ng infrared radiation, upang magkaroon ng mabubuting resulta ang umiikot na mga satelayt ay ginamit upang imbestigahan ang mensaherong ito. Noong 1983 ang Infrared Astronomical Satellite (IRAS) ay ginamit upang tuntunin ang buong kalangitan na may infrared at natuklasan ang 245,389 na mga pinagmumulan ng infrared. Halos 9 na porsiyento (22,000) ng mga bagay na ito ang waring malalayong galaksi.

Hindi makita ng mga optikal na teleskopyo ang lahat ng rehiyon ng gas at alikabok sa kalawakan. Gayunman, ginawang posible ng ikaapat na mensaherong ito na “makita” ang nasa dako pa roon ng alikabok at lalo nang mahalaga sa pagmamasid ng sentro ng ating galaksi. Pinaplano ng mga siyentipiko na paikutin sa orbita ang infrared telescope na tinatawag na Space Infrared Telescope Facility, na 1,000 ulit na mas sensitibo kaysa IRAS.

“Ultraviolet Radiation”​—Ang Ikalimang Mensahero

Ang unang astronomikal na pagmamasid sa ultraviolet (UV) radiation ay naganap noong 1968. Hinahadlangan ng suson ng ozone ang karamihan ng ultraviolet radiation na ito mula sa pag-abot sa ibabaw ng lupa. Ang Hubble Space Telescope, na inilunsad noong Abril 1990, ay nasasangkapan ng gamit upang magmasid kapuwa sa nakikitang liwanag at mga ultraviolet radiation at sisipatin naman ang 30 quasar na nasa layong sampung bilyong light-year.c Sa ibang salita, ang pagmamasid sa mensaherong ultraviolet ay nagpapangyaring makita kung ano ang sansinukob sa nakalipas na sampung bilyong taon. Inaasahan na ang mensaherong ito ay magsisiwalat ng maraming misteryo sa sansinukob.

“Gamma Rays”​—Ang Ikaanim na Mensahero

Ang mga gamma ray ay ubod-lakas na radyasyon na may napakaikling mga wavelength. Mabuti naman, hinahadlangan ng atmospera ang karamihan ng nakapipinsalang mga sinag na ito mula sa pagpasok sa ibabaw ng lupa. May kaugnayan ang mensaherong ito sa mapangwasak na mga pangyayari sa sansinukob. Noong Abril 5, 1991, inilunsad ng National Aeronautics and Space Administration ang Gamma Ray Observatory sa kalawakan. Magmamasid ito sa mga pangyayari na nagsasangkot sa mga quasar, supernova, pulsar, di pa natitiyak na black hole, at iba pang malalayong bagay.

Sa pagsapit ng space age, naoobserbahan na ngayon ng mga astronomo ang buong electromagnetic spectrum, mula sa mga radio wave hanggang sa mga gamma ray. Tunay nga, isang panahon ito ng tagumpay para sa mga astronomo. Kapag ‘itiningin [natin] sa itaas ang ating mga mata,’ “makikita” na natin ngayon​—sa tulong ng anim na mga mensahero mula sa pinagmumulan ng mga bituin​—ang kagila-gilalas na karunungan ng Maylikha sa lahat ng mga ito. (Isaias 40:26; Awit 8:3, 4) Habang patuloy na inuunawa ng mga astronomo ang impormasyon na dala ng mga mensaherong ito, patuloy nating madarama ang nadama ni Job mahigit na 3,000 taon na ang nakalipas: “Narito! Ang mga ito ang mga gilid lamang ng kaniyang mga daan, at pagkarahan ng bulong na ating naririnig mula sa kaniya!”​—Job 26:14.

[Mga talababa]

a Ipinangalan sa mayamang nagkaloob, W. M. Keck.

b Ang kakayahang makakilala ng detalye ng mata ng tao ay isang minuto ng arc. Ang pagkilala ng detalye sa isang bahagi ng sanlibo ng isang arc second ay 60,000 ulit ang kahigitan kaysa mata.

c Ang isang light-year ay katumbas ng 9,460,000,000,000 kilometro.

[Chart sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

0.1Å Gamma rays

1Å X rays

10Å

100Å UV

1,000Å

4000-7000Å Visible light

10,000Å Infrared

10μ

100μ Radio

1mm

1cm

10cm

1m

[Larawan sa pahina 15]

Dahil sa VSOP space radio telescope, maaari na ngayong makita ang 70-centimetrong bagay sa buwan

[Credit Line]

VSOP: Sa kagandahang-loob ng Nobeyama Radio Observatory, Hapón

[Larawan sa pahina 15]

Isang guhit ng optical/infrared telescope na Subaru, ginagawa ngayon

[Credit Line]

Subaru: Sa kagandahang-loob ng National Astronomical Observatory, Hapón

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share