Mga Bulkan—Nanganganib Ka Ba?
ANG pumuputok na mga bulkan, bumubuga ng mainit na abo at mga agos ng nagbabagang lava, ay gumagawa ng ilan sa kagila-gilalas na pagtatanghal ng likas na enerhiya sa lupa. Marahil hindi mo personal na nasaksihan ang gayong pangyayari, subalit maaaring nasisiyahan ka sa paliligo sa mainit na bukal ng tubig mula sa bulkan o nasasarapan kang kumain ng mga pagkaing galing sa matabang lupa na binubuo ng abong galing sa bulkan. Ang ilan ay nakikinabang pa nga sa enerhiyang geothermal sa kanilang mga tahanan.
Subalit, kamakailan lamang nasaksihan ng maraming naninirahan na malapit sa aktibong mga bulkan ang kamatayan at pagkawasak na idinulot ng mga sakunang dahil sa bulkan. Mula noong ubod nang lakas na pagputok ng Bundok St. Helens sa timog-kanluran ng Washington State, E.U.A., noong Mayo 18, 1980, ang iba’t ibang bahagi ng daigdig ay dumanas ng wari’y walang-lubag na sunud-sunod na nakamamatay na mga pagputok ng bulkan. Ang mga namatay sa yugto ng panahong ito ay nakahihigit sa pinagsamang kabuuang bilang ng mga namatay na naiulat sa nakalipas na pitong dekada, ang pinsala sa ari-arian ay umabot ng daan-daang milyong dolyar. Muntik-muntikang mga sakuna ang nangyari nang ang abong mula sa bulkan na tinatangay ng hangin ay nagpangyari sa mga eruplano na mawalan ng enerhiya, anupat ang mga ito’y napilitang lumapag.
Ang pinakamapangwasak ay ang mga pagputok at ang kasunod na mga pagdaloy ng putik ng Bundok Pinatubo, sa Pilipinas, na nagwasak sa sampu-sampung libong tahanan, at ang Nevado del Ruiz, sa Colombia, na sumawi ng mahigit na 22,000 katao. Maaaring magkaroon ng higit pang mga sakuna. Ang mga dalubhasa sa bulkan na sina Robert Tilling at Peter Lipman, ng U.S. Geological Survey, ay nagsabi na “sa taóng 2000, ang mga taong nanganganib mula sa mga panganib ng bulkan ay malamang na dumami sa hindi kukulanging 500 milyon.”
Kaya makabubuting itanong mo: ‘Ako ba’y nakatira na malapit sa isang aktibo, o maaaring aktibo, na bulkan? Anu-anong uri ng pagputok ang pinakamapanganib, at maaari kaya itong humantong sa mas nakamamatay na mga banta ng iba pang uri ng mga pagputok? Kung ako’y nakatira malapit sa isang lugar na nanganganib sa bulkan, ano ang magagawa ko upang bawasan ang panganib?’
Aktibong mga Bulkan—Nasaan ang mga Ito?
Maaaring magtaka ka kung malaman mo na ikaw ay nakatira sa isang natutulog na bulkan at na ikaw ay di-maiiwasang maaapektuhan nito sakali mang ito’y muling magising. Ang mga siyentipikong nag-aaral tungkol sa mga bulkan (kilala bilang mga bulkanologo) ay naging matagumpay sa nakalipas na mga dekada hindi lamang sa pagkilala sa aktibo at natutulog na mga bulkan kundi rin naman sa pag-unawa kung bakit ang mga bulkan ay tila ba lumilitaw sa ilang dako.
Tingnan mo ang mapa (pahina 17), na nagpapakita sa mga lugar ng ilan sa mahigit na 500 bulkan na naitala bilang aktibo. Ikaw ba’y nakatira na malapit sa isang bulkan? Sa ibang dako, ang mga geyser, fumarole, at maiinit na mga bukal ng tubig ay nagpapahiwatig ng pagkanaroroon ng iba pang natutulog na mga bulkan; ang mga ito man ay maaaring pumutok sa hinaharap. Mahigit sa kalahati ng aktibong mga bulkan ay magkakasunod sa kahabaan ng gilid ng Pasipiko, na bumubuo ng tinatawag na “Ring of Fire.” Ang ilan sa mga bulkang ito ay lumilitaw sa mga kontinente, gaya sa Kabundukan ng Cascade ng Hilagang Amerika at ang Kabundukan ng Andes sa Timog Amerika, samantalang ang iba ay nag-aanyong mga kawing ng isla sa karagatan, gaya ng Isla ng Aleutian, Hapón, Pilipinas, at gawing timog ng Indonesia. Karaniwan din ang mga bulkan sa loob at malapit sa Mediteraneo.
Natiyak na ng mga siyentipiko na ang mga bulkang ito ay lumilitaw sa kahabaan ng mga hangganan ng napakalaki, kumikilos na mga tipak ng ibabaw ng lupa, o mga plate, lalo na kung saan ang isang plate sa karagatan ay bumubulusok sa ilalim ng isang plate ng kontinente. Ang prosesong ito ay tinatawag na subduction. Ang init na nalilikha sa pamamagitan ng prosesong ito ay nagbubunga ng magma (nalusaw na bato) na pumapaibabaw. Bukod pa rito, ang biglang mga pagkilos sa pagitan ng mga plate ay nagpapangyari ng malalakas na lindol sa maraming katulad na mga lugar na nakararanas ng mga pagputok ng bulkan.
Ang mga bulkan ay maaari ring mabuo kung saan ang mga plate sa karagatan ay nagkakalayo. Marami sa mga pagsabog na ito ay nagaganap sa mga sahig ng karagatan at hindi nakikita ng tao. Subalit, kung ikaw ay nakatira sa islang bansa ng Iceland, para kang nakahapon sa tuktok ng Tagaytay ng Reykjanes, na nakakabit sa Tagaytay ng Gitnang-Atlantiko, kung saan ang mga plate na kinaroroonan ng Hilaga at Timog Amerika ay nagkakalayo mula sa mga plate na kinaroroonan ng Europa at Aprika. Sa ilang pagkakataon, ang nabubukod na maiinit na dako sa ilalim ng mga crustal plate ay lumikha ng malalaking bulkan sa Hawaii at sa kontinente ng Aprika.
Ano ang mga Panganib?
Ang antas ng panganib na ibinabanta ng isang bulkan ay kontrolado ng pinakahuling ulat hinggil sa gawain nito, pati na ang laki ng pagputok ng bulkan at ang nauugnay na mga panganib. Ang dami ng mapapahamak ay makikita sa laki at pagiging handa ng populasyong nakatira sa isang mapanganib na sona. Una muna, suriin natin ang mga panganib.
Karaniwan na, ang mas mapanganib na mga pagsabog ay pinangyayari ng magma na sagana sa silica. Ang uring ito ng magma ay napakalapot, at maaari nitong pansamantalang barahan ang isang bulkan hanggang sa magkaroon ng sapat na presyon ang mga gas upang pasabugin ang bulkan. Ang sagana sa silica na magma ay namumuo hanggang sa maging mga batong mapupusyaw ang kulay at karaniwan sa mga bulkan sa kahabaan ng mga gilid ng plate. Maaari ring magkaroon ng mga pagsabog kapag nakaengkuwentro ng tumataas na magma ang tubig at pinagsisiklab ito upang maging singaw. Ang mainit na abo na likha ng mga pagsabog ay maaaring makamatay—tatlong bulkan sa rehiyon ng Caribbean-Gitnang Amerika ang pumatay ng mahigit na 36,000 katao sa loob ng anim-na-buwang yugto noong 1902.
Sa kabilang panig naman, ang maiinit na lugar sa karagatan at ang mga bulkang nabubuo kapag nagkalayo ang dalawang plate, at ang marami pang iba, ay pangunahin nang binubuo ng maitim na basalt, na may kaunting silica subalit sagana sa bakal at magnesyum. Ang magma na basalt ay likido at karaniwang bunga ng bahagyang pagsabog o hindi sumasabog na pagputok at dumadaloy ang mabagal-kumilos na lava na madaling iwasan ng mga tao. Subalit, ang mga pagputok na ito ay maaaring matagalan—ang bulkan ng Kilauea sa isla ng Hawaii ay patuloy na pumuputok mula noong Enero 1983. Bagaman nagkaroon ng malaking pinsala sa ari-arian mula sa gayong mga pagsabog, ang mga ito’y bihirang magbunga ng mga pinsala o kamatayan.
Ang ilang pagsabog ay nag-iiwan ng napakaraming buhaghag na abo sa libis ng bundok, na maaaring pagmulan ng mga pagguho ng lupa o, kapag napahalo sa maraming niyebe, yelo, o tubig, ay maaaring mag-anyo ng mabibigat na slurry na madaling tatangay sa mga lambak. Ang mga pagdaloy na iyon ng putik (kilala rin bilang mga lahar, mula sa kataga ng mga taga-Indonesia para sa lava) ay maaaring umabot ng maraming milya mula sa isang bulkan, marahil kahit na pagkatapos ng pagputok.
Lalo nang malawak, subalit bihirang-bihira ayon sa kasaysayan, ang mga tsunami—dambuhalang mga alon sa karagatan na likha ng isang pagputok sa karagatan o ng isang pagguho ng lupa sa ilalim ng tubig sa libis ng isang umuumbok na bulkan. Ang malalakas na alon na ito ay makapaglalakbay sa bilis na daan-daang milya sa bawat oras. Bagaman ang mga tsunami ay napakababa sa malalim na karagatan, sa katunayan ito ay hindi isang banta sa nagdaraang mga barko, ang mga ito’y maaaring lumaki malapit sa lupa. Ang mga along ito ay mas mataas pa sa mga tuktok ng mga bahay at maraming gusali. Noong 1883 nang sumabog ang Krakatau, 36,000 ang nasawi nang humampas ang mga tsunami sa mga baybayin ng Java at Sumatra.
Kabilang sa iba pang panganib ng bulkan na maaaring puminsala o sumawi ng buhay ay ang nahuhulog na abo at mga piraso mula sa bulkan, mga shock wave sa atmospera na likha ng mga pagsabog, nakalalasong mga usok, pag-ulan ng asido, at mga lindol. Dahil sa maraming nakikilalang lubhang-mapanganib na mga bulkan sa buong daigdig at laksa-laksang posibleng mga panganib, ang makabuluhang pagtantiya ng mga panganib ng bulkan ay tunay ngang isang masalimuot, humahamong atas.
Maaari Mo Bang Bawasan ang Panganib?
Habang dumarami ang populasyon ng daigdig, parami nang paraming tao ang nakatira sa malamang na mapanganib na bulkanikong mga dako. Sa kadahilanang ito, at dahil din sa dumaraming pagputok ng bulkan sa buong daigdig kamakailan, pinasisidhi ng mga bulkanologo ang kanilang mga pagsisikap upang bawasan ang panganib dahil sa bulkan. Sa ilang kaso, ang mga pagsasabi nang patiuna at mga paghula tungkol sa mga pagputok ng bulkan ay naging matagumpay, at nakapagligtas ng mga buhay. Ano ang nagiging saligan para sa gayong pagsasabi nang patiuna?
Karaniwan nang lumilindol muna sa bulkan o sa mga kayarian sa ilalim ng bulkan bago ang pagputok, naghuhudyat ng paitaas na pagbuga ng magma. Habang tumataas ang magma sa loob ng isang bulkan, tumitindi ang presyon. Ang mga gas ay inilalabas, at ang mga tubig sa ilalim ng lupa ay maaaring uminit at maging maasido. Maaari ring magkaroon ng mahihinang pagputok bago ang malakas na pagputok. Lahat ng mga gawaing ito ay maaaring subaybayan.
Matagal pa bago maganap ang isang pagputok, ang mga heologo ay maaaring magkaroon ng idea tungkol sa maaaring mga panganib sa pamamagitan ng pagsusuri sa rekord ng bato. Maraming beses ang mga uri ng pagdaloy sa bulkan at pangalawahing mga panganib ay nauulit, o gayon na gayon din ang mga pagputok na gaya sa iba pang pinag-aaralang bulkan. Batay sa mga impormasyong iyon, mga mapang nagpapakita sa mga dakong lubhang nanganganib ay iginuhit para sa maraming bulkan.
Samakatuwid kabilang sa mga susi upang iligtas ang mga buhay mula sa mga panganib ng bulkan ay ang pagtantiya sa panganib at pagsubaybay sa bulkan ng mga bulkanologo gayundin ang patiunang pagbababala tungkol sa dumarating na sakuna ng lokal na mga awtoridad. Kung ihahambing sa mga lindol, na mahirap pa ring mahulaan, maraming pagputok ng bulkan ang wastong masusubaybayan anupat ang mga taong maaari sanang mapinsala ng pagsabog ay maililikas bago ang isang mapangwasak na pangyayari. Napakahalagang umalis sa mapanganib na dako, sapagkat ang gawang-taong mga gusali ay karaniwang may kaunti o walang maibibigay na proteksiyon laban sa pagngangalit at init ng mga daloy at pagsabog ng bulkan at sa mapangwasak na mga puwersa ng pagguho ng lupa, mga daloy ng putik, at mga tsunami.
Bagaman kapuri-puring mga pagsisikap ang isinasagawa upang bawasan ang pinsala at kamatayan sa tao na dulot ng mga pagputok ng bulkan at nauugnay na mga panganib, hindi pa rin mahulaan ng tao ang mga pagputok at kaugnay na kapaha-pahamak na pagsabog ng bulkan nang may ganap na katumpakan upang matiyak ang ganap na kaligtasan mula sa mga panganib ng bulkan. Kahit na yaong mga sumusubaybay sa mga bulkan ay namatay dahil sila’y inabot ng isang di-inaasahang pagputok. Subalit, kung ikaw ay nakatira na malapit sa isang maaaring aktibong bulkan, dapat mong sundin ang anumang babala na ginagawa ng lokal na mga awtoridad. Sa paggawa niyaon, higit na magiging malaki ang pagkakataon mong makaligtas sa isang kasakunaang dala ng bulkan.—Isinulat ng isang astroheologo.
[Kahon sa pahina 18]
Patiunang Pagsasabi ng mga Pagputok ng Bulkan Mula sa Kalawakan?
Isip-isipin ang pagsukat sa mga kilos sa labas ng mga bulkan na gayon na lamang katumpak hanggang sa isang centimetro mula sa mga satelayt na 20,000 kilometro mula sa ibabaw ng lupa—naglalakbay ng limang kilometro sa bawat segundo, walang kulang! Ito’y naging posible sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS), na binubuo ng ilang satelayt karagdagan pa sa mga radio receiver na estratehikong nakalagay sa lupa. Sa bawat sukat, ang mga posisyon ng hindi kukulanging apat na satelayt ay tamang-tamang nasusubaybayan. Ang oras ay sinusukat sa pamamagitan ng mga orasang atomiko, na lubhang tumpak. Ang mga sukat na ito, posible sa karamihan ng kalagayan ng panahon, ay may ilang bentaha kaysa nakabase sa lupa na mga paraan ng pagsurbey. Maaaring lubhang mapagbuti ng mga panukat na GPS ang patiunang pagsasabi ng mga pagputok ng bulkan, na maaaring dahil sa mga taon ng paglawak ng bulkan. Ang teknolohiyang ito ay ginagamit na sa mga bulkan sa Iceland, Italya, Hapón, at Estados Unidos.
[Mapa sa pahina 17]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Aktibong mga bulkan at mga crustal plate ng daigdig
Aktibong mga bulkan
Mga hangganan ng plate
Ang mga nasa itaas ay kumakatawan sa ilan sa mahigit na 500 aktibong mga bulkan
[Credit Line]
Mountain High Maps™ copyright © 1993 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 16]
Abo mula sa bulkan ng Unzen, Hapón, na bumababa sa isang residensiyal na lugar
[Credit Line]
Orion Press-Sipa Press
[Larawan sa pahina 16]
Pagputok ng Bundok St. Helens
[Credit Line]
USGS, David A. Johnston, Cascades Volcano Observatory
[Larawan sa pahina 16]
Bundok Etna, Sicily, nagbuga ng lava kamakailan sa loob ng 15 buwan
[Credit Line]
Jacques Durieux/Sipa Press
[Larawan sa pahina 17]
Ang Bundok Kilauea, Hawaii, ay nagdagdag ng mga 200 ektarya sa isla
[Credit Line]
©Soames Summerhays/ Photo Researchers