Naisip Mo Na Ba?
ANO ba talaga ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Maria, ang ina ni Jesus? Karamihan ng mga naniniwala sa Sangkakristiyanuhan ay nanghahawakan sa turo na ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, at ang Banal na Espiritu ay Diyos gayunman sila ay hindi tatlong diyos, kundi tatlo sa isa. Sa ibang salita, ang Trinidad. Para sa malaking bahagi ng Sangkakristiyanuhan (Katoliko, Anglikano, at Ortodokso), ang turong ito ay makatuwirang umakay sa paniniwalang si Maria, ang ina ni Jesus, samakatuwid ang “Ina ng Diyos.” Totoo nga ba iyon? Paano minalas ni Jesus ang kaniyang ina? Paano siya minalas ng mga alagad? Tingnan natin kung paano sumasagot ang Bibliya:
1. Kailan unang nabanggit si Maria sa Bibliya?—Mateo 1:16.
2. Ano ang relihiyon ni Maria noong panahon ng pagsilang ni Jesus?—Lucas 2:39, 41.
3. Si Maria ba ay naghandog para sa kaniyang mga kasalanan?—Lucas 2:21-24; ihambing ang Levitico 12:6, 8.
4. Birhen ba si Maria nang ipaglihi niya si Jesus? Bakit mahalaga iyan?—Mateo 1:22, 23, 25; Lucas 1:34; Isaias 7:14; Hebreo 4:15.
5. Paano nagdalang-tao si Maria?—Lucas 1:26-38.
6. Ano ang naging reaksiyon ni Maria sa kaniyang pambihirang kalagayan?—Lucas 1:46-55.
7. Paano ipinakita ni Maria na siya’y isang nababahalang ina?—Lucas 2:41-51.
8. Nagkaroon ba si Maria ng iba pang mga anak nang dakong huli?—Mateo 13:55, 56; Marcos 6:3; Lucas 8:19-21; Juan 2:12; 7:5; Gawa 1:14; 1 Corinto 9:5.
9. Paano natin nalalaman na ang mga kapatid na lalaki at babae ni Jesus ay hindi nga niya mga pinsan?—Ihambing ang Marcos 6:3; Lucas 14:12; at Colosas 4:10.
10. Minalas ba ni Jesus si Maria bilang ang “Ina ng Diyos”?—Juan 2:3, 4; 19:26.
11. Minalas ba ni Maria ang kaniyang sarili bilang ang “Ina ng Diyos”?—Lucas 1:35; Juan 2:4, 5.
12. Binigyan ba ni Jesus ang kaniyang ina ng anumang pantanging labis na papuri o pagsamba?—Marcos 3:31-35; Lucas 11:27, 28; Juan 19:26.
13. Paano minalas ni Maria ang kaniyang bahagi sa mga layunin ni Jehova?—Lucas 1:46-49.
14. Si Maria ba ay isang tagapamagitan sa Diyos at sa tao?—1 Timoteo 2:5.
15. Sa ilan sa 66 na aklat ng Bibliya binabanggit si Maria?
16. Itinaas ba ng Kristiyanong mga manunulat si Maria sa kanilang mga aklat at mga sulat?—Juan 2:4; 2 Corinto 1:1, 2; 2 Pedro 1:1.
17. Ilang ulit lumitaw ang pangalan ni Maria sa 21 liham na isinulat nina Pablo, Pedro, Santiago, Juan, at Judas?
18. Ano ang pag-asa ni Maria bilang isang tagasunod ni Jesus?—1 Pedro 2:5; Apocalipsis 14:1, 3.
19. Si Maria ba ang babaing tinutukoy sa Genesis 3:15 at Apocalipsis 12:3-6?—Isaias 54:1, 5, 6; Galacia 4:26.
20. Ano ang kasalukuyang katayuan ni Maria?—2 Timoteo 2:11, 12.
Ang mga Sagot ng Bibliya
1. “Si Jacob ay naging ama kay Jose na asawa ni Maria, na siyang nanganak kay Jesus, na tinatawag na Kristo.”—Mateo 1:16.
2. “Kaya nang matupad nila ang lahat ng mga bagay alinsunod sa batas ni Jehova, nagbalik sila sa Galilea sa kanilang sariling lunsod ng Nazaret. Ngayon nakaugalian na ng kaniyang mga magulang na pumaroon taun-taon sa Jerusalem para sa kapistahan ng paskuwa.” (Lucas 2:39, 41) Bilang mga Judio, sinunod nila ang Batas ni Moises.
3. “Nang ang mga araw para sa pagdadalisay sa kanila alinsunod sa batas ni Moises ay dumating sa kahustuhan, dinala nila siya sa Jerusalem upang iharap siya kay Jehova, gaya ng nasusulat sa batas ni Jehova: ‘Bawat lalaki na nagbubukas ng bahay-bata ay tatawaging banal kay Jehova.’ ” (Lucas 2:22, 23) “At pagkaganap niya ng mga araw ng kaniyang pagdadalisay para sa isang anak na lalaki o para sa isang anak na babae ay magdadala siya ng isang kordero sa unang taon nito na pinaka handog na susunugin at isang inakay na kalapati o isang batubato na pinaka handog dahil sa kasalanan sa pintuan ng tolda ng kapisanan sa saserdote. Ngunit kung hindi niya kaya ang isang tupa, ay kukuha siya ng dalawang batubato o dalawang inakay na kalapati, ang isa’y para sa handog na susunugin at ang isa’y para sa handog dahil sa kasalanan, at ang saserdote ay gagawa ng pantubos para sa kaniya, at siya’y magiging malinis.”—Levitico 12:6, 8.
4. “Hindi siya [si Jose] nakipagtalik sa kaniya hanggang sa siya ay makapagsilang ng anak na lalaki; at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Jesus.” (Mateo 1:25) “Sinabi ni Maria sa anghel: ‘Paano mangyayari ito, yamang wala akong pakikipagtalik sa lalaki?’ ” (Lucas 1:34) “Si Jehova mismo ay magbibigay sa inyo na mga tao ng isang tanda: Narito! Ang dalaga ay magdadalang-tao, at siya’y manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang tiyak na itatawag niya rito ay Immanuel.” (Isaias 7:14) “Taglay natin bilang mataas na saserdote, hindi ang isa na hindi magawang makiramay sa ating mga kahinaan, kundi ang isa na subók na sa lahat ng mga bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan.”—Hebreo 4:15.
5. “Sinabi ng anghel sa kaniya: ‘Ang banal na espiritu ay darating sa iyo, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay lililim sa iyo. Sa dahilan ding iyan ang isisilang ay tatawaging banal, Anak ng Diyos. . . . Sa Diyos ay walang kapahayagan ang magiging imposible.’ ”—Lucas 1:35, 37.
6. “Sinabi ni Maria: ‘Dinadakila ng aking kaluluwa si Jehova, at ang aking espiritu ay hindi mapigilang mag-umapaw sa kagalakan sa Diyos na aking Tagapagligtas . . . Ang Isang makapangyarihan ay gumawa ng dakilang mga gawa para sa akin, at banal ang kaniyang pangalan.’ ”—Lucas 1:46, 47, 49.
7. “Ngayon nang kanilang makita siya ay namangha sila nang lubha, at sinabi ng kaniyang ina sa kaniya: ‘Anak, bakit mo kami pinakitunguhan nang ganito? Narito ang iyong ama at ako ay naghahanap sa iyo na nasa pagkabagabag ng isip.’ Ngunit sinabi niya sa kanila: ‘Bakit kinailangang hanapin ninyo ako? Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na nasa bahay ng aking Ama?’ ”—Lucas 2:48, 49.
8. “Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba ang kaniyang ina ay tinatawag na Maria, at ang kaniyang mga kapatid na lalaki ay sina Santiago at Jose at Simon at Judas? At ang kaniyang mga kapatid na babae, hindi ba silang lahat ay kasama natin?” (Mateo 13:55, 56) “Siya at ang kaniyang ina at mga kapatid na lalaki [Griego, a·del·phoiʹ] at ang kaniyang mga alagad [Griego, ma·the·taiʹ] ay bumaba sa Capernaum, ngunit hindi sila nanatili roon ng maraming araw.”—Juan 2:12.
9. May ibang mga salitang Griego para sa kapatid na lalaki at pinsan. “‘Ito ang karpintero na anak ni Maria at ang kapatid [Griego, a·del·phosʹ] nina Santiago at Jose at Judas at Simon, hindi ba? At ang kaniyang mga kapatid na babae [Griego, a·del·phaiʹ] ay naritong kasama natin, hindi ba?’ Kaya nagpasimula silang matisod sa kaniya.” (Marcos 6:3) “Huwag mong tawagin . . . ang iyong mga kamag-anak [Griego, syg·ge·neisʹ].” (Lucas 14:12) “Si Marcos na pinsan [Griego, a·ne·psi·osʹ] ni Bernabe . . .” (Colosas 4:10)—Tingnan ang The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures.
10. “Sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Ano ang kinalaman ko sa iyo, babae? Ang aking oras ay hindi pa dumarating.’” “Si Jesus, pagkakita sa kaniyang ina at sa alagad na iniibig niya na nakatayo sa tabi, ay nagsabi sa kaniyang ina: ‘Babae, tingnan mo! Ang iyong anak!’” (Juan 2:4; 19:26) Ang paggamit ni Jesus ng “babae” ay hindi kawalang-galang ayon sa gamit noong panahong iyon.
11. Walang teksto sa Bibliya ang gumagamit ng katagang “Ina ng Diyos.”
12. “Isang babae mula sa pulutong ang nagtaas ng kaniyang tinig at nagsabi sa kaniya: ‘Maligaya ang bahay-bata na nagdala sa iyo at ang mga dibdib na iyong sinusuhan!’ Ngunit sinabi niya: ‘Hindi, sa halip, Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad dito!’”—Lucas 11:27, 28.
13. “Sinabi ni Maria: ‘Dinadakila ng aking kaluluwa si Jehova . . . sapagkat tiningnan niya ang mababang kalagayan ng kaniyang aliping babae. Sapagkat, narito! mula ngayon ay ipahahayag akong maligaya ng lahat ng salinlahi.’”—Lucas 1:46, 48.
14. “Sapagkat may isang Diyos, at isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, isang tao, si Kristo Jesus.”—1 Timoteo 2:5.
15. Lima—Mateo, Marcos, Lucas, Juan, at Gawa. Siya’y lumilitaw bilang “Maria” ng 19 na beses, bilang ang “ina” ni Jesus ng 24 na beses, at bilang “babae” nang makalawa.
16. Bukod sa apat na mga manunulat ng Ebanghelyo, si Maria ay hindi kailanman binanggit—kahit sa mga paunang salita ng apostolikong mga liham. “Si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos . . . Magkaroon nawa kayo ng di-sana-nararapat na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Kristo.” (2 Corinto 1:1, 2) “Si Simon Pedro, isang alipin at apostol ni Jesu-Kristo, . . . sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at ng Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.”—2 Pedro 1:1.
17. Ni minsan ay hindi.
18. “Kayo rin mismo gaya ng mga batong buháy ay itinatayo na isang espirituwal na bahay ukol sa layunin ng isang banal na pagkasaserdote, upang maghandog ng espirituwal na mga haing kaayaaya sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.” (1 Pedro 2:5) “At nakita ko, at, narito! ang Kordero na nakatayo sa Bundok ng Sion, at kasama niya ay isang daan at apatnapu’t apat na libo na may pangalan niya at pangalan ng kaniyang Ama na nakasulat sa kanilang mga noo. At sila ay umaawit ng wari’y isang bagong awit sa harap ng trono . . . , at walang sinuman ang maaaring lubos na matuto ng awit na iyon kundi ang isang daan at apatnapu’t apat na libo, na binili mula sa lupa.”—Apocalipsis 14:1, 3.
19. “‘Umawit ka nang may kagalakan, ikaw na babaing baog na hindi nanganak! Magalak ka kasabay nang masayang pag-awit at itaas mo ang iyong tinig, ikaw na hindi nagdamdam sa panganganak, sapagkat ang mga anak ng pinabayaang babae ay mas marami kaysa mga anak ng babaing may nagmamay-aring asawa,’ sabi ni Jehova. ‘Sapagkat ang Dakilang Maylalang sa iyo ay iyong asawang may-ari sa iyo, si Jehova ng mga hukbo ang kaniyang pangalan; at ang Banal ng Israel ay iyong Manunubos. Ang Diyos ng buong lupa ang itatawag sa kaniya.’” (Isaias 54:1, 5) “Ang Jerusalem sa itaas ay malaya, at siya ang ating ina.” (Galacia 4:26) Ang makasagisag na babae ng Diyos, ang makalangit na Sion, ang makalangit na organisasyon ni Jehova, ay inihahambing sa isang asawang babae at ina, at siya ang “babae” sa mga tekstong ito.
20. “Tapat ang pananalita: Tiyak ngang kung mamatay tayong magkakasama, mabubuhay rin tayong magkakasama; kung patuloy tayong magbabata, mamamahala rin tayong magkakasama bilang mga hari; kung tayo ay magkakaila, ikakaila rin niya tayo.” (2 Timoteo 2:11, 12) Kung si Maria ay nanatiling tapat hanggang kamatayan, siya ngayo’y nagpupuno sa langit na kasama ng iba pa sa 144,000 na naghaharing kasama ni Kristo.—Apocalipsis 14:1, 3.