Pagmamasid sa Daigdig
“Pagsasama Nang Hindi Kasal” Hindi Kasalanan?
Sinabi kamakailan ng Board of Social Responsibility ng Church of England sa simbahan na ang “pagsasama nang hindi kasal” ay hindi na isang kasalanan, sabi ng Guardian Weekly. Iniulat na sinabi rin ng lupon sa simbahan na ang “mga kongregasyon ay maaaring matuto mula sa nagsasama na di-kasal, kasali na ang mga binabae at mga tomboy, at dapat na labanan ang tuksong lumingon pa sa ‘ginintuang panahon ng pamilya.’ ” Sinipi ng Guardian ang klerong si Philip Hacking na nagsasabi: “Ginawa nitong katatawanan ang Simbahan at nagdulot ng malaking kaligaligan sa gitna ng maraming tapat na Kristiyano.”
Pagkawala ng Kakayahang Bumasa at Sumulat
Naiwala ng mga tatlong milyon katao sa Alemanya ang kakayahan na bumasa at sumulat nang mahusay dahil sa kawalan ng pagsasanay. Ipinaliwanag ni Johannes Ring, kalihim ng Reading Foundation, na ang pagsulong na nagawa ng elektronikong media ay nagpalubha sa problema. Sa World Conference on Combating Illiteracy, sinabi ni Ring na ang pagdami ng uring ito ng kawalang kakayahan na bumasa’t sumulat ay bahagyang dahil sa paglaganap ng telebisyon, mga computer, at mga video game, ulat ng Frankfurter Allgemeine Zeitung.
Uminom Upang Makapag-isip
Nagkakaproblema ka ba sa pagtutuon ng isip? Marahil kailangan mong uminom ng maraming tubig, sabi ng Asiaweek. Iniulat ng magasin na kamakailan ay ipinayo sa mga guro at mga magulang ng ilang batang nag-aaral sa Hong Kong na ang pag-inom ng maraming tubig ay nakatutulong sa mga estudyante na madaig ang kawalang-sigla. Sinabi sa mga magulang na ang mga bata ay dapat na uminom ng 8 hanggang 15 baso ng tubig sa isang araw. Binabanggit ang aklat na The Learning Brain, ipinakikita ng mga ulat ang mga pagsusuri na nagsasabing ang pagkatuyo ng tubig sa katawan ay maaaring humantong sa mahinang pagkatuto. Ang pag-inom ng dalisay, malinis na tubig ay mas mabuti kaysa pag-inom ng mga soft drink, kape, tsaa, o maging ng mga juice, na talagang nagpapasigla sa katawan na ilabas ang likido, sabi ng Asiaweek.
Babala sa Pestisidyo
Ang mga Amerikano ay nakararanas ng higit na pagkahantad sa mga pestisidyo sa pamamagitan ng mga produktong pambahay kaysa sa mga naispreyang mga prutas at gulay, ayon sa mga mananaliksik sa University of California sa Berkeley. Ang mga isprey sa ipis, nakasabit na madikit na papel na panghuli ng langaw, pang-asò sa pulgas, naptalina, at mga katulad na produkto ay naglalaman ng nakalalason na mga kemikal. Maliban pa sa pagiging sanhi ng libu-libong pagkalason taun-taon, marami ang nagdudulot ng pangmatagalang mga panganib sa kalusugan. Iminumungkahi ng UC Berkeley Wellness Letter ang mas ligtas na mga alternatibo: Pagkumpuni o paglalagay ng iskrin at pagpapalitada sa mga bitak sa sahig at dingding upang masugpo ang mga peste; paglalagay ng mga pagkain at basura sa mga plastik bag; paggamit ng mga panghampas ng langaw; pagwawalis ng mga mumo; pasingaw na paglilinis ng alpombra; malimit na paglilinis ng mga gamit na yari sa lana at pagtatago sa mga ito sa nakasarang bag. Kung marami pa ring ipis, subuking gumamit ng madidikit na panghuli o pagsasabog ng boric acid sa likod ng mga kabinet, subalit ingatan ang mga bata at mga alagang hayop na huwag madikit sa mga produktong ito, sabi ng Wellness Letter.
Mga Programa sa TV Para sa mga Bata—Napakarahas
Nahinuha ng isang pagsusuri sa network ng telebisyon sa Amerika na napakaraming “imbing marahas na labanan” sa maraming programa na para sa mga bata. Ayon sa The Wall Street Journal, pinili ng isang pagsusuri sa University of California sa Los Angeles ang ilang popular na palabas na cartoon na may dagdag na tagpo ng “karahasan alang-alang sa karahasan.” Ang mga programa ay karaniwang ipinalalabas kung Sabado ng umaga, kapag ang mga bata ay hindi pumapasok sa paaralan at ang kanilang mga magulang ay maaaring nasa higaan pa. Bagaman ang uring ito ng programa ay hindi na bago, natuklasan ng pagsusuri na “ang buktot na pahiwatig at walang-awang labanan sa mga palabas na ito ang bumubuo ng kausuhang ito sa ngayon na waring dumarami.”
Kamangha-manghang Puno
Natuklasan ng mga siyentipiko sa Britanya ang mga buto na maaaring makadalisay ng inuming tubig nang hindi gumagamit ng mamahaling kemikal. Ang dinurog na mga buto ng punong Moringa oleifera sa hilagang India ang umaakit at dumidikit sa mga baktirya at virus, na maaaring mahuli o mabitag sa mga pansala, ulat ng The Times ng London. Ang maraming gamit na mga buto ay maaari ring gamitin upang makagawa ng mantika, sabon, kosmetik, panggatong sa lampara, at pamahid sa mga impeksiyon sa balat. Ang puno ay madaling palakihin, tumatagal sa tagtuyo, maaaring magsilbing pangharang sa hangin at makapagbibigay pa nga ng panggatong at pulp para sa paggawa ng papel. Kaya naman, iminungkahi ng mga mananaliksik ang pagtatanim ng mga punong ito upang magluwal ng mga buto na makatutulong sa paghadlang sa milyun-milyong pagkamatay taun-taon dahil sa pag-inom ng maruming tubig.
Napakapayat?
Sa isang lipunan na labis na palaisip sa hitsura, ipinalalagay ng marami na talagang imposible na maging napakapayat. Ang kamakailang pagsusuri na tumitiyak sa mga panganib sa kalusugan ng labis na katabaan ay waring sumusuporta sa karaniwang pangmalas na ito, subalit ibig ipabatid ng nangunguna sa pagsusuri na si JoAnn Manson ng Harvard University, na ang pagiging napakapayat ay panganib din sa kalusugan. “Sa palagay ko maaaring maging napakapayat mo dahil sa kakulangan sa sustansiya, labis na ehersisyo, o paninigarilyo,” sinipi siya na nagsabi ng gayon sa The Wall Street Journal. Binabanggit ang maraming doktor na tumutuligsa sa panganib ng labis na pagdidiyeta, itinala ng Journal ang ilang panganib ng pagiging di-natural ang pagkapayat, marahil mas mababa ng 20 porsiyento sa katamtamang timbang para sa taas ng isang tao. Ang mga ito ay anorexia, osteoporosis, pagkagambala ng siklo ng hormone, pagkabuwal, mga bali, at mabagal na paggaling.
Mga Tuklaw ng Ahas—Kung Ano ang Hindi Dapat Gawin
Pagdating sa paggamot sa mga biktima ng mga natuklaw ng ahas, ang mga dalubhasa ay hindi laging nagkakaisa. Gayunman, ayon sa magasing FDA Consumer, ang karamihan ng mga propesyonal sa paggamot sa E.U., ay “halos nagkakaisa sa kanilang pangmalas sa kung ano ang hindi dapat gawin.” Kung makararating ka sa loob ng 30 hanggang 40 minuto sa pagamutan, ang payo ay: Huwag lagyan ng yelo ang tinuklaw na bahagi, huwag gumamit ng tornikey o electric shock, at huwag hiwain ang sugat. Ang laganap na tinatanggap na mungkahi ay na ang ahas man ay waring makamandag o hindi, ang lahat ng tuklaw ng ahas ay dapat na gamutin agad-agad, at ang biktima ay dapat na madala agad sa ospital. Ang pinakamahusay na hakbang ng pag-iingat ay “huwag nang gambalain pa ang ahas. Maraming tao ang natutuklaw dahil sa sinisikap pa nilang patayin ang ahas o makita pa ito nang malapitan,” sabi ng FDA Consumer.
Isang Babala Para sa mga Manlalaro ng Soccer
Sa soccer, ang pinakakilalang laro sa daigdig, maaaring tamaan ng mga manlalaro ang bola sa pamamagitan ng kanilang ulo. Gayunman, ito’y maaaring maging sanhi ng pinsala sa utak kung malimit na mangyari, ulat ng pahayagang Jornal do Brasil. Ayon sa pinakahuling pagsusuri, ang mga manlalaro ng soccer ay maaaring makaranas ng pagkawala ng memorya at nabawasang kahusayan sa utak dahil sa pagtama ng bola sa ulo. Bagaman di-gaanong malubha, ang pinsala ay katulad din niyaong tumatama sa mga boksingero na malimit na nasusuntok sa ulo. Sinasabi ng neurologong si Paulo Niemeyer Filho na dapat iwasan ng mga manlalaro na gamitin ang kanilang ulo sa pagtama sa bola kapag ito’y bumubulusok nang mabilis mula sa itaas o kapag ito’y basa, na higit na nagpapabigat sa bola. Inaakala ng ilang dalubhasa na ang labis na pagtama ng bola sa ulo ay maaari ring puminsala sa paningin ng mga manlalaro.
Nakahahawa ang Tunay na mga Ngiti
May dalawang uri ng ngiti, ayon sa mga mananaliksik na taga-Finland na sina Dr. Jari Hietanen ng University of Tampere at Dr. Veikko Surakka ng Institute of Biomedicine sa University of Helsinki. Ang isang kategorya ng ngiti ay kilala ng mga dalubhasa bilang ngiting panlipunan. Ito’y nagagawa lamang dahil sa pagkadama ng obligasyon at nasasangkot ang mga kalamnan lamang ng mga pisngi. Ang tunay na mga ngiti, sa kabilang panig, ay nagpapahayag ng tunay na damdamin ng katuwaan at napasisigla hindi lamang ang mga kalamnan sa pisngi kundi ang mga kalamnan sa palibot ng mga mata. Sinasabi ng pinakahuling pagsusuri mula sa Finland na ang tunay na mga ngiti ay nakahahawa. Sa pamamagitan ng pagtutop at pagtatala ng kaliit-liitang pagkilos ng kalamnan, natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga taong kanilang pinag-eksperimentuhan ay nahikayat na ngumiti dahil lamang sa pagtingin sa larawan ng isang tao na may tunay na ngiti. Hindi napapansin ang reaksiyon na ito kapag ang mga tao ay tumingin sa mga larawan ng mga tao na nagpapakita ng ngiting panlipunan.
Nabigo ang mga Astrologo
Ayon sa pahayagang Die Zeit sa Alemanya, 44 na astrologo sa Netherlands ang boluntaryong sumailalim kamakailan sa pagsusulit na inihanda ng Dutch Society of Skeptics. Ang mga astrologo ay binigyan ng dalawang talaan. Ang isa ay naglalaman ng lugar at kapanganakan ng pitong tao. Ang ikalawa ay nagbigay ng saganang personal na impormasyon ng bawat isa sa pitong tao. Hiniling sa mga astrologo na itugma ang bawat tao sa unang talaan sa bawat paglalarawan ng taong iyon na nasa ikalawang talaan sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang diumano’y kakayahan sa astrolohiya. Gaano sila katagumpay? Kalahati sa mga astrologo ang hindi man lamang nakakuha ng isang tamang sagot, at walang sinuman ang nakapagtugma ng mahigit sa tatlo nang tama. Ang naunang mga eksperimento ay nagbunga ng gayunding mga resulta, subalit sinasabi ng mga astrologo na sila’y binigyan ng maling impormasyon. Gayunman, sa kalagayang ito, ang mga kondisyon sa pagsusulit ay itinakda mismo ng mga astrologo.