Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 6/8 p. 24-26
  • “Waltzing Matilda”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Waltzing Matilda”
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Kahulugan ng “Waltzing Matilda”?
  • Lumaganap ang Kabantugan ng “Matilda”
  • Ito ba’y May Mensahe?
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1997
  • Makiawit ng Awit Tungkol sa Kaharian!
    Umawit kay Jehova
  • Makiawit Tungkol sa Kaharian!
    Umawit Nang Masaya kay Jehova
  • Umalinsabay sa Awit ng Kaharian!
    Umawit ng mga Papuri kay Jehova
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 6/8 p. 24-26

“Waltzing Matilda”

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA

ANG awit na “Waltzing Matilda” ng Australia ay kilalang-kilala sa buong mundo. Ang biglang interes sa awit ay naganap noong nakaraang taon sa ikasandaang anibersaryo ng unang pangmadlang pagtatanghal nito noong Abril 6, 1895.

Paanong ang simpleng awiting ballad na may malabong liriko ay naging gayon na lamang kapopular, hindi lamang sa buong Australia kundi sa maraming bansa sa daigdig? May nagkakasalungatang mga ulat tungkol sa eksaktong pinagmulan ng awit. Gayunman, ang pinagkasunduan ay ang bagay na ang orihinal na may akda ng liriko ay si A. B. (Banjo) Paterson, na ang mga tula ay naging pinakamabili sa Australia noong dakong huli ng mga taon ng 1800 at maaga noong mga taon ng 1900.

Ang mga salita sa “Waltzing Matilda” ay nagkakaiba-iba, subalit ang salaysay tungkol sa isang swagman ay maliwanag. Ang swag ay isang balutan ng mga personal na gamit, at ang swagman ay ang taong nagbibitbit ng swag kapag naglalakbay. Sa himig nito ay nagtayo ang swagman ng kaniyang kampo sa kahabaan ng maliit na sangang-ilog, kilala bilang billabong (lawa) sa liblib na lugar ng Australia. Habang nagpapakulo siya sa kaniyang billy, o kalderong metal, sa apoy, isang matabang tupa, kilala bilang jumbuck, ang bumaba upang uminom sa lawa ring iyon. Hinuli ng swagman ang tupa, pinatay ito, at inilagay ang laman sa kaniyang tucker-bag, isang bag na ginagamit para sa pagdadala ng panustos na pagkain. Hindi pa siya natatagalan sa ginagawang ito nang ang squatter na nagmamay-ari ng lupa ay sumakay sa kaniyang kabayo. (Ang mga squatter ay mga magsasaka na nagtamo ng karapatan na pagmamay-ari sa pamamagitan ng “pag-squat” sa lupa. Hindi nagtagal, naiparehistro nila ang kanilang napakalaking lupain.) Ang squatter na ito ay may kasamang tatlong sundalo, mga pulis na nakasakay sa kabayo. Nang ang kaawa-awang swagman ay paratangan ng pagnanakaw ng tupa, at walang alinlangan na napapaharap sa pagkabilanggo o malala pa, siya ay lumukso, tumalon sa billabong, at nalunod.

Bakit ang malamang na di-totoong kuwentong ito ay kinagiliwan ng gayon na lamang? Ang isang paliwanag ay yaong kay Bruce Elder sa kaniyang pagpapakilala sa aklat ni Rex Newell na Favourite Poems of Banjo Paterson. Sinasabi niya na ang awit ay isang kapahayagan ng paraan ng pag-unawa ng mga Australiano sa kanilang sarili: “Ito’y higit pa sa basta isang kuwento ng isang swaggie na nagnakaw ng tupa. Ito’y isang kapahayagan ng aming pag-ayaw sa mga siga-siga at mga taong may kapangyarihan. Ang swaggie ay ang bawat Australiano na ibig magtawa sa harap ng isang hamak na opisyal . . . Mas mabuti ang tumalon sa billabong kaysa pahintulutang pagharian ng mga taong ito ang aming buhay.” Subalit anuman ang dahilan ng pagiging popular nito, ang “Waltzing Matilda” ay naging simbolo sa awit ng Australiano sa loob ng mahigit na 100 taon.

Ano ang Kahulugan ng “Waltzing Matilda”?

Ang awit ay may apat na berso, o maiikling taludtod. Sa bawat pagtatapos ng berso isang koro ang sumusunod, na nagpapasimula sa mga linyang:

Waltzing Matilda, Waltzing Matilda,

You’ll come a-waltzing Matilda with me.

Ang mga ito ay sinusundan ng dalawang linya na inuulit ang inilarawan sa sinundang berso. Nakuha ng awit ang pangalan nito mula sa koro.

Kawalang katiyakan, may kontrobersiya pa nga, ang nabuo tungkol sa kung ano nga ba ang “matilda” at sino ang gumagawa ng “waltzing.” Ibinigay ng ilang mananaliksik ang simpleng paliwanag na waring pinakakasiya-siya. Ganito ang sabi ng isang manunulat: “Si Paterson ay . . . natuwa sa mga swagman na nagpapalipat-lipat sa mga lupain na bitbit ang lahat ng kanilang gamit na sama-samang nakalulon sa swag na nakasakbat sa balikat. Ibig niya ang karaniwang salita na ginagamit ng mga swagman na ito. Ang pagbibitbit ng swag ay kilala bilang ‘humping the bluey,’ ‘shouldering the knot’, ‘carrying the curse’ o ‘waltzing Matilda.’ ”

Ang tuwirang pagbibigay-kahulugan sa Waltzing Matilda ni Sydney May, sa kaniyang aklat na The Story of “Waltzing Matilda,” ay kababasahan ng ganito: “Ang mga damit at personal na gamit ay masinsing nakalulon at pagkatapos ay nakabalot sa di-nakatiklop na kumot. Pagkatapos ay itatali ang kumot sa magkabilang dulo ng siksik na panggitnang balot, at ipinupulupot sa leeg na ang di-nakabuhol na mga dulo ay nakaladlad sa magkabilang panig sa harap at ang isang braso ay karaniwang tila nakaipit sa isang dulo.”

Lumaganap ang Kabantugan ng “Matilda”

Sinabi ni Sydney May na ang paglalayag ng mga Australianong sundalo sa ibang bansa noong panahon ng una at ikalawang digmaan pandaigdig ang nagpabantog ng gayon na lamang sa awiting “Waltzing Matilda” sa labas ng bansa na pinagmulan nito. Ganito ang ibinigay niyang mga halimbawa: “Noong 1941 sa Tel Aviv pinatutugtog ito ng mga orkestra sa restawran kapag dumaan ang isang Australiano sa pasukan ng restawran; ito’y inawit ng Ninth Division habang sila’y papasók sa Bardia pagkatapos nilang mabihag muli ito; isang pandigmang sasakyang pandagat ng Australia na sumanib sa British Fleet, kasing-aga nang 1917, ay malugod na tinanggap ng banda ng Flag Ship na pinatutugtog ang ‘Waltzing Matilda’ at isang Australiano na magsasalita na sa radyo sa ibayong-dagat ang ipinakilala sa pamamagitan ng himig na ito.” Kabilang sa pinakatanyag na mga okasyon kung saan pinatugtog ang awit ay sa seremonyal na mga parada ng Coronation Contingent ng mga Australianong sundalo sa Buckingham Palace, London, noong linggo bago ang koronasyon kay Reyna Elizabeth II.

Isang kawili-wiling ulat ng pahayagan ang nagbigay rin ng ilang idea tungkol sa popularidad ng “Waltzing Matilda” mula sa maraming kalagayan ng buhay ng tao. Ganito ang mababasa sa ulat ng pahayagan: “Isang gabi pagkatapos maghapunan ni G. Menzies [punong ministro ng Australia] sa The Chequers kasama ni G. Churchill [punong ministro ng Britanya] at ng lider ng Fighting French na si Heneral de Gaulle, sila’y lumipat sa isa sa maraming silid. Humudyat si Ginoong Winston at pinatugtog ang ‘Waltzing Matilda.’ Malakas na umaawit at halos sumasayaw sa loob ng silid, siya’y napahinto upang sabihin sa Heneral: ‘Iyan ang isa sa pinakamagandang awit sa daigdig.’”

Isa pang nagpapatunay sa kabantugan ng “Matilda,” si Richard Magoffin sa kaniyang aklat na Waltzing Matilda​—The Story Behind the Legend ay nagsasabi: “Noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang mga awit sa mga billabong ay nadala pa ng higit sa ibayo ng daigdig, saanman magtungo ang mga Australianong digger [sundalo]. Ito’y isang awit na madaling makapagpaalaala ng tahanan at madaling mapagkakakilanlan na isang Australiano.” Sinipi rin niya ang prodyuser ng pelikula na si Kramer, na pumili na pangunahing itampok ang “Waltzing Matilda” sa pelikulang On the Beach. Ganito ang sabi ni Kramer: “Ito’y totoong isang maraming gamit na awit. Ito’y maaaring patugtugin bilang isang katutubong awit, isang martsa, isang awiting ballad o anumang iba pang anyo ng musika, at ginamit na namin ito sa maraming iba’t ibang paraan sa komposisyong pangmusika ng ‘On the Beach.’ Ipinasiya ko, halos sa oras ding iyon, na ang ‘Waltzing Matilda’ ang pangunahing himig sa musical score ng pelikula.”

Ito ba’y May Mensahe?

Ipinalalagay ng iba na si Banjo Paterson ay naghahatid ng mensahe sa mga bumabasa at kumakanta ng kaniyang awit. Halimbawa, sumulat si William Power ng isang artikulo sa Yale Review sa Estados Unidos na nagpapahayag ng mga kaisipang sumusuri sa sarili na may kaugnayan sa posibleng mensahe ng awit. Bagaman maliwanag na hindi lahat ay sasang-ayon sa kaniyang mga opinyon, gayunman, ang kaniyang mga sinabi ay gumawa ng angkop na hinuha sa maikling pagsusuring ito ng “Waltzing Matilda.” Aniya:

“Ang mga Australiano ay hindi lamang nakikipagpunyagi sa mga puwersa ng kanilang kalikasan, kundi rin naman sa mga pagkukulang ng mga tao. . . . Ang mga kaigtingan na ito ay naipahayag sa ‘Waltzing Matilda’, ang mga naglalaban na siyang dalawang lubusang magkaibang uri, ang squatter at ang swagman. Sa gayong alitan, karamihan ay magsasabi na karapat-dapat manalo ang squatter. Ang kabuhayan ng Australia ay nakasalalay nang malaki sa kaniyang kakayahan bilang isang tagapag-alaga ng tupa o baka. Siya’y masipag, responsable, matapang ang loob; kung siya’y nagkukulang sa anumang mga katangian na ito na iniuugnay natin sa unang mga nanirahan, hindi siya tatagal na isang squatter. . . . Ang swagman din naman ay isang tao. . . . Siya rin naman ay bahagi ng lipunan. Ang ilan sa mga swagman ay naging mga squatter; mas marami ang nagtamo ng di-gaanong mataas subalit nakasisiyang kalagayan bilang mga magsasaka, mga manggagawa sa rantso ng tupa o baka, mga mekaniko, manggagawa sa lunsod; ang iba ay nanatiling walang lupa at walang tahanan sa wakas ng kanilang buhay, iniiwan ang kanilang mga kalansay sa kahabaan ng liblib na lugar. Maaaring hilingin ng lipunan ang pananaig ng mga squatter sa swagman, subalit ang mga karapatan ng swagman bilang tao ay hindi kailanman dapat limutin.”

Ngayon, mahigit na 100 taon na ang nakalipas sapol nang isulat ang simpleng awiting ballad na ito sa liblib na dako. Hindi natanto ni Banjo Paterson na ang kaniyang tula na ginawang awit ay magiging gayong kapopular na awitin sa Australia.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share