“Lyme Disease”—Nanganganib Ka Ba?
BAGAMAN ang AIDS ang umaagaw ng lugar sa mga ulong balita, ang Lyme disease ay hindi man lamang mapansin. Subalit, ang Lyme disease ay mabilis na kumakalat. Sa katunayan, sa nakalipas na ilang taon, tinagurian ito ng The New York Times Magazine na “ang pinakamabilis dumaming nakahahawang sakit sa [Estados Unidos] kasunod ng AIDS.” Ang mga ulat mula sa ibang mga bansa ay nagpapakita na ang sakit ay kumakalat sa Asia, Europa, at gayundin sa Timog Amerika.
Ano ba ang Lyme disease? Paano ito kumakalat? Nanganganib ka ba?
Mga Garapata, Usa, at Ikaw
Halos 20 taon na ang nakararaan, isang nakapagtatakang pagdami ng mga kaso ng arthritis ang naganap sa loob mismo at sa palibot ng bayan ng Lyme, Connecticut, na matatagpuan sa hilaga-silangang bahagi ng Estados Unidos. Karamihan sa mga biktima ay mga bata. Ang kanilang arthritis ay nagsimula sa mga singaw sa balat, sakit ng ulo, at pananakit sa kanilang mga kasu-kasuan. Isang residente ang nagsabi na di-nagtagal “ang kaniyang mister at dalawa sa kaniyang mga anak ay nakasaklay na.” Hindi pa natatagalan, mahigit na 50 katao sa lugar na iyon ang nahawahan, at sa loob ng mga taon, libu-libo ang pinahirapan ng gayunding makirot na mga sintomas.
Tinagurian ito ng mga mananaliksik na Lyme disease sa pagkabatid na ang sakit na ito ay kakaiba sa ibang mga sakit. Ang sanhi nito? Borrelia burgdorferi—hugis-corkscrew na baktirya na namamahay sa mga garapata. Paano ito kumakalat? Kapag namamasyal sa kakahuyan, maaaring makapitan ang isang tao ng impektadong garapata. Tinutusok ng garapata ang balat ng tao at itinuturok ang baktirya na nagdudulot ng sakit sa kaawa-awang namamasyal. Yamang malimit na nagpapalipat-lipat, nanginginain, at nagpaparami sa mga usa ang impektadong mga garapatang ito at yamang mas maraming tao ang naninirahan sa mga lalawigan kung saan nabubuhay ang mga usa, hindi kataka-taka na ang pagkakaroon ng Lyme disease ay dumarami.
Mga Sintomas at mga Problema
Ang unang sintomas ng Lyme disease ay karaniwang singaw sa balat (kilala bilang erythema migrans, o EM) na nagpapasimula sa maliit na pulang batik. Sa loob ng mga araw o linggo, ang nakikitang batik ay kumakalat at nagiging hugis pabilog, patatsulok, o biluhabang singaw sa balat na maaaring kasinlaki ng barya o maaaring kumalat sa buong kalaparan ng likod ng isa. Kalimitang may kasamang lagnat, sakit ng ulo, paninigas ng leeg, pananakit ng katawan, at pagkahapo ang singaw sa balat. Kapag hindi agad ginamot, mahigit sa kalahati ng mga biktima ang nakararanas ng pagkirot at pamamaga ng kasu-kasuan, na maaaring tumagal ng mga buwan. Hanggang 20 porsiyento ng hindi nagamot na mga pasyente ang humahantong sa malubhang arthritis. Bagaman hindi pangkaraniwan, ang sakit ay maaaring makaapekto rin sa sistema ng nerbiyo at maaaring maging sanhi ng sakit sa puso.—Tingnan ang kasamang kahon.
Itinuturing ng maraming dalubhasa na mahirap suriin ang Lyme disease dahil sa ang una, tulad trangkaso na mga sintomas nito ay katulad sa iba pang mga impeksiyon. Karagdagan pa, 1 sa bawat 4 na nahawahang tao ay hindi nagkakaroon ng singaw sa balat—ang tanging tanda na bukod-tangi sa Lyme disease—at marami sa pasyente ang hindi makatanda kung sila’y nakagat ng isang garapata sapagkat ang kagat nito ay kalimitang walang sakit.
Ang pagsusuri sa sakit ay lalo pang nahadlangan dahil ang kasalukuyang nakukuhang antibody na panuri sa dugo ay hindi maaasahan. Ang mga antibody sa dugo ng maysakit ay nagsasabi na ang sistemang imyunidad ng katawan ay nakatutop ng ibang bagay na sumasalakay, subalit hindi masabi ng ilang pagsusuri kung ang ibang bagay na sumasalakay ay baktirya ng Lyme disease. Kaya ang maysakit ay maaaring masuri na may Lyme disease samantala, ang totoo, ang kaniyang mga sintomas ay nagmula sa ibang impeksiyon dahil sa baktirya. Kaya ang National Institutes of Health sa Estados Unidos (NIH) ay nagpapayo sa mga manggagamot na isalig ang kanilang pagsusuri kung nakagat na ng garapata ang isa, ang mga sintomas ng maysakit, at ang lubusang pag-aalis ng iba pang sakit na maaaring pagmulan ng mga sintomas na iyon.
Paggamot at Pag-iwas
Kung nasuri sa tamang panahon, ang karamihan ng mga maysakit ay maaaring gamutin nang matagumpay sa pamamagitan ng mga antibayotik. Mientras napasimulan nang mas maaga ang paggamot, mas madali at mas lubusan ang paggaling. Sa loob ng ilang buwan pagkatapos ng gamutan, maaaring mamalagi ang pagkahapo at pangingirot, subalit ang mga sintomas na ito ay mababawasan nang hindi kinakailangan ang mas marami pang gamot na antibayotik. Gayunman, ang NIH ay nagbababala, “ang paglaban sa Lyme disease ay hindi katiyakan na ang sakit ay maiiwasan na sa hinaharap.”
Ang nakaliligalig bang bagay na mangyayari sa hinaharap ay mababago pa? Ipinahayag ng isang news release mula sa Yale University School of Medicine sa Estados Unidos na ang mga mananaliksik ay nakagawa ng isang eksperimentong bakuna na maaaring makahadlang sa Lyme disease. Ang “dobleng aksiyon” na bakuna ay nag-uudyok sa sistema ng imyunidad ng tao upang maglabas ng mga antibody na umaatake at pumapatay sa sumasalakay na baktirya ng Lyme. Gayundin naman, pinapatay rin nito ang baktirya na naninirahan sa mga garapata na kumakagat sa nabakunahang biktima.
“Ang pagsubok sa bakunang ito,” sabi ni Dr. Stephen E. Malawista, isa sa mananaliksik na nakatuklas sa Lyme disease noong 1975, “ay isang malaking pagsulong sa aming pagsisikap na maingatan ang mga tao mula sa malamang na malulubhang kahihinatnan ng Lyme disease.” Ang mga siyentipiko ay umaasa, sabi ng The New York Times, na sa mga lugar kung saan ang pagkatakot sa sakit na siyang nagkulong sa mga tao sa bahay, “ang bakunang ito ay makatutulong upang maibalik muli ang pamamasyal ng tao sa iláng.”
Samantala, makagagawa ka naman ng iyo mismong mga hakbang ng pag-iingat. Ganito ang iminumungkahi ng NIH: Kapag naglalakad sa mga lugar na namumutiktik sa mga garapata, manatili sa gitna ng mga landas. Magsuot ng pantalon, mahabang manggas na damit, at sumbrero. Isuksok ang mga laylayan ng pantalon sa mga medyas, at magsuot ng sapatos na walang bahagi ng paa ang nakalitaw. Ang pagsusuot ng mapusyaw na kulay na damit ay magpapadali na makita ang mga garapata. Ang mga insect repellent na inilagay sa damit at balat ay mabisa, subalit ang mga ito ay maaaring maging sanhi ng malulubhang masamang epekto lalo na sa mga bata. “Ang mga babaing nagdadalang-tao ay dapat na lalong mag-ingat upang iwasan ang mga garapata sa mga lugar na may Lyme disease,” babala ng NIH, “sapagkat ang impeksiyon ay maaaring mailipat sa di pa naisisilang na bata” at mas malamang na malaglag o mailabas nang patay na ang sanggol.
Minsang makapasok na sa loob ng bahay, suriin ang iyong sarili at ang iyong mga anak kung may garapata, lalo na sa mabuhok na mga dako ng katawan. Maingat na gawin ito sapagkat ang maliliit pang garapata ay kasinliit ng tuldok sa dulo ng pangungusap na ito at madali mo itong mapagkamalang dumi lamang. Kung ikaw ay may alagang hayop, suriin ang mga ito bago ipasok sa bahay—ang mga ito ay maaaring magkaroon din ng Lyme disease.
Paano mo maaalis ang garapata? Hindi sa pamamagitan ng iyong mga daliri lamang subalit sa pamamagitan ng tiyaning di-patulis. Dahan-dahan subalit may katatagang bunutin malapit sa ulo ang garapata hanggang sa maalis ito sa pagkakakapit sa balat, subalit huwag pisain ang katawan nito. Pagkatapos ay pahirang mabuti ng antiseptik ang kinagat na lugar. Ang pag-aalis ng garapata sa loob ng 24 na oras, sabi ni Dr. Gary Wormser, isang Amerikanong espesyalista sa nakahahawang sakit, ay maaaring magligtas sa iyo mula sa impeksiyon ng Lyme disease.
Sabihin pa, maging sa mga lugar na napakaraming garapata, ang tsansa na magkaroon ng nakababaldang Lyme disease ay maliit. Subalit, ang paggawa ng simpleng mga hakbang sa pag-iingat ay maaaring magpangyari sa maliit na tsansa na iyan na lalong maging maliit. Ang mga pag-iingat na ito ba’y sulit naman? Tanungin mo ang sinumang pinahirapan na ng Lyme disease.
[Kahon sa pahina 14]
Mga Tanda ng Lyme Disease
Impeksiyon sa Pasimula:
○ Singaw sa balat
○ Pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan
○ Sakit ng ulo
○ Paninigas ng leeg
○ Matinding pagkahapo
○ Lagnat
○ Paralisis sa mukha
○ Meningitis
○ Manaka-nakang pagkirot at pamamaga ng kasu-kasuan
Hindi gaanong pangkaraniwan:
○ Pamumula ng mata
○ Pagkahilo
○ Pangangapos ng hininga
Impeksiyon sa Dakong Huli:
○ Arthritis, paulit-ulit o malala
Hindi gaanong pangkaraniwan:
○ Pagkawala ng memorya
○ Hirap sa pagtutuon ng isip
○ Pagbabago ng kondisyon ng katawan at isip o ng pagtulog
Ang isa o higit pa sa mga sintomas na ito ay maaaring naroroon sa iba’t ibang pagkakataon sa panahon ng impeksiyon.—Lyme Disease—The Facts, the Challenge, inilimbag ng National Institutes of Health.
[Larawan sa pahina 15]
Maaaring maisapanganib ka ng paglalakad sa kakahuyan
[Larawan sa pahina 16]
Isang garapata (pinalaki nang husto)
[Credit Line]
Yale School of Medicine
[Larawan sa pahina 16]
Garapata (aktuwal na laki)